CHAPTER 47
ZHEN GUI FEI
"Niangniang," wika ni Ying Gugu. "Handa na po ang lahat ng pinahanda n'yo."
Lumapit sa'kin si Yue at binigay ang lalagyan na may lamang kandila, panindi, at papel na may nakasulat na Shen Sheng Ling. Napatingin ako sa bintana. Bilog na bilog ang buwan.
"Magsuot ka nito, Niangniang," muling wika ni Ying Gugu bago ako suotan ng balabal. "Para 'di ka lamigin, Niangniang."
"'Di ba talaga kami maaaring sumama, Niangniang?" Tanong naman ni Yue.
Ngumiti ako. "Walang mangyayari sa'kin. 'Wag kayong mag-alala."
"Sinong tao ba ang pupuntahan n'yo, Niangniang?" Tanong naman ni Ying Gugu. "Matagal na 'ko rito sa palasyo. Baka kilala ko siya."
"Sundin n'yo na lang ang utos ko at manatili rito sa palasyo," tugon ko. "Mahalagang bagay 'to. 'Wag n'yong subukan na sumunod."
Tumungo sila. "Naiintindihan namin, Niangniang."
Umalis na 'ko sa palasyo at nagtungo sa may hardin. Habang naglalakad ay sinisiguro kong walang taong sumusunod o makakakita sa'kin. Mabuti na lang at binigyan ako ng balabal ni Ying Gugu dahil napakalamig ng hangin na tumatama sa mukha. Nakakadagdag lang ang lamig sa kaba na nararamdaman ko.
Kinakabahan ako dahil malalaman ko na rin kung sino ang Author. Pagkatapos ng lahat ay napagdesisyunan niya nang magpakilala sa'min. Siya na lang ang hinihintay namin at matatapos na rin ang kwentong 'to.
Nang makarating sa hardin ay agad akong lumuhod sa may tabi ng tubig. Sinindihan ko ang dala kong kandila at nilagay ang papel sa tabi nito. Sinimulan ko na itong palutangin sa may tubig at paanurin.
Muli akong napatingin sa bilog na buwan. Ngunit napapikit ako nang biglang lumakas ang hangin. Tinakip ko ang kamay ko sa mga mata ko upang 'di ako mapuwing. Sa sobrang lakas ng hangin ay nagsasayawan ang mga halaman at puno. Natangay din nito ang papel na katabi ng kandila. Ngunit bago pa makalayo ang papel ay bigla itong nagliyab.
Nang naging abo ang papel ay saktong ring huminto ang malakas na hangin. Ngunit nang tumingin ako sa paligid, 'di lang ang hangin tumigil, nakatigil ang lahat. Ang mga dahon, ibon, at iba pang bagay dito sa hardin ay nakahinto lang.
Nagsimulang gumalaw ang abo. Huminto ito sa gitna ng tubig at nagsimulang mamuo. Nabuo rito ang isang ibon — hindi — isang phoenix! Napatakip ako sa'king tenga nang bigla itong gumawa ng isang nakabibinging iyak bago magliyab. Isang babaeng nakamaskara na natatakpan ang kalahati ng kaniyang mukha naman ang nagpakita ngayon.
"Author..."
Ngumisi siya. "Matagal rin tayong 'di nagkausap."
"Dahil nilalayuan mo kami."
"Kapag nalaman mo kung sino ako, matatapos na agad ang kwentong 'to," tugon niya. "'Di naman masaya kung gan'on."
"Nagpakita ka na ngayon," usal ko. "Gusto mo na rin bang matapos ang kwentong 'to?"
Napabuntong-hininga siya. "Kailangan na."
"Kung gan'on ay hubarin mo na ang suot mong maskara, magpakilala ka, at sabihin mo na kung anong kailangan naming gawin para mapatapos na ang kwentong 'to."
"Walang problema sa'kin," usal niya. "Ang tanong dito ay kung handa ka na ba?"
Napalunok ako. Alam kong may dahilan kung ba't 'di masabi sa'kin ng kapatid kong si Roxanne o Baturu Da Ying kung sino siya. Ngunit hinanda ko na ang sarili ko sa mga maaari kong malaman.
Dahan-dahan niyang binaba ang suot niyang maskara. Nang mapagtanto ko kung sino siya ay agad na nanlaki ang mga mata ko at wala sa sarili akong napahakbang palayo. Muli na lang siyang napangisi sa kinilos ko.
"P-paano?" Wala sa sarili kong tanong. "H-hindi maaari..."
Dahan-dahan siyang naglakad sa tubig palapit sa'kin.
"Pinaghandaan mo ba ang pagkikita natin o sadyang 'di mo lang inasahan kung sino ako?"
Ang mga mata, ilong, bibig, at mga tenga ay katulad ng sa'kin! Paano 'to nangyari?! Ba't kami magkamukha?!
"Nakukuha mo na ba ang totoong nangyayari, Ramielle?"
Ngayon ko na lang uli narinig ang totoo kong pangalan.
"Hindi," asik ko. "Anong nangyayari? Anong ibig sabihin nito?"
"Ikaw ay ako, Ramielle," paliwanag niya. "Sa magkaibang oras at magkaibang panahon."
"I-imposible..."
"Walang imposible sa mundong 'to, Ramielle."
"Ikaw ay ako? Paano?"
"'Di ka ba nagtataka kung ba't agad kang nahulog sa emperor o kung ba't ang dali para sa'yo na tanggapin ang pamumuhay sa mundong 'to?" Usal niya. "Dahil nararamdaman mo rin ang nararamdaman ko."
Tinaas niya ang kamay niya. Isa-isang lumabas ang iba't ibang bituin at planeta.
"May iba't ibang mundo na may iba't ibang oras ang sabay-sabay na umiikot. Lahat tayo ay may katumbas na personalidad sa magkakaibang mundong 'yon. Parang tayong dalawa."
Huminga ako nang malalim. "Kung gan'on... sa mundong to, ikaw talaga si Zhen?"
Tumango siya. "Ako nga."
Napailing ako. "Ikaw ang may gawa ng librong binasa namin noon. Ang empress ang bida sa kwentong 'yon. Pero bakit ang empress? Bakit hindi ikaw?"
"Dahil 'di ko lang naman basta ginawa ang librong 'yon para magkwento," tugon niya. "Ginawa ko ang librong 'yon para hanapin ko kayo."
"Kami?"
"Naalala mo ba ang sinabi ko dati?" Tanong niya. "'Di kayo ang una kong kinulong dito ng kapatid mo. Marami pang nauna sa inyo. Lahat sila ay galing sa iba't ibang mundo at panahon ngunit lahat sila ay ako."
"Kung may mga nauna pa sa'kin, gaano katagal mo na 'to ginagawa?" Tanong ko. "Pang-ilan na 'ko?"
"Mayr'on lang akong isang daang pagkakataon. Ikaw na ang huli."
Napakunot ang noo ko. "Pagkakataon?"
"Para 'di ka maguluhan, ba't 'di tayo magsimula sa umpisa?"
"Walang problema."
"Alam mo naman kung paano nagsimula ang kwento," usal niya. "Pagkapasok ko pa lang sa harem, sa'kin na agad napunta ang atensyon ng emperor. Dahil sa pabor ng emperor, napakaraming tao ang nawala. Marami rin ang nawala sa'kin."
Kita ko ang sakit sa mga mata niya. Nalulungkot ako sa kwento niya pero 'di ko maintindihan kung ba't napakabigat ng nararamdaman ko. Nang nakaraan pa 'ko nakakaramdam ng pagbigat at pagkirot ng dibdib. ito ba ang sinasabi niyang nararamdaman ko rin ang nararamdaman niya?
"Nang nalaman ko ang totoo, nagtiwala pa rin ako sa emperor dahil naniwala ako nang sabihin niyang iba ako sa kanilang lahat. Tinulungan ko siya at ng pamilya ko nang malaman namin na nagsimula ng rebelyon ang pamilya ng empress. Sa madaling salita, isa ako sa dahilan ng pagkamatay ng empress. At pinagsisisihan ko ang lahat."
"Kung gan'on ay gusto mo lang na makabawi sa empress?"
"Isa 'yan sa mga dahilan," tugon niya. "Pero 'di pa tapos ang kwento."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Alam mo ba kung anong pagkakapareho ng mga nauna sa'yo rito?"
Umiling ako.
"Lahat sila ay naniwala sa emperor at namatay... kagaya ko."
Nanlaki ang mga mata ko. "Namatay?"
Mapait siyang ngumiti. "Katulad ng ginawa niya sa empress at sa magkapatid na Qiu, nang wala na 'kong pakinabang, tinapon niya na rin ako gaya nila."
Kung gan'on ay tama ang mga sinabi ko sa emperor. Gagawin niya nga talaga 'yon kapag wala na 'kong pakinabang.
"Hindi lang ang makabawi sa empress ang nais ko," wika niya. "Nais ko rin na makaganti sa emperor. Kaya naman bago ako mamatay, hiniling ko na bigyan ako ng pagkakataon na makabawi at makapaghiganti. At natupad nga ang hiling na 'yon."
"Halos walang natira sa harem noon," dagdag niya pa. "Kung sa tingin mo ay marami na ang namatay ngayon, mas marami pa sa orihinal na kwento."
Mas marami pa?
Sa sobrang dami ng namatay, ayoko nang bilangin pa. Ngayon ay sinasabi niya sa'kin na mas marami pa ang namatay sa orihinal na kwento. Anong mundo ba 'tong pinasukan ko?
"Gusto mo bang malaman kung anong mga nabago mo sa orihinal na kwento?" Retorikal niyang tanong. "Nagawa mong itago ang sikretong pagtitinginan ng kapatid nating si Shen Jin at ni Wei Meimei. Nailigtas mo silang dalawa. Nagawa mo ring pigilan ang paghihiganti ni Yue kay Naran Gui Ren na si Mei Pin na ngayon. Nailigtas mo si Naran Gui Ren mula kay Yue at nailigtas mo si Yue na maparusahan ng kamatayan."
Napakurap ako. 'Di ko alam na apat na buhay pala ang nailigtas ko. Ang nais ko lang ay protektahan ang mga taong malapit sa'kin. Kaya pinagsabihan ko sila at pinayuhan. Masaya akong nailigtas ko pala sila. Kahit simpleng bagay lang ang ginawa ko ay malaki naging pagbabago n'on.
"Alam mo bang nagulat ako nang nalaman kong naging kapatid mo si Baturu Ilha?"
"Bakit?"
"Dahil nang mamatay ako ay siya naman ang pumalit sa pwesto ko," tugon niya. "Siguro ay may parte rin sa kaniya ang nagsisi kaya hiniling din niya na makabawi sa'kin. 'Di ko lang inaasahan na magiging magkapatid pala kayo sa ibang mundo at oras."
"Paanong siya ang pumalit sa'yo?"
"Isang heneral ang ama niya, 'di ba?" Muli niyang tugon. "Kaya kailangan ng emperor ang pamilya niya para mas mapalawak ang imperyo. Nang siya ang namuno sa harem, 'di na siya napalitan pa."
May punto siya. Sa orihinal na kwento, halos wala nang matira pa sa kanila. Mukhang sina Batkhaan Gui Ren at Baturu Chang Zai na lang ang natira. Kada tatlong taon lang nagpapapasok ng mga bagong babae sa harem. 'Di na nakakapagtaka kung si Baturu Chang Zai ang pipiliin ng emperor.
"Dahil alam mo na kung sino ako, panahon na para sabihin ko sa'yo kung paano matatapos ang kwento."
Tumikhim ako. Naghahanda sa maari kong malaman.
"Ngunit bago ko sabihin, kailangan mong malaman na ang kwento lang ang matatapos ngunit 'di ang buhay mo sa loob ng kwentong ito."
Bumagsak ang balikat ko. "Kung gan'on ay magtutuluy-tuloy lang ang lahat hanggang sa mamatay ako?"
Tumango siya. "Gan'on na nga."
Tumango rin ako. "Naiintindihan ko."
"Para matapos ang kwento, isa lang ang kailangan mong gawin," wika niya. "Kahit anong gawin ng mga nauna sa'yo, 'di nila napigilan ang pagkamatay ng empress. Kaya tinanggap ko na na wala talaga tayong magagawa sa bagay na 'yon. Ang magagawa na lang natin para makabawi sa empress ay pagbigyan ang hiling niya bago siya mamatay."
"Ano ang hiling na 'yon?"
"Mas maganda kung sa kaniya mo mismo maririnig."
Anong hiling 'yon? Ba't 'di niya masabi?
"May isa ka pang kailangan malaman."
"Ano 'yon?" Tanong ko. "Sabihin mo na lang lahat para matapos na 'to."
"Dinadahan-dahan lang kita dahil ayaw kong mabigla ka."
"Handa na 'ko sa lahat," tugon ko. "Sabi mo, ako na ang pang-isang daan at huli mong pagkakataon. 'Wag mo nang patagalin pa."
Ngumiti siya. Mukhang ito ang unang beses na nakita ko siyang ngumiti nang totoo.
"Tama ka. Pagod na rin ako," tugon niya.
Mas lalo pa siyang lumapit sa'kin at hinawakan ang kamay ko. "Pagkatapos mong tuparin ang hiling ng empress, isa lang ang magagawa mo para tuluyang makabawi sa kaniya."
Humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko at nagsimulang mangilid ang luha sa mga mata niya. "Kailangan mong kunin ang sarili mong buhay. Kapag nagawa mo 'yon, matatapos na ang lahat. Mawawala na 'ko. Mababayaran na ang lahat ng pagkukulang at makakabawi na tayo sa lahat."
"Kailangan kong magpakamatay?"
"'Yon lang ang tanging paraan."
Gamit ang isang kamay ay hinawakan ko rin ang kamay niya na nakahawak sa kamay ko. "Naiintindihan ko."
Nanlaki ang mga mata niya. "Handa ka ba talagang gawin 'yon?"
"Ang sabi mo, ikaw at ako ay iisa," tugon ko. "'Di man ako sang-ayong gawin 'yan, may nagsasabi sa'kin na 'yan ang dapat kong gawin. Nararamdaman ko kung gaano kasakit at kabigat sa'yo ang lahat. Gan'on din ang nararamdaman ko. Ramdam kong pagod ka na at gan'on din ako. Marami na 'kong ginawa at 'di lahat 'yon ay tama. Kung 'yan nga ang solusyon sa lahat, handa akong gawin 'yan."
Nagsimulang tumulo ang luha sa mga mata niya bago ako yakapin nang mahigpit. 'Di ko na rin mapigilang umiyak at niyakap siya pabalik.
Nang unti-unti siyang tumahan ay bumitaw na siya sa'kin. "May isa pa kong hiling," wika niya.
"Sabihin mo lang."
"Kapag nagawa mo na ang hiling ng empress, si Long Jin lang ang kailangan mong isipin."
"Si Long Jin? Bakit?"
"Malalaman mo rin. At kapag kailangan mo ng tulong, humingi ka lang ng tulong sa angkan ng ina ni Long Jin, ang angkan ni Lin Chang Zai."
"Susundin ko."
Lumayo na siya sa'kin. Bumalik na siya sa pagiging phoenix at lumipad palayo. Nang mataas na siya ay bumalik na rin siya sa pagiging abo. Nang maging abo siya ay muli na ring gumalaw ang lahat. At ang abo ay tinangay na ng hangin palayo.
BINABASA MO ANG
I Become A Concubine
Historical FictionRevenge. Rivalries. Schemes. What will it takes for you to survive and be the one sitting on the throne? ____ -READ AT YOUR OWN RISK- *This is the RAW VERSION of the story. It's never been altered and it contains a lot of errors. *This is only a pr...