CHAPTER 24

951 48 0
                                    

CHAPTER 24

ZHEN PIN

"Niangniang." Kinakabahang bati sa akin ni Zhu Gonggong.

"May kailangan ba kayo?" Tanong ko sa kaniya.

Alam ko na kung anong pinunta niya dito pero dapat ay magkunwari akong walang alam.

"Niangniang, pinapatawag po kayo ng emperor sa palasyo ni Ai Huang Gui Fei." Naiilang niyang sagot.

"Bakit daw?" Nakangiti kong sagot.

Inangat niya ang ulo niya at tumingin sa'kin, ngunit muli rin siyang yumuko.

"D-Doon niyo na lang po malalaman..." Utal niya.

Inalalayan naman akong tumayo ni Xue, at gan'on na lang ang gulat ko nang maramdaman ko ang panginginig niya. Malamang ay nag-aalala siya para sa'kin dahil iba 'to sa mga dating binintang sa'kin. Parang wala akong kawala, at hindi rin ako sigurado kung talaga bang gagana ang plano ko.

Hinawakan ko ang kamay niya at ngumiti sa kaniya para mabawasan ang kabang nararamdaman niya. Pinilit niya ring ngumiti para sa'kin.

"Susunod na ko, Zhu Gonggong. Ipahahanda ko lang ang sedan chair ko." Sagot ko sa kaniya.

"Mauuna na po ako." Paalam niya at umalis.

Pagkalabas ni Zhu Gonggong ay nagmamadali namang pumasok si Ping. Inutusan ko siyang pumunta sa kusina para alamin kung anong lagay d'on, at makisagap sa kung ano nang nangyari sa prinsipe.

"Anong balita?" Tanong ko.

"Ipinatawag po nila ang isang tagapagluto kanina. Napag-alaman ko pong isa siya sa nagluto ng pagkain ng prinsipe nang kasiyahan." Sagot niya.

"Ang lagay ng prinsipe?" Tanong ko.

"Dahil maaga raw pong nadiskubre ang kalagayan ng prinsipe, madadaan pa daw po siya sa simpleng gamutan. Kaya huwag na po kayong mag-alala sa kalagayan niya."

Nakahinga ako ng maluwag nang malamang ligtas ang prinsipe. Hindi pa rin talaga ako makapaniwala kay Ai Huang Gui Fei, talagang dinamay niya pa ang anak niya. Kawawang bata.

"Huwag kayong mag-alala. Hangga't gagana ang plano natin, wala tayong problema." Paniniguro ko. "Sumunod na tayo sa palasyo."

Sumakay na ko sa sedan chair at nagtungo sa palasyo ni Ai Huang Gui Fei. Binaba na nila ako nang nasa tapat na kami nito. Kahit na nasa labas ako ay naririnig ko na ang iyak ng prinsipe.

"Niangniang." Pagtawag sa akin ni Xue.

Inalalayan niya na kong tumayo at pumasok sa palasyo.

"Sasabihin ko pong nandito na kayo." Sabi ni Zhu Gonggong at pumasok sa silid.

Ilang sandali pa ang lumipas ay muli na siyang lumabas at tinanguan ako bilang senyales na maaari na kaming pumasok. Napalunok ako at taas noong pumasok sa loob ng silid.

"Pagbati sa mahal na emperor at kay Ai Huang Gui Fei." Bati ko sa kanila at tumungo.

*PAK!*

Nagulat ako nang bigla akong sampalin ni Ai Huang Gui Fei. Sa sobrang lakas ng sampal niya ay natumba ako at pakiramdam ko ay bumakat ang palad niya sa mukha ko.

"Niangniang!" Nag-aalalang sigaw ni Xue at tinulungan akong muling makatayo.

"Ikaw!" Pagduro niya sa'kin. "Sinaktan mo ang prinsipe! Balak mo siyang patayin!"

Napatingin naman ako sa emperor na walang imik at pinapanuod lang kami, ngunit binalik ko rin kay Ai Huang Gui Fei ang tingin ko.

"Niangniang." Pagtawag ko sa kaniya. "Hindi ko alam ang sinasabi mo."

"HINDI MO ALAM?!"

Balak niya sana akong sabunutan pero pinigilan na siya ng mga tagapaglingkod.

"Huang Gui Fei, huminahon ka." Sabi ng emperor.

Lumuhod naman si Ai Huang Gui Fei sa kaniya.

"Huang Shang..." Umiiyak niyang tugon. "Nalagay sa panganib ang prinsipe! Ang anak natin, Huang Shang! Anak natin!"

Kung hindi lang ako nakapagpigil ay baka nakipagsabunutan na nga talaga ako sa kaniya. Nanggigigil ako sa kaniya!

"UWAAAHHH!! UWAAAHH!!" Mas lalo pang lumakas ang pag-iyak ng prinsipe.

Agad naman siyang tumayo at kinuha mula sa tagapaglingkod ang prinsipe. Hinele-hele niya ito pero hindi pa rin ito natatapos sa pag-iyak.

"Huang Shang, kita mo na?! Bigyan mo ng hustisya ang prinsipe!"

Lumuhod ako.

"Huang Shang, hindi ko naiintindihan kung anong nangyayari. Wala po akong alam sa sinasabi ni Ai Huang Gui Fei." Pagsusumamo ko.

"Ilipat niyo muna sa kabilang silid ang prinsipe." Utos ng emperor. "Huminahon ka rin, Ai Huang Gui Fei."

Sinunod naman nila ang utos ng emperor. Kumalma na si Ai Huang Gui Fei pero umiiyak pa rin siya.

Ang galing mo naman umarte. Baka kung galing ka sa mundo namin, sikat ka na.

"Huang Shang..." Pagtawag ko sa emperor.

"Nalaman ng mga doktor na may sakit ang prinsipe at galing 'yon sa kinain niya. Hindi agad lumalabas ang sintomas nito at umaabot ng ilang araw. Tinignan nila ang talaan ng mga kinain ng prinsipe nitong mga nakaraang, wala silang nakitang kakaiba." Paliwanag ng emperor.

"Kung walang nakitang kakaiba, anong problema at pinatawag ako?" Tanong ko.

"Papasukin niyo siya." Utos ng emperor.

Pumasok naman ang dalawang eunuch na bitbit ang isang babaeng tagapaglingkod at puno siya ng pasa at sugat.

"Nakikilala mo ba siya?" Tanong ng emperor.

Umiling ako.

"N-NIANGNIANG! PATAWARIN NIYO KO! HINDI KO PO GUSTONG ILAGLAG KAYO! AYAW KO PANG MAMATAY!" Pakiusap niya sa'kin habang umiiyak.

Napakunot naman ang noo ko.

"Ano bang sinasabi mo? Hindi kita kilala."

"SABIHIN MO!" Sigaw ni Ai Huang Gui Fei. "SABIHIN MO KUNG ANONG SINABI NIYA SA'YO!"

Muli akong tumingin sa emperor pero wala pa ring pagbabago sa kaniya, pinapanuod niya lang kami.

"I-INUTUSAN NIYA PO AKONG LAGYAN NG PULOT ANG PAGKAIN NG PRINSIPE! HINDI KO PO ALAM NA MASAMA 'YON PERO 'YON PO ANG INUTOS NIYA SA'KIN! PATAWARIN NIYO PO AKO! PATAWAD!" Sabi nito at yumuko nang paulit-ulit hanggang sa dumugo na ang noo niya.

Naikuyom ko ang kamao ko. Alam ko namang plano nila ang pagbintangan ako pero nakaka-inis pa rin.

"Zhen Pin?" Tanong sa'kin ng emperor.

"Hindi magbabago ang sinabi ko. Hindi ko siya kilala at wala rin akong inutos sa kaniyang kahit na ano."

"NAGSISINUNGALING KA PA RIN!"

Napatingin ako kay Ai Huang Gui Fei.

"Niangniang, hindi ako ang may gawa. Kung ako man, anong motibo ko?"

"M-Motibo?"

"Motibo."

"M-Malamang ay naiinggit ka!... Tama! Naiinggit ka! NAIINGGIT KA KASI MAY ANAK AKO HABANG IKAW AY WALA! KAYA SINUBUKAN MO SIYANG PATAYIN!"

Tanga ka ba? Tingin mo ba, ganyan ako kababaw? Akala mo ba katulad kita?

"Kung wala akong anak, anong tawag mo kay Long'er?" Taas-kilay kong tanong.

Tumayo ako at humarap sa kaniya.

"Isa pa, maniniwala ka ba talaga sa sinasabi ng isang tagapaglingkod? Paano kung sinuhulan siya para ilaglag ako?"

"SINUSUBUKAN MO LANG ITANGGI ANG KRIMEN MO!" Sigaw niya. "HUANG SHANG! HUWAG MONG HAYAAN ANG BABAENG 'TO! ISIPIN MO ANG ANAK NATIN!"

"Sino sa tingin mo ang may balak na siraan ka?" Tanong ng emperor.

"Nakakulong ang empress ngayon at hindi maglalakas-loob ang ibang concubine..." Sagot ko.

"P-PINAGBIBINTANGAN MO BA KO?!" Sabat ni Ai Huang Gui Fei. "TINGIN MO BA AY MAGAGAWA KONG LASUNIN ANG SARILI KONG ANAK?!"

Hindi rin sumagi sa isip ko na magagawa mo 'to. Ikaw mismo ang nanay niya pero ginagamit mo siya. Hindi ko nga alam kung dapat bang nagka-anak ka e.

"Wala akong sinasabi na ikaw, Niangniang." Sagot ko sa kaniya. "Nagsasabi lang ako ng posibilidad na baka iba ang may gawa nito. Wala akong sinabi na ikaw mismo."

"Tama na." Pagsaway ng emperor at tumayo.

"Iimbestigahan ko ng maigi ang nangyari."

"H-Huang Shang!" Si Ai Huang Gui Fei. "Hindi mo maaaring palagpasin na lang ang nangyari! Paano si Zhang Yong?! Paano kung may gawin na naman siya?!"

Tumingin sa akin ang emperor.

"Hindi muna makakalabas sa palasyo niya si Zhen Pin hangga't hindi tapos ang imbestigasyon."

May kung anong kumirot sa puso ko nang marinig ang tugon niya. Napayuko na lang ako nang mangilid ang luha sa mga mata ko. Hindi naman niya ko pinagbibintangan o ano, pero dama ko ang pagkabigo sa sarili ko.

"Naiintindihan ko..." Mahina kong tugon at tumungo.

Hindi na ko muling tumingin pa sa emperor at umalis na.

---

"Niangniang..." Pag-alo sa akin ni Ying Nuzi habang hinahagod ang likod ko.

Nakapalumbaba lang ako habang hinahayaan ko ang sarili kong umiyak.

Hindi nga ako naparusahan pero bakit parang pinagdududahan naman ako ng emperor? Sa tingin niya ba magagawa ko 'yon? Masama ba ang tingin niya sa'kin?

"Niangniang, magtsaa po muna kayo." Sabi ni Xue at inabot sa akin ang tasa.

Kinuha ko ito at humigop ng kaunti at nilapag rin ito sa lamesang nasa tabi ko.

"Niangniang, tumahan na po kayo. Baka naman po nagawa lang 'yon ng emperor para tigilan muna kayo ni Ai Huang Gui Fei." Payo sa'kin ni Ying Nuzi.

"K-Kahit na..." Namamaos kong tugon. "Hindi naman niya kong kailangang ikulong dito."

"Pinoprotektahan lang po kayo ng emperor." Sabi naman ni Xue.

"Bakit?" Tugon ko. "'Yon lang ba ang paraan? Hindi niya ba ko kayang protektahan na hindi kailangang gawin 'yon?"

"NARITO ANG MAHAL NA EMPEROR!"

Agad naman silang nagsitunguan habang ako ay naka-upo pa rin at umiiyak. Lumapit naman sa akin ang emperor at pinunasan ang mga luha ko.

"Iwan niyo muna kami." Utos niya.

Agad naman siyang sinunod ng mga ito.

"Qi Zi-"

"Gusto mo ba talaga ako, Huang Shang?" Tanong ko.

"Hindi lang kita gusto, mahal din kita." Sagot niya. "Bakit mo ba ko tinatanong ng ganiyan?"

Hahawakan niya sana ako ngunit ako na mismo ang lumayo.

"Kung mahal mo ko, bakit mo ko pinagdududahan?" Tanong ko. "Sa tingin mo ba talaga ay magagawa kong saktan ang prinsipe?"

"Alam kong hindi mo magagawa 'yon pero..."

"Pero nakaturo sa'kin ang lahat ng ebidensiya at wala kang magagawa kundi parusahan ako hangga't hindi lumalabas ang resulta ng imbestigasyon?" Tugon ko. "Kung 'yan ang nasa isip mo, wala ka ngang tiwala sa'kin."

"Intindihin mo naman ako."

Pinipilit ko naman pero nasasaktan din naman ako. Tiwala na nga lang hinihingi ko sa'yo, hindi mo pa mabigay. Sa dinadami ng babae dito sa harem, pinipilit ko na hindi magselos. Ayos lang kahit sa kanila mo ibigay lahat ng yaman at oras mo pero sana naman magtiwala ka sa'kin.

Isa pang masakit, ikaw na nga lang ang inaasahan kong kakampi sa'kin pero pinapanuod mo lang kami kanina habang sinasaktan niya ko at sinasabihan ng kung ano.

"Huang Shang, hindi naman 'to ang unang beses na pinagdudahan mo ko e." Pinilit kong ngumiti kahit na patuloy pa rin ang pagluha ko. "Pinagdudahan mo rin ako noon. Nagsabi naman ako sa'yo ng totoo pero hindi ka naniwala. Inisip mo pa talagang maaaring totoo ang sinasabi ng doktor na buntis ako, at ang malala ay sa ibang lalaki pa. Noon pa man ay wala ka na talagang tiwala sa'kin, paano mo ko mamahalin?"

"Qi Zi, alam kong nagkamali ako pero huwag mo namang kwestyunin ang nararamdaman ko para sa'yo. Mahal na mahal kita." Namamaos niyang tugon.

Hindi man ako nakatingin sa kaniya, dama ko naman ang hinanakit sa boses niya.

"Pero ako... Hindi ba hindi lang ang nararamdaman ko ang kinukwestiyon mo? Kung naniniwala ka talagang mahal kita, maniniwala ka dapat na hindi ako gagawa ng mga bagay na makakasakit sa mga mahal mo sa buhay, lalo na sa anak mo." Sagot ko. "Mukhang hindi lang rin ang nararamdaman ko ang kinukwestiyon mo e, buong pagkatao ko. Parang pinagdududahan mo ko ng buo. Sinasabi mong gusto mo o mahal mo ko pero hindi ka talaga nagtitiwala sa'kin. Pa'no 'yon?"

"Kasi alam mo..." Muli akong nagsalita. "Nagtitiwala ako sa'yo. Buong buhay ko dito sa palasyo, umaasa ako sa'yo. Nasa isip ko, ikaw ang sandalan ko. Kahit na ano pang masamang balak ang gawin sa'kin ng iba, wala akong paki, kasi nariyan ka. Pero kung sino pang pinagkakatiwalaan ko, siya pa ang walang tiwala sa'kin."

"Qi Zi naman..."

"Huang Shang, sa tingin ko ay kailangan ka muna ng prinsipe. Alagaan mo muna siya. At ako? Huwag kang mag-alala, magkukulong lang ako."

---

AUTHOR

"Saan ka pupunta?" Pagpigil ko kay Roxanne o Baturu Da Ying.

"Pupuntahan ko ang emperor! Hindi pwedeng ikulong si ate dahil alam kong wala naman siyang kasalanan!" Sagot niya.

Napa-iling na lang ako.

"Makikiusap ka sa emperor?" Tanong ko. "Tingin mo ba may magagawa 'yon?"

"Kung gusto niya talaga si ate, dapat makinig siya sa sasabihin ko."

"Huwag niyo ngang daanin sa "kung talagang gusto o mahal niya". Siya ang emperor at hindi lang ang harem ang iniisip niya, pasan niya ang bansang 'to. Kung ano man ang desisyon ng emperor, hayaan niyo."

"Bakit ba masyado kang kumpiyansa na hindi 'to makakasama kay ate, ha?"

"Kasi alam ko." Sagot ko. "Ginagawa niya lang 'to para makakuha ng oras at protektahan si Zhen, kaso iba ang tingin ng kapatid mo."

"Paanong protektahan?" Tanong niya.

"Sa tingin mo ba kapag nabigo ang plano ni Ai Huang Gui Fei ay wala siyang kasunod na plano? Pwede niyang lasunin si Zhen o di kaya sunugin ang palasyo nito kung gusto niya." Paliwanag ko. "Pero dahil nga nakulong siya, iisipin nitong nagdududa na ang emperor kay Zhen at nanalo siya sa pagkakataong 'to."

"Pero kung gan'on ang iisipin ni Ai Huang Gui Fei, malamang ay gan'on din ang iisipin ni ate." Tugon niya.

"Kaya nga." Sagot ko.

"Si ate na lang ang pupuntahan ko." Muli niyang tugon.

"Ang tigas talaga ng ulo mo." Sabi ko sa kaniya. "Hayaan mo silang ayusin ang problema nila. Nagkakar'on talaga ng hindi pagkakaintindihan. Hindi sila matututo kung tutulungan mo sila."

"Epal ka."

Maka-epal naman.

"Bakit ba kasi sa'kin ka nakabuntot ngayon, ha? Bakit hindi na lang si ate ang kausapin mo para gumaan naman ang loob niya?"

"Galit sa'kin ang ate mo. Lalo lang sasama ang loob niya."

"Bakit naman?"

"Sa'kin na lang 'yon."

"Wala ka talagang kwentang kausap."

Edi wow.

"Basta magpakabait ka na lang at manatili rito sa palasyo mo."

Hays. Para akong nanay na nagbabawal sa anak ko. Mas matigas pa ang ulo niya kay Zhen.

"Mag-aaway na naman sila." Nakanguso niyang tugon. "Kakabati lang nila."

"Normal naman ang nag-aaway sa isang relasyon. Kailangan lang talagang intindihin mo ang isang tao."

"Edi magagalit nga uli si ate? Paano nga kapag hindi sila nagka-ayos?"

Hindi ko alam kung anong mangyayari kung hindi sila magkaka-ayos. Kailangan nilang magka-ayos dahil 'yon ang nakasulat sa libro. Kapag naiba ang mangyayari, hindi ko na talaga alam.

"Ipagdasal mo na lang kay Buddha o kahit kanino pa na magka-ayos sila." Sagot ko.

"Tingin mo ba ay hindi sila magkaka-ayos?" Tanong niyang muli.

"Hmm..." Napa-isip ako. "Magkaka-ayos sila."

Mukhang nakahinga naman siya ng maluwag.

Masyado pang maaga para magtapos agad ang kwento. Kung may mangyari mang hindi inaasahan, gagawa na ko ng paraan. Ang mahalaga sinusunod nila ang orihinal na nakasulat sa nobela.

"Ilang buwan na lang at mag-i-isang taon na kami dito. Hanggang kailan pa ba kami dito hanggang sa matapos ang kwentong gusto mo?" Tanong niya.

"Gusto niyo pa bang bumalik sa totoong mundo?" Tanong ko pabalik.

"Ha? Ayaw mo na ba kaming pabalikin?"

"Hindi. Hindi." Sagot ko. "Pero nasa sa inyo kung gusto niyong dito na lang kayo."

"Wala na rin naman kaming mga kamag-anak na nag-alala sa'min. Si ate rin ang kumakayod para makakain lang kami at problema pa namin minsan ang mga bayarin sa upa, kuryente, at tubig. Kung tatanungin mo ko, dito na lang ako." Sagot niya.

"Kahit na ganito sa harem?"

"Anong pinagkaiba ng harem sa totoong mundo? Araw-araw pinag-uusapan kami ng mga kapit-bahay at sinisiraan kami ng anu-ano. Kung i-judge din kami ng ibang tao akala mo may alam sa buhay namin e. Porke mahirap lang kami at ulila, may lakas na sila ng loob."

"Kaya ayaw mo nang bumalik?"

"Mm..." Pagtango niya. "At least dito may magagawa pa kami para kahit papaano ay umangat ang buhay namin. Kahit hindi kami totoong magkapatid dito ay may pamilya kaming nag-aalaga sa'min. Isa pa, kung may mangyari mang hindi inaasahan dito sa harem ay pwede pa naming baliktarin. Sa totoong mundo, hindi mo naman pwedeng sugurin ang mga tsismosa, ipapademanda ka lang nila."

"Sa tingin mo ganiyan din kaya ang iniisip ng ate mo?" Tanong ko.

"Hindi malayong napamahal na rin siya sa pamilya niya dito at sa emperor mismo. Ilang buwan na kami dito at marami na ang nagbago. Nasanay na kami sa pamumuhay dito. Hindi ko alam kung mangyayari sa'min kapag bumalik kami sa totoong mundo. Kaya kung tatanungin mo man si ate, baka manatili na lang rin siya dito."

"Hindi ka kasing talino ni Zhen pero may point ang mga sinasabi mo." Tumatangong-tangong tugon ko.

"Valedictorian ako tapos gaganyanin mo lang ako? Ayaw ko lang makisali sa gulo dito sa harem kaya ayaw kong gumawa ng paraan."

"Ayaw mo bang tumaas ang ranggo mo? Da Ying ka pa rin?"

"Ano ngayon? Alam ko namang kahit wala akong gawin, tataas ang ranggo ko." Kumpiyansa niyang sagot.

Napangiti ako. "Paano?"

"Malamang ay kilala mo sina Fan Gui Ren at Li Gui Ren, tama?" Tugon niya. "Sabi ng empress dati, hindi pa naman daw sila napipili ng emperor na makatabi e."

"So... Paano sila naging Gui Ren? Diba hindi naman matataas ang ranggo mo kung wala pang nangyayari sa inyo ng emperor?" Tanong ko.

Alam ko naman kung bakit. Mundo ko kaya 'to.

"Tinaas lang daw ang posisyon nila para hindi sila ma-bully ng mga bagong babae dito sa harem. Parang palatandaan na nauna sila kaya kailangan may respeto ka sa kanila." Sagot niya.

"Kaya ka ba dumikit sa empress para lang makasagap mg tsismis?"

"Anong tsismis? Hindi 'to tsismis, impormasyon 'to. Kung wala kang alam sa harem, patay ka."

"Patay?"

"Kung hindi lang naging kaibigan ni ate si Li Gui Ren, iisipin kong siya ang may pakana ng nangyari kay ate."

"Bakit mo naman nasabi?"

"Kasi nakasunod ako sa kanila n'on, nasa likod lang ako. Tapos bigla siyang tinawag ni Li Gui Ren, tapos biglang lumabas ang aso at dinamba si ate." Sagot niya. "Kaso pwede namang nagkataon lang 'yon pero..."

"Pero ano?"

"Wala namang "nagkataon" lang dito sa harem."

"Ano namang motibo niya para gawin 'yon?"

"Kasi nga..." Tugon niya. "Like ilang taon na sila dito sa harem, tapos inangat lang ang posisyon nila para hindi sila ma-bully, diba ang sakit sa pride n'on? Pagkatapos malalaman na lang nila na may bagong babae gusto ang emperor at nagdalang-tao pa agad, tapos matataasan agad ang antas nila sa harem. Kung gagayahin ko lang kung paano mag-isip ang mga babae sa harem, iisipin ko na maaaring motibo 'yon, inggit sila, ganern."

"Posible pero bakit parang nagdududa ka?"

"Kasi nga kaibigan siya ni ate."

Kaibigan nga ba?

"Sa bagay, may punto ka." Sagot ko na lang.

Matalino ka nga. Bibigyan na sana kita ng medal kaso ayaw mong maniwala sa sariling theory mo. Wala kang self-confidence.

"Kaya hindi ako nag-aalala sa posisyon ko, okay? Alam kong itataas rin ang antas ko kahit na wala akong gawin. Kailangan ko lang na mag-stay na buhay."

"Kaso..." Muli niyang tugon. "Mahirap talaga kapag walang nakasuporta sa'yo. Kinakaya ka lang ng mga tagapaglingkod tapos nag-iinarte pa kapag kukunin ko ang pera at pagkain ko. Kaya dapat talaga malaman na kung sinong gumawa n'on kay ate para makalaya na ang empress. Sa kaniya na nga lang ako umaasa e tapos mawawala pa."

"Pft..." Pagpigil ko sa tawa ko. "Ibig sabihin, lumapit ka lang talaga sa empress para kumuha ng impormasyon at ng suporta?"

"Malamang." Sagot niya. "Kailangan ko lang talaga sundin ang mga utos niya para magtiwala siya sa'kin, tapos easy lang buhay ko."

Hindi ko talaga mabawi ang sinabi ko noon. Mautak nga talaga ang dalawang magkapatid. Kahit magkaiba ang plano nila, pareho sila ng layunin.

---

THIRD PERSON

"Huang Shang." Bati ni Jiao Chang Zai at tumungo.

"Kamusta si Zhen?" Tanong ng emperor.

"Tahimik ang palasyo nila mula nang umalis ka. Walang nagbago." Balita nito.

Napasapo na lang ang emperor sa kaniyang noo at hindi napagiling mapabuntong-hininga.

"Tumayo ka na."

"Salamat, Huang Shang."

Tumayo naman ito at kinuha ang tsaa kay Zhu Gonggong at inabot ito sa emperor.

"Nag-aalala ka para kay Zhen Pin." Sabi nito.

"Hindi ko naman gustong pagdudahan siya..." Mahinang tugon ng emperor.

"Pero?" Tanong ni Jiao Chang Zai.

"Sa kaniya nakaturo ang lahat ng ebidensiya." Sagot ng emperor. "Ang prinsipe na ang sangkot sa kasong 'to, bilang emperor, hindi ko siya pwedeng kampihan."

"Dahil iisipin ng iba na mas pinapairal niyo ang nararamdaman niyo kaysa bigyan ng tamang parusa si Zhen Pin."

Tumango ang emperor.

"Pero Huang Shang... Paano kung nais lang ng mga ebidensya na ituro ang akusasyon kay Zhen Pin?" Tanong ni Jiao Chang Zai.

"Isa lang ang tinuturo ni Zhen." Tugon ng emperor. "Si Ai Huang Gui Fei."

"Pero kung iisipin ng iba, imposible, dahil siya ang ina ng prinsipe."

"Ng iba?"

"Huang Shang, naniniwala ako kay Zhen Pin. Si Ai Huang Gui Fei ang may gawa nito."

"Pero..."

"Huang Shang, hindi ka ba naniniwalang magagawa 'yon ni Ai Huang Gui Fei? Naniniwala kang inosente siya pero nagdududa ka kay Zhen Pin?" Hindi makapaniwalang tugon ni Jiao Chang Zai.

Hindi pa gaanong kilala ni Jiao Chang Zai si Zhen Pin, pero alam niya na sa araw-araw niyang pagbati dito ay mabuti itong tao. Naguguluhan siya dahil parang mas kinakampihan pa ng emperor si Ai Huang Gui Fei.

"Hindi sa gan'on." Sagot ng emperor. "Alam kong may posibilidad na si Ai Huang Gui Fei ang gumawa nito, pero hindi ko matanggap dahil siya ang ina ng prinsipe. Siya ang ina ng anak namin. Alam kong matapang siya at hindi natatakot pero hindi ganito ang pagkakakilala ko sa kaniya, hindi niya sasaktan ang anak namin."

"Huang Shang, walang imposible sa harem." Sagot nito. "Lahat dito pwedeng mangyari."

Tila natauhan ang emperor sa naging sagot nito dahil hindi siya nagkakamali, walang imposible.

"Kaya kung ako sa inyo, iimbestigahan ko ng mabuti ang nangyari, wala kayong dapat kampihan."

Tumungo na siya bilang pamamaalam.

"Oo nga pala." Muling nagsalita si Jiao Chang Zai bago umalis. "Mabuting tao si Zhen Pin, Huang Shang. Huwag niyo siyang hayaang magbago at ipadama niyo sa kaniyang nariyan kayo at mahal niyo siya. Hindi ko pa siya naririnig na magreklamo tungkol sa inyo, sa tingin ko inuunawa niya kayo."

Nanatili itong tahimik.

"Mauna na po ako."

I Become A ConcubineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon