Tapat

4 2 0
                                    

"Sinisante mo pati 'yong tatlong empleyado sa ilalim no'ng tumatanggap ng lagay kahit wala naman silang ginawa o nakuha roon?" tanong mo pagkatapos ng ilang minutong katahimikan. Nakaharap ka na rin sa akin mula sa couch na inuupuan mo 'di kalayuan sa aking table.

Binaba ko ang binabasang dokumento para masagot ka. "Exactly. Sabi mo nga, dahil wala silang ginawa."

"Pero wala nga silang kinalaman doon?" kumunot pa lalo ang noo mo, tila nahihirapang iproseso ang mga binitiwan kong salita.

Ngumiti ako bago ka nilapitan sa mga couch sa loob ng opisina ko. Kinuha ko ang kettle ng tsaa at sinalinan ang tasa mong kanina mo pa ininom ang laman at saka sinalinan din ang isang malinis na tasa para naman sa akin.

"Pero alam nila ang ginagawa ng bisor nila at hindi nila ito sinumbong sa akin. Kung hindi pa maririnig noong bagong empleyado ang usapan nila, hindi ko pa 'yon malalaman." sumimsim ako sa aking tsaa habang tinitignan ka sa harapan ko.

Tumango ka na para bang naiintindihan mo na ang punto ko.

"Ibig mong sabihin, kung nilaglag nila ang bisor nila, hindi mo sila sisisantehin? Hindi ba't sa pananahimik, nagpapakita lang iyon ng kanilang katapatan sa superior nila?"

Bahagya akong natawa. Binaba ko ang tasa ng tsaa sa lamesa bago ka muling binalingan.

"May nilagdaan kang tungkulin, kaya sa tungkulin ka dapat tapat. Hindi sa mga tao sa itaas mo, hindi miski sa akin. Hindi ko kailangan ng katapatan mo at pagiging malinis sa masamang gawain, kung ibig sabihin no'n ay pananahimik kapag mayroon kang nasaksihang mali sa loob ng organisasyong kinabibilangan mo,"

Pinalipas ko ang ilang sandali bago iyon dinugtungan, nakadarama na ng lungkot sa perspektibo ng karamihan sa katapatan.

"Para sa akin, mas masahol ka pa sa gumawa ng masama, kung nanahimik ka lang at umastang walang alam para sa katapatang pinaniniwalaan mo."

'Wag ipagkamali ang katapatan sa pagiging ENABLER. Hold them accountable!
#StopTheKillingsPH

RIGHT IN THE FEELS (a compilation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon