CHAPTER 21

1K 50 1
                                    

CHAPTER 21

AI HUANG GUI FEI

"Ilang oras niya kong pinaluhod at pinahiya, Huang Shang." Umiiyak na kwento ni Batkhaan Chang Zai habang nakikinig naman sa tabi niya ang emperor.

"Anong sabi ng mga doktor?" Tanong ng emperor.

"Huang Shang, kailangan lang daw niyang gamutin at ipahinga ang mga tuhod niya para mawala na ang pamamaga." Sagot ko.

"Huang Shang, tulungan mo ko. Pinapahirapan ako ni Zhen Gui Ren." Sabi nito at kumapit sa braso ng emperor.

Ngumiti naman sa kaniya ang emperor.

"Sige. Pagsasabihan ko siya."

"Talaga, Huang Shang?" Masaya niyang tugon.

"Oo naman." Sagot ng emperor at marahang tinanggal ang pagkakakapit sa kaniya ni Batkhaan Chang Zai.

"Mauuna na ko." Sabi ng emperor at tumayo.

"Ihahatid ko na kayo sa labas." Nakangiti kong tugon.

Tumango na lang siya at naunang lumabas sa'kin.

"Mabuti ang pinakita mo." Sabi ko kay Batkhaan Chang Zai.

"Sana may nagawa ang pag-iyak ko, Niangniang."

Napangisi ako. "Sana nga."

Sinundan ko naman ang emperor sa labas at nakitang paalis na siya.

"Huang Shang." Tawag ko sa kaniya.

Huminto siya at lumingon sa akin. Ngumiti naman ako at nagmadaling lumapit sa kaniya.

"May kailangan ka pa ba?" Tanong niya.

"Alam kong malungkot ka rin dahil sa pagkawala ng anak niyo ni Zhen Gui Ren, ngunit nagdadalang-tao rin ngayon si Qiu Fei Niangniang. Sana bisitahin niyo siya ng madalas."

"Huang Gui Fei." Seryoso niyang tugon. "Gaya nga ng sinabi mo, malungkot ngayon si Zhen Gui Ren. Maaaring naibuton niya lang kay Batkhaan Chang Zai ang nararamdaman niya. Hindi niyo kailangang dibdibin ang nangyari."

"Ah... S-Syempre naman, Huang Shang." Tugon ko habang pinipilit na ngumiti.

"Sa totoo lang, hindi niyo na kailangan pang sabihin sa'kin ang nangyari. Para saan pa at binigay ko ang posisyon mo na pamahalaan ang harem?"

"G-Gusto ko lang naman na malaman mo ang nangyayari sa harem."

"Ako ang emperor at marami akong problema, hindi mo na kailangan pang dagdagan. Ang tungkulin niyo bilang mga asawa ko ay bawasan ang problema ko, hindi ang dagdagan."

"P-Patawad, Huang Shang."

"Baka naman hindi mo na kayang pamahalaan ang harem? Ibibigay ko na lang kay Amar Pin ang trabaho mo."

Agad akong lumuhod.

"H-Huang Shang, hindi na ito mauulit."

"Dati, kilala kang matapang. Bakit ngayong inaalis ko sa'yo ang posisyon mo ay hindi ka makapagsalita?" Tugon niya at umalis kasama ang mga tagapaglingkod niya.

Lumapit naman sa akin si Duan Mei at tinulungan akong tumayo.

"Niangniang!" Bigla niyang tugon nang muntik na kong matumba.

Pakiramdam ko ay nanghina ako dahil sa mga banta ng emperor sa'kin.

"Niangniang, huminahon po kayo." Pagpapakalma niya sa'kin.

"Wala na sa kaniya ang pabor ng emperor, pero bakit siya pa rin ang kinakampihan ng emperor?" Nanginginig kong tugon.

Bwisit talaga! Lagi na lang siya!

"Mukhang kailangan ko nang gumawa ng paraan para sa sarili ko."

---

ZHEN GUI REN

"Jiejie." Bati sa akin ni Wei Meimei at tumungo.

"Umupo ka." Nakangiti kong tugon sa kaniya.

"Salamat, Jiejie."

Tumayo naman siya at naupo sa tabi ko.

"Bakit ka nagawi sa palasyo ko?" Tanong ko sa kaniya.

"Hindi kasi ako mapakali." Sagot niya.

"Saan?"

"Sa ginawa mong pagpaparusa kay Batkhaan Chang Zai. Nagaalala ako para sa'yo. Paano na lang kung gantihan ka niya?"

"Edi gaganti din ako?" Patanong kong sagot. "Madali lang diba?"

"Bakit mo naman kasi naisip na gawin 'yon?"

"Para magsilbing babala sa iba." Nakangiti kong sagot.

"Babala?" Muli niyang tanong.

"Sa kung sino man ang may pakana ng nangyari sa'kin, alam niyang may kalalagyan siya kapag nakilala ko siya."

"Pero diba ang empress ang..." Sandali siyang natigilan. "Ibig sabihin, hindi ang empress ang may pakana ng nangyari?"

"Kahit na sabihin na nating ang lahat ng ebidensya ay nakaturo sa kaniya, may pakiramdam akong hindi siya ang may kasalanan." Sagot ko.

Sa pagkakataong 'to, may tiwala ako kay Baturu Da Ying o kay Roxanne na kapatid ko. Kahit na iba na ang landas na tinatahak namin, kailangan kong maniwala sa kaniya.

"May naiisip ka na ba kung sino?" Tanong niya sa'kin.

"Sa ngayon, wala pa."

Napatingin naman kami nang pumasok si Xing-Su Gonggong at lumuhod.

"Bakit?" Tanong ko.

"May gusto pong makita kayo." Sagot niya.

Sino naman 'yon?

"Papasukin mo siya."

"Opo."

Nagtungo naman siya sa pintuan at pinapasok ang taong naghahanap.

"Shen Jin?!" Gulat kong tugon nang makita ang isa sa kambal kong nakababatang kapatid.

Alam kong siya si Shen Jin dahil may nunal siya sa ilalim ng kaliwang mata.

"Pagbati, Zhen Gui Ren." Sabi niya at lumuhod.

Agad akong tumayo at inalalayan siya.

"Anong ginagawa mo dito?!" Masaya kong tanong.

"Narito ako para maging isang imperial guard." Sagot niya.

"Imperial guard?" Takang tanong ko.

"Nag-usap kami ni Shen Jing." Tugon niya. "Pumayag ako na ako ang maging imperial guard sa aming dalawa, kahit na gusto ko ring maging ministro tulad ni ama."

"Bakit mo ginawa 'yon?"

"Para suportahan kayo ni Ru Gege. Isa na siyang jinzhou ngayon at isa kang Gui Ren, kailangan may sumuporta sa inyo dito sa loob ng palasyo. Si Shen Jing naman ang tutulong sa ating ama sa labas at magiging ministro." Paliwanag niya.

"Nagsakripisyo ka para sa'min?"

"Hindi na mahalaga kung ano ang gusto ko. Ang mahalaga ay masiguro nating lahat na ligtas tayo at sinusuportahan natin ang isa't-isa."

"Maraming salamat, Shen Jin." Taos-puso kong pagpapasalamat.

Nagawi naman ang tingin ko kay Wei Meimei. Nakalimutan kong narito pa nga pala siya dahil masyado akong nadala kay Shen Jin.

"Shen Jin, si Wei Chang Zai nga pala." Pagpapakilala ko sa kaibigan ko.

"Pagbati, Wei Chang Zai." Bati sa kaniya ng kapatid ko at yumuko.

"P-Pagbati rin." Sagot naman ni Wei Meimei at tumungo.

"Ngayong narito kayong dalawa, magmerienda tayo."

Hinanda naman nila ang lamesa at naglagay ng iba't-ibang klase ng pagkain. Naupo naman ako sa gitna nila at nagsimula na kaming kumain.

"Jiejie, ikinalulungkot ang nangyari sa'yo." Biglang sambit ni Shen Jin.

"Salamat." Sagot ko at ngumiti.

"Alam kong nahirapan ka sa nangyari, at nahihirapan ka rin ngayon dahil hindi mabuti ang relasyon niyo ng emperor."

"Ayos lang ako. Kasama ko naman si Wei Meimei." Sagot ko kay Shen Jin at ngumiti kay Wei Meimei.

"Wei Chang Zai?" Tanong sa kaniya ng kapatid ko.

Nakangiti namang tumango sa kaniya si Wei Meimei.

"Nagagalak akong makakita ng isang magandang binibini." Biglang tugon ni Shen Jin.

"S-Salamat, Lord Shen Jin." Nauutal at namumula namang sagot ni Wei Meimei.

Pasimple ko namang siniko ang kapatid ko.

"Aray..." Mahina niyang daing. "Ano bang problema mo, Jiejie?"

"Ano bang sinasabi mo?" Mahina kong tugon sa kaniya.

"Nagsasabi lang naman ako ng totoo, Jiejie. Maganda naman talaga si Wei Chang Zai." Bulong niya.

"Alam kong maganda siya, pero hindi mo dapat sabihin sa kaniya 'yan." Bulong ko rin. "Babae siya ng emperor. Anong sasabihin ng iba kung marinig ka nila?"

"Sheng Jiejie." Tawag sa akin ni Wei Meimei. "May problema ba?"

"Wala naman. Pinagsasabihan ko lang 'tong baliw kong kapatid." Sagot ko.

"Paano nga pala kayo naging malapit ng kapatid ko? Mabait ka kasi tapos siya..." Tugon ni Shen Jin.

Sinamaan ko naman siya ng tingin.

"Sa una, nanghingi lang ako ng tulong sa kaniya." Masaya niyang sagot. "Pero hindi niya ko tinuring bilang tagasunod lang, tinuring niya ko bilang kaibigan. Kaya nangako ako sa sarili ko na hinding-hindi ko siya tatalikuran."

"Mabait ka rin pala e." Pang-aasar sa'kin ni Shen Jin.

"Gusto mo bang parusahan kita?" Banta ko sa kaniya.

"Hindi mo magagawa sa gwapong kapatid mo 'yan." Sagot niya.

Malakas ko namang pinisil ang pisngi niya.

"A-Aray, Jiejie!" Daing niya. "Patawarin mo na ko!"

Binitawan ko naman ang pisngi niya at inirapan siya.

"Sakit..." Reklamo niya habang hinihimas ang namumula niyang pisngi.

"Parusa mo 'yan."

Hindi naman mapigilan ni Wei Meimei sa amin.

"Isipin mo na ngayon kung dapat mo pa rin maging kaibigan si Sheng Jiejie." Sabi ni Shen Jin. "Ang sama ng ugali niya. Ang kaya ng ginawa niya."

"Ako pa ang masama? Ikaw nga ang nang-aasar." Tugon ko. "Kumain ka na nga lang. Gutom ka yata."

"Wei Chang Zai." Tawag niya dito at tinura ang isang pagkain. "Tikman mo 'yan. Paborito ko 'yan kaya masarap 'yan."

"Sige..." Sagot ni Wei Meimei at tumikim ng sinasabing pagkain ni Shen Jin. "Woah. Masarap nga."

"Kainin mo 'yan lagi. Hindi lang 'yan masarap, masustansya din 'yan."

Nakangiting tumango naman si Wei Meimei kaya mas lalong napangiti si Shen Jin.

"Kumain na kayo. Huwag na kayong magsalita." Pagpapahinto ko sa kanila. "Sabi nga nila, bawasan ang pagsasalita kapag kumakain."

Hindi ko naman maiwasang mapatingin sa kanilang dalawa habang kumakain. May parte sa'kin na kinakabahan at hinihiniling na sana mali ang hinala ko. Wala akong nakikitang problema kung gusto ni Shen Jin si Wei Meimei, pero kapag si Wei Meimei naman ang...

Napa-iling na alang ako sa iniisip ko. Siguro hindi ko naman kailangang kabahan. Alam ko namang matalino si Wei Meimei kaya di ako dapat mag-alala.

---

"Ibaba niyo na." Utos ni Xue sa mga tagabuhat ng sedan chair ko.

Inalalayan niya naman akong tumayo at maglakad sa harap ng palasyo ni Long Jin.

Alam kong may sama siya ng loob sa akin dahil hindi ako pumunta sa koronasyon niya, ngunit hindi pa ko handa noon.

Kailangan kong bumawi sa kaniya.

"Pagbati, Zhen Gui Ren." Pagsalubong sa akin ni Xiao-Cong.

"Kamusta si Long Jin?" Tanong ko.

"Nag-aaral po siyang mag-isa, Lady Zhen."

"Papasok na ko. Huwag mo na lang sabihin."

"Opo." Tumayo na siya at tumabi sa dadaanan ko.

Tahimik naman akong pumasok sa palasyo at dumiretso sa silid niya. Nakita ko siyang maingat na sinusulat ang isang libro.

"Long'er." Pagtawag ko sa kaniya.

[er is an endearment, meaning "son" or "little".]

Natigilan siya sa ginagawa at napalingon sa akin.

"Kamusta ka na?" Nakangiti kong tanong.

Agad niyang binitawan ang mga gamit niya at niyakap ako ng mahigpit.

"Ina..." Umiiyak niyang tugon.

"Ilabas mo lang. Huwag kang matatakot umiyak." Sabi ko habang hinahagod ang likod niya.

"Ina, lahat sila sinasabi na wala kang puso. *sob* Sinasabi nila na hindi mo talaga ako mahal kaya kinaya mong hindi pumunta sa seremonya ko."

"Naniniwala ka ba sa kanila?" Tanong ko.

Tumingala siya sa'kin at umiling.

"Alam kong mahal ako ni ina."

Hinawakan ko naman ang magkabila niyang balikat at binaluktot ang mga tuhod ko para pumantay sa kaniya.

"Mahal ka ni ina. Huwag mong pagdududahan 'yon." Tugon ko habang pinupunasan ang mga luha niya.

"Naiintindihan ko po kayo, ina. Alam ko po kung bakit hindi kayo pumunta, pero aminado po ako na nagtatampo rin ako sa inyo."

Sa pagkakataong 'to, ako naman ang yumakap sa kaniya.

Sa mga panahong nagluluksa ako, nakalimutan kong may iba pa kong anak. Napabayaan ko siya at hinayaan ko ang sarili kong kainin ng lungkot.

"Long'er, babawi ako sa'yo. Pangako."

"Hindi na po kailangan. Ang mahalaga po ay maayos na kayo ngayon." Sagot niya.

"Long'er..."

Humiwalay na ko sa pagkakayakap sa kaniya at hinaplos ang pisngi niya.

"Masaya akong lumaki kang matalinong bata." Nakangiti kong tugon.

"Dahil nasa tabi ko po kayo para alagaan ako."

"Sa nangyari, alam kong hindi na magiging madali ang lahat para sa atin. Kailangan maging malakas ka."

"Opo."

"Ang gusto ko lang ay lumaki ka ng maayos at malusog."

"Ang gusto ko lang po ay ang maging masaya kayo."

Tumango naman ako sa sinabi niya.

"Ano bang ginagawa mo ngayon?" Tanong ko.

"Nag-aaral po ng elementaryang kaalaman." Sagot niya.

"Long'er, walang masamang mag-aral ka ng mga bagay na gusto mo. Gusto ko lang ipaalala na bata ka pa rin, pwede kang maglaro kung kailan mo gusto."

"Tatandaan ko po."

"May sasabihin pa ko sa'yo."

"Ano po?"

"Si Lord Shen Jin, isang imperial guard at kapatid ko. Tuturuan ka niya ng mga aralin kapag may libre siyang oras." Balita ko sa kaniya.

"Imperial guard? Tuturuan niya po ba ako tungkol sa mga digmaan?"

"Hindi lang 'yon ang maaari niyang ituro sa'yo. May alam din siya sa pamamahala dahil gusto niyang maging ministro noon. Alam kong 'yon ang gusto mong matutunan at hindi ang tungkol sa mga laban." Sagot ko sa kaniya.

"Masaya po akong tuturuan niya." Masaya niyang tugon.

"Salamat naman at ngumiti ka na rin." Sabi ko. "Babawi talaga ako sa'yo. Gagawa ako ng paraan."

"May maitutulong po ba ako?" Tanong niya.

Umiling ako. "Kung may plano man ako, ayaw kitang idamay. Anak, bata ka pa. Hindi ka pa dapat namumulat sa ganitong mundo at dapat ay pinoprotektahan kita."

"Naiintindihan ko po." Sagot niya. "Mag-aaral po ako ng mabuti at mag-iingat para po gumaan ang pakiramdam niyo."

---

THIRD PERSON

"Itigil mo ang pag-ikot mo. Nahihilo ako sa'yo." Naiiritang sambit ni Wen Chang Zai kay Li Gui Ren.

"Nag-iisip ako." Sagot niya at muling nagpaikot-ikot.

"Paanong hindi siya mababahala? Nakita niya kung gaano katapang si Zhen Gui Ren." Nakangising tugon ni Fan Gui Ren.

"Manahimik ka!" Sigaw sa kaniya nito. "Bakit ba nagsasalita ka kung kailan hindi ka kailangan?!"

"Matagal na ang nangyari. Wala na silang makukuhang ebidensya." Sabi naman ni Wen Chang Zai. "Ang kailangan mo lang gawin ay manatiling kaibigan sa tabi niya para hindi ka niya paghinalaan."

"Bakit ako lang?! Kasama ko rin kayo!"

"Kami?" Tanong ni Fan Gui Ren. "Sa natatandaan ko, ikaw lang mag-isa ang nagsagawa ng plano. Kung may ituturo man ang mga ebidensya, ikaw 'yon."

"Umalis ka dito! Wala ka namang sinasabing maganda!" Pagpalalayas sa kaniya ni Li Gui Ren.

"Mag-iingat ka." Makahulugang tugon ni Fan Gui Ren bago umalis sa silid nito.

Babalik na sana siya sa kaniyang silid nang makitang napadaan si Jiao Chang Zai.

"Lady Fan?" Nagtatakang tanong sa kaniya ng tagapaglingkod niya.

Napangiti siya at lumabas sa palasyo nila upang sundan si Jiao Chang Zai. Hindi naman siya nagtatago kaya wala siyang pakialam kung mapansin man siya nito.

"Fan Gui Ren." Bati ni Jiao Chang Zai at sandaling tumungo.

"Usap?" Matipid na tanong ni Fan Gui Ren.

Pasimpleng napatingin si Jiao Chang Zai kay An at Ju na nakasunod sa kaniya.

"Walang pong problema."

Sandali silang naglakad at huminto sa isang tahimik na daan. Halos walang taong dumadaan.

"Mo Chou, bakit tayo dinala ni Fan Gui Ren dito?" Mahinang tanong ni An.

"Hindi ko rin alam."

"Kumakanta ako." Sabi ni Fan Gui Ren.

Halatang nagtaka sila sa sinabi nito. Parang may ideya na lang na kusang lumabas sa bibig niya.

"Anong sinasabi niya? Hindi naman tayo nagtatanong?" Tanong ni Ju.

"Sandali..." Tugon ni Jiao Chang Zai. "Anong kinakanta mo?"

Napangiti si Fan Gui Ren dahil mukhang nakuha ni Jiao Chang Zai ang ibig niyang sabihin.

"Mga kakaibang awit."

"Gaya ng?"

"Tungkol sa mga babae ng harem na hindi naman talaga napagsilbihan noon ang emperor, pero inangat ang posisyon nila." Sagot ni Fan Gui Ren.

"Kung hindi pa nakakatabi ang emperor, bakit itinaas ang posisyon?"

"Para hindi sila apihin ng mga bagong babae sa harem."

"Ano pang inaawit mo?"

"Malulungkot na awit. Tungkol sa ina na nawala ang anak."

"Bakit nawala ang anak niya?"

"Dahil may kumuha n'on sa kaniya. Isang taong hindi niya inaasahan."

"Sino?"

"Hindi binanggit sa awit." Sagot ni Fan Gui Ren.

"Mukhang masyado na tayong nag-uusap. Mauuna ko." Paalam ni Jiao Chang Zai at tumalikod sa kaniya.

"May isa pa kong inaawit." Sabi ni Fan Gui Ren para mapatigil sa paglalakad si Jiao Chang Zai.

"Ano 'yon?" Tanong nito habang nakatalikod pa rin sa kaniya.

"May isang babae na kailangan ng tulong. Umaasa siyang tutulungan siya ng nakikinig sa awit."

Marahang napalingon si Jiao Chang Zai.

"Anong sinasabi ng awit?"

"Nalulunod siya at gusto niyang makaahon, pero pinipigilan siya ng kung ano mang nakapulupot sa mga binti niya. Hindi niya alam kung gagawin niya."

"Sa tingin ko..." Tugon ni Jiao Chang Zai. "Tutulungan siya ng kung sino mang nakikinig sa kaniya."

Iniwan na siya ni Jiao Chang Zai at naunang umalis. Hindi naman niyang mapigilan na mapangiti nang pumayag ito sa plano niya.

Habang si Jiao Chang Zai naman ay nagmamadaling pumunta sa Mental Hall of Cultivation para batiin ang emperor.

"Huang Shang." Bati niya at tumungo.

"Tumayo ka." Tugon ng emperor habang nagbabasa ng mga dokumento.

"Binisita ni Zhen Gui Ren si Prinsipe Long Jin." Balita nito sa emperor.

"Mabuti naman at naisipan niyang kausapin na uli ang anak niya."

"Huang Shang, hindi po ba kayo masaya?"

"Masaya ako para sa kaniya."

"Anong gumugulo sa isip niyo?" Muli niyang tanong.

"Nabalitaan ko na pinarusahan ni Zhen Gui Ren si Batkhaan Chang Zai." Sabi ng emperor.

"Totoo 'yon. Ang lahat ng concubine ay alam 'yon."

Napabuntong-hininga na lang ang emperor sa narinig.

"Huang Shang, hindi naman niya kasalanan. Una siyang binastos ni Batkhaan Chang Zai." Pagdepensa niya dito.

"Hindi na importante kung sino ang nauna. Nag-aalala ako na baka makalimutan na niya ang sarili niya at sumali na rin sa larong nangyayari sa harem."

"Kung nag-aalala kayo sa kaniya, hindi ba dapat ay kausapin niyo na siya?"

"Sa tingin ko ay hindi pa siya handang kausapin ako." Sagot ng emperor.

"Pasikreto mo siyang susuportahan?" Tanong ni Jiao Chang Zai.

"Hindi ko naman siya kayang pabayaan."

Napangiti si Jiao Chang Zai sa sagot ng emperor.

"Sa dami ng babae sa harem na pagmamay-ari niyo, alam kong isa lang ang gusto. Siya lang at wala ng iba pa ang nakakuha sa puso niyo."

Napangiti na lang ang emperor habang iniisip si Zhen Gui Ren.

"Kaunting panahon pa lang kami nagkakakilala, pero alam kong iba siya. Alam kong siya na."

"Kung ano man ang plano niyo, tutulungan ko kayo para magkaayos kayong muli." Tugon ni Jiao Chang Zai.

"Aasahan ko 'yan."

I Become A ConcubineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon