"Binibini, ano ba ang plano mo?" Tanong ni Kaled na kasama ngayon ni Dionne. Naglalakad sila at maraming kasamang tao na tauhan sa Palasyo.
"Sumama ka na lang. Alam kong isa ka sa dapat na makinig sa'kin. Pupunta tayo sa lugar na tinirhan natin nung sinakop tayo ni Abdul. Kakausapin ko ang lahat ng tao doon." Sagot ni Dionne. Sumakay silang lahat sa isang magarang sasakyan na dati'y gamit ni Abdul. At ang ilan ay nasa karwahe.
"Bakit ako lang ang sinama mo? 'Yung mga kaibigan mo at si Lolo?"
"Si Lolo, abala siya at alam kong alam niya ang plano ko. At ang mga kaibigan ko naman ay walang gaanong alam sa sasabihin ko."
'Di nagtagal, bumaba sila at nakita ni Kaled na maraming taong nag-aabang sa kanila. Kabilang na si Ginang Aba. Pinamunuan nito ang napakaraming tao. Nabigla si Kaled.
"Ano ba talaga ang sadya natin dito?" Tanong niya uli.
Kumaway ang mga tao kay Dionne at ang iba ay yumakap pa. Lumapit sila kay Ginang Aba.
"Ginang Aba, maraming salamat at pinapunta mo dito ang mga tao." Sabi ni Dionne.
"Alam kong importante ang sasabihin mo." Sagot ni Aba.
"Hindi ako sigurado kung sasang-ayon sila. Pero bukod sa mga tao, maaari po ba na ipaalam niyo din sa iba ang maririnig niyo?"
"Makakaasa ka. Gusto ko nang marinig ang sasabihin mo?"
Tumingin si Dionne nang napakalungkot sa mga kababaihan. Pagtapos ay ngumiti. Pumalibot sa kaniya ang mga tao. "Magandang araw sa inyo." Unang salita niya at ngumiti sa mga tao. "Alam kong kahit kaya ko kayong pangunahan sa plano ko dahil tinuturing niyo akong taga-pagligtas, alam kong hindi lahat sa inyo ay sasang-ayon." Sapat ang lakas ng boses niya para marinig ng mga taong nakapalibot sa kaniya. "Gusto ko sanang humingi ng kooperasyon niyo. May mga tao talagang gagamitin ng Diyos para makatulong sa mga taong nangangailangan. At may mga tao naman na kailangang parusahan dahil walang kapatawaran ang kasalanan nito. Gusto ko sanang humingi ng suporta niyo para sa bansa natin kung sakali." Nagbulungan ang mga tao.
Nagsalita ang isa. "Kahit anong hilingin mo, Binibini ay pagbibigyan namin, alang ala sa ating bansa."
Ngumiti si Dionne ngunit walang katiyakan sa itsura niya. Lumunok siya bago magsalita uli. "Ang hinihiling niyong pagbitay kay Judah ay hindi ko pinapangakong matutupad."
Muling nagbulungan ang mga tao. "Bakit, Binibini?" Tanong ng isa.
"May malaking dahilan. Hindi pa naiibalik ang ala-ala niya kaya hindi pa kami sigurado kung totoo ang hinala namin. May ilang bagay kayong dapat malaman. Unang una ay may dalawa akong batang kinuha galing sa Mexico. Sila ay mga pulube na aksidente kong natagpuan at ang tanging pakay ko ay tulungan sila. Pero ang hindi ko inaasahan ay galing pala sila sa bansang Kyra kung saan inaalipin ang lahi nila." Nalungkot ang ilang nakarinig. "Pangalawa, si Judah ay mahusay sa teknolohiya. Makakatulong siya sa bansa natin sa darating na hinaharap. Kung hihingi siya ng buong pusong kapatawaran na may senseridad, sana mapatawad niyo siya. Dahil hinihinala namin na ang dalawang bata na kinuha ko ay kalahi niya." Nag-ingay ang mga tao. Nahati ang iba. Gusto ng iba pero ayaw naman ng iba. Nagpatuloy si Dionne. "Kapag tama ang hinala ko at nagsisi siya sa lahat ng kasalanan niya.. gusto kong humingi ng tulong sa kaniya dahil kung tama ang hinala namin ay siya ang magiging daan para makapunta kami ng Kyra. Kung sakali naman na bumalik ang ala-ala niya at naramdaman kong wala siyang sensiridad sa mga sinasabi niya ay ako na ang bahalang tumupad sa hiling niyo. Ito ay sinasabi ko upang ihanda niyo ang sarili niyo sa mga mangyayari."
May isang babae ang sumigaw. "Binibini! Hindi ko mapapatawad ang nagawa sa'kin ni Judah, pinanganak ko ang anak ko na siya ang ama. Pinatay niya ang asawa ko. Gusto ko siyang mawala na sa mundo!" Umiyak ito pagkatapos magsalita. Naawa si Dionne sa babae.