Ika-dalawampu't siyam na Kabanata

51 3 3
                                    

Sabay-sabay kaming naghapunan ng gabing 'yon. Pareho kaming hindi makakain ni Vicente dahil katapat namin sa dining table ang mag-jowa, todo asikaso kasi si Jem sa buntis.


Hindi naman nakaligtas sa'kin ang mga palihim na sulyap ni Alexis kay Vicente. Para ba siyang imbestigador na humahanap ng mali sa pinaghihinalaang tao. Habang si Tita Alicia naman ay mukhang nakuha na ni Vicente ang loob dahil puring-puri ang loko, na kesyo ang ganda daw ng mata kahit ang kulay ng balat ay pilipinong-pilipino, mabait at sobrang galang pa.



"Sa'n mo ba napulot ang Vicente na 'yan? Bakit kasama n'yo dito?" tanong ng naka-upong si Alexis pagkapasok ko ng kwarto. Galing ako sa baba dahil nado'n ang spare comfort room, mayroon naman dito sa taas kaya lang nasa loob ng kwarto ni Tita.



Sa tinutuluyang kwarto ako ni Alex matutulog for three days. Tumawag kasi si Mama kanina, hindi daw ako pwedeng magtagal dahil may lakad silang mga teachers sa twenty-three at may pasok si Tatay kaya walang kasama si Era sa bahay. Kailangan ding maka-uwi agad ni Vicente dahil wala ring kasama si Ka Lucing, baka mamaya may manloob na naman sa bahay niya.



"Kapit-bahay ko," sagot ko bago tinanggal at sinabit ang twalyang nakapulupot sa basa kong buhok, "Pahiram blower."



Katabi lang ng vanity table ang kama kaya madaling nakuha ni Alex ang blower sa isa sa mga drawers nito, "Eh bakit kasama n'yo dito?"



Noong hindi pa nawawala ang ala-ala nila, nabanggit ko kay Alexis ang tungkol sa katauhan ni Vicente. Kung tama ang pagkaka-alala ko ay sinabi ko rin sa kanyang si Jose Rizal ang tatay nito. At syempre, sino namang matinong tao ang maniniwala sa'kin kung alam ng lahat na nakunan si Josephine Bracken noon? At paanong nangyaring buhay pa si Vicente ngayon kung sakali!



Paano nga rin ba 'ko naniwala? Dahil sa sinabi ni Ka Lucing? O dahil sa mga sandaling oras na tila ba bumabalik ako sa nakaraan?



Ilang beses pang naulit 'yong mga pagkakataong parang bigla akong hinihila pabalik sa lumang Santa Nordes. Baliw na nga yata ako dahil sa kakaunting araw na nangyari sa'kin 'yon, feeling ko normal na lang siya. Naba-bother na nga rin ako, baka may problema na 'ko sa utak at kung ano-anong hallucinations ang nakikita ko.



Pero hindi kagaya noong mga nauna, na sigurado akong sa Nordes lang ako napupunta, sa ibang lugar ako dinala kahapon



May isang malaking bahay na bato ang napalilibutan ng madaming puno at halaman ang napuntahan ko kahapon. May walking pathway naman akong nakita na feeling ko dederetso hanggang sa mismong kalsada.



Hindi rin kagaya noon na palagi kong nakikita si Vicente sa paligid, mga hindi pamilyar na tao lang ang nakita ko. Mukhang may party dahil may nadidinig akong classical music na tumutunog, maliwanag din at parang may mga kuliglig sa loob ng bahay dahil sa pag-uusap ng mga tao. May mga kalesa na may sakay na kutsero ring nakaparada sa paligid.

Tadhana Nga Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon