Nakatingin ang ilan kay Judah habang naglalakad siya. Ang ilan ay tumitingin ng masama, ang ilan ay kaswal lang at ang ilan nama'y nagagalak. Kasama niya si Andrei at malayo sila sa mga tao.
"Ano ba ang plano mo? Kakausapin mo ba sila?" Tanong ni Andrei.
"Hindi na. Ayos na siguro ang ganito." Sagot ni Judah.
"Matanong kita." Tumingin saglit si Judah kay Andrei at tinuloy lang ang paglalakad. "Gusto ko lang malaman sa'yo kung bakit noong hindi pa bumabalik ang ala-ala mo'y sinabi mong ang Binibini o si Dionne lang ang gusto mong sundin?" Hindi agad sumagot si Judah. Ngunit sa itsura niya ay tipong hindi naghahanap ng sagot. Nagsalita uli si Andrei. "Hindi na importante sana. Ayos lang naman na hindi mo sagutin pero na-intriga kasi ako. Inisip kong ganun ang ugali mo sa nakaraan. Na tipong, walang gustong kausapin kundi ang taong pinagkakatiwalaan mo lang."
"Naalala ko na." Mabilis na sagot ni Judah. Tumigil siya sa paglalakad kaya ganun din si Andrei. Tumingin lang si Andrei sa kaniya. "Nang mga panahon na wala akong makapitan, tanging ang ama ko lang ang nakapalagayan ko ng loob. Sabihin na nating mapanghusga akong tao noon. Pero hindi ako basta basta nagtitiwala sa tao hanggang sa nakakilala ako ng mga uri ng tao na talagang mababait. Masyadong masasama ang mga taong kinalakhan ko sa Milwaukee."
"Masasama ba ang mga tao doon?"
"Hindi. Nagkaroon lang ako ng takot dahil iba ang pagtingin nila sa mga maiitim na tao."
"African American? Ano ba ang lahi mo?"
"Isa akong mababang uri ng Amerikano. Brown American kung tawagin."
"Oo nga. Para kang kakulay lang namin." Nakatingin si Andrei sa mga balat ni Judah na maskulado kung ikukumpara sa kaniya. Pitong talampakan ito at mahaba ang kulot na buhok. Masasabing isa talagang mabangis na tao si Judah.
"Ang lahi ko ang kinikilalang pinakamababang uri ng mga Amerikano. Tinutukso ako noon na isa lamang alipin. Hindi kasi mayaman ang pamilya ko noon. At ang mga Pilipino na nagtatrabaho doon ay hindi nila tinuturing na kapantay nila."
"Mga Pilipino?"
"Oo, sila ang mga taong mababait na nakilala ko. Puno ng katanungan ang kaisipan ko na bakit kahit may sarili kaming tinitirhan sa bansa namin ay hindi kami tinuturing na kapantay ng mga lahi namin."
"Hindi ko maintindihan, paano mo nasasabi 'yan? Ayon sa pagkakakilala ko sa inyong mga Amerikano, mababait naman kayo at lahat naman ng tao nahahaluan talaga ng masasama. Aminado ako doon dahil miski sa lahi namin ay meron din naman."
"Mararamdaman mo sa puso mo 'yan."
Tumingin ng seryoso si Andrei kay Judah. "Naiintindihan ko na." Naalala ni Andrei ang pinaka-ugali ni Dionne. "Sa tingin mo, masamang tao ba si Dionne?"
"Mas higit pa sa mabuting tao ang Binibini."
"Paano mo nasabi?"
"Nakita ko ang tingin niyang mas masama pa sa taong masama nang makaharap ko siya. Pero binaliwala ko dahil sa baba ng pagtingin ko sa kaniya noon. At nang mabilanggo ako, nakita ko kung paano niya ako trinato na kapantay lang ng lahat. Naramdaman ko 'yun. At nakita ko sa mga mata niya ang kabaitan. Mas mabuti pa siya sa mabuti. Ganiyan ko siya ilalarawan."
"Kaya pala, alam mo ang pakiramdam kung pantay kang ituring dahil nakita mo ang masamang parte ng ugali ni Dionne. Sa makatuwid, alam mo kung peke ang pinapakita sa'yo ng tao base sa karanasan mo o pakiramdam mo. Naiintindihan kitang nararamdaman mo ang ugali ng bawat tao. At ngayon, naiintindihan ko na kung bakit hindi ka nagtiwala sa'kin noong hindi pa bumabalik ang ala-ala mo."
"Dahil kahit ako ay ganun din."
"Nakuha mo at naiintindihan ko kung bakit naisip mong hindi pantay ang tingin ng kapwa mo sa inyo at sa iba. Ito ay dahil sa katayuan sa buhay. Mapanghusga din akong tao at kahit gaano kaganda ang pananalita ng isang tao ay hindi ko pagkakatiwalaan kung alam ko ang pinanggalingan niya o trabaho. Sa kaso nating dalawa ay apektado ka pa ng nakaraan mo kahit hindi pa bumabalik ang ala-ala mo ng mga oras na iyon. Naiintindihan ko na. Iba nga ang tingin ng mga puti sa kayumanggi kahit pakitaan nila ito ng kabaitan ay mararamdaman mo parin sa puso mo na mas may respeto sila sa kapwa nila puti."