CHAPTER 32

877 41 0
                                    

CHAPTER 32

ZHEN PIN

"Niangniang," bati sa'kin ni Ying Nuzi at yumuko.

"Tumayo ka. Sabihin mo sa'kin ang balita."

"Opo," sagot niya at sumunod. "Nasa ospital na po ng palasyo ang ina ni Li Gui Ren, Niangniang. Nangako po ang mga doktor na gagawin nila ang lahat ng makakaya nila."

Ngumiti ako. "Mabuti kung gan'on."

Napatingin naman ako kay Yue na tahimik lamang sa gilid. Kahit na malapit ang pangalan nila ni Xue ay talagang napakalayo ng ugali nila, kung siya ang nandito ngayon ay kanina pa siya nagsasalita at inaasar ako.

"Niangniang," bati naman sa akin ni Xing-Su Gonggong. "Nandito po si Prinsipe Long Jin."

"Papasukin mo siya."

"Opo," sagot niya at pinapasok si Long'er.

Agad naman siyang lumuhod sa'kin. "Pagbati sa aking mahal na ina."

"Tumayo ka. Tumabi ka sa'kin," Nakangiti kong tugon.

"Salamat po," sagot niya at tumayo bago tumabi sa'kin.

"Patawad po kung ngayon ko lang kayo nabisita, ina," usal niya.

"Ayos lang. Walang kaso sa'kin," paniniguro ko sa kaniya.

"Bibisitahin ko po sana kayo kahapon, ngunit wala kayo. Pumunta raw kayo sa mansion ng mga Li. Pupuntahan ko pa po sana kayo nang makabalik kayo nang hapon, ngunit minabuti kong pagpahingahin na lang kayo," paliwanag niya.

"Kung gan'on ay kahapon mo pa ko nais makausap?" Tanong ko. "Bakit?"

Tumayo siya at muling lumuhod sa harap ko. "Sa ngalan ng pamilyang Li, nagpapasalamat kami sa inyo. Dahil sa inyo ay nalinis ang pangalan ng aking namayapang ina at nahuli ang gumawa nito sa kaniya. Maraming maraming salamat po!"

Nagulat ako sa ginawa niya ngunit agad din akong napangiti at muli siyang pinatayo.

"Hindi mo kailangang lumuhod at magpasalamat sa'kin. Ginawa ko lang 'yon dahil 'yon ang tama, at hustisya para sa mga mahal natin sa buhay na nawala dahil sa kaniya."

"Maraming salamat po talaga!" Wika niya at muling yumuko. "Nangangako po akong gagawin ang lahat para mapasaya kayo at gampanan ang mga tungkulin ko bilang anak ninyo!"

Natawa ako sa sinabi niya. Alam kong seryoso siya pero hindi ko maiwasang matuwa. Siguro ito na 'yong sinasabi nila na "filian piety" na mahigpit na sinusunod ng mga Chinese, kung saan nirerespeto at pinararangalan nila ang mga magulang nila at iba pang nakatatandang kamag-anak.

Pinalapit ko siya at muling pinatabi sa'kin. "Bata ka pa. Gawin mo na muna ang mga bagay na makakapagpasaya sa'yo bago ang sa'kin, lalo na at napakatalino mo, alam kong marami kang magagawa. Mas magiging masaya ako na alam kong masaya ka sa ginagawa mo."

"Opo!" Determinado niyang sagot.

Muli akong ngumiti sa kaniya.

"Niangniang," muling bati ni Xing-Su Gonggong. "Nandito po si Jiao Gui Ren at Prinsipe Zhang Yong."

"Nandito pala sila," masaya kong tugon. "Papasukin mo."

Agad naman siyang sumunod at pinapasok ang mga ito.

"Pagbati po, Zhen Pin Niangniang," bati sa akin ni Jiao Gui Ren at tumungo.

Tinulungan naman niya ang prinsipe na lumuhod at magbigay-galang. "Sabihin mo, "Pagbati po." Sabihin mo," nakangiting wika sa kaniya ni Jiao Gui Ren.

I Become A ConcubineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon