"Nasaan si Azenith?" Tanong ng isang matangkad na babae nang puntahan niya si Adonis sa Mansyon nito.
"Relax lang, may pinagawa lang ako. Pabalik na siya dito." Sagot ni Adonis habang kampanteng nakaupo.
"Balita ko nandito daw si Ursula."
"Ah, oo bakit?"
"Huwag mo na siyang pag-aksayahan ng panahon. Ako na ang bahala sa kaniya."
"Easy lang. Wala akong plano sa kaniya. Alam kong gusto mo ang bounty niya, tama ba?"
"Ano ba ang pinagawa mo kay Azenith?"
"May pinahabol ako sa kaniyang tao. Pagbalik niya malamang dala na niya ang tao na 'yun. Makatakas man si Ursula, may mahuhuli ako."
"Siya ba ang kasama ni Ursula?"
"Oo, tinakasan nila ako at naghiwalay."
"Malalagot ka sa'kin oras na may mangyaring masama kay Azenith."
"Wala ka bang tiwala sa kakayahan niya?"
Lumapit ang babae kay Adonis. "Tagilid siya kay Ursula." Kinwelyuhan ito.
"Tatlo silang humabol. Kasama niya si Tiger at Jack. Huwag ka na mag-alala." Tinanggal ni Adonis ang kamay ng babae.
"Muntik na siya kay Greg noon. Ngayon nahahalata na nila ang nangyari, ilalayo ko na dito si Azenith. Baka hindi lang si Ursula ang makaharap niya sa susunod. Itigil mo na ang kahibangan mo. Pabor lang kay Gold Smith ang nangyayari."
"Hindi naman niya makakaharap si Ursula."
"Ang kasama ni Ursula na galing din sa Asya? Pabalikin mo na si Azenith dahil kailangan ko siya. Sa America kami pupunta kasama si Madona. May misyon kami doon. Paaalisin ko na siya dito."
"Sige, ako na ang bahala. Tatawagan ko siya."
Naglakad palalayo ang babae. "Huwag kang papakasiguro sa Mahika mo. Oras na may maglakas loob na tapusin ang buhay mo dahil sa mga pinag-gagagawa mo, wala nang saysay ang pinagpaguran mong lakas. Ginagamit mo sa kalokohan ang natutunan mo kaya hindi malayong may tao bigla ka na lang tapusin. Walang magagawa 'yang Mahika mo basta alam ng makakalaban mo kung paano ka labanan."
"Hindi ka dapat nag-aalala. Walang makakatalo sa'kin dahil walang pangontra sa Ultra Onslaught ko."
"Pasalamat ka dahil mapapahiya si Greg kapag nalaman ng mga tao ang nangyari sa kaniya. Kaya wala siya ngayon. Kapag nagkataon, marami ang tatapos sa buhay mo."
"Ganun nga kaya?"
"Mag-isip ka." Tumigil sa paglalakad ang babae.
"Kapag tinapos nila ang buhay ko, mananatili ang sumpa sa katawan ng mga biktima ko. Kaya malinis ngayon dito sa Warzone dahil lahat ng mga gustong manggulo ay hinaharang na namin ni Azenith. Hindi ako kayang tapusin ni Matt Jones dahil may sumpa si Greg."
"Pero kapag tinapos ang buhay mo ay wala ka nang magagawa pa. Mas mahal mo ang nabiktima mo kesa sa sarili mong buhay. Aanhin mo ang mga tinarantado mo kung mamamatay ka naman. Ngayon hindi mo na maibabalik ang lahat dahil marami ka nang binihag diyan. Kapag nalaman ni Dark ang sikreto dito sa Warzone, lulusob siya dito tandaan mo 'yan. Di bali nang magkaroon ng sumpa si Greg basta mapatay ka lang niya." Binirahan ng alis ng babae.
Nainis ang itsura ni Adonis. "Kapag pati ikaw biniktima ko, akin na ang mga tauhan mo." Sabi ni Adonis nang mawala na ang babae. Kinapa niya ang communicating device sa bulsa niya at tinawagan niya si Azenith. "Hello, Azenith sumagot ka." Pero wala siyang naririnig na boses nito. "Azenith, bumalik ka na. Huwag mo na muna pag-aksayahan ng panahon ang babae na 'yan kung hindi mo pa siya nahuhuli." Pero wala parin siyang narinig. "Ano ba ang nangyari sa'yo?" Wala parin nagsasalita. "Nagpunta dito si Aurora, hinahanap ka."