CHAPTER 31

983 44 0
                                    

CHAPTER 31

THIRD PERSON

"Pagbati, Huang E'niang," bati ng emperor at lumuhod sa empress dowager.

"Tumayo ka, Huang Di."

"Salamat po," sagot nito at umupo sa tabi ng empress dowager.

"Nabalitaan ko ang nangyari," wika ng empress dowager. "Kamusta si Zhen Pin?"

Napabuntong-hininga ang emperor. "Maayos naman siya, at mukhang mas panatag na ang loob niya dahil nahuli na namin ang totoong may kasalanan."

"Kung maayos na pala siya, bakit parang hindi ka masyadong masaya at napabuntong-hininga ka pa?"

"Dahil nga sa hindi naman talaga ang empress ang may totoong kasalanan sa nangyari, gusto niyang alisin ko na ang parusa ko sa kaniya."

"Pero ayaw mong gawin 'yon, tama?" Wika ng empress dowager.

"Sinabi ko sa kaniya na ayaw kong gawin 'yon, dahil nakumpirma nga namin na nag-uumpisa na ang pamilya ng mga Long na mag-aklas laban sa imperyo," tugon ng emperor habang minamasahe ang sintido niya. "Pero nilinaw niya sa'kin na hindi ko daw dapat idamay ang empress d'on kung wala naman siyang alam."

"Pero alam din nating pareho na ginagawa mo 'yan, hindi dahil maaaring sangkot ang empress sa rebelyon, kundi dahil gusto mo na rin siyang mawala sa harem."

Dahil sa sinabi ng empress dowager, napatingin ang emperor sa kaniya, pero agad din itong nag-iwas ng tingin habang may malalim na iniisip.

"Ginagawa ko lang din naman 'yon para sa kaniya," mahinang wika ng emperor. "Kapag nawala na ang empress, siya na ang mamahala sa harem. Wala na ring magtatangkang manakit pa sa kaniya at sa mga magiging anak namin."

"Pero hindi niya pa naiintindihan 'yan," tugon ng empress dowager. "Dahil ang gusto niya ay maging patas ka."

"Kaya nga iniisip ko kung anong gagawin ko, Huang E'niang."

"Sa ngayon ay sundin mo na muna ang gusto ni Zhen Pin," tugon ng empress dowager. "Alisin mo muna ang pinataw mong parusa sa empress at hayaan mo na siya ang mamahala sa harem, dahil sa nakikita ko, hindi pa handa si Zhen Pin. Para siyang isang sandata na kailangan pang hasain. Wala pa siyang isang taon sa harem at kulang pa ang karanasan niya. Hindi niya kakayanin na mamuno sa harem na may malambot na puso, dahil hindi siya tatagal."

"Naiintindihan ko, E'nie."

"Mabuti naman, Huang Di. Dahil hindi ko naman sinasabi 'to dahil lang sa wala. Gaya niya ay dati rin akong babae ng emperor, at sa pagdaan ng panahon ay alam ko na ang mga pasikut-sikot sa harem. Kung hindi mo magagawang lumaban at tumapak ng ibang tao para umangat ka, ikaw ang matatalo. 'Yon ang dapat niyang matutunan. Dahil kahit siya na ang empress, hindi ibig sabihin n'on ay ligtas na siya. Ang ibig sabihin lang n'on, mas marami na siyang magiging kaaway."

Tumayo naman ang emperor. "Marami pong salamat sa payo n'yo. Mauuna na po ako."

---

ZHEN PIN

"Niangniang, may hinahanap po ba kayo?" Tanong ni Ying Nuzi.

"Hinahanap ko lang ang pangalan ng lahat ng concubine," sagot ko.

"Ako na po ang maghahanap. Maupo po kayo."

"Sige," tugon ko at na-upo habang pinapanuod siyang hanapin ang mga pangalan.

"Ito po," wika niya at inabot sa'kin ang aklat. "Bakit n'yo nga po pala hinahanap 'yan?"

"Naalala ko kasi ang sinabi sa'kin noon ni Yuan Nuzi," tugon ko. "Pito kaming mga bagong babae sa harem, pero si Wei Meimei, Baturu Da Ying, Batkhaan Chang Zai, at si Min Da Ying lang ang kilala ko. Sino pa ang dalawa?"

"Nakikilala ko ang isa pa, Niangniang. Si Jing Chang Zai na mula sa Palace of Universal Happiness. Malayong kamag-anak siya ng mga Qiu at kilalang mainitin ang ulo. Hindi siya hinahayaan ng empress noon na lumabas dahil magdudulot lamang siya ng gulo, kaya siguro hindi n'yo pa siya nakikilala."

"Mukhang dumadaloy talaga sa dugo nila ang pagiging mainitin ang ulo," wika ko. "Mabuti na lamang at tahimik lang si Qiu Fei."

"Kilala po talagang tahimik at matamis magsalita si Qiu Fei. Noong mababang concubine pa lang siya, madalas siyang makitang sumasayaw, pero dahil naging consort na siya ay hindi niya na 'yon nagagawa."

"Bakit naman?" Tanong ko.

"Bilang isang consort, tungkulin niyang maging halimbawa sa iba, at isang mababang gawain para sa kaniya ang sumayaw. Maaari siyang maparusahan kapag may nakahuli sa kaniyang sumasayaw."

"Dahil lang sa pagsayaw?"

"Gan'on po talaga, Niangniang," tugon ni Ying Nuzi. "'Yon lang po ang alam ko sa kaniya, Niangniang. Ang isa ay hindi ko na nakikilala."

"Ayos lang."

Binuksan ko ang aklat at pinalipat-lipat ang pahina. Tumigil ako nang mabasa ang isang pangalan, "Naran Gerel."

"Naran po?" Tanong ni Ying Nuzi.

"May problema ba?"

"Wala naman po," sagot niya. "Nagulat lamang po ako dahil isang mayaman at kilalang pamilya ang mga Naran."

"Saan sila kilala?"

"Sa pakikipagkalakal po ng mga produkto, Niangniang."

Napatingin naman ako sa posisyon niya, "Gui Ren."

Sa pagkakatanda ko ay Chang Zai na pinakamagandang posisyon na maibibigay sa mga gaya naming bago. Kaya para sa isang katulad niya na maging isang Gui Ren agad, alam kong iba siya.

"Sa Palace of Universal Happiness din siya nakatira," wika ko habang binabasa ang impormasyon tungkol sa kaniya.

"Gugu."

"Po?"

"Maghanap ka ng mga taong posibleng nakakakilala sa kaniya. Gusto ko lang magtanong."

"Masusunod po," pagtungo niya at umalis.

Muli naman akong napatingin sa pangalan ni Naran Gerel habang iniisip kung sino siya. Mag-i-isang taon na kami sa harem, pero kahit si Ying Nuzi ay hindi siya nakikilala. Hindi lang siya. Gan'on din si Jing Chang Zai. Pareho ko silang hindi kilala.

'Magiging kakampi ko ba sila o panibagong kaaway?'

Ilang minuto pa kong naghintay kay Ying Nuzi, pero pagbalik niya ay may kasama na siyang babaeng tagapaglingkod.

Lumuhod siya sa'kin at bumati, "Mapa sa inyo nawa ang kapayapaan, Zhen Pin Niangniang."

"Tumayo ka."

"Salamat po, Niangniang," tugon niya at tumayo.

"Kilala mo si Naran Gerel?" Tanong ko.

"Opo, Niangniang," diretso niyang sagot sa'kin. "Naging tagapaglingkod niya po ako."

"Naging?"

"Nang pumasok po kasi si Naran Gui Ren sa palasyo, inasahan na po ng iba na siya ang papaboran ng emperor, dahil siya lang ang binigyan ng posisyon bilang Gui Ren. Kaya naman lahat ng tagapaglingkod ay gustong mapunta sa kaniya, at isa na po ako r'on. Pero umalis na din po ako."

"Anong nangyari? Bakit ka umalis?"

"Dahil pagkapasok niya pa lang noon sa Forbidden City ay nagkasakit na agad siya, kaya hindi siya maaaring bisitahin ng emperor. Sa una ay mabait pa sa'min ang ibang tagapaglingkod, pero dahil wala kaming nakukuhang pabor mula sa emperor, nag-iba na rin ang trato nila sa'min. Kahit nga ang simpleng pagkuha lang ng pagkain ay nahihirapan pa kami."

"Kaya ba umalis ka?" Tanong ko. "Dahil nahihirapan ka na?"

"Hindi po 'yon ang dahilan, Niangniang."

"Sabihin mo."

Hindi naman siya agad sumagot at kinakabahang tumingin kay Ying Nuzi na para bang tinatanong niya kung sasabihin niya ba talaga sa'kin ang sagot.

"Naghihintay ako."

"O-Opo," nauutal niyang sagot. "D-Dahil... H-Hindi na po namin kayang magtiis. N-Nakakatakot ang galit ni Naran Gui Ren, at napakasakit niya rin pong magsalita."

Inangat niya ang manggas ng damit niya at gan'on na lang ang gulat namin nang makita ang lapnos niya sa may braso.

"I-Ito po ang parusa niya sa'kin nang minsang magkamali ako," wika niya. "Niangniang, hindi lang po ako ang ganito. Halos lahat sa mga tagapaglingkod ay nakaranas ng pang-aabuso mula kay Naran Gui Ren. Kahit sa simpleng pagkakamali lamang ay nakakatanggap kami ng masasakit na salita at mabibigat na parusa mula sa kaniya."

"Niangniang..." nababahalang wika ni Ying Nuzi.

"Sa simula ba ay ganiyan na talaga siya?"

"Hindi po, Niangniang. Nag-umpisa lamang po 'yon nang mag-iba na ang trato sa kaniya. Kaya nga po tiniis po muna namin at inintindi si Naran Gui Ren, dahil alam po naming epekto lang din 'yon ng mga nangyayari sa kaniya. Pero hindi na po talaga namin kinaya. Kaya nang nagkar'on ng pagkakataon ay umalis na kami agad."

Gustuhin ko mang maawa sa kaniya, hindi pa rin n'on maitatama ang mga ginagawa niya. Hindi niya dapat ibinubunton sa iba ang galit niya.

"Niangniang," usal ni Ying Nuzi. "Si Jing Chang Zai, mainitin ang ulo. Si Naran Gui Ren naman, may problema sa pagpapalabas ng galit. Mas mabuting mag-ingat tayo sa kanila."

"Tama ka."

Pero posible bang matulungan pa namin si Naran Gui Ren? Baka kaya lang naman siya nagkakaganiyan dahil sa nangyari, pero kapag naayos na 'yon ay baka bumalik na rin siya sa dati.

"Mauuna na po ako, Niangniang," paalam ng tagapaglingkod.

"Sandali," tugon ko dahilan para tumigil siya. "Anong pangalan mo?"

"Ako po si Yue."

'Yue?'

Naibaba ko ang tingin ko. Kaunti na lang kasi at kapangalan na niya si Xue. Pansin ko rin na may pagkakahawig sila. Mas inosente nga lang at masayahing tignan si Xue, habang siya ay seryoso at maingat.

"Saan ka naglilingkod ngayon?"

"Dito po sa Summer Palace. Nang umalis po kasi ako ay nalipat na rin po ako rito."

"Kung maglilingkod ka ba sa'kin, tatanggapin mo?"

Halatang nagulat siya sa sinabi ko. Gan'on din si Ying Nuzi.

"Sigurado po ba kayo?"

"Tatanggapin mo ba?"

Napatingin naman siya kay Ying Nuzi na para banag nagtatanong kung tatanggapin niya. Ngumiti naman ito sa kaniya para siguruhing ayos lang.

Agad naman siyang lumuhod nang makapagdesisyon. "Buong puso ko pong tatanggapin, Niangniang."

"Bilang tagapaglingkod ko, inaasahan kong magiging matalino at tapat ka sa'kin."

"Asahan n'yo po 'yan."

Ngumiti ako. "Inaasahan din kita."

---

THIRD PERSON

"Yue, totoo ba?"

"Tama ba ang narinig namin?"

"Seryoso ka ba?"

Sunud-sunod na tanong ng ibang tagapaglingkod habang nag-iimpake si Yue ng mga gamit niya. Siya na kasi ang bagong lady-in-waiting ni Zhen Pin, kaya naghahanda na siya para lumipat.

"Oo nga," nakangiti niyang sagot.

"ANG SWERTE MO NAMAN!" Sigaw ng mga kasamahan niya.

"Anong swerte d'on?" Masungit na tugon ni Yilan, kaibigan ni Yue. "Mahihiwalay siya sa'tin. Tapos ay hindi pa tayo sigurado kung mabubuhay siya sa Forbidden City."

"Oo nga."

"Aalis ka ba talaga, Yue?"

"Iiwan mo na kami?"

Napangiti naman si Yue at inakbayan ang mga kaibigan. "Magkikita pa rin naman tayo taon-taon kasi bumabalik naman sila sa Summer Palace tuwing tag-init, 'di ba?"

"Pero paano ang buhay mo?" Tugon ni Yilan. "Malulupit ang mga tao sa Forbidden City. Kaunting pagkakamali lang ay maaari kang mamatay. Paano kapag hindi ka pinalad, ha?"

"'Wag kang mag-alala sa'kin, Lanlan. May tiwala ako kay Zhen Pin. Pakiramdam ko ay hindi niya ko papabayaan."

"Bakit ba kasi ang bilis mong magtiwala sa kaniya? Babae din siya ng emperor. Katulad din siya ng iba!"

Napabuntong-hininga naman si Yue at nilapitan ang kaibigan para tapikin ang balikat. Nauunawaan niya kung bakit ito nagkakaganito. Pareho lang silang galing sa Forbidden City na lumipat sa Summer Palace dahil pareho silang nakaranas ng pang-aabuso mula sa mga concubine.

"Hindi ko alam," sagot ni Yue. "Pero may nakikita ako sa kaniya, sa mga mata niya. Alam kong mapagkakatiwalaan siya at hindi niya hahayaan na may mangyari sa'king masama."

"Sige. Sinabi mo 'yan, e."

Napangiti siya sa inusal ng kaibigan at niyakap ito.

"Salamat. Alam kong maiintindihan mo ko."

"Buksan mo ang palad mo," wika ni Yilan na sinunod naman ni Yue. Nilagay niya ang isang barya at sinara ang kamay nito. "Alam kong wala lang 'tong kwenta, pero gusto kong kunin mo. Baka makalimutan mo na ko kapag wala akong binigay sa'yo na makakapagpaalala sa'kin, e."

"Sira ka talaga," Natatawang tugon ni Yue. "Aalagaan ko 'to. 'Wag kang mag-alala."

Bumitaw na siya sa kaibigan at bumalik sa pag-aayos ng gamit.

"Aalis ka na talaga?"

Nakangiti namang tumango si Yue habang sinusukbit sa balikat ang dala niyang mga gamit.

"Mangungulila kami sa'yo, Yue."

"'Wag mo kaming kalilimutan, ha?"

"Tandaan mong nandito lang kami para sa'yo."

Tumayo naman si Yue at binuksan ang mga braso niya para yakapin sila, habang si Yilan naman ay nakatingin lang sa kanila. Hindi niya pa rin tanggap na iiwan siya ng kaibigan para bumalik sa impyernong tinakasan nila.

"Yilan." Siya naman ngayon ang niyakap nito, pero hindi siya umimik.

"Bakit mo ba naisipan pang bumalik sa Forbidden City?" Bulong nito habang magkayakap pa rin sila.

"May kailangan lang akong... balikan."

Bumitaw na sa kaniya si Yue at muling ngumiti.

"Mauuna na ko, Lanlan," paalam nito sa kaniya.

Pero hindi siya sumagot at tumingin lang sa kaniya hanggang sa mawala na ito nang tuluyan. Hindi sa wala siyang pakialam sa pag-alis nito, kundi kabaliktaran pa mismo. Alam niyang may binabalak ang kaibigan niya, pero huli na para pigilan siya, dahil mukhang desidido na ito.

---

ZHEN PIN

"MAGBIGAY GALANG KAY ZHEN PIN NIANGNIANG!"

Naramdaman ko namang nilapag na nila ang karawaheng sinasakyan ko. Inangat naman ni Ying Nuzi ang kurtina ng karwahe at tinulungan akong makalabas.

"Pagbati po, Zhen Pin Niangniang!"

Napatingin ako sa mga guardiang bumati, bago napadako ang mga mata ko sa malaking mansion na nasa harapan namin. Ang mansion ng mga Li.

Mabuti na lang at pinayagan ako ng emperor na pumunta rito. Hindi naman kami nahirapan dahil malapit lang 'to sa Summer Palace.

"Tumayo kayo."

"Maraming salamat po!"

"Sasabihin ko na po ang amo namin na nandito na po kayo," wika ng isa at tumakbo papasok sa loob.

"Hayaan n'yo pong ihatid ko kayo sa loob," wika naman ng isa.

Sumunod naman kami sa kaniya, pero niya pa kami madala sa lugar na pagdadalhan niya, sinalubong na kami ng isang lalaki. Sa tingin ko ay siya ang ama ni Li Gui Ren.

"Pagbati, Niangniang," wika niya at yumuko.

"Hindi na ko magpapatumpik-tumpik pa," tugon ko. "Wala ako rito para sa inyo. Nandito ako para makita ang totoong ina ni Li Gui Ren."

Nagkatinginan naman sila ng mga tagapaglingkod niya.

"Dadalhin n'yo ba ko o hindi?"

"S-Syempre naman, Niangniang," sagot niya. "Dalhin n'yo siya."

"Opo," sagot ng tagapaglingkod. "Sumunod po kayo sa'kin."

Gaya kanina ay sumunod lang kami sa kaniya. Ilang minuto na kaming naglalakad at palayo na rin kami ng palayo. Tumigil na rin kami sa harap ng isang maliit na bahay. Madumi, at mukhang hindi naaalagaan.

Binuksan niya ang pinto para sa'min. "Dito na po, Niangniang."

Pumasok kami sa loob at gan'on na lang gulat namin sa itsura nito. Napaka-alikabok, puro sapot, at gulu-gulo rin ang mga gamit. Napapa-ubo na lang kami sa sobrang dami ng alikabok. Hindi ko rin mapigilang magtakip ng ilong dahil sa kaaya-ayang amoy.

"Niangniang, ayos lang po ba kayo? Kung hindi n'yo po kaya ay lumabas na po tayo," nag-aalalang wika ni Ying Nuzi.

"Ayos lang ako. 'Wag mo kong isipin," sagot ko.

Medyo madilim din dito dahil walang dadaanan ang sikat ng araw, kaya matagal pa bago ko napansin ang isang babaeng nakahiga. Nakatagilid siya sa kabilang direksyon habang nababalutan ng kumot.

'Ito na ba ang kaniyang ina?'

Muling nagawi ang tingin ko sa babae nang makita siyang gumalaw. Inutusan ko naman si Ying Nuzi na tulungan siyang ma-upo dahil halata namang nahihirapan siya. Napakapayat niya at matamlay din.

"Sino po kayo?" Nanghihina niyang tanong na sinabayan ng ilang pag-ubo.

Hinahagod naman ni Ying Nuzi ang kaniyang likod, umaasa na mapagaan ang pakiramdam niya.

"Ako po si Zhen Pin. Nandito po ako para maghatid ng balita mula sa palasyo, tungkol kay Li Lifen."

"Fen'er?" Tanong niya. "Kaibigan ka ba ni Fen'er? Kamusta na siya? Masaya ba siya sa palasyo?"

Bigla siyang nagkalakas nang mabanggit ang pangalan ni Li Gui Ren, pero parang ako naman ang nanghina na magsabi ng totoo. Inaasahan niyang isang mabuting balita ang ibibigay ko sa kaniya, pero kabaliktaran ang dala ko.

"Wala na po siya..." mahina kong wika.

"Ano?" Nakangiti niyang tanong. Hinihintay kung anong sasabihin ko.

"Si Li Lifen po ay naglalakbay na sa kabilang buhay. Nawa'y ipagdasal ninyo at patawarin ang kaniyang kaluluwa."

"K-Kabilang buhay? I-Ipagdasal?" Nauutal at naguguluhan niyang tanong habang nagpapalipat-lipat ng tingin sa'min.

Nilakasan ko na ang loob ko at sinabing, "Wala na po siya."

Nangilid na ang luha sa kaniyang mga mata. "M-Maaari ko bang malaman kung bakit?"

"Sa halos apat na taon niyang pamamalagi sa palasyo, may mga bagay siyang nagawa, at buhay niya ang naging kabayaran n'on. 'Yon po ang totoo."

"Naiintindihan ko." Tumulo na ang kaniyang mga luha. "Kasalanan ko kung bakit siya umabot sa ganito..."

Natigilan siya at pinilit na naghabol ng hininga. Para siyang hinihika. At muli na namang umubo.

Dahil ako naman ang malapit sa may lamesa, ako na ang kumuha ng tubig at binigay ito sa kaniya. Nagpasalamat naman siya sa'kin at uminom. Mukhang guminhawa naman ang pakiramdam niya, at bumalik na sa dati ang kaniyang paghinga.

"Kung ano man ang mga nagawa niya, anong nagtulak sa kaniya para gawin 'yon?" Tanong niya.

"Ginawa niya raw 'yon para makapaghinganti sa mga Li."

"Kasalanan ko nga."

"Bakit n'yo naman po nasabi 'yan?"

"Dahil, bilang ina niya, hindi ko naituro sa kaniya na masama ang paghihiganti. Hindi ko rin siya nagawang protektahan sa mga nang-aapi sa kaniya noon." Natigilan siya at muling naghabol ng hininga. "Kahit ilang sandali ay hindi rin ako nakapaglaan ng oras sa kaniya. Lahat ng 'yon. Dahil lang sa hindi ko kaya. Dahil lang sa sakit na 'to."

Nagkatinginan kaming dalawa ni Ying Nuzi. Pareho naming nahimigan ang galit sa boses niya nang banggitin niya ang tungkol sa sakit niya. Pero bakit?

"Nang umalis siya noon para maging babae ng emperor, hindi man lang ako nakapagpaalam sa kaniya. Hindi man lang ako nakapagpayo sa kaniya. Ako ang ilaw niya pero hinayaan ko lang siyang maligaw sa dilim."

"Hindi n'yo naman ginusto 'yon—"

"Pero may kasalanan pa rin ako," usal niya. "At ang kasalanan na 'yon ay dadalhin ko hanggang sa hukay. Hindi na rin naman magtatagal ang buhay ko. Sana sa susunod kong buhay, siya pa rin ang anak, at sana sa pagkakataon na 'yon ay magawa ko na siyang alagaan at protektahan."

"'Wag n'yo pong sabihin 'yan. Maaari pa po kayong matagal nang matagal."

Nakangiti siyang umiling. "Kaunti na lang ang oras ko."

"Bakit parang siguradong sigurado kayo?"

"Dahil hindi naman normal na sakit ang mayr'on ako," sagot niya. "Pagkapanganak ko pa lang noon ay pinainom na nila ako ng lason na unti-unting papatay sa'kin."

"Lason?" Hindi ko makapaniwalang tugon.

"Kaya naiintindihan ko ang galit na nararamdaman ni Fen'er sa mga Li, ngunit nakalimutan kong ituro sa kaniya ma hindi tama ang paghihiganti."

"Baka maaari pa po kayong magamot—"

"Hindi. Walang gamot sa akin. 'Wag na kayong sumubok pa."

"Naiintindihan ko po."

"Salamat sa pagbalita sa'kin," wika niya. "Pero maaari na kayong umalis. Bigyan n'yo sana ako ng oras upang ipagluksa ang aking anak."

"Sige po."

Nagpaalam na kami ni Ying Nuzi at lumabas. Nang makalabas kami ay d'on ko lang naramdaman ang bigat ng loob. Masama ang pakiramdam ko sa mga nalaman at nasaksihan ko. Hindi ako makapaniwala na nakatira lamang sa isang lumang bahay ang kaniyang ina nang mag-isa. Nilason pa siya mismo ng mga Li. Mukhang nauunawaan ko na kung bakit gustong gumanti ni Li Gui Ren. Kahit siguro ako ay hindi makakapagpigil kapag ang nanay ko na ang nasa ganitong sitwasyon.

Sa tingin ko ay alam ko na. Hindi niya ginawa ang mga bagay na 'yon para kay Wen Da Ying o sa sarili niya. Ginawa niya ang lahat ng 'yon para lang mapaghiganti ang nanay niya.

"Niangniang," bati sa'kin ng tagapaglingkod at yumuko.

"Dalhin mo ko sa amo mo," tugon ko.

"Masusunod po."

Sumunod naman kami sa kaniya at pumasok sa isang kwarto kung nasaan ang ama ni Li Gui Ren.

"Ma-upo po kayo, Zhen Pin—"

"Hindi na kailangan," pagputol ko sa sinasabi niya. "May mga bagay lang ako na gustong sabihin."

Sumeryoso ang mukha niya. "Ano 'yon, Niangniang?"

"Paano n'yo naaatim ang gan'ong bagay?" Asik ko. "Nilason ninyo ang kaniyang ina, inabuso siya ng masasakit na salita, at pinabayaan. Anak n'yo rin siya. Pero paano?"

"Hindi ko alam ang sinasabi n'yo, Niangniang," pagmamaang-maangan niya.

Napangisi ako. "Namatay na ang anak n'yo at napahiya ang pamilya n'yo, pero hindi n'yo pa rin magawang magpakababa at aminin ang mga kasalanan n'yo."

"Ano ngayon kung ginawa ko nga 'yon? Anong gusto mong gawin ko?"

"Humingi ka ng tawad sa kanila," sagot ko. "At palipatin ang kaniyang ina sa mas maayos na lugar. Lugar na mabibigyan siya ng tamang pagkain at gamot na kailangan sa pagpapalakas niya."

Tumawa naman siya. "Bakit ko naman gagawin 'yan? Hindi ako magsasayang ng kayamanan para lang sa isang gaya niya! Mas mabuti pang mamatay na siya!"

"Ang lakas ng loob mong pagtaasan ng boses si Zhen Pin!" Asik naman ni Ying Nuzi.

Hinawakan ko ang kamay niya at tinignan siya para kumalma. Binalik ko naman ang tingin ko sa ama ni Li Gui Ren.

"Sa nakikita ko, wala ka talagang pagsisisi sa ginawa mo sa kanila," tugon ko. "Hindi ko malilimutan ang araw na 'to. Sisiguruhin kong pagsisisihan mo 'to."

"Ano namang gagawin mo, ha?!"

"Hindi mo ba alam kung sino ako sa palasyo? Nakakalimutan mo na bang ako si Zhen Pin?" Usal ko. "Bibigyan ko rin sila ng hustisya laban sa taong sumira ng buhay nila, at ikaw 'yon."

"Hindi mo gugustuhing makalaban ang mga Li, Niangniang."

"Hindi mo rin naman gugustuhing makalaban ang mga Shen."

Hindi na siya nakasagot pa kaya naman nginisian ko na lang siya.

"Tara na, Gugu. Mauna na tayo."

---

"Gan'on ang nangyari?" Tanong ng emperor.

"Opo, Huang Shang," sagot ko. "Kahit ako rin ay hindi pa masyadong makapaniwala."

"Iimbestigahan ko muna ang paglason niya sa ina ni Li Gui Ren bago ako gumawa ng hatol," wika niya. "Pero ang ginawa niyang pagsagot sa'yo ay may parusa. Zhu, ikalat mo ang hatol ko. Mula ngayon ay ayaw kong may mga babae na mula sa pamilyang Li ang makakapasok sa Forbidden City. Tagapaglingkod man 'yan o bilang babae."

"Masusunod po," sagot ni Zhu Gonggong.

"Kapag napatunayang sila ang lumason sa ina ni Li Gui Ren, anong magiging parusa nila?" Tanong ko.

"Tatanggalan ko sila ng kapangyarihan at ipapatapon sa malayong lugar," sagot niya. "Kung nagawa nilang lasunin ang ina ni Li Gui Ren, paano pa kaya ang magagawa nila sa iba? Maaaring marami na rin silang nabiktima. Naisin ko man silang patayin, ang magagawa ko lang ay tanggalan sila ng kapangyarihan upang hindi na makapang-api pa, at ipatapon sila sa malayong lugar upang hindi na manatili pa rito."

"Mas maayos para sa'kin ang desisyon mo."

"Talaga?"

Tumango ako. "Ayaw ko rin kasi na mamatay sila. Masyadong brutal para sa'kin. At-saka mas maganda na 'yong buong buhay nilang pagsisihan ang ginawa nila kaysa mamatay na lang."

Ngumiti ang emperor. "Napakabuti mo talaga."

"Hindi naman. Gusto ko lang talaga na mabigyan sila ng hustisya. Alam ko rin kasi ang pakiramdam na gustuhing makuha 'yon."

"Oo nga pala," usal ko. "Paano ang ina ni Li Gui Ren d'on?"

"Bukas na bukas din ay magpapadala ako ng mga tao para sunduin siya. Nais kong manatali siya sa pagamutan ng palasyo habang nagpapalakas."

Napangiti ako. "Salamat."

I Become A ConcubineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon