CHAPTER 40

845 29 3
                                    

CHAPTER 40

ZHEN PIN

"Pagbati, Zhen Pin Niangniang," wika ni Jiao Gui Ren. "Masaya ako at magaling na kayo."

"Masaya rin ako na 'di mo 'ko nakakalimutan," tugon ko. "Balita ko pa nga ay sinubukan mo kong puntahan nang may sakit ako. Maraming salamat sa pag-aalala."

"Wala po 'yon, Niangniang."

"Dahil nandito ka na, sabay na tayong magtungo sa palasyo ng empress," wika ko. "Ngayong magaling na 'ko, dapat na 'kong bumati uli sa kaniya."

"Ihahanda ko po ba ang sedan chair, Niangniang?" Tanong ni Yue.

"'Di na kailangan," sagot ko. "Kagagaling ko lang kaya mas maganda kung maglalakad-lakad ako para lumakas."

"Masusunod po."

Pasikreto akong sumulyap kay Jiao Gui Ren upang makita ang reaksyon niya. Sa palagay ko naman ay naniniwala siyang nagkasakit talaga ako. Ayoko mang pagdudahan siya, tagapaglingkod pa rin siya ng emperor. Kailangan kong mag-ingat.

Nagtungo na kaming dalawa sa palasyo ng empress. Nang pumasok kami sa loob ay agad na tumingin at bumati sa'kin ang iba pang mga concubine. Napatingin ako sa bakanteng upuan ng empress. Mukhang wala pa siya. Kaya dumiretso na lang din ako sa upuan ko.

"Pagbati, Huang Hou Niangniang!" Bati namin at tumungo nang makita siyang lumabas ng kwarto.

Naupo siya. "Maaari na rin kayong umupo."

Pagkaupo namin ay agad niyang binaling ang tingin sa'kin. "Zhen Pin, masaya ako at magaling ka na."

"Patawad kung 'di ko nagawang batiin ka nang nakaraan," tugon ko. "Masama kasi talaga ang pakiramdam ko."

"Walang problema. Ang mahalaga ngayon ay magaling ka na."

Tumikhim si Batkhaan Chang Zai. "Masaya akong makita na nagkakasundo kayo, Huang Hou Niangniang."

Ngumisi ang empress. "Kaming dalawa na lang naman ang namamahala sa harem. Kung 'di pa kami magkakasundo ay anong mangyayari sa'tin?"

Palihim akong tumingin kay Qiu Gui Ren. Halatang napantig ang tenga niya sa sinabi ng empress. Siguro hanggang ngayon ay 'di niya pa rin matanggap ang nangyari sa kaniya. Siya ang dating Ai Huang Gui Fei. Marinig pa lang ng iba ang pangalan niya, nanginginig na sila. Ngayon, tinatawanan na lang siya ng iba.

"Kumusta ang prinsipe, Jiao Gui Ren?" Tanong ng empress.

"Mabuti, Huang Hou," nakangiti niyang tugon. "Napakabuti niyang bata. Walang problema sa kaniya."

Muli akong napatingin kay Qiu Gui Ren. Halata sa mga mata niya ang galit nang mabanggit ang kaniyang anak. Ngunit mayr'on pang ibang makikita maliban dito. Inggit?

"Zhen Pin," tawag ng empress. "Balita ko naman ay talagang napakagaling daw na estudyante ni Long Jin. Tiyak akong pinagmamalaki mo siya."

Ngumiti ako. "'Di ka nagkakamali, Niangniang. Talagang pinagmamalaki ko siya."

At kung nasaan man ngayon ang totoong ina ni Long Jin, tiyak kong pinagmamalaki niya rin siya.

"Zhi Pin," muli niyang wika. "Kumusta naman si Prinsesa Ling Pei?"

"Katulad pa rin naman siya ng dati, Huang Hou."

"May nais nga pala akong ibigay sa kaniya."

"Huang Hou?" Gulat na tugon ni Zhi Pin.

Agad namang inabot ng tagapaglingkod ng empress ang isang kahon sa tagapaglingkod ni Zhi Pin. Nang binuksan nila ang kahon ay gan'on na lang ang gulat ni Zhi Pin nang makita na isang jade na bracelet ang laman nito. Napaluhod siya at nagpasalamat sa empress.

Ngumiti ang empress. "Tumayo ka. 'Di mo kailangang magpasalamat. Dapat nga noon pa lang ay naibigay ko na 'yan sa prinsesa."

"Maraming salamat po talaga, Huang Hou Niangniang," muling wika ni Zhi Pin bago tumayo at bumalik sa upuan niya.

"Siguro ay 'di naman lingid sa kaalaman ng iba rito na may kaunting hidwaan sa pagitan namin ni Zhi Pin," paliwanag ng empress. "At napagdesisyunan kong tapusin na ang hidwaang 'yon."

Napatingin ako kay Zhi Pin. Halatang pinipigilan niyang umiyak. Ngunit 'di maitatangging masaya siya sa sinabi ng empress.

"Anong dahilan at naisipan n'yong tapusin na ang hidwaan sa pagitan n'yo, Huang Hou?" Muling pagsingit ni Batkhaan Chang Zai.

"Bilang empress, tungkulin kong pamunuan ang harem nang payapa. Paano magiging payapa ang harem kung kahit na isang simpleng pagtatalo sa pagitan namin ay 'di ko kayang ayusin?"

"Napakatalino n'yo, Niangniang," puri ko sa kaniya.

Ngumiti siya. "Iniisip ko lamang ang makabubuti sa'ting lahat."

"Dahil nabati n'yo na 'ko, maaari na kayong bumalik sa inyong mga palasyo," wika ng empress. "Ngunit, Zhen Pin, maaari bang maiwan ka muna? Nais kong pag-usapan natin ang mangyayaring pamamahala sa harem."

"Walang problema, Niangniang."

Dahil sa sinabi ng empress, isa-isa nang nagsialisan ang iba.

"Anong plano mo ngayon?" Tanong ng empress nang tuluyan na silang nakaalis. "Paano mo buburahin ang mga Qiu sa harem?"

"Sa totoo lang ay wala pa 'kong plano, Niangniang," tugon ko. "Kaya pumayag din ako na magpaiwan dahil nais kong marinig kung anong maipapayo mo sa'kin."

"Kung gusto mong marinig ang payo ko, sasabihin ko," tugon niya. "Sa kanilang tatlo, si Jing Chang Zai ang pinakamadaling burahin. Mayabang at mabilis uminit ang ulo niya kaya madaling gawan ng pagkakamali."

"At ano ang pagkakamaling 'yon, Niangniang?"

"Ikaw lang ang makakapagsabi kung ano 'yon, Zhen Pin," tugon niya. "Nais mo 'kong tulungan, tama? Ano man sana ang gawin mo ay 'di ako madamay."

"Naiintindihan ko..."

Sabi ko na nga ba't ako ang magiging pain dito kung sakali. Pumayag siyang tulungan ko siya, ngunit 'di siya pumayag na tulungan ako. Kung sakali man na pumalya ang magiging plano ko, ako lang ang mananagot at 'di siya.

Tumingin siya kay Yue. "Ikaw ang bagong tagapaglingkod ni Zhen Pin, tama?"

Sandaling nanlaki ang mga mata ni Yue ngunit agad din namang naging blangko ang ekspresyon niya. "Ako po nga po, Huang Hou Niangniang."

"Maaari ko bang malaman kung ba't madalas kang nasa labas ng palasyo ni Naran Gui Ren?"

Sa labas ng palasyo ni Naran Gui Ren? Anong ginagawa niya r'on?

"Tinatanong ka ng empress," wika ni Lu Shan. "Sagutin mo ang tanong niya!"

"Mukhang may tinatago sa'tin ang tagapaglingkod mo, Zhen Pin."

Napatingin ako kay Yue. "Maaari mo bang sagutin ang tanong ng empress?"

"Nand'on ako dahil..."

"Dahil?"

"Dahil... nais kong makita ang mga dati kong kasamahan..."

"Mga dati mong kasamahan?" Tanong ng empress.

"Dati po akong naglilingkod kay Naran Gui Ren bago mapunta sa Summer Palace. May iba po akong mga kasamahan na hanggang ngayon ay naglilingkod pa rin kay Naran Gui Ren. Nais ko lang po silang makita."

Pagkatapos niyang sumagot, hinayaan na kaming umalis ng empress. Ngunit habang naglalakad kami ay 'di ko maiwasang isipin kung totoo ba talaga ang sinabi niya o may iba pang dahilan.

Napahinto ako. "May problema ba, Niangniang?" Tanong ni Yue.

"Sabihin mo sa'kin ang totoo, Yue," wika ko. "Anong ginagawa mo sa labas ng palasyo ni Naran Gui Ren?"

Ngunit imbes na sumagot ay nanatili siyang tahimik.

"Ano ang totoong dahilan, Yue?"

Huminga siya nang malalim bago lumuhod. "Patawad, Niangniang. Nagsinungaling ako sa empress."

"Kung gan'on ay sabihin mo sa'kin ang totoo. Ano ba talaga ang ginagawa mo 'ron?"

"Binalak kong... patayin si Naran Gui Ren, Niangniang..."

Nanlaki ang mga mata ko at napahakbang palayo sa kaniya. "P-patayin?"

"Ngunit nagbago na ang desisyon ko, Niangniang. Alam kong madadamay kayo kung sakali man na may gawin ako kaya naisip kong wag nang ituloy pa. Maniwala kayo sa'kin, Niangniang."

Tumingin ako sa paligid. "'Di ligtas kung dito tayo mag-uusap. Magtungo tayo sa hardin."

"Masusunod po," tugon niya at agad akong inalalayan patungo sa hardin.

Pasimple akong sumulyap sa kaniya habang naglalakad kami patungo sa hardin. Kung balak niya talagang patayin si Naran Gui Ren, kailangan ko na ring mag-ingat sa kaniya. Ngunit may parte sa'kin na naniniwala at nagtitiwala pa rin sa kaniya.

Huminto kami sa ilalim ng isang puno. Sa parte ng hardin na walang masyadong dumadaan.

"Sabihin mo sa'kin," wika ko. "Ba't nais mong patayin si Naran Gui Ren?"

"'Di ko po ba naikwento sa inyo ang buong katotohanan?" Usal niya. "Sabay kami ng nakababata kong kapatid na pumunta rito sa palasyo. Pareho rin kaming naglingkod kay Naran Gui Ren. Ngunit dahil lang sa isang simpleng pagkakamali, naparusahan siya nang malubha at nawalan ng buhay. Ang lapnos na nasa braso ko ay mula sa apoy na ginamit nila upang sunugin ang bangkay ng kapatid ko. Alam nilang mapapahamak sila kung makikita ng iba ang bangkay ng mga tagapaglingkod mula sa palasyo niya, kaya pinili nilang sunugin ang bangkay ng mga ito. Sapat na po ba ang dahilan ko?"

Hinawakan ko ang kamay niya. Halatang nagulat siya sa ginawa ko. "Nauunawaan ko ang nararamdaman mo. 'Di naging madali sa'yo ang lahat. Ngunit ito na ang pagkakataon mo upang magsimula muli. Tiyak kong 'di rin matutuwa ang nakababata mong kapatid kung gagawin mo sa iba ang nangyari sa kaniya."

Nangilid ang luha sa mga mata niya. "Niangniang..."

"'Wag kang mag-alala. Naniniwala ako nang sabihin mong nagbago na ang isip mo."

"Niangniang, maaari po ba 'kong humiling ng isang bagay?"

"Ano 'yon?"

___

THIRD PERSON

"Anong ginagawa mo rito?" Maawtoridad na tanong ni Yong Gui Ren kay Yue nang makita ito sa labas ng palasyo ni Naran Gui Ren.

"Yong Gui Ren," bati ni Yue at tumungo.

"Sagutin mo ang tanong ko."

"Nandito lamang ako upang magpakita ng respeto sa mga dati kong kasamahan."

"Sinungaling," wika ni Yong Gui Ren. "Alam ko kung ba't ka nandito. Nandito ka dahil nais mong maghiganti kay Naran Gui Ren."

"Nagkakamali po kayo-"

"Alam kong pinagbantaan mo si Jiao Gui Ren," tugon nito. "Binalaan mo siyang madadamay kung pipigilan ka niya."

"Nangyari nga ang bagay na 'yan," pag-amin ni Yue. "Ngunit wala na 'kong balak na maghiganti pa."

"Paano ako makakasiguro kung pinagbantaan mo mismo si Jiao Gui Ren?"

"Nadala lamang ako ng emosyon noon kaya ko siya nagawang pagbantaan, Yong Gui Ren."

"Sabihin na nating gan'on nga," tugon nito. "Ngunit paano mo ipapaliwanag kung ba't ka nandito? Kung totoo man na talagang nagbago na ang isip mo, dapat 'di ka na bumalik pa rito. 'Di ako naniniwala na nandito ka lang para ipakita ang respeto mo sa mga dati mong kasamahan."

"Ngunit paano kung totoo naman talagang nandito siya para magpakita ng respeto sa mga dati niyang kasama?"

Sabay silang napalingon at napatungo. "Pagbati, Zhen Pin Niangniang."

"Pinayagan ko siyang magtungo rito sa huling pagkakataon upang magpaalam at magpakita ng respeto sa mga dati niyang kasamahan."

"Naiintindihan ko, Niangniang."

"Mukhang malapit talaga kayong dalawa ni Jiao Gui Ren sa isa't isa, Yong Gui Ren."

"Tinuturing ko siya bilang..." Napapikit siya. "Bilang... kapatid na babae, Niangniang..."

"Pansin ko na mas tapat ka pa kay Jiao Gui Ren kaysa sa emperor. Kapatid nga lang ba talaga ang turing mo sa kaniya?"

"A-ano pa ba, Niangniang?"

"'Di ko alam," tugon ni Zhen Pin. "Ngunit mukhang mas malalim pa ang pagtingin mo sa kaniya."

"Niangniang," pagtawag ni Yue. "Tapos na po akong magpaalam at magbigay ng respeto sa kanila. Maaari na po tayong bumalik sa palasyo."

"Mauuna na kami, Yong Gui Ren," paalam ni Zhen Pin.

Napasapo na lang sa kaniyang noo si Yong Gui Ren. Hindi niya inasahan ang nangyari. Ngunit ang malamang 'di na itutuloy pa ni Yue ang plano niya ay nakapagpagaan sa loob niya. 'Di niya na kailangan pang mag-alala sa kaligtasan ni Jiao Gui Ren.

___

"Kung gan'on ay 'di na matutuloy ang balak na paghihiganti ni Yue?" Tanong ni Jiao Gui Ren.

Tumango si Yong Gui Ren. "Gan'on na nga."

Napangiti si Jiao Gui Ren. "Mabuti naman at gan'on na nga."

Ngunit kapansin-pansin ang pananahimik ni Yong Gui Ren.

"Ba't tahimik ka? 'Di ba nga dapat ay masaya tayo na 'di na niya itutuloy ang binabalak niya? 'Di na natin kailangan pang mag-alala sa kaniya."

"Masaya naman ako sa nangyari..."

"E, ba't nga tahimik ka? May iba pa bang nangyari na 'di mo sinasabi sa'kin?"

"W-wala naman..."

"Sigurado ka?"

"Oo. Sigurado ako."

'Di na nag-usisa pa si Jiao Gui Ren ngunit alam niyang may tinatago ang kaibigan sa kaniya. At 'yon ang kailangan niyang malaman.

___

"Iwan mo na 'ko rito," utos ni Baturu Da Ying sa kaniyang tagapaglingkod nang makarating sila sa tagong bahagi ng hardin.

"Sigurado po ba kayo?"

"Oo. Iwan mo na 'ko."

'Di na nagtanong pa ang tagapaglingkod niya at iniwan na siyang mag-isa.

Nang makasiguro siyang wala na ang kaniyang tagapaglingkod ay inumpisahan na niyang tawagin ang Author. Ngunit ilang minuto na siyang nagtatawag, 'di pa rin ito nagpapakita.

"Wala ka na ba talagang balak na magpakita?" Tanong niya habang nakatingin sa langit na para bang nand'on ang kausap niya. "Kailangan mo kaming tulungan."

"Anong klaseng tulong ba ang kailangan n'yo?"

Napalingon si Baturu Da Ying nang marinig ang malamig nitong tinig. Nakaguhit ang ngiti sa kaniyang mga labi ngunit natatakpan pa rin ng maskara ang kalahati ng kaniyang mukha.

"Alam mo kung anong klase ng tulong ang gusto namin."

"Kung gan'on ay nais n'yo pa ring makita ang aking mukha?" Natatawa nitong tanong. "Wala naman kayong mapapala."

"Duda akong wala kaming mapapala," tugon ni Baturu Da Ying. "Kung ako ang tatanungin, tiyak 'kong ikaw ang sagot sa lahat ng ito. Kapag nalaman namin ang totoo mong pagkatao, malalaman na rin namin kung ano ba talaga ang totoong kwento."

"'Di na magiging masaya kung gan'on," sagot nito. "Matatapos na agad ang kwentong ito."

"'Di ba't 'yon naman talaga ang dapat naming gawin, ang tapusin ang kwento at baguhin ito?"

Ngumisi siya. "Mukhang nais n'yo nang madaliin ang kwento."

"Dahil nais na rin naming malaman ang buong katotohanan. 'Wag na tayong magpaikut-ikot pa."

"Kung nais mong sagutin ko ang tanong n'yo at ipakita ang mukha ko, handa ako," mapaglaro niyang wika. "Ang tanong rito ay kung handa ba kayo?"

Napalunok si Baturu Da Ying sa tinuran nito, ngunit alam niyang kailangan niyang malaman ang sagot, kaya naman kinuyom niya ang kaniyang kamao upang palakasin ang kaniyang loob bilang paghahanda sa bagay na maaari niyang malaman.

Lalo pang napangisi ang Author sa lakas ng loob na pinakita ni Baturu Da Ying. Kaya naman 'di na siya nagdalawang-isip at dahan-dahang inalis ang kaniyang maskara. Nanlaki ang mga mata ni Baturu Da Ying nang tuluyang makita ang buo niyang mukha.

Nanginginig niyang tinuro ang taong nasa harap niya. "I-ikaw..."

"Ako nga," nakangiti niyang sagot. "Ngayong nalaman mo na kung sino ako, sasabihin mo ba sa pinakamamahal mong kapatid o itatago mo lamang para sa sarili mo? Pumili ka."

___

ZHEN PIN NIANGNIANG

"Pagbati, Zhen Pin Niangniang," wika ni Baturu Da Ying at tumungo. "Pinatawag mo raw ako."

"Tama ka," sagot ko. "Maupo ka."

Sinunod naman niya ang sinabi ko at naupo sa tabi ko. Pinalabas ko muna ang lahat ng tagappaglingkod bago sabihin ang nais kong sabihin sa kaniya.

"Nakausap mo na ba ang Author? Nagpakita na ba siya sa'yo?"

Umiling siya. "Ginawa ko na ang lahat para makausap siya. 'Di talaga siya nagpakita sa'kin."

Napabuntong-hininga ako. "Wala tayong magagawa kung ayaw niya talagang magpakita."

"'Yon lang ba ang nais mong pag-usapan?"

"Hindi," sagot ko. "Nais ko sanang pag-usapan natin kung anong maaari nating gawin kay Jing Chang Zai."

"Kung gan'on ay kikilos ka na?"

Napapikit ako. Ang totoong dahilan kung ba't hanggang ngayon ay wala pa rin akong plano ay dahil nagdadalawang-isip pa rin ako kung tama ba ang gagawin ko. Ayaw kong maging dahilan ng pagkapahamak ng ibang tao. Ngunit mukhang wala na kong magagawa. Kailangan ko nang kumilos.

"May plano ako, Zhen Pin Niangniang. Ikaw na ang bahala kung gagawin mo o hindi."

___

Napatango na lang ako matapos niyang ibahagi ang plano niya sa'kin.

"Ano sa tingin mo, Niangniang?"

"Sige. Gawin natin."

"S-sigurado ka ba?"

Tumango ako. "Wala naman akong ibang plano. At mas mabuti na 'yang plano mo. 'Di ko kailangang ma-guilty masyado."

Ngumiti siya at hinawakan ang balikat ko. "Ginagawa mo naman 'to para pagbigyan ang empress."

Hinawakan ko ang kamay niya sa balikat ko. "Tama ka. Ngunit may magiging pananagutan pa rin ako sa mangyayari."

"Niangniang," bati ni Ying Gugu nang pumasok siya sa silid. "Nandito po si Zhu Gonggong."

Nagkatinginan kaming dalawa ni Baturu Da Ying.

"Sige," sagot ko. "Papasukin mo siya."

Agad naman siyang sumunod sa utos ko at pinapasok ang head eunuch.

"Pagbati, Zhen Pin Niangniang, Baturu Da Ying," wika niya at yumuko.

"Tumayo ka, Zhu Gonggong," utos ko. "Anong maipanglilingkod namin sa'yo?"

"Masaya po ang emperor na malamang magaling na kayo, Zhen Pin Niangniang. Nandito po ako upang sabihin na pupuntahan kayo mamaya ng emperor upang kumustahin. Ayos lang po ba 'yon sa inyo, Niangniang?"

Pinilit kong ngumiti. "Walang problema. Masaya rin akong malaman na pupuntahan niya 'ko upang kumustahin. Paghahandaan namin ang pagdating niya."

Ngumiti si Zhu Gonggong. "Mabuti kung gan'on, Niangniang. Mauuna na 'ko."

"Salamat, Zhu Gonggong."

"Talaga bang papayag ka na magpakita sa emperor?" Tanong ni Baturu Da Ying nang makaalis na si Zhu Gonggong.

Napamasahe ako sa sintindo ko. "Wala akong magagawa. Kailangan kong magkunwari na wala akong alam at maayos lang ang lahat."

"Mag-iingat ka, Jiejie..."

Jiejie?

Ngumiti ako. "Mag-iingat ako, Meimei."

I Become A ConcubineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon