PROLOGUE

62 2 0
                                    

A RAINY NIGHT. SLEEPLESS. JOURNAL ENTRY

MAG-A-alas diyes na ng gabi pero hindi pa rin makatulog si Felix. Malakas ang buhos ng ulan sa labas. Rinig na rinig mula sa bubong ng kuwarto ang ingay ng mga patak ng ulan. Sinubukan niyang magbasa para magpaantok. Sinimulan niyang basahin ang Oliver Twist ni Charles Dickens kung saan siya huling pahina natapos. Pero hindi niya ma-absorb ang mga salita at letrang binabasa niya. Sinubukan din niyang mahinang bigkasin ang mga pangungusap na nasa pahina pero hindi rin iyon naging epektibo para sa kanya. Napahinga na lang si Felix ng malalim habang inilalagay ulit ang bookmark para markahan ang posisyon niya sa libro.

Napatingin si Felix sa kamang katapat niya. Ka-share kasi niya sa kuwarto ang nakababatang kapatid na si Jervy. Nakatalikod ito ng higa sa kanya at nakatakip ng kumot hanggang sa tagiliran. Pero gising na gising pa ito. Kita sa liwanag ng hawak nitong mobile phone at rinig ang audio kahit naka-turn down ang volume na wiling-wili pa ito sa paglalaro ng Asphalt 9.

Hanggang madaling araw na naman gising itong magaling kong kapatid. Mahihirapan na namang gisingin ito nina Mommy bukas. Naisip na lang ni Felix habang bumabangon sa sariling kama. Sinabihan na rin niya ang kapatid na bawas-bawasan ang paglalaro sa gabi, lalo na pag school night. Pero inangilan lang siya nito at pinagdabugan. Hindi na niya inulit pagsabihan nito. Ipadadaan na lang niya sa Mommy niya ang pagsusumbong pero baka wala din namang mangyari. Lalo pa at kinukunsinti pa ng Daddy niya ang hilig nito sa mga online games. Mas ma-action, mas okay. Para daw lumaking matapang si Jervy. Baka lumaking bayolente, hindi napipigilang isipin ni Felix tuwing maririnig ang litanya na 'yun sa Daddy niya tungkol sa hilig ni Jervy sa online games.

Pinabayaan na lang niya si Jervy sa paglalaro. Titigil din naman ito pag napagod na mga mata.

Tinungo ni Felix ang sarili niyang bedside table. Maingat na binuksan isang drawer gamit ang susi at nilabas niya ang pinakaiingatan niyang leather bound journal na meron pang twine na nakabuhol pamprotekta sa journal. May naka-engraved ding clover leaf sa leather cover at ang initial niyang FdJ sa lower right-hand side. Initial ng kumpleto niyang pangalan na Felix de Jesus.

Maingat niyang tinanggal ang buhol ng twine. Buong ingat din niyang binuklat ang journal. Pinasadahan niya ng tingin ang mga nauna niyang nasulat hanggang makarating siya sa blangkong pahina. Kinuha niya ang paborito niyan gel pen at matapos ang ilang saglit ay sinimulan na niya ang pagsusulat sa journal.

Dear Ida,

I haven't been sleeping much lately. There's a lot of school projects and assignments I need to attend to. Not to mention the tasks I need to accomplish with the school paper I am a part of. I feel so empty most of the time. And I don't have anyone to turn to. Not even my family. If I could only talk to you in person so you could give me the most sound advice. Maybe I'll feel a little better...

Lumakad ang oras nang hindi namamalayan ni Felix. Nagpatuloy lang siya sa pagsusulat. Ang kanyang tanging naririnig ay ang tunog ng pagbagsak ng ulan sa bubong ng kuwarto na siyang nagsilbing background sound niya.

Sulat-KamayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon