Chapter 5 - Zombeki de Vamparoo

5.8K 171 12
                                    

ZOMBEKI DE VAMPAROO

 

Maingat kaming naglakad ni Manoy papunta sa fire exit at nang makalabas na sa pinto, animo may stampede na kumaripas ng takbo pababa. Gusto kong magduda sa ginawa namin dahil kami lang ang tao sa hagdan. Walang ibang nakaisip na takasan ang kung anoman na 'yon na dahilan kaya nagsisigawan ang mga tao sa fifth floor? Iniisa-isa ng kriminal na 'yon ang mga kapit-unit ko! At base sa mga tunog, parang lahat sila na-tegi na!

Bigla akong napaantanda, habang patuloy na tumatakbo. Tulad kanina, ilaw ng cellphone pa rin ang gamit namin. Noon biglang kumisap-kisap ang mga ilaw. Napatigil ako. Ilang sandaling parang taghukom at naghihintay lang kami ni Manoy ng mangyayari. Ilang sandaling parang disco lights ang ilaw hanggang sa mawala ulit ang liwanag, kasabay ng biglang pagbasag ng boses ni Whitney Houston sa katahimikan ng gabi, to the tune of I'm Every Woman.

Ang talim ng tingin ko kay Manoy na hindi magkandakumahog sa pagpatay ng cellphone niya. Aligaga kami pareho at hinawakan niya ang braso ko.

"Pisti, may maligno, Madame!" deklara ni Manoy. "Walang tumawag o nag-text, pero tumunog ang cellphone ko!"

Hindi na ako nakapag-react, biglang nag-hyper mode ang mga binti kong namimintig na dahil hindi sanay sa exercise. Ni hindi pumasok sa isip ko agad ang sinabi niya at nang sa wakas ma-absorb ng utak ko, tumayo ang lahat ng balahibo ko sa katawan. Nasa pagitan kami ng mga palapag, sa landing.

Maligno. Naniniwala si Manoy sa mga maligno at aswang, naalala ko. Oo nga pala, sa tuwing magkukuwento siya tungkol sa probinsiyang pinagmulan, hindi nawawala ang kuwento ng aswang, maligno, tiyanak, kapre, tikbalang, duwente at engkanto. Sa katunayan, puwede siyang sumulat ng isang buong script ng Shake, Rattle and Roll mula lang sa personal experience.

Parang sasabog na ang dibdib ko at parang bibigay na sa hingal. Nakanganga ako, parang exhaust fan ang buga ng hangin. Hindi ko na kaya, 'teh.

Tunog ng ungol at kabahuang walang kapantay ang nagpatingala sa akin. Doon nanggagaling iyon. Wala akong natanaw na kahit na ano sa sobrang dilim pero kumisap ulit ang ilaw. At hayun, nakasungaw sa barandilya ng hagdan mula sa fifth floor ang zombie-vampire na nakita ko kanina sa parking area.

Automatic na kumilos ang mga binti ko at hayun si Manoy, nauna na sa akin ng isang flight of stairs. Talagang mauuna akong masawi kung may takbuhan sa labanan. Ako ang pain, ako ang alay, ako ang pinakamabagal! Punyetang taba 'to!

Nang nasa landing na ako sa pagitan ng second at third floor, may narinig akong "woosh" na tunog na sinundan ng tunog ng basang bagay na biglang bumagsak sa semento. Parang basang mop na isinampal sa sahig. Alam ko, naaamoy ko, malapit na malapit na sa akin ang zombie na may pangil. Nangilabot na lang ako nang maramdaman sa batok ko ang malagkit at mamasa-masang kamay ng nilalang. Isinalya niya ako sa pader, tumama ang ulo ko doon, nabitiwan ang kutsilyong hawak.

Nanginig ang ugat ko sa ngipin sa sakit. Dumulas ako sa sahig. Si Manoy ang pinagbalingan ng aswang nang sumigaw siya ng paulit-ulit na mga salitang hindi ko naiintindihan. Latin yata 'yon na ewan.

Palapit na ang aswang kay Manoy, bumababa sa hagdan. Ang likod ni Manoy, nakatapat na sa fire exit. Ni hindi ko magawang isigaw sa kanyang iligtas na ang sarili niya dahil alam ng langit, hindi ko kayang mailigtas ang sarili ko at sabihin nang selfish ako pero ayokong mamatay sa ganitong paraan. Isa pa, kung maligno nga talaga ang nilalang na ito, malaki ang chance namin. Pamilyar si Manoy sa mga maligno at aswang! Laking maligno republic itong beki ko.

Diary ng Chubby 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon