CHAPTER 35
ZHEN PIN
"Pagbati, Huang Hou Niangniang," magalang na bati ni Qiu Gui Ren bago tumungo sa empress.
"Parang ngayon ka na lang uli nagpakita ng paggalang sa'kin," wika ng empress. "Tama ba 'ko, Qiu Gui Ren?"
Ngumiti si Qiu Gui Ren. "Huang Hou, hayaan na lang natin na maging nakaraan ang nakaraan."
Ngumisi ang empress. "Maupo ka na."
"Salamat po," tugon niya at sumunod.
Tahimik lang kaming pinapanuod siyang umupo. Pagkaupo niya ay napatingin siya sa'kin at ngumiti, ngunit imbes na iiwas ko ang tingin ko ay nginitian ko rin siya pabalik.
"May nais nga pala akong sabihin," wika ng empress.
"Ano 'yon, Huang Hou?" Tanong ko.
"Alam ko na ang iba sa inyo ay nakikilala na sila, ngunit hindi pa sila nakikita, kaya gusto ko silang ipakilala ngayon," tugon niya. "Pumasok kayo."
Napatingin ako sa mga babaeng pumasok at tumungo sa empress. Humarap sila sa'kin at tumungo rin. Hindi ko pa sila nakikita noon kaya hindi ko sila nakikilala. Ngunit napatingin ako kay Yue at nakitang napakatalim ng tingin niya sa isang babae.
'Hindi kaya...'
"Nais kong ipakilala sa inyo si Naran Gui Ren at Jing Chang Zai," wika ng empress.
Ngunit imbes na batiin sila ay katahimikan ang nangibabaw sa'ming lahat. Hindi rin nakakatulong ang masamang tingin ni Qiu Gui Ren kay Jing Chang Zai. Kakakilala pa lang namin sa kanila, pero halatang hindi maganda ang pagbati sa kanila.
Napatikhim si Zhi Pin at sandaling ngumiti. "Masaya 'kong makilala kayo."
"Maraming salamat po," sabay nilang tugon at tumungo.
"Maupo na kayo," wika naman ng empress.
Binigyan sila ng mga upuan at sumunod sa sinabi ng empress. Ang awkward. Napakatahimik at ang bigat sa pakiramdam ng atmosphere. Lahat sila ay nakatingin sa dalawa na para bang tinitignan nila ang pagkatao ng mga ito. Ang empress lang ang natatanging nakangiti sa'min.
'Magkakampi kaya sila? Kaya ganiyan na lang siya makangiti matapos silang ipakilala?'
Muling nabaling ang tingin ko kay Yue. Nakayuko siya at mahigpit na nakakuyom ang mga palad. Dahil sa reaksyon niya, wala sa sarili akong napatingin kay Naran Gui Ren. Tahimik siyang nakaupo at umiinom ng tsaa. Maamo ang mukha niya. Parang hindi makakagawa ng masama. Ngunit kakaiba ang kilos ng tagapaglingkod niya. Katulad ni Yue ay nakayuko siya. Parang natatakot.
Napatingin naman ako sa katabi niyang si Jing Chang Zai. Mukha naman siyang normal. Kapansin-pansin nga lang na may kasamang kaartehan ang pagkilos niya. Tila hindi rin mapakali ang tagapaglingkod niya sa sobrang dami ng utos niya.
"Kumusta nga pala si Qiu Fei?" Pagbasag ng empress sa katahimikan.
"Mabuti naman siya, Huang Hou," sagot ni Qiu Gui Ren. "Walang humpay ang pagdating ng mga regalo mula sa emperor sa palasyo niya."
"Nagsilang siya ng isang prinsesa, kaya natural lang na matuwa ang emperor sa kaniya," tugon ng empress. "Kalatulad lang noong isinilang mo ang prinsipe."
"Ang prinsipe nga pala," wika ni Qiu Gui Ren at bumaling kay Jiao Gui Ren. "Kumusta nga pala ang aking anak?"
"Mabuti," sagot nito. "Masaya na siya sa pangangalaga ko."
Pansin kong bahagyang napataas ang kilay ni Qiu Gui Ren at napatikhim. "Mabuti naman kung gan'on."
Kung inaasahan niyang porke nagbalik na siya ay makukuha na niya ang anak niya, nagkakamali siya. Hindi papayag ang emperor na basta na lang ibalik sa kaniya ang prinsipe. At nakita naman naming lahat na si Jiao Gui Ren talaga ang dapat na mangalaga sa kaniya. Nakakapagsalita na ang prinsipe at naging masigla na rin siya. Kung babalik siya sa totoo niyang ina, hindi ko alam ang maaaring mangyari.
"Binabati ko si Qiu Fei sa kaniyang panganganak," wika ni Batkhaan Chang Zai. "Ngayon naman ay kailangan ko na lang maghintay para batiin din si Zhen Pin."
'Nagawa niya pa talaga akong idamay.'
"Hindi ba't parang napakaaga pa para isipin 'yan?" Ganti ni Baturu Da Ying.
"Maaga nga ba?" Tugon ni Batkhaan Chang Zai. "Balita ko ay sa ilang buwan nilang pananatili sa Summer Palace, madalas na siya ang pinupuntahan ng emperor. Hindi malabo na magkar'on na uli sila ng anak."
"Tila yata hindi pa magandang pag-usapan 'yan sa ngayon," usal ng empress. "'Wag ninyong kalilimutan na hindi pa gaanong naghihilom ang sugat ni Zhen Pin nang nawalan siya ng anak. Hindi natin siya kailangang madaliin."
"Kung hindi niya pa naman pala magagawang magdala ng anak, hindi ba ay mas mabuting hayaan na muna niyang mabaling ang atensyon ng emperor sa iba? Parang sayang lang kasi ang pabor na binibigay sa kaniya ng emperor kung hindi pa naman pala sila magkakaanak."
Iba-iba ang naging reaksyon namin sa tinuran ni Batkhaan Chang Zai. Napalabi ako. Napatayo si Wei Meimei. Napatingin sa'kin si Jiao Gui Ren. Ang iba naman ay halatang gulat din.
"Meimei," wika ng empress. "Wala na tayong pakialam pa sa mga magiging desisyon ng emperor. Kung si Zhen Pin ang pinapaboran niya sa ngayon, wala tayong karapatang magsalita laban d'on."
Tumayo si Batkhaan Chang Zai at lumuhod. "Patawarin n'yo po 'ko sa aking tinuran, Huang Hou. Nagkasala po ako."
"Naiintindihan ko naman na minsan ay nadadala ka lang ng 'yong damdamin, ngunit sana ay mag-iingat ka na sa 'yong mga sinasabi sa susunod," tugon ng empress. "Tumayo ka na. Hindi na ito maaaring maulit pa."
"Salamat po," wika niya at bumalik na sa pwesto niya.
Tumayo ako at humarap sa empress. "Hindi kailanman pumasok sa isip ko na solohin ang emperor. Kung nais ninyo ay kakausapin ko pa siya para lang maging patas ang pagbibigay niya ng atensyon sa harem."
"Tsk."
Nagkunware akong hindi narinig si Batkhaan Chang Zai at patuloy lang na tumingin sa empress.
"Mabuti kung gan'on, Meimei. Magandang ideya."
"Sige. Mauuna na 'ko," paalam ko at tumungo.
Nagtama pa ang tingin namin ni Batkhaan Chang Zai bago ako tuluyang umalis. Porke naibalik na sa empress ang kapangyarihan sa harem ay ako na naman ang pinag-iinitan niya.
'Nakakairita...'
Napahawak ako sa tiyan ko. Talagang hindi lang ako ang dinamay nila, dinamay din nila ang anak ko.
"'Wag n'yo po silang pansinin, Niangniang. Ginagawa lang nila 'yon para galitin kayo," wika ni Yue.
Hinawakan niya ang pulsuhan ko at inalalayan akong maglakad.
"Alam ko naman 'yon," tugon ko.
"Jiejie!"
Napalingon ako. Sumunod pala sa'kin sina Wei Meimei at Jiao Gui Ren.
"Pasensya ka na, Jiejie," wika ni Wei Meimei at hinawakan ang kamay ko. "Wala akong nagawa kanina."
"Ngunit kung sumama pa tayo kanina, baka mas lalo lang lumaki ang bagay na 'yon," turan naman ni Jiao Gui Ren.
"Tama ka," tugon ko. "Mas mabuti na 'yong 'di kayo nakialam."
"Pero sana man lang nakatulong ako kanina," muling wika ni Wei Meimei.
Napangiti ako.
'Talagang nag-aalala siya sa'kin...'
"Kanina? Bakit kailangan mo siyang tulungan kanina?"
Napalingon kami at sabay-sabay na napaluhod nang makita ang emperor.
"Sagutin n'yo ang tanong ko."
"Wala 'yon, Huang Shang," sagot ko. "Masama lang ang pakiramdam ko kanina, kaya gusto sana akong tulungan ni Wei Meimei, pero maayos na 'ko ngayon."
"Gan'on ba?"
"Opo," diretso kong sagot.
Kinuha niya ang kamay ko at tinulungan akong tumayo. Sinenyasan naman niya ang iba na tumayo na rin.
"Kung masama pala ang pakiramdam mo, dapat nagpahinga ka na lang."
"Hindi maaari," tugon ko. "Kailangan ko pa ring batiin ang empress."
"Kapag sinabi kong ayos lang, ayos lang."
"Oo na," wika ko.
"Mauuna na po kami," paalam ni Jiao Gui Ren at hinatak paalis si Wei Meimei.
"Huang Shang," pagtawag ko sa kaniya. "May nais akong hilingin sa'yo."
"Ano 'yon?" Tanong niya. "Kahit ano. Sabihin mo lang."
Napalunok ako. "Sa tingin ko ay mas makabubuti kung hahatiin mo nang patas ang pabor mo at ibabaling din ito sa iba."
Napakunot ang noo niya. "Bakit mo hinihiling sa'kin 'yan? Sino ang nagtulak sa'yong sabihin 'yan?"
"Wala, Huang Shang," sagot ko. "Sinasabi ko lang 'to dahil sa tingin ko ay ito ang makabubuti para sa lahat."
"Hindi pa naman ako handang magkaanak muli," dagdag ko pa. "Kung uubusin mo sa'kin ang oras mo ay parang sinasayang mo lang ito. Maraming iba diyan na mabibigyan ka agad ng anak."
"Tingin mo ba talaga ay anak lang ang gusto ko sa'yo?" Bumuntong-hininga siya. "Aaminin kong tungkulin ko bilang emperor na magkar'on ng mga tagapagmana, ngunit hindi pagsasayang na ubusin ko sa'yo ang oras ko, dahil sa dami ng babae rito ay ikaw lang ang nagustuhan ko."
Napangiti ako. "Ngunit lagi pa ring una ang tungkulin mo, 'di ba? Kaya makinig ka sa'kin at pagbalingan mo rin ng pansin ang iba."
"Bakit ba lagi mo na lang akong tinutulak sa iba?" May hinanakit sa boses niya.
Napalunok ako. "Hindi naman sa gan'on. Iniisip ko lang din talaga ang posisyon mo. Kailangan mo ng mga tagapagmana at hindi ko 'yon mabibigay sa ngayon."
"Kung gan'on ay maghihintay ako," tugon niya.
"Huang Shang, maraming babae ang naghihintay sa'yo," sagot ko. "Hindi mo kailangang maghintay sa'kin."
"Paano kung kakatulak mo sa'kin ay mahulog na 'ko sa iba?"
Ngumiti uli ako. "Ikaw ang nagsabi sa'kin na mahal 'ko, at naniniwala ako r'on. Nagtitiwala ako sa'yo, kaya alam kong hindi mangyayari ang bagay na 'yan."
"Kaya magtiwala ka rin sa'kin," dagdag ko pa. "Alam kong nahihirapan kang magtiwala."
"Kung ako ang magiging pinakamasamang tao sa mundo, magtitiwala ka pa rin ba sa'kin?" Bigla niyang tanong.
"Oo naman," paniniguro ko sa kaniya.
Ngumiti siya. "Salamat."
---
THIRD PERSON
"Pagbati, Tai Hou," bati ni Jiao Gui Ren sa empress dowager.
"Maupo ka," nakangiti nitong tugon sa kaniya."
"Salamat po," sagot niya at sumunod sa sinabi nito.
Lumapit naman kay Jiao Gui Ren si Jie, ang tagapaglingkod ng empress dowager, at binigyan siya ng tsaa.
"Bakit n'yo po 'ko pinatawag?" Tanong niya rito.
Humigop ng tsaa ang empress dowager. "Pinatawag kita para pag-usapan si Zhen Pin."
"Bakit po? May problema po ba?" Tanong niya.
"Alam kong para sa emperor ka nagtatrabaho," wika ng empress dowager. "Kaya ikaw ang pinatawag ko para bagay na 'to."
"Si Zhen Pin...babagsak."
Nagulat siya. "Paano n'yo naman po nasabi ang bagay na 'yan?"
"Narinig mo na ba ang kasabihan na magkakambal lang ang kamalasan at swerte sa palasyo?"
"'Yan po ang kasabihan na lagi kong naririnig sa mga tagapaglingkod, Tai Hou."
"Totoo 'yon," tugon nito. "Dahil kailangang balanse ang bawat bagay sa harem."
"Ano pong ibig n'yong sabihin?"
"Alam kong napapansin n'yo na sa bawat pag-angat ni Zhen ay may taong bumabagsak," seryosong wika ng empress dowager. "Ngayong iba naman ang umaangat ay hindi malabong siya na ang bumagsak."
"'Yon ang likas na batas ng harem. Sa bawat pagtaas ay may bumababa. Sa bawat pagbaba ay may tumataas. At para manatili ka sa taas, kailangan mong pabagsakin ang mga tao na pilit humihila sa'yo pababa."
"Hindi malabo?" Tugon ni Jiao Gui Ren. "Kung hindi malabo ay hindi rin malinaw kung siya nga."
Napangiti ang empress dowager. "Nakikita ko na kung bakit labis kang pinagkakatiwalaan ng emperor."
"Hindi po 'ko dapat sa ganiyang papuri, Tai Hou."
"Kung naisip mo ang bagay na 'yan, malamang ay alam mo na rin ang totoong dahilan kung bakit kita pinatawag, tama ba?"
"Nais n'yong may gawin ako para hindi tuluyang mangyari ang hula n'yo," sagot niya. "Kailangang pabagsakin ni Zhen Pin ang mga kalaban niya kung ayaw niyang siya ang bumagsak."
"Gan'on na nga," sagot nito. "Ngunit sa katangian niya ay hindi niya 'yan magagawa. Mabait siya kahit sa mga kaaway niya. At 'yon ang magiging dahilan ng pagbagsak niya."
"Kaya nais n'yong may gawin ako para mapakilos ko si Zhen Pin at 'wag siyang mahulog sa mga patibong nila. Gusto n'yong siya mismo ang gumawa ng mga patibong," tugon niya.
"Oo. Gan'on nga. Inaasahan kong tutulong kang mangyari ang gusto ko."
"Ngunit kayo na rin ang nagsabi," tugon niya. "Masyadong mabait si Zhen Pin. Hindi siya papayag."
"Hindi na mahalaga 'yon," tugon ng empress dowager. "Tingin mo ba ay may puwang ang kabutihan dito sa palasyo? Walang magagawa ang kabutihan mo kapag nasa panganib ka na. Ikaw at ikaw lang din ang mapapahamak. Alam ko 'yan, dahil diyan din ako dumaan."
'Kung gan'on ay para mailigtas mo ang sarili mo ay kailangan mong maging masama at tuso,' wika niya sa sarili.
"Tutulungan mo ba 'ko?" Tanong ng empress dowager. "Kumpara sa inutos sa'yo ng emperor ay masasabi kong mas madali ang hinihingi ko."
Natigilan siya at napalunok.
"Alam ko ang inutos niya sa'yo. Tungkol sa anak ni Qiu Fei, tama?" Muling usal ng empress dowager.
"'Wag na po nating pag-usapan," pag-iwas niya rito.
"Anong sagot mo sa tanong ko?"
Napayuko siya. "Pumapayag po ako."
"Mabuti," nakangiting tugon ng empress dowager. "Inaasahan ko ang tulong mo."
---
"Nasaan si niyang usal. "Totoo ay nararamdaman para sa isa't isa sina Wei Gui Ren at Lord Shen Jin?"
"Paano mo nalamai Yue?" Paghanap ni Zhen Pin dito.
"Nasa labas, Niangniang," sagot ni Ying Nuzi. "Dinidiligan ang mga halaman."
"Kumusta naman siya? Paano siya makitungo sa ibang mga tagapaglingkod?"
"Kung paano niya kayo tratuhin ay gan'on din siya sa iba," sagot nito. "Tahimik siya at malamig kung makitungo sa ibang tao, ngunit handa siyang tumulong kapag pinakiusapan mo."
"Umiiwas siya, gan'on ba?"
"Opo, Niangniang."
Ngumiti si Zhen Pin at tumayo. "Halika. Puntahan natin siya."
Tumango si Ying Nuzi at hinawakan ang braso ni Zhen Pin para alalayan siyang lumabas. Agad nga nilang nakita si Yue na tahimik na nagdidilig ng mga halaman.
"Mas magiging maganda ang mga halaman kung kakausapin mo sila," nakangiting wika ni Zhen.
Agad na napatungo si Yue nang makita si Zhen Pin at bumati ng, "Niangniang."
"Tumayo ka."
"Opo," agad nitong sunod.
Kinuha ni Zhen ang regadera sa kamay ni Yue at nakangiting diniligan ang mga halaman.
"Kapag 'di mo kinausap ang mga halaman, baka magtampo sila sa'yo at malanta."
Napakurap si Yue. Hindi niya alam na kailangan din pala niyang kausapin ang mga ito habang dinidiligan.
"Gagawin ko po 'yan," tugon niya.
"Madalas nilang ikumpara ang mga halaman sa buhay ng tao," wika ni Zhen. "Sa buhay, kailangan din natin ng mga taong mag-aalaga at kakausap sa'tin. Malalanta rin tayo kapag wala tayo ng mga 'yon."
'Mali ka...'
"Kaya 'wag mo rin na hayaan ang sarili mo na maging mag-isa at walang makausap," payo nito sa kaniya. "Kailangan mo n'on."
'Hindi...'
"Sa harem ay madalas na ikumpara kaming mga babae sa mga bulaklak. Mamumukadkad ngunit malalanta rin kapag pinabayaan."
'Pinabayaan...'
"Tatanungin kita, Yue," muling wika ni Zhen. "Bakit pumayag ka na maging tagapaglingkod ko kahit na hindi maganda ang naging karanasan mo kay Naran Gui Ren?"
Muli siyang napakurap. "Dahil nararamdaman kong iba kayo sa kanilang lahat."
"Kayo po?" Tanong niya pabalik. "Bakit n'yo naisipan na bigla n'yo na lang akong kunin?"
Mapait na napangiti si Zhen Pin bago bumaling kay Ying Nuzi.
"Dahil may dating tagapaglingkod si Zhen Pin na Xue ang ngalan. Magkahawig kayo. Iba nga lang kayo ng ugali," paliwanag nito.
"Nasaan na siya ngayon?"
Umiling na lang si Ying Nuzi bilang sagot. Naintindihan naman agad 'to ni Yue.
"Sundin mo ang payo ko, ha?" Usal ni Zhen PIn. "Kung kailangan mo ng makakausap ay maaari mo rin akong lapitan."
"Opo."
Hindi na nagulat pa si Zhen sa kawalan ng reaksyon ni Yue at binalik na sa kaniya ang hawak na regadera. Tinapik niya ito sa balikat bago muling pumasok sa loob ng palasyo.
Napatingin si Yue sa hawak niyang regadera.
'Kung kailangan mo ng makakausap ay maaari mo rin akong lapitan.'
"Lapitan, e?" Mahina niyang usal sa sarili.
Tinapat niya ang regadera sa mga halaman at diniligan ito hanggang sa umapaw na ang tubig nito.
'Hindi ko kailangan ng kahit na sino...'
Tinigil na niya ang pagdidilig nang mapansin na malapit nang malunod ang mga halaman.
'Dahil nararamdaman kong iba kayo sa kanilang lahat.'
Napakurap siya nang maalala ang tinuran kanina. Alam niyang hindi 'yon totoo. Pumayag siya sa ibang dahilan.
'Hindi ko kailangan ng taong kakausap at mag-aaalaga sa'kin...dahil kapag natupad ko na ang gusto ko, maaari na 'kong malanta.'
"Naran Gui Ren..."
---
ZHEN PIN
"Niangniang, nandito po si Baturu Da Ying," wika ni XIng-Su Gonggong.
Nagkatinginan kami ni Ying Nuzi.
"Sige. Papasukin mo siya," tugon ko.
"Pagbati, Zhen Pin Niangniang," wika niya at tumungo.
"Bakit? Anong problema?"
Tumayo siya. "Gusto ko lang sabihin sa'yo kung ano ang plano ng empress."
"Plano ng empress?" Usal ko. "May plano na naman siya?"
"At mukhang gan'on din ang ibang mga concubine," dagdag niya. "Kailangan mong mag-ingat."
BINABASA MO ANG
I Become A Concubine
Historical FictionRevenge. Rivalries. Schemes. What will it takes for you to survive and be the one sitting on the throne? ____ -READ AT YOUR OWN RISK- *This is the RAW VERSION of the story. It's never been altered and it contains a lot of errors. *This is only a pr...