Hinatid si Dionne ng mga estudyante ng dati niyang guro. "Paalam, Dionne-San." Sabi ng isa sa sampung estudyante na naghatid sa kaniya papuntang paliparan para makauwi sa Pilipinas.
"Babalik ako. Pero hindi ko alam kung kailan." Sabi lang niya at ngumiti.
"Maraming salamat sa mga payo." Humiwalay siya sa grupo ng mga estudyante at kumaway.
Habang nakasakay siya sa eroplano ay nakatingin siya sa maliliit na gusali sa ibaba. Malalim ang iniisip. Lumapag ang eroplano sa Pilipinas. Sinundo siya ng mga tauhan ng ama niya. Sa pagkakataon na ito ay hindi niya ito tinanggihan nang samahan siya ng mga ito na umuwi. Alam niyang mababalitaan ng ama niya ang pagdating niya sa mansyon. Pero nang makauwi siya ay kapatid niya ang dumating.
"Dionne, kamusta ka na?" Sinalubong siya nito ng yakap. Niyakap din niya ito.
"Maayos naman. Nag-asawa ka na ba?" Tanong ni Dionne.
"Bakit mo naman tinatanong? Masyado pa akong bata."
"Matagal na kasi kitang hindi nakikita. Wala akong balita sa'yo. Sa pagkaka-alam mo hindi malayong may asawa ka na ngayon."
"Kailangan ko pa bang ikwento sa'yo ang lahat?"
"Baka busy ka."
"Hindi! Aahh." Nag-isip ang ate niya. "Ano ang plano mo? Dito ka na ba magtatrabaho?"
"Aalis din ako mamaya, ate."
"Ba-bakit? Hindi ka ba titigil dito kahit man lang ilang araw o ilang buwan? Matagal na tayong hindi nagkakasama."
"Marami akong gagawin. Kakausapin ko lang si Dad. Nasaan siya?"
"Andoon siya sa office niya. Medyo busy."
"Ganun ba? Tatawagan ko na lang siya."
Lumakad palalayo si Dionne kaya sinundan siya ng ate niya. "Ano ba ang pinagkakaabalahan mo?"
"Mahalaga ito, Ate. Hindi lang ordinaryong trabaho. Obligasyon ito."
"Hindi ko maintindihan. Una, naging wanted ka? Pangalawa, akala ko mahuhuli ka na. Baka sa pangatlo mamatay ka na sa mga panganib na sinusuong mo?"
"Huwag kang mag-alala, Ate. Alam ko ang ginagawa ko." Pumasok sa kwarto si Dionne at naiwan ang kapatid niya. Umiling lang ito.
Matapos makapagpahinga ni Dionne ay lumabas siya ng kwarto para magpunta sa paborito niyang puntahan nang may naramdaman siyang tao na naglalakad. "Dad?" Nakita niya ang ama niya.
"Kamusta?"
Humarap siya dito. "Gusto kong makausap ka tungkol kay Andrei."
"Bakit?" Nanatili silang nakatayo.
"Tatawagan sana kita. Pero buti dumating ka? Hindi ka ba busy ngayon sa mga obligasyon mo sa mga tao?"
"Sa totoo lang wala akong tigil ngayon kakatrabaho sa kompanya at sa pagkausap sa mga tao ukol sa mga proyekto sa darating na mga taon."
"Ganun ba?"
"Ano ba ang sasabihin mo?"
"Dito tayo." Lumakad si Dionne sa upuan niya na nakaharap sa magandang tanawin at umupo. Nakapamulsa lang ang ama niya habang nakaharap sa kaniya. "Gusto kong tulungan mo si Andrei. Baka hindi siya suportahan ng ibang nakaupo. Kahit alam kong kaya naman niya ito. Kailangan lang na mapadali ang kaso niya tungkol sa droga. At may isa akong hiling."
"Ano iyon?"
"Kailangan mong magdoble ingat. Gusto kong makatiyak sa kaligtasan mo para sa mga tao. Kukunin ko si Steven bilang kanang kamay mo."