Chapter 11 - The First Vampire

4.5K 114 0
                                    

Mothers are all slightly insane.

 

― J.D. Salinger, The Catcher in the Rye

 


 

Chapter 11

 

A long time ago, near the Carpathian Mountains…

Pinagmasdan ni Dorina ang asawang si Lucian. Nasusuklam siya sa lalaki. Sino ang mag-aakalang dahil lamang sa pagnanais niyang mailigtas ang sarili mula sa isang nilalang ng dilim ay mauuwi siya sa ganitong kapalaran? Isang bampira. Isang nilalang ng dilim na hindi halos nahahapo, hindi na makatagpo ng kasiyahan sa mga simpleng bagay na tulad ng noon. Kahit ang kanyang pagkain ay hindi na normal sapagkat wala na siyang makuhang interes sa mga piging ng tao. Buhay na dugo na lamang ang tanging nakatitighaw sa kanyang pagkauhaw at gutom.

Isa na siyang halimaw.

At iyon ay salamat kay Lucian, ang lalaking ginawa siyang asawa upang magluwal ng isang halimaw ding sanggol. Nais pa ni Lucian na ituring ni Dorina ang lahat bilang isang malaking biyaya sapagkat ang mga ordinaryong bampira—na nilikha rin ni Lucian—ay hindi maaaring magkaroon ng anak sa normal na paraan. Ngunit dahil sa hiyas na mula sa draugr, nagkaroon sila ng anak.

Paano magagawa ni Dorina ang magpasalamat para sa isang buhay na hindi niya ninais magkaroon kailanman? Paano niya magagawang mahalin ang halimaw na lumabas mula sa kanyang sinapupunan para sa kasiyahan ni Lucian? Sa katunayan, anumang bagay na maaaring makapagdulot ng kasiyahan sa kanyang asawa ay itinuturing niyang sumpa.

Lahat ng nangyari sa kanya ay itinuring niyang sumpa mula nang dumating sa buhay niya ang draugr, ang nilalang mula sa ilalim ng lupa na nagbabantay ng mga kayamanan. Pinaslang niya iyon at isang hiyas ang kanyang nakuha. Dahil sa hiyas na iyon na ngayon ay nasa pangangalaga ni Lucian, ang buhay ni Dorina ay hindi na maibabalik pa sa dati. Tiniyak ni Lucian na magiging isa rin siyang bampira. Ni hindi ito nag-abalang magtanong nang maisilang niya ang halimaw. Ang halimaw na nabuo dahil sa puwersahang pakikipagniig sa kanya ng isang estrangherong pinakasalan siya at ngayon nga ay kanya nang asawa.

Maraming mga bagay ang inililihim ni Lucian kay Dorina, mga bagay na nais niyang matuklasan sapagkat wala siya halos alam sa asawa. At nais niyang matuklasan ang kahinaan nito, na siyang gagamitin niya sa pagpaslang dito. May isang silid sa kastilyo na tanging ang lalaki lamang ang nakakapasok at nais iyong pasukin ni Dorina, kung hindi lamang sa katotohanang mahigpit ang pagbabantay doon ni Lucian, maging ng mga alagad na binuo nito.

Napakarami nang alagad ni Lucian, mga nilalang na minsan ay tulad din ni Dorina ngunit ngayon ay bampira na rin. Bumubuo ng isang hukbo si Lucian, para daw iyon sa proteksiyon nila.

Proteksiyon? Laban saan? Wala ni isang tao sa mundo na maaaring makapanakit sa kanila nang ganoon na lamang sapagkat ang taglay nilang lakas at hindi katulad ng sa iba. Walang espada o kahit na anong patalim ang maaaring makapaslang agad sa kanila kung hindi iyon tatama sa kanilang puso. Ngunit ayon kay Lucian, kapag nagsama-sama raw ang mga tao at matuklasan ang lihim ng kanilang lipi, malaki ang posibilidad na matulad sila sa mga pinagkaisahan ng mga ito—mga salamangkero na sinusunog nang buhay.

Diary ng Chubby 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon