CHAPTER 43

668 26 0
                                    

CHAPTER 43

THIRD PERSON

"Pagbati, Huang Shang," wika ni Jiao Gui Ren bago lumuhod sa emperor.

Sinenyasan naman siya nitong tumayo. Pagkatayo ay agad na binigay ni Jiao Gui Ren ang dala niyang mga pagkain para sa emperor kay Zhu Gonggong. Magpapaalam na sana siya nang biglang magsalita si Zhu Gonggong.

"Jiao Gui Ren, malapit na magtanghalian ang emperor. Ba't 'di pa po kayo sumabay?" Wika ng eunuch.

"H-hindi na, Zhu Gonggong-"

"Sumabay ka na," wika ng emperor habang nagbabasa ng dokumento. "Malapit na 'kong matapos."

Napapikit siya. "Masusunod, Huang Shang."

Dahil dati siyang tagapaglingkod ay 'di rin siya nagdalawang-isip na tulungang maghain si Zhu Gonggong. Nang matapos ay umupo na siya sa tabi ng emperor.

"Patay na raw si Jing Chang Zai."

"Opo, Huang Shang."

"Anong tingin mo sa nangyari?" Makahulugang wika ng emperor.

Napatigil si Jiao Gui Ren. "S-sa tingin ko..."

"Ba't 'di ka makapagsalita?" Tugon ng emperor. "Simple lang naman ang tinatanong ko."

Sinenyasan ng emperor ang mga tagapaglingkod na lumabas na agad naman nilang sinunod.

"Mukhang alam mo na kung anong gusto kong sabihin, tama?"

"Huang Shang..."

"Nais mo bang ipagtanggol sa'kin si Zhen? Nakalimutan mo na ba kung sino sa'min ang pinaglilingkuran mo?"

Agad siyang napaluhod. "Patawad, Huang Shang. Ngunit... wala lang akong sapat na ebidensiya para sabihin na sinadya nga talaga ni Zhen Pin na ibigay kay Jing Chang Zai ang damit na 'yon. At kung totoo man na sinadya niya, 'di niya pa rin kasalanan na sinuot nga talaga 'yon ni Jing Chang Zai."

"Ang pagkamatay ni Jing Chang Zai?"

"Sigurado akong 'di si Zhen Pin ang may gawa n'on, Huang Shang."

"Paano ka nakakasiguro?"

"Dahil..." 'Di na siya nakapagsalita pa. 'Di na niya alam kung ano pang sasabihin niya.

"Anong tingin mo kapag binigay ko ang prinsipe kay Zhi Pin?"

"Huang Shang?" Gulat niyang tugon.

"Kapag 'di mo sinabi sa'kin ang dahilan, 'di ako magdadalawang-isip na ibigay kay Zhi Pin ang prinsipe."

"M-magtiwala ka lang sa'kin, Huang Shang," naluluha niyang wika. "Alam mo rin na 'di magagawang pumatay ni Zhen Pin. Pakiusap, Huang Shang."

"Maupo ka," utos ng emperor.

Tumango naman si Jiao Gui Ren habang pinupunasan ang luha niya bago muling maupo sa tabi ng emperor.

"Alam kong 'di gagawin ni Zhen 'yon," wika ng emperor. "Ngunit sa ugaling pinapakita ni Qiu Gui Ren nitong nakaraan, alam kong gaganti siya."

"Naisip ko rin 'yan, Huang Shang."

"Kaya may nais muli akong ipagawa sa'yo."

Nag-angat siya ng tingin sa emperor. "Ano po 'yon?"

___

ZHEN PIN

"Huang Hou Niangniang," bati ko at sandaling tumungo nang makasalubong ang empress sa may hardin.

"Masaya 'kong makita ka, Zhen Pin," wika niya. "Samahan mo 'kong maglakad-lakad. 'Di rin maganda sa'tin ang manatili lang sa kaniya-kaniyang palasyo."

Ngumiti ako. "Masusunod, Huang Hou."

Marahan kaming naglakad-lakad sa hardin. Sinamahan ko na rin siyang mamitas ng mga bulaklak na ilalagay niya sa palasyo niya.

"Lu Shan," pagtawag ng empress sa tagapaglingkod niya. "Pumitas ka pa ng ibang bulaklak. Pagkatapos ay ipadala mo ang mga 'to sa palasyo ni Zhen Pin."

"Maraming salamat, Huang Hou Niangniang."

"Maupo muna tayo sandali."

Tumigil na muna kami at naupo sa isang gazebo. Isa-isa namang hinain ng mga tagapaglingkod ng empress ang mga dala nilang pagkain.

"Nagdala kami ng ilang panghimagas, Zhen Pin Niangniang," paliwanag ni Lu Momo. "Kumuha po kayo."

"Maraming salamat," tugon ko na nginitian niya.

Tumulong naman si Yue at Ying Gugu sa paghahanda. Napatingin ako sa empress. Mukhang masaya siya ngayon.

Napansin niya ang pagtitig ko. "May problema ba, Zhen Pin?"

Umiling ako. "Naisip ko lang na tila masaya ka ngayon, Niangniang."

"Alam mo ba ang kasabihan na sumasaya ang tao kapag malapit na siyang mamatay?"

"Huang Hou..."

Ngumiti siya. "Tanggap ko na ang kapalaran ko, Zhen Pin. Ang magagawa ko na lang ay iwan ang mundong 'to na walang pagsisisi."

"Niangniang..." naluluha namang wika ni Lu Momo.

"Maaari ba kita tawaging meimei?"

Nanlaki ang mga mata ko. "M-maaari..."

Muli siyang ngumiti. "Marami akong pinagsisisihan sa buhay ko, Meimei. Ayokong dalhin ang lahat ng 'yon kapag namatay ako."

"Pwede kang magsabi sa'kin ng isa kung nais mong mabawasan," tugon ko.

"Nagsisisi ako na hinayaan ko lang na tapak-tapakan ako noon ni Ai Huang Gui Fei. Bilang empress, may karapatan akong parusahan at pagsabihan siya. Ngunit iniisip ko kung anong sasabihin ng emperor kung sakali man na parusahan ko siya. Siya ang paborito noon ng emperor at tiyak 'kong magagalit siya sa'kin. 'Yon ang pinakahuling bagay na nais kong mangyari. Ngunit mali pala 'ko. Dapat pinaglaban ko ang antas at sarili ko. Masyado kong minahal ang emperor. 'Di pala dapat."

"Ngunit si Ai Huang Gui Fei ay si Qiu Gui Ren na lang ngayon," tugon ko. "Ikaw pa rin ang empress. 'Di n'yo na kailangan pang isipin ang sasabihin ng emperor. 'Di na niya kayo tatapak-tapakan pa."

"'Di ako matatahimik hangga't 'di ko nakikitang walang buhay ang mga Qiu sa harem. 'Yon lang ang hiling ko bago ako mamatay," wika niya. "Kaya nga nang nagkar'on ng pagkakataon, 'di ako nagdalawang-isip na pagmukhaing pagpapakamatay ang ginawa ni Jing Chang Zai."

Napatango ako. "Naiintindihan ko."

"Kung gan'on ay alam mo na na ako ang may gawa n'on?"

Nakangiti akong tumango. "Kahit gusto mang gawin ni Qiu Gui Ren ang bagay na 'yan, wala siyang kapangyarihan sa ngayon. Habang si Qiu Fei naman ay nananatiling tahimik. Kung mayr'on man sa atin ang nais mawala ang mga Qiu sa harem at may kapangyarihang gawin 'yon, ikaw lang 'yon, Huang Hou Niangniang."

"'Di mo 'ko masisisi kung nais ko silang mawalang lahat. Ginalit nila ako. Naipon ang galit na 'yon. Kaya naman pinararanas ko 'to sa kanila ngayon."

"'Di kita masisisi, Niangniang."

Napataas ang kilay niya. "Pumayag ka lang na kalabanin ang mga Qiu noon dahil nais mo 'kong tulungan. Bakit tila may ibang dahilan ka na ngayon?"

"'Di maitatangging pinagtangkaan na 'kong gawan ng masama noon ni Qiu Gui Ren," tugon ko. "Kung nais kong tulungan ka, 'di dapat ako maging mahina. Kaya naisip ko na kung kukuha ako sa sama ng loob ko para magkalakas ng loob, gagawin ko."

"Meimei, bukod sa sama ng loob, may iba ka pang bagay na maaaring kapitan."

"Ano 'yon, Niangniang?"

"Kapag nawala na 'ko, kayong dalawa ni Qiu Fei ang magandang kandidato para maging empress. Kapag wala na rin si Qiu Fei, ikaw na lang ang matitira. Kapag ikaw na ang empress at namatay ang emperor, ikaw ang magiging empress dowager at maaaring si Long Jin ang maging sunod na emperor."

"Kapangyarihan, Niangniang?"

Tumango siya. "Kapangyarihan."

"Ngayong nabanggit mo si Qiu Fei," saad ko. "Iniisip ko kung kailangan din ba niyang madamay? Wala naman siyang ginagawa at nananahimik lang siya."

Napabuntong-hininga siya. "Maniwala ka sa'kin, Meimei. Kahit anong iwas niya, madadamay at madadamay siya. Sa ngayon, wala pa siyang ginagawa. Ngunit paano tayo nakasisiguro na wala siyang gagawin?"

Napatango na lang ako. May punto siya.

"Kumain na tayo," wika niya.

___

"Pagbati, Jiejie," wika ni Wei Meimei at sandaling tumungo bago umupo sa tabi ko. Napatingin siya sa mga bulaklak na nasa silid. "Namitas ka ng mga bulaklak sa hardin, Jiejie?"

"Nagkasalubong kami kanina ng empress sa hardin. Sinamahan ko siyang mamitas ng bulaklak. Pinadala niya ang mga 'yan dito."

"Tila nagiging mabait na ang empress ngayon," usal niya. "Paano kung gawan ko siya ng phoenix na ronghua?"

"Tiyak 'kong matutuwa siya."

"Ikaw, Jiejie, anong gusto mo?"

"Kahit simpleng bulaklak lang."

"Huian," tawag niya sa tagapaglingkod. "Akin na ang mga gamit ko."

Binigay naman sa kaniya ng tagapaglingkod niya ang mga gamit para makagawa ng ronghua. Ako naman ay tahimik lang siyang pinapanuod habang umiinom ng tsaa.

"Jiejie, sigurado ka ba na wala tayong gagawin?" Usal niya. "Baka mamaya ay mapahamak ka kapag pinabayaan lang natin si Qiu Gui Ren."

"Walang mangyayari," tugon ko. "Magtiwala ka sa'kin."

"Maghihintay lang talaga tayo?" Tanong niya na tinanguan ko.

"Niangniang," wika ni Ying Gugu. "Nasa labas po si Jiao Gui Ren."

"Papasukin mo siya."

"Pagbati, Zhen Pin Niangniang," bati niya nang papasukin siya ni Ying Gugu.

"Bigyan n'yo siya ng mauupuan," utos ko.

Agad namang sinunod ni Yue ang utos ko at binigyan ng mauupuan si Jiao Gui Ren.

"May kailangan ka ba?"

"Nais ko lang na batiin at kumustahin ka, Niangniang."

Napangisi ako. "Kumusta ang prinsipe?"

"Katulad pa rin ng dati, Niangniang. Napakatalino at masayahing bata."

"Nang wala pa siya sa pangangalaga mo, napakatahimik niya at tila 'di marunong magsalita. Kaya ipagpatuloy mo lang ang pangangalaga sa prinsipe."

Ngumiti siya. "'Di n'yo na kailangan pang sabihin sa'kin 'yan, Niangniang."

"Balita ko ay sabay kayong nagtanghalian ng emperor," wika ko. "Kumusta siya?"

Napapikit siya. "M-mabuti naman ang emperor, Niangniang..."

May nagsasabi sa'kin na ayaw niyang pag-usapan ang emperor. Bukod sa'kin, siya ang paborito ng emperor. Ngunit mukhang 'di gan'on kadali ang relasyon nila. Kumakapit na lang siya para sa prinsipe.

'Di ko na iniiwasan ang emperor ngunit alam kong may nagbago na sa'ming dalawa.

Hanggang ngayon, 'di pa rin kami sigurado sa totoong nangyari sa anak nila ng empress. Kung totoo man ang hinala namin na siya nga ang dahilan kung ba't namatay ito, 'di ko alam kung anong magiging reaksyon ko. 'Di ko rin alam kung anong mangyayari. Kailangan ko lang mag-ingat sa ngayon.

"Anong pinag-usapan n'yo?" Tanong ko. "Maaari mo bang i-kwento sa'min?"

Kinakabahan siyang ngumiti. "W-wala naman Niangniang..."

Kung gan'on ay mayr'on nga.

Bumungisngis si Wei Meimei. "Jiejie, kung ano man ang pinag-usapan ng emperor, kanila na 'yon."

Ngumiti rin ako. "Tama ka, Meimei."

Tumayo na si Jiao Gui Ren. "Niangniang, mauuna na 'ko. Kailangan ko pang alagaan ang prinsipe."

"Kapag may kailangan ka, puntahan mo lang ako."

"Maraming salamat, Niangniang."

___

"Niangniang," wika ni Ying Gugu habang naglalakad-lakad kami sa may hardin. "Mukhang naging tahimik lang ang mga araw nitong nakaraan."

"Mas hihilingin ko pa na maging tahimik na lang ang lahat ng mga araw."

Ngunit sabay-sabay kaming natigilan nang makitang naglalakad din ngayon sa hardin si Qiu Gui Ren.

"Niangniang," wika naman ni Yue. "Mukhang makakasalubong natin si Qiu Gui Ren. Nais n'yo bang bumalik?"

Huminga ako nang malalim. "Hindi na. Dumiretso na tayo."

"Zhen Pin Niangniang," bati niya sa'kin at sandaling tumungo.

"Ngayon lang kita nakitang naglakad-lakad dito sa hardin, Qiu Gui Ren."

"Gan'on ba?" Tugon niya. "Nang bago pa lamang ako dito sa harem, lagi akong nasa hardin at tumutugtog ng zither. Ngunit marami na ang nagbago. Ngayon na lang uli ako nakapunta rito."

"'Di ko alam na tumutugtog ka pala ng zither."

Ngumiti siya. "Kung dala ko lamang ang aking zither, 'di ako magdadalawang-isip na tugtugan ka, Niangniang."

Ngumiti rin ako. "'Di ko rin tatanggihan kung tutugtugan mo 'ko, Qiu Gui Ren."

"Maaari ba 'kong sumabay sa paglalakad mo, Niangniang?"

"Bakit hindi?"

Tahimik kaming naglakad-lakad sa may hardin ng palasyo. Sandali kaming tumigil nang tumigil siya at pumitas ng isang bulaklak.

"Bago pa 'ko pumasok sa palasyo, kilala na ang angkan namin sa pakikidigma," wika niya. "Kahit ang mga babae sa angkan namin ay marunong sumakay ng kabayo at humawak ng patalim."

"Naalala ko pa ang una naming pagkikita ng emperor." Napangiti siya. "Nandito ako sa hardin habang tumutugtog ng zither. Labing-pitong taong gulang pa lamang ako noon. Napadaan ang emperor at narinig niya 'ko. Dahil bata at bago pa lamang ako noon, 'di ko masyadong pinansin ang antas ng emperor. Wala akong pakialam kung sino siya. 'Di ako takot sa kaniya. Kaya nagustuhan niya 'ko."

"Habang ang empress dowager ay tinuring ko parang tunay kong ina. Ginalang ko siya at pinagsilbihan na parang tunay niya 'kong anak. Kaya nagustuhan niya rin ako."

Humarap siya sa'kin. "Ngunit alam kong walang totoo sa mga 'yon. Kaya naging maingat pa rin ako hanggang maging isang huang gui fei. Nang tinawag niya na 'kong Ai Huang Gui Fei at nagkar'on ng isang prinsipe, akala ko ay wala na 'kong magiging problema pa. Tinanggal ko na ang pag-aalinlangan ko. Nagkamali ako."

Napakunot ang noo ko. Anong sinasabi niyang hindi totoo? Bakit parang may iba pang kahulugan ang mga sinasabi niya?

"Shen Sheng Ling ang totoo mong pangalan, tama?"

Napalunok ako. Ba't bigla na lang niyang tinanong?

"Tama."

"Sheng Ling," pagtawag niya sa pangalan ko. "Ginawa ko lang ang lahat para protektahan ang sarili ko. Kagaya mo rin ako noon. Ngunit nakita ko na ang totoong kulay ng harem."

Nagsimula nang mangilid ang luha sa mga mata niya. "Ang prinsipe, ang aking anak, mahal na mahal ko siya. Ang ginawa ko noon ay para rin sa kaniya. Alam kong mali. Pinagsisisihan ko na 'yon. Gusto ko siyang mabawi uli. Ngunit nang makita ko siyang masaya kay Jiao Gui Ren, nag-isip-isip ako. Baka nga 'di ako ang dapat niyang maging ina."

"Qiu Gui Ren..."

"Tawagin mo 'kong Xiuying," saad niya habang pinipigilan na pumatak ang mga luha niya. "Xiuying ang pangalan ko. Qiu ang apelyido ko."

Napatango ako. Iba na ang pakiramdam ko sa usapang 'to. "Xiuying..."

"Inisip n'yo bang gaganti ako nang namatay na si Jing Chang Zai?"

Napatingin ako kina Yue. Sinenyasan ko silang lumayo muna. Agad naman silang sumunod at gan'on din ang ginawa ng mga tagapaglingkod ni Qiu Gui Ren.

"Oo. Hinihintay namin ang paghihiganti mo. Kapag gumawa ka na ng hakbang, ibabaling na namin sa'yo ang sisi."

Natawa siya. "Magandang plano."

"Ngunit may plano ka ba talagang maghiganti?"

"Kung naisip n'yo ang bagay na 'yan, naloko ko kayo."

"Anong ibig mong sabihin?"

"Sinadya kong magmukhang padalos-dalos, Sheng Ling," tugon niya. "Sinadya ko ring magwala sa palasyo mo para kunin ang prinsipe kay Jiao Gui Ren."

Mas lalong kumunot ang noo ko. "Anong ibig mong sabihin?" Pag-uulit ko sa tanong.

"Matagal ko nang hinuhukay ang magiging libingan ko. Ang nais ko na lang bago mamatay ay makausap nang harapan ang emperor."

"Qiu Gui Ren, anong sinasabi mo?"

"Ang kulang na lang ay ilagay ko sa peligro ang buhay mo. Kapag nalagay ka sa panganib na ako ang may gawa, sapat na 'yon para mamatay ako."

Nilabas niya ang isang patalim at tinapat sa'kin. Halos manigas ang katawan ko nang humakbang siya palapit.

"Pagod na 'ko, Sheng Ling," lumuluha niyang wika. "'Di ko alam kung ba't ako naging ganito. 'Di ko alam kung tama bang sisihin ang harem o ang sarili ko. Ngunit sa tuwing nakikita kita, naaalala ko ang dating ako. At mas lalo lang akong nahihirapan. Kaya tapusin na natin 'to ngayon. Hayaan mo 'kong patayin ka."

Napapikit ako nang akmang sasaksakin niya na 'ko. Ngunit pagkadilat ko ay hawak na siya ng mga eunuch. Si Yue at Ying Gugu ay nasa harap ko at pinoprotektahan ako.

"Tinangka niyang patayin si Zhen Pin Niangniang!" Matapang na wika ni Yue. "Dalhin n'yo siya sa emperor at hayaan ang emperor na parusahan siya!"

"Ayos ka lang ba, Niangniang?" Tanong naman sa'kin ni Ying Gugu.

Ngunit imbes na sumagot ay nakatingin lang ako kay Qiu Gui Ren na umiiyak habang hawak ng mga eunuch. Nagtama ang mga tingin. Tumango siya. Nawala na siya sa paningin ko nang dahan-dahan na siyang dalhin ng mga eunuch.

"Xiuying..."

I Become A ConcubineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon