Letter #11 - My CEO, My Queen

471 39 7
                                    

Dearest Baby Girl,

Hindi na ako makapaghintay na tapusin muna ang pagbabasa sa mga liham mo bago simulan ang aking paghahanap sa munti nating anghel. Pinasuyod ko agad sa aking imbestigador ang lahat ng bahay-ampunan sa buong Maynila lalung-lalo na doon sa malapit sa inyo. Makaraan ang isang araw lamang ay may naibalita na siyang maganda. May nag-match sa paglalarawan ko sa iyo na nagpaampon sa kanyang anak noong dekada otsenta sa isang orphanage malapit sa Tondo, Manila. Na-excite ako agad. Pinuntahan ko iyon nang sumunod na araw ngunit sa kasamaang palad ay napag-alaman namin ng imbestigador na patay na raw ang madre na maaring makapagsabi kung kanino pinamigay ang bata. Daig ko pa ang namatayan nang araw na iyon. Pakiramdam ko naglaho ang aking pag-asa na masilayan siya agad-agad.

I knew you would tell me, "There you go again, Big Daddy. You easily give up!" Napatingala ako sa langit nang tila narinig ko ang iyong tinig. Oo nga naman. Nasa mga kamay ko na ang susi para makita ko ang ating si Tanglaw. Ngayon pa ba ako susuko? Marahil kailangan kong balikan ang iba mo pang liham. Hindi nga naman dapat minamadali ang bagay na ito ngunit masisisi mo ba ako? Sadyang sabik na sabik na ang Big Daddy mong masilayan ang dugo ng iyong dugo at laman ng iyong laman. Ganyan ka kahalaga pa rin sa akin, Baby Girl.

Tumulo na naman ang mga luha ko nang mabasa ko ang labis na pag-uusig ng iyong konsensya sa iyo matapos mong maipamigay ang ating anak. Kung napag-alaman ko lamang ito noon, hinding-hindi mo ito dadanasin, mahal ko. If it's any consolation, alam mo bang hanggang ngayon ay inuusig pa rin ako ng aking budhi? Sinisisi ko pa rin ang aking sarili kung bakit hindi kita hinanap nang hinanap. Dapat ay hindi ako sumuko. Dapat kahit na ilang beses mo akong ni-reject noon, hindi dapat ako nawalan ng pag-asa. Kung bakit ang bilis kong magtampo. Hindi ko man lang inisip ang iyong sitwasyon.

To be honest, nang mabasa ko sa iyong liham pang-dalawampu't tatlo na kinamumuhian mo ako, hindi ako nagalit o nagtampo man lang, baby girl. Naiintindihan ko kung saan galing ang pagdaramdam mo sa akin. Hindi ako naging karapat-dapat sa iyong pagmamahal. Minahal nga kita nang sobra ngunit nang iyong biguin sa alok na pagtatanan ay sumuko naman agad. Mas nakinig ako sa dikta ng aking pride. Dapat pala'y nagpakumbaba ako.

Nang sinabi mo kung ano ang napasukan mong trabaho matapos mong ipamigay ang bata, I cried again. Naalala ko kasi noong college na pangarap mong maging CEO ng isang kompanya. Natatandaan ko pa ang mga roleplays natin noon sa Sunken Garden. Ikaw, bilang CEO ng isang malaking negosyo at ako'y iyong karibal sa industriya. Nagpapatagisan pa tayo ng convincing prowess natin noon sa pagsilo ng potential investors. At lagi, talo ako. Kaya nang mabasa kong nagtrabaho ka sa isang factory bilang isang ordinaryong manggagawa lamang, parang piniga ang puso ko. Nakikini-kinita ko kung gaano kasakit iyon sa pride mo bilang isang Iskolar ng Bayan. Hindi sa minamata ko ang ganoong trabaho, alam kong mas may karapatan ka sana para sa mas higit na mataas na posisyon. If you were only here, baby girl, I would make you my CEO. I think you would be one of the best CEOs in the world!

Hindi ko alam kung nakarating sa iyo ang balita na pinangalan ko sa iyo ang chain of resorts ko. Mayroon din akong five-star hotel na hango rin sa pangalan mo. Queen Isadora Maria. Mayroon din akong bilin sa mga staff doon na kung sakaling bumisita ka sa isa sa mga iyon, tratuhin kang parang reyna. Hinabilin ko ring ipagbigay-alam agad nila sa akin ang pagbisita mo kung sakali man ngunit lumipas lang ang mahigit dalawang dekada, ni wala akong narinig na napadpad ka sa mga prestihiyosong lugar na inalay ko para sa iyo. Ganunpaman, sana kung iyong nasilayan ang mga ito bago ka sumunod sa puting liwanag, kahit sa ganitong bagay lamang ay naipadama ko sa iyo kung gaano kita hinangaan, minahal, at nilagay sa pedestal. Ganyan ka noon sa akin, baby girl. Tinuring kitang reyna. Maging ngayon kahit wala ka na'y reyna pa rin ang tingin ko sa iyo. Reyna ng buhay ko. Probably, you will remain the queen of my heart until forever and beyond.

Saan ka man naroroon ngayon, sana napatawad mo na ako. Paulit-ulit akong hihingi sa iyo ng kapatawaran---my CEO, my Queen. I still love you.

Your Big Daddy forever,

Greg

DEAREST BABY GIRL [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon