CHAPTER 48

901 32 1
                                    

CHAPTER 48

ZHEN GUI FEI

"Niangniang," bati sa'kin ni Zhu Gonggong. "Nais po ng emperor na malaman n'yong nasa may bayan na po ang mga rebelde. Ngunit 'di n'yo raw po kailangang mag-alala dahil handa ang palasyo sa magiging pag-atake nila."

"Naiintindihan ko, Zhu Gonggong. Ako na ang bahalang magpaliwanag sa harem."

"May isa pa po, Niangniang."

"Ano 'yon?"

"Hangga't 'di pa raw po humuhupa ang rebelyon, 'di raw po maaaring lumabas sa palasyo niya ang empress. Kapag tapos na raw po ang laban, ipapataw na ang mga parusa."

Napataas ang kilay ko. "May sakit ang empress. Kahit pilitin ko pa siya, 'di rin siya lalabas. Sabihin mo sa emperor na 'wag siyang mag-alala."

"Maraming salamat, Niangniang," tugon ni Zhu Gonggong. "Mauuna na po ako."

Pagkalabas ni Zhu Gonggong, lumapit sa'kin si Ying Gugu na may dalang tsaa at panghimagas. Nilapag niya ang mga dala niya sa tabi ko. Kumuha ako ng isa, ngunit imbes na kainin ay tinignan ko lang ang panghimagas na hawak ko.

"Ayaw n'yo po ba, Niangniang?" Tanong ni Ying Gugu. "Kung ayaw n'yo po, papalitan ko na lang."

Ngumiti ako. "'Di mo na kailangang palitan, Gugu."

"Yue," pagtawag ko sa kaniya. "Papuntahin mo si Baturu Chang Zai. Sabihin mo, pupuntahan namin ang empress."

"Masusunod po," tugon niya at agad na umalis.

"Ayos lang po ba na puntahan n'yo ang empress ngayon?"

"'Wag kang mag-alala, Gugu. Ang empress lang naman ang bawal lumabas sa palasyo niya. Maaari pa naman kaming pumasok."

"Nang inutusan n'yo 'kong pumunta sa palasyo ng empress kahapon upang ibigay sa kaniya ang ronghua na ginawa ni Wei Gui Ren, 'di na 'ko pinayagan na pumasok ni Lu Momo, Niangniang."

Bumuntong-hininga ako. "Kaya tama lang na puntahan namin siya ngayon ni Baturu Chang Zai para kumustahin."

Pagkalipas lamang ng ilang minuto ay dumating na rin si Baturu Chang Zai. Lumuhod siya sa'kin at bumati. Agad ko naman siyang pinatayo.

"Nasa may bayan na raw ang mga rebelde," panimula ko. "Utos ng emperor na ikulong na muna ang empress sa palasyo niya. Ngunit kung ano man ang sakit na dinadala ng empress, mukhang lalo lang 'yong lumalala sa paglipas ng mga araw. Bibisitahin natin siya."

"Nauunawaan ko."

"Niangniang, ihahanda ba namin ang sedan chair?" Tanong ni Ying Gugu na tinanguan ko.

Nang naihanda na nila ang sedan chair ay agad na rin kaming nagtungo sa palasyo ng empress habang si Baturu Chang Zai ay naglalakad sa tabi ko.

"Matagal na rin nang huli kong nakita ang empress," wika niya. "Simula nang pinatigil niya ang pagbati sa kaniya, ikaw na lang din ang tinatanggap niyang bisita."

"Kung talagang kapalaran ng empress na mamatay, wala na tayong magagawa pa," tugon ko. "Ngunit nag-aalala ako na kung 'di natin makakausap ang empress ngayon, baka 'di na natin malaman pa ang hiling niya."

Nang makarating kami sa palasyo ng empress, agad kaming pinapasok ni Lu Momo. Dinala niya kami sa silid nito. Nakahiga ang empress sa may kama, maputla, at tila wala ng buhay. 'Di ko maiwasang makaramdam ng awa nang makita siya. Nang magtama ang mga tingin namin ni Baturu Chang Zai, alam kong nararamdaman niya rin ang awang nararamdaman ko.

"L-Lu Shan..."

Sabay kaming lumuhod nang marinig naming magsalita ang empress. Agad namang lumapit sa kaniya si Lu Momo. Tinulungan niya ang empress na maupo sa kama.

"Niangniang, nandito po si Zhen Gui Fei at Baturu Chang Zai."

Nang marinig 'yon ng empress ay dahan-dahan niyang binuksan ang mga mata niya. Ginala niya ang mga mata niya. Huminto ang mga ito nang makita niya kaming dalawa.

"Anong balita, Meimei?" Paos at nanghihina niyang tanong. "Nagsimula na ba ang rebelyon ng aking ama?"

"Nasa may bayan na raw ang mga rebelde, Niangniang," tapat kong sagot. "Utos din ng emperor na, hangga't 'di pa raw humuhupa ang rebelyon, 'di kayo maaaring lumabas sa palasyo n'yo."

Mahinang tumawa ang empress. "Mukha pa ba 'kong makakalabas sa lagay ko?"

"Niangniang, magpalakas ka lang. Uminom ka ng mga gamot. Makakalabas ka uli," wika ni Lu Momo.

Umiling ang empress. "'Di na 'ko tatagal, Lu Shan."

Nagsimulang mangilid ang mga luha ni Lu Momo. "Niangniang, 'wag mong sabihin 'yan..."

Tumingin sa'kin ang empress. "Maaasahan ba kitang hanapan ng mabait na asawa si Lu Shan kapag wala na 'ko?"

Tumango ako. "Maaasahan mo 'ko."

Ngumiti ang empress. Mukhang kontento sa sinabi ko.

I Become A ConcubineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon