CHAPTER 38

604 30 0
                                    

CHAPTER 38

THIRD PERSON

"Bai Huan, anong balita sa emperor?" Tanong ng empress dowager.

Lumapit sa kaniya ang kaniyang tagapaglingkod. "Hanggang ngayon ay abala pa rin ang emperor sa mga pagpupulong. Ngunit nabibigyan niya pa rin ng oras na puntahan si Zhen Pin."

"Mabuti naman kung gan'on."

"Ngunit, Tai Hou..."

"Ano 'yon? May nais ka pa bang sabihin?"

"Pinupuntahan niya rin si Jiao Gui Ren."

Napabuntong-hininga ang empress dowager. "'Di ko inaasahan na magiging problema ko siya."

"Anong gusto n'yong gawin, Tai Hou?"

"Hangga't 'di siya makasasagabal sa mga plano ko, hahayaan ko lang siya. Ngunit kung dumating ang punto na kailangan niyang mawala upang umayon sa gusto ko ang lahat, gagawin ko."

___

Kanina pa nakatayo at nakatanaw si Yue sa harap ng palasyo ni Naran Gui Ren. Pinag-aaralan niya kung paano kumikilos ang mga tao rito. Pero dahil dati siyang nagtrabaho rito ay hindi na lingid sa kaniya ang ibang mga bagay.

Iniisip niya pa lang ang mga bagay na maaari niyang gawin upang makapaghiganti ay 'di niya na maipaliwanag ang nararamdaman niya. Ngunit nangingibabaw din sa kaniya ang mga sinabi ni Jiao Gui Ren. Na magpasalamat na lang kay Zhen Pin at 'wag nang gumawa ng kahit na ano. Ngunit ang galit sa puso niya ay matagal nang naipon. 'Di na niya hahayaang mawala ang pagkakataong 'to.

"Anong ginagawa mo rito?"

Napalingon siya at agad na napatungo nang makita si Baturu Da Ying at ang tagapaglingkod nito. "Pagbati, Baturu Da Ying..."

"Tinatanong kita kung anong ginagawa mo rito," asik ni Baturu Da Ying. "'Di ba't ikaw ang bagong tagapanglingkod ni Zhen Pin Niangniang?"

"Napadaan lamang ako, Baturu Da Ying."

Napatango na lamang siya ngunit 'di siya kumbinsido sa sagot nito. "Kung napadaan ka lamang, umalis ka na. 'Di mo kailangang magtagal rito. Bumalik ka na sa palasyo ni Zhen Pin dahil maaaring kailangan ka na nila."

"Salamat sa payo, Baturu Da Ying. Mauuna na 'ko."

Pinanuod niyang umalis si Yue. Ngunit 'di niya naiwasang magnakaw ng tingin sa palasyo ni Naran Gui Ren. Duda siya sa sinabing dahilan ni Yue. At alam niya na kailangan niyang pigilan kung ano man ang plano nito.

___

"Yue!" Sigaw ni Ying Gugu nang makita siya. "Kanina pa kita hinahanap! Nag-alala ako sa'yo!"

"Patawad, Gugu," tugon niya. "'Di ko namalayan ang oras habang naglalakad ako."

Nakahinga siya nang maluwag. "Ayos lang. Ang mahalaga ay nandito ka na."

"Kailangan n'yo ba 'ko, Ying Gugu?"

Ngumiti at tumango siya. "May mga bagong gamit na binigay ang emperor kay Zhen Pin. Nais kong tulungan mo kami na mag-ayos."

"Ngunit kabibigay lamang ng emperor ng mga bagong damit sa kaniya nang nakaraan, tama?"

"Gan'on na nga. Ngunit binigyan uli siya ng mga bagong gamit kanina."

"Talagang pinapaburan siya ng emperor..."

"Kaya mapalad tayong mapaglingkuran siya," tugon ni Ying Gugu. "Kaya 'wag na 'wag kang ng ikasisira o ikasasama ng loob niya. Malaki ang utang na loob natin sa kaniya."

"Nauunawaan ko..."

"Mauuna na 'ko. Sumunod ka, ha?"

"Opo, Ying Gugu."

Pinanuod ni Yue si Ying Gugu na umalis habang iniisip ang sinabi nito. Aminado siyang nagkakar'on na siya ng alinlangan sa plano niya. Kapag nagkamali siya at nahuli, maaaring madamay si Zhen Pin. At 'di 'yon maaaring mangyari.

Napanbuntong-hininga na lang siya habang iniisip kung itutuloy niya ba ang plano niya o hindi bago sumunod kay Ying Gugu.

___

"Kung gan'on ay may plano si Yue, ang bagong tagapaglingkod ni Zhen Pin, na maghiganti kay Naran Gui Ren?" Usal ni Yong Gui Ren.

"Gan'on na nga," tugon naman ni Jiao Gui Ren.

"Binalaan mo na siya. 'Di mo na siya kailangang isipin pa."

"Pero paano si Zhen Pin? Paano kung may gawin siya at madamay si Zhen Pin?" Asik ni Jiao Gui Ren. "Alam mong napakalaki ng utang na loob ko sa kaniya."

"Kung nag-aalala ka talaga sa kaniya, ako na ang bahala."

"T-talaga?"

Tumango si Yong Gui Ren. "Narinig mo ang sinabi ko. Ako na ang bahala."

"Ilang beses mo na 'kong tinulungan, Yong Gui Ren."

"Desisyon ko ang tulungan ka."

"Anong balak mong gawin?"

"Kahit ano. Basta mapigilan ko ang plano niya."

"Maraming salamat, Yong Gui Ren."

"Ngunit pinagbantaan ka rin niya, tama?" Tanong ni Yong Gui Ren. "Mag-iingat ka rin sa kaniya."

"Pakiramdam ko ay nagawa niya lamang akong pagbantaan dahil sinubukan kong pigilan ang plano niya. Ngunit, sa tingin ko, wala naman talaga siyang balak na masama sa'kin."

"Mag-iingat ka pa rin."

Tumango si Jiao Gui Ren. "Oo. Mag-iingat ako."

___

ZHEN PIN

"Zhen Pin Niangniang," bati sa'kin ni Yu Yan, ang tagapaglingkod ni Baturu Da Ying. "Pinapunta ako rito ni Baturu Da Ying upang sabihin na mamaya raw po darating ang doktor na inimbitahan niya sa labas ng palasyo upang suriin ang gamot ng empress."

"Sino siya? Paano kami makasisiguro na maaasahan siya?"

"Ang pangalan niya po ay Doktor Chao. Marami na po siyang sakit na nalunasan, nadiskubreng mga gamot, at talagang sikat siya sa mga tao. Makasisiguro kayo na kung ano man ang sasabihin niya ay tama."

Napatango ako. "Iparating mo kay Baturu Da Ying ang pasasalamat ko. Aasahan ko na makararating siya at ang doktor mamaya."

"Asahan n'yo po 'yan," tugon niya at tumungo.

Pagkalabas ni Yu Yan ay sakto namang pumasok si Wei Meimei.

Nagtataka niya 'kong tinignan. "'Di ba't 'yon ang tagapaglingkod ni Baturu Da Ying? Anong ginagawa niya rito, Jiejie?"

"Nais lamang akong batiin ni Baturu Da Ying kaya pinadala niya rito ang tagapaglingkod niya," palusot ko. "Ikaw? May kailangan ka ba?"

"Wala, Jiejie. Nais lang din kitang batiin."

Ngumiti ako. "Umupo ka."

"Maraming salamat, Jiejie," tugon niya at naupo sa tabi ko.

"Kumusta ka?" Tanong ko sa kaniya.

"Mas mabuti, Jiejie. Maraming salamat."

"Masaya akong marinig 'yan. Lalo na at alam kong nahihirapan ka pa rin sa sitwasyon n'yo ni Shen Jin."

"Walang mahirap sa'kin, Jiejie. Alam ko naman na para sa'min din 'to."

"May nais nga pala 'kong ibigay sa'yo, Meimei," wika ko at kinuha ang isang singsing na gawa sa jade. "Kunin mo."

"K-kunin ko?" 'Di niya makapaniwalang tugon. "H-hindi ko matatanggap 'yan, Jiejie."

"Ayos lang. Kunin mo na."

Dahil sa sinabi ko ay 'di na siya nakatanggi pa at kinuha ang singsing. "S-salamat, Jiejie."

Sinukat niya ito sa palasingsingan niya at saktong-sakto ito.

Niyakap niya 'ko. "Maraming salamat, Jiejie!"

"Maaari mo ba 'kong gawan ng pabor, Meimei?" Tanong ko,

"Kahit ano, Jiejie."

Kinuha ko ang malaking kahon na nasa tabi ko at inabot sa kaniya. "Mga damit para kay Prinsipe Zhang Yong ang laman niyan. May ilang alahas para kay Jiao Gui Ren. Nais kong kumustahin mo sila at ihatid mo ang mga 'to sa kanila."

"Walang problema, Jiejie," tugon niya at kinuha ang kahon. "Mukhang marami ka ring ibibigay sa kanila."

"Maraming binigay sa'kin ang emperor kaya gusto ko sana na magkar'on din sila," tugon ko. "Binigyan din ng emperor si Long Jin ng mga papel, aklat, at iba pa na makatutulong sa kaniya para makapag-aral."

"Abala ang emperor ngayon ngunit nabibigyan ka pa rin niya ng mga regalo."

Ngumiti na lang ako bilang tugon.

Tumayo siya. "Mauuna na 'ko, Jiejie. Ihahatid ko na ang mga regalo mo sa kanila."

"Maraming salamat, Meimei."

"Wala 'to, Jiejie," tugon niya at tumungo bago umalis.

Makalipas ang ilang minuto ay dumating na si Baturu Da Ying at ang sinasabi nilang si Doktor Chao.

"Maupo ka, Baturu Da Ying."

"Salamat, Niangniang," tugon niya at naupo sa tabi ko.

"Pagbati, Zhen Pin Niangniang. Ako po si Chao Feng. Isa po akong doktor mula sa labas ng palasyo. Masaya po akong paglingkuran kayo."

"Ying Gugu," pagtawag ko sa kaniya.

Madali siyang pumasok. "Ano po 'yon, Niangniang?"

"Kunin mo ang gamot ng empress at ibigay mo sa doktor para suriin."

"Masusunod po," sagot niya at kinuha ang gamot sa lagayan kung saan namin 'to tinago.

Agad naman itong sinuri ng doktor. Ngunit ilang minuto na ang nakalilipas ay 'di niya pa rin sinasabi kung ano ito.

"Ilang minuto na ang lumipas, Doktor Chao. Sigurado ka bang matutulungan mo kami?" Usal ko.

Lumapit siya at lumuhod. "Patawad kung nagtagal ang aking pagsusuri, Niangniang. Ngunit sigurado po ba kayo sa gamot na pinatingin n'yo sa'kin?"

"Anong ibig mong sabihin?"

"Ang gamot na 'yon ay pinapainom sa isang babae upang hindi siya magkaanak, Niangniang."

"S-sigurado ka ba?"

"Hindi ako maaaring magkamali, Niangniang."

Nagkatinginan kami ni Baturu Da Ying.

"H-hindi 'to maaari..."

"Maraming salamat, Doktor Chao," wika ni Baturu Da Ying. "Si Yu Yan na ang bahalang maghatid sa'yo palabas ng palasyo. Sa kaniya mo rin makukuha ang bayad namin sa serbisyo mo."

"Maraming salamat, Baturu Da Ying."

Gaya nga ng sinabi ni Baturu Da Ying ay sinamahan na siya ni Yu Yan palabas. Habang ako ay 'di pa rin makaimik sa nalaman ko. Hindi ako makapaniwala. Ba't kailangang gawin ng emperor ang bagay na 'to?

"Nakakapagtaka..." wika ni Baturu Da Ying. "Ba't ayaw ng emperor na magkaanak ang empress? 'Di ba't kailangan niya ng tagapagmana?"

"Niangniang, ayos ka lang ba?" Tanong ni Ying Gugu. "Namumutla ka."

Napatayo si Baturu Da Ying. "Zhen Pin Niangniang."

Huminga ako nang malalim. "A-ayos lang ako. H-hindi ko lang inasahan ang nangyari. T-tiwala ako na walang ginagawa ang emperor pero..."

Hindi ko na maituloy pa ang sinasabi ko. Buong buhay ng empress ay umaasa siya na sa gamot na 'to, magkakaanak siyang muli, ngunit hindi pala. Kahit hindi ako ang empress, pakiramdam ko ay niloko rin ako. Lalo na at nagtiwala rin ako sa sinabi ng emperor na pampalakas lang ang gamot na 'to. Naghahalo ang pagkalito at pagkadismaya sa loob ko. 'Di ko na maintindihan pa kung ano ang nararamdaman ko.

"Ngayong alam na natin kung ano nga ba talaga ang "gamot" na iniinom ng empress, kailangan nating malaman ngayon kung ba't ito pinapainom sa kaniya ng emperor," wika ni Baturu Da Ying. "Nauunawaan kong nalilito ka sa mga nangyayari, Zhen Pin, ngunit kailangan mo 'tong harapin para masagot ang mga katanungan natin."

Tumango ako. "Nauunawaan ko..."

"Ngayon... may ideya ka ba kung ba't ayaw ng emperor na magkaanak ang empress?"

Bakit nga ba? Bakit ayaw niya?

Nanlaki ang mga mata ko nang maisip ang isang bagay. "Mukhang alam ko ang dahilan..."

"Ano 'yon, Niangniang?"

"'Di ba't may balak na magrebelde ang pamilya ng empress?"

"Oo. Tapos?"

"Kaya siguro ayaw ng emperor na magkaanak ang empress dahil masyado nang makapangyarihan ang angkan nila. Kapag nagkaanak pa ang empress, mas lalo lang silang lalakas. At kapag nangyari 'yon ay mas lalo lang magkakar'on ng dahilan ang mga Long para magrebelde."

Nanlaki ang mga mata niya. "T-tama ka..."

"N-ngunit kung tama ako..."

"Ano 'yon, Niangniang?"

Naluluha akong tumingin kay Baturu Da Ying. "I-ibig sabihin... ang e-emperor ang totoong may kasalanan sa pagkawala... s-sa pagkawala ng anak nila ng empress..."

Napahakbang siya palayo sa'kin. Pinoproseso ang sinabi ko sa kaniya. Nang maunawaan niya ang nangyayari ay lumapit siya sa'kin at niyakap ako.

Bumitaw siya sa'kin. "Niangniang, umakto ka muna na tila wala kang nalalaman, maliwanag ba?"

Tumango ako. "O-oo..."

"'Wag ka munang magtatanong sa emperor, maliwanag?"

"M-maliwanag..."

"Alam kong mahal ka ng emperor, ngunit kung totoo man na siya nga ang dahilan ng pagkawala ng sarili niyang anak... delikado siyang tao."

"Gugu," wika niya rito. "Ikaw na muna ang bahala kay Zhen Pin. Wala sanang lalabas sa pinag-usapan namin."

"Makakaasa ka, Baturu Da Ying."

Umalis na siya at iniwan ako kay Ying Gugu.

"Niangniang, magpahinga ka na muna."

"Yue, magpahanda ka muna ng pagkain na magpapakalma kay Niangniang."

"Masusunod, Ying Gugu."

Tinulungan niya 'kong makahiga sa kama at kinumutan ako.

"Magpahinga ka muna, Niangniang."

"Kakausapin ko ang empress bukas."

"Niangniang?"

"Narinig mo ang sinabi ko."

Napakurap siya ngunit agad ding sumang-ayon.

"Hangga't maaari ay iwasan din muna natin ang emperor. Kapag hinanap niya 'ko, sabihin mo na may sakit ako at ayaw kong tumanggap ng bisita."

"'Di ka kaya mapahamak, Niangniang?"

"Alam ko ang ginagawa ko. Basta sundin n'yo na lamang ang utos ko."

Tumango siya. "Gagawin namin ang makakaya namin, Niangniang."

"Salamat, Gugu."

"Iiwanan muna kita, Niangniang. Tutulungan ko lamang si Yue na dalhan ka ng pagkain."

"Oo. Iwan n'yo muna ako..."

Tumungo siya at umalis. Habang ako ay nakatulala lamang lamang sa kawalan. Hanggang ngayon ay may parte pa rin sa'kin na 'di makapaniwala sa mga nangyayari. Hindi ko alam kung anong gagawin ko.

"Kung ako ang magiging pinakamasamang tao sa mundo, magtitiwala ka pa rin ba sa'kin?"

Biglang namuo sa'king isipan ang mga katagang binitiwan ng emperor. Ito ba ang ibig niyang sabihin sa pagiging masama? May iba pa ba siyang tinatago sa'kin? Ano pang kailangan kong malaman?

Napupuno na ng mga tanong ang isipan ko. Ngunit alam kong 'di ko basta makukuha ang sagot sa mga ito. At tiyak kong 'di na kami tutulungan pa ni Author. Tinataguan na niya kami dahil ayaw niyang malaman namin kung sino siya. Pagkatapos niya kaming ikulong sa kwentong 'to ay pinipili na niya kaming taguan.

Ngunit sino nga ba talaga siya? Ang mga mata niya ay pamilyar... Ngunit ba't 'di ko mawari kung kanino?

Ngunit hindi 'yan ang mahalaga sa ngayon. Ang kailangan kong gawin ay ihanda ang sarili ko. Lalo na at kailangan kong harapin ang buong katotohanan. 'Di ko alam kung kakayanin ko ngunit kailangan kong kayanin.

I Become A ConcubineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon