CHAPTER 28
ZHEN PIN
Napakabigat ng pakiramdam ko. Wala akong ibang magawa kundi tignan ang walang buhay na katawan ni Ping. Gusto kong umiyak. Gusto kong magalit. Pero parehong hindi ko magawa.
"N-Niangniang... Anong gagawin natin kay Ping?" Naluluhang tanong sa akin ni Ying Nuzi.
"Puntahan mo si Doktor Zhou. Tanungin mo siya kung may pamilya si Ping sa labas ng palasyo. Pagkatapos ay ipahatid mo ang katawan niya sa bahay nila at sabihin ang totoong nangyari."
"Masusunod po..." Mahina niyang sagot at akmang aalis na.
"Sandali, Gugu."
"Bakit po, Niangniang?"
"Gusto ko ring sabihin mo na..." Napalunok ako. "Ibibigay ko ang nararapat na hustisya para sa kaniya."
"Opo..." Tugon niya at tuluyang umalis.
Lumapit ako kay Ping at tinakip sa kaniyang mukha ang kumot na nakabalot sa kaniya.
"Patawad, Ping..."
"Niangniang, kailangan na po naming dalhin ang katawan niya." Rinig kong wika ni Xing-Su Gonggong.
Lumayo na ko sa katawan niya at pinanuod na dalhin siya ng mga eunuch. Hindi ko inalis ang tingin ko hangga't hindi pa sila nakakalabas ng palasyo ko.
Ang sabi nila, kapag naging mabilis ang pagtaas ko ay gan'on din kabilis ang magiging pagbagsak ko. Hindi ako bumagsak. Ngunit maraming nawala sa'kin. Nawala ang anak ko, nawala si Ping, at maaaring mawala na rin sa akin si Xue.
Ano pang pwedeng mawala sa'kin?
Napatingala na lang ako sa langit habang iniisip kung minsan ba ay nagkamali o nagkulang ako sa buhay para mangyari 'to. Napaka-araw pero ang lamig ng pakiramdam ko.
Gusto kong magpahinga pero hindi ako makagalaw. Nanghihina ako. Parang nabato na ko sa pwesto ko habang nakatingala sa langit. Para akong tangang naghihintay kung may sasagot ba sa mga tanong ko.
"Niangniang."
Napalingon ako at nakita si Ying Nuzi. Halata sa mukha niyang nag-a-alala siya sa akin. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakatingala lang sa langit, pero nandiyan na si Ying Nuzi nang gumalaw ako.
"Kailangan niyong magpahinga, Niangniang. Hindi pa kayo natutulog."
Tama siya. Mula nang makita namin ang katawan ni Ping ay hindi ko tinangkang magpahinga. Kung hindi ako nakatingin sa bangkay ni Ping at humihingi ng tawad, nagtatanong naman ako kay Shen Jin kung nakita na ba nila si Xue.
"Hindi ako magpapahinga hangga't hindi nila nakikita si Xue."
"Niangniang, mamaya lang ay darating na ang mga concubine upang batiin ka. Sina Lord Shen Jin na ang bahala kay Xue. Agad naman nilang sasabihin sa'yo kung nakita na nila si Xue."
"Sabihin mo sa kanila na... Hindi nila ako kailangang batiin ngayon at sa mga susunod na araw."
"Ngunit, Niangniang-" Seryoso ko siyang tinignan kaya napayuko siya. "Masusunod po..."
"Pumasok tayo sa loob." Wika ko.
Inalalayan naman niya kong maglakad papasok ng palasyo at umupo sa may bulwagan. Iniwan niya muna ako upang sabihin ang utos ko sa mga concubine. Habang wala siya ay wala rin akong magawa. Nakatulala lang ako. Hinihintay si Shen Jin na magbalita tungkol kay Xue.
Habang tumatagal ang paghihintay ko ay lalo lang akong nawawalan ng pag-asa. Pakiramdam ko ay kada segundong nababawas ay nababawas din ang buhay ni Xue. Kung hindi pa namin siya makikita, mababaliw na ko.
"Naipakalat ko na po ang utos nyo, Niangniang." Wika ni Ying Nuzi pagkabalik.
Abala siyang magsalin ng tsaa at nilapag ang tasa sa tabi ko. "Magtsaa po muna kayo."
Inabot ko naman ito at humigop ng kaunti.
"Si Ping..."
"Ah, Niangniang..." Tugon naman ni Ying Nuzi. "May pamilya daw po si Ping sa labas ng palasyo. Huwag kayong mag-alala dahil dadalhin nila ang katawan niya sa kanila. Nasabi ko na rin sa mga tagahatid ang mensaheng nais ninyong ipabatid sa kanila."
"May balita na ba kay Xue?" Tanong ko.
"Dumaan po ako kay Lord Shen Jin bago bumalik dito para magtanong, ngunit wala pa rin silang balita. Hindi pa rin nila nahahanap si Xue."
"Niangniang." Bati sa akin ni Xing-Su Gonggong. "Nandito po si Baturu Da Ying."
"Bakit daw?"
"May importante daw po siyang sasabihin sa inyo."
Naramdaman kong tumingin sa akin si Ying Nuzi.
"Sige. Papasukin mo siya."
Agad naman siyang sumunod at pinapasok si Baturu Da Ying.
"Pagbati, Zhen Pin Niangniang." Wika niya at tumungo.
"Bakit ka nandito?" Tanong ko.
Pasimple naman siyang tumingin kay Ying Nuzi.
"Gugu, iwan nyo muna kami." Utos ko rito.
"Opo." Sagot niya at tumungo bago umalis.
"Nakaalis na siya. Anong sasabihin mo?"
Tumayo naman siya. "Hindi ako ang may sasabihin, ate."
Lumabas sa likod niya ang isang babae. Katulad namin ay nakasuot din siya ng ganitong damit. Naka-ayos din ang buhok niya na gaya ng sa amin. Ang pinagkaiba lang ay may suot siyang gintong maskara na natatakpan ang itaas na bahagi ng mukha niya. Napakunot ang noo ko sa pagtataka kung sino siya.
"Kumusta, Ramielle?"
Napatayo ako. "Ikaw..."
"Mabuti naman at nakikilala mo pa ko."
*CRACK!*
Gan'on na lang ang gulat nilang pareho nang ihagis ko sa harap niya ang tasang hawak ko.
"A-Ate-"
"Alam mo kung ano ang mangyayari..." Naluluha kong tugon. "Pero hindi ka nagsabi!"
"Binalaan na kita-"
"Nakatulong ba 'yon?!"
Napa-upo ako at hindi na pinigilan pa ang sarili kong umiyak.
"Namatay ang anak ko! Alam mong mangyayari 'yon! Pero bakit hindi mo sinabi?! Bakit hindi mo ko tinulungan?!"
"Tingin mo ba ay masasabi ko na lang 'yon basta? Hindi ko maaaring gawin 'yon-"
"Bakit hindi?!" Sigaw ko. "Ikaw ang sumulat sa istoryang 'to! Bakit hindi?!"
"Mali ka."
"Ha?"
"Hindi ako ang sumulat sa istoryang 'to."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Nakasulat na 'to bago ko pa man isulat."
Naguguluhan ko siyang tinignan. Hindi ko maintindihan kung anong sinasabi niya. Akala ko ba ay siya ang nagsulat? Bakit ngayon ay sinasabi niyang hindi?
Napa-iling siya. "Sa bagay. Hindi mo naman maiintindihan."
"Ano 'yan? Sinasabi mo lang ba 'yan para hindi kita sisihin sa mga nangyari?" Lumuluha kong tugon.
"Nagsasabi ako ng totoo. Hindi ako nagmamalinis." Sagot niya. "Isa pa, hindi ko kasalanan ang mga nangyari. Binalaan na kita. Ginawa ko na ang parte ko. Hindi ko na kasalanan kung nagpabaya o nagtiwala ka."
"Sinisisi mo ba ko?!"
Hindi ako nagpabaya. Ginawa ko ang lahat para maprotektahan ang anak ko. Siguro ang pagkakamali ko na lang ay binaba ko ang depensa ko dahil hindi ko inaasahan na mangyayari 'yon sa gan'ong paraan.
"Pumunta lang naman ako dito para linawin ang isang bagay..." Wika niya.
"Ano 'yon?"
"Buhay pa si Xue."
May kung anong pag-asa ang namuo sa akin.
"Sigurado ka ba?" Tanong ko.
"Hindi ko kayang kontrolin ang lahat, pero alam ko ang nangyayari."
"Nasaan siya?"
"Malapit na siyang makita ng kapatid..." Sandali siyang natigilan. "...mo."
"Ligtas ba siya? Anong kalagayan niya?"
"Ikaw na ang bahalang umalam." Tugon niya. "Tara na, Roxanne."
Napatayo ako at hinawakan ang braso niya para pigilan siyang umalis. Halatang nagulat siya dahil hinawakan ko siya.
"Sasabihin mo lang sa akin ang kalagayan niya. Mahirap ba 'yon?" Mariin kong tanong.
"Sinabi ko na, 'di ba? Hindi lahat ay maaari kong sabihin. Makontento ka na lang sa kung ano mang binibigay ko sa'yo para tulungan ka."
Sandali kaming natahimik habang nakakapit pa rin ako sa braso niya. Habang nakatingin ako sa mga mata, may napansin ako. Pamilyar ang mga mata niya. Parang nakita ko na noon.
"Bakit ka nakamaskara?" Biglang tanong ko.
"Gusto ko lang." Sagot niya at hinatak na ang braso niya palayo sa'kin.
"'Yan ba ang totoong anyo mo?"
"Ito nga." Sagot niya. "Pero hindi na mahalaga 'yon."
Magsasalita pa sana ako nang bigla siyang magliyab. Tinangay ng hangin ang abo niya na parang isang...phoenix.
Tumingin ako kay Roxanne. "Nakita mo na ba ang totoo niyang itsura?"
"Hindi pa." Sagot niya. "Nagulat nga ko kasi ito ang unang beses na nakita ko siya bilang tao."
"Nitong mga nakaraan na hindi siya nagpapakita sa akin..."
"Kasama ko siya." Tugon niya. "Ayaw niyang magpakita sa'yo dahil alam niyang galit ka...at mukhang hindi nga siya nagkamali."
"Roxanne... Kasalanan ko ba ang mga nangyari?"
"Ate, hindi." Diretso niyang sagot. "Hindi mo ginusto ang mga nangyari."
"Ang tanga ko... Ang tanga tanga ko."
"Ate, huwag mong sabihin 'yan."
"Alam kong nasa harem ako. Alam kong wala akong pwedeng pagkatiwalaan sa lugar na 'to. Pero nagtiwala pa rin ako. Dahil sa katangahan ko, nawalan ako."
"Hindi mo naman kasalanan na nagtiwala ka. Normal sa ating mga tao na magtiwala."
Lumapit siya sa'kin at mahigpit akong niyakap.
"Weird naman. Ako 'yong niyayakap mo dati kapag umiiyak ako. Ngayon, ako na ang yumayakap sa'yo." Natatawa niyang wika.
"Sorry, ate. Sorry kung hindi mo ko kakampi dito." Dagdag niya pa. "Pero tinutulungan kita sa paraan ko. Tandaan mo 'yan."
Ngumiti siya. "Niangniang, mauuna na ko."
"Maraming salamat sa pagpunta, Baturu Da Ying." Sagot ko sa kaniya.
Bumitaw siya at tumungo sa akin. Muli siyang ngumiti bago lumabas ng bulwagan. Muli na kong umupo. Pumasok naman si Ying Nuzi at nagulat siya nang makita ang basag na mga piraso ng tasa sa sahig.
"Huwag kang mag-alala. Nabitawan ko lang 'yan."
Mukha namang nakahinga ng maluwag si Ying Nuzi. "Mabuti naman po. Akala ko po ay nagkasagutan na kayo ni Baturu Da Ying."
Tahimik naman niya itong pinulot habang ako ay naka-upo at hinihintay si Shen Jin. Kung nagsasabi nga ng totoo si Author, makikita na nila si Xue.
Sana'y ayos lang siya. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag may nangyaring masama sa kaniya. Ngayon pa nga lang na nawawala siya ay natutuliro na ko, paano pa kapag napahamak siya?
"Niangniang!" Wika ni Xing-Su Gonggong.
"Nakita na ba nila si Xue?" Agad kong tanong.
"Opo! Sinugod po siya agad sa pagamutan ng palasyo!"
Napatayo ako. "Tara. Bilisan nyo."
Hindi na ko nagpahanda pa ng sedan chair. Lakad-takbo kaming pumunta sa pagamutan ng palasyo. Pagkarating namin ay nakita namin si Shen Jin na nakatayo sa labas.
"Pagbati, Niangniang."
"Nakita nyo na daw si Xue. Kumusta siya?"
"Nasa loob na siya ng pagamutan at inaasikaso ng mga doktor, Niangniang."
"Nang makita nyo siya, anong kalagayan nya?"
"Nakita namin siya sa hardin, Niangniang. Nakabigti siya sa isang puno r'on, at puno ng pasa at sugat ang katawan. Halatang binugbog siya." Sagot niya. "Akala siguro nila ay patay na siya kaya iniwan na lang siya. Himalang humihinga pa siya nang abutan namin."
Nakahinga ako ng maluwag. Salamat naman at buhay pa siya. Sana ay bumuti pa ang kalagayan niya. Pinapangako ko sa kaniyang kung sino man ang gumawa nito sa kanilang dalawa ni Ping ay mananagot.
Ilang minuto pa kaming naghintay bago kami papasukin ng doktor. Nang makita ko siya ay gan'on na lang nangilid ang mga luha ko. Napakaputla niya, at puno ng pasa at sugat ang katawan niya. Kung sino man ang gumawa nito ay halatang pinahirapan siya.
Na-upo ako sa tabi niya at hinawakan ang kamay niya. Napakalamig n'on. Kaunti na lang ay iisipin mong patay na siya. Nagmarka rin ang lubid sa leeg niya. Tama nga si Shen Jin na isang himala ang pagkabuhay niya. Parang binuhay talaga siya dahil may kailangan pa siyang gawin.
"Niangniang." Bati sa akin ni Doktor Zhou.
"Kumusta siya?" Tanong ko.
"Niangniang, nailigtas namin siya ngunit..."
"Ngunit ano?"
"Hindi namin nasisiguro kung magigising pa siya. Magising man siya ay hindi namin alam kung tatagal pa siya."
Napapikit ako nang marinig ang sinabi niya. Nanghina ako nang marinig na mawawala rin pala siya sa'kin.
"Sigurado ba kayo?" Mahina kong tanong.
"Niangniang, makikita mo naman na kaunti na lang ay bibigay na ang katawan niya. Kung tutuusin nga ay himala pa na nakita siyang buhay."
Alam ko naman 'yon, pero wala na ba talagang pag-asa? Hindi ko kayang mawala siya...
"Pwede ba namin siyang ilipat sa palasyo ko?" Tanong ko.
"Wala pong problema, Niangniang."
Sinunod nila ang gusto ko at dinala si Xue sa palasyo. Sa kabilang kwarto namin siya nilagay, kung saan mas makakadaan ang hangin at hindi siya maiinitan o mahihirapang huminga.
Dumaan na ang tatlong araw pero hindi pa rin siya nagigising. Pinapakiusapan na nila akong hayaan na si Xue na magpahinga. Ayaw kong pumayag. Hindi ko siya hahayaang mamatay. Hindi siya tatagal kung walang dahilan. Alam kong nag-i-ipon lang siya ng lakas upang gumising. Alam kong makakasama ko pa siya.
"Niangniang."
Nagising ako nang marinig ang boses ni Ying Nuzi. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako sa tabi ni Xue.
"Gusto nyo na po bang maghinga?"
Umiling ako. "Hindi ako aalis dito hangga't hindi nagigising si Xue."
"Gusto nyo po ba ng tsaa?"
"Sige."
Hinawakan ko naman ang kamay ni Xue habang hinihintay si Ying Nuzi.
"Ito na po, Niangniang."
Aabutin ko na sana ang tsaa nang biglang humigpit ang kapit sa akin ni Xue. Nang una ay nagtaka ako pero lumakas ang tibok ng puso ko nang maisip ang isang bagay.
"Xue!"
Mas humigpit pa ang pagkakahawak niya at dahan-dahang minulat ang mga mata niya. Halata sa mga mata niyang pagod na siya pero diretso pa rin siyang tumingin sa akin.
"Tumawag kayo ng doktor! Bilisan nyo!"
"Opo!" Sagot ni Ying Nuzi at nagmamadaling umalis.
"Nian...niang..."
"Ano 'yon? May gusto ka ba?"
"'Wag na..."
"Alin ang 'wag na?"
"Doktor..."
Nangilid ang mga luha ko nang maintindihan ang nais niyang sabihin.
"Hindi...tatagal..."
"'W-Wag mong sabihin 'yan. Mabubuhay ka pa. Kailangan mo pa kong samahan."
"Pa...tawad..."
"Xue, pakiusap. 'Wag kang magsalita ng ganiyan. Hindi ko kaya kapag nawala ka. Pakiusap." Lumuluha kong tugon.
Ngumiti siya. "Kaya nyo..."
Umiling ako ng umiling. "Xue, hindi..."
"Li...ui...en..."
"Li?"
"Li... Gui... Ren..."
"Li Gui Ren?" Tanong ko. "Siya ba ang may gawa nito?"
Dahan-dahan siyang tumango.
"Igaganti pa kita. Naiintindihan mo? Kaya hindi ka pa pwedeng mawala. Xue. 'Wag muna."
"Nian...niang..."
Napansin ko pabigay na ang mga mata niya. Kaunti na lang at sasara na. Pinipilit niya lang na magising dahil mukhang mayr'on pa siyang hindi nasasabi sa'kin.
"Ano 'yon?"
"Paalam po..."
Napahagulgol ako nang marinig ang mga salita niya. Para akong sinasaksak sa sobrang sakit.
"S-Sandali lang, Xue. 'Wag kang ganiyan. Dadating na ang mga doktor. Maaari ka pa nilang iligtas. 'Wag ka munang magpaalam."
"Masaya po...akong...pagling..." Hindi na niya naituloy pa ang sasabihin niya at tuluyan nang bumigay ang mga mata. Wala na rin ang pagkakahawak ng kamay niya sa'kin.
"Xue?" Pagtawag ko sa kaniya. Pero wala siyang sagot.
"Xue, 'hindi! Kailangan kita! Hindi ka pwedeng umalis! Gumising ka! Parang-awa mo na!" Sunud-sunod na pakiusap ko. Umaasang maririnig niya pa ko at babalik siyang muli.
"Niangniang, narito na po ang mga doktor!"
Agad akong hinatak palayo ni Ying Nuzi kay Xue at hinayaan ang mga doktor na suriin ang lagay niya. Tinignan ng isang doktor ang pulso pero napa-iling na lang siya.
Napatakip ako sa bibig ko habang patuloy na umiiyak. Si Ying Nuzi naman ay yakap ako habang hinahagod ang likod ko. Pinapatahan ako.
---
"Pinag-utos na po ng emperor na parehong bigyan ng disente libing sina Xue at Ping." Wika sa akin ni Zhu Gonggong. "Parehon rin na bibigyan ng gintong kompensasyon ang mga pamilya nila, Niangniang."
"Salamat sa kabutihan ng mahal na emperor." Mahina kong tugon.
"Nais din pong humingi ng tawad ng emperor. Patawad daw po kung wala siya sa tabi ninyo ngayon upang pagaanin ang pakiramdam ninyo. Sana po ay maintindihan ninyo na marami siyang ginagawa ngayon."
"Naiintindihan ko."
"Mauuna na po ako, Niangniang." Paalam niya at umalis na.
Nilibot ko ang tingin ko sa kabuoan ng bulwagan. Napakatahimik. Hindi ako sanay. Dati kasi si Xue ang nagpapa-ingay dito. Pero wala na siya...
Hindi ko pa rin matanggap na sabay silang nawala sa'kin. Ngunit ngayon na alam ko na kung sino ang may kagagawan nito, hindi ako basta mananahimik. Sinabi ko kay Xue na igaganti ko sila kaya igaganti ko sila.
Si Li Gui Ren... Matapos ko siyang pagkatiwalaan ay ganito pala ang igaganti niya. Nagduda na ako sa kaniya noon pero hindi pumasok sa utak ko na aabot sa puntong 'to.
Kaya siguro hindi ko 'to inasahan dahil napakabata niya pa lang. 14. Pero nagagawa na niya ang mga ganitong bagay. Tinuring ko pa siyang parang isang nakababatang kapatid. Nakakatawa.
"Niangniang." Bumalik ako sa realidad nang marinig ang boses ni Xing-Su Gonggong. "Nandito po si Wei Chang Zai."
"Papasukin mo siya."
Tumalima naman siya sa'kin at pinapasok si Wei Meimei.
"Pagbati, Niangniang." Wika niya at tumungo.
"Tumayo ka." Utos ko na agad naman niyang sinunod.
"Nabalitaan ko ang nangyari, Jiejie."
Tumango na lang ako sa kaniya. Hindi ko rin kasi alam kung anong sasabihin ko sa kaniya. Nagluluksa pa ko kaya medyo magulo ang isip ko.
"Gusto ko lang na malaman mong nandito lang ako kapag kailangan mo ko."
Ngumiti ako sa kaniya. Siguro nga ay trinaydor ako ni Li Gui Ren, pero nandiyan pa si Wei Chang Zai. Naging malapit lang kami dahil humingi siya ng tulong, pero mukhang siya pa ang naging totoo sa akin.
"Alam ko na kung sino ang gumawa nito..." Sabi ko sa kaniya.
"Sino?" Kunot-noo niyang tanong.
"Si Li Gui Ren." Diretso kong sagot.
Nanlaki ang mga mata niya. "Sigurado ka, Jiejie?"
"Oo. Sinabi sa'kin ni Xue bago siya mamatay."
"P-Pero paano? N-Napakabata niya pa." Nauutal niyang tugon.
"Hindi rin ako makapaniwala pero 'yan ang totoo."
"Anong plano nyo, Niangniang?"
"Pakitunguhan mo pa rin siya ng maayos. Gaya ng dati."
"Bakit?"
"Wala pa tayong malakas na ebidensya laban sa kaniya. Kung sasabihin ko na sinabi ni Xue na siya ang may gawa bago siya mamatay, masyadong mahina. Hindi ako paniniwalaan."
"Naiintindihan ko." Sagot niya. "Tutulong din ako na humanap ng ebidensya."
"Kailangan nating makahanap ng ebidensya bago tayo tumungo sa Summer Palace."
"Sa gan'ong kaikling panahon, paano-"
"Pagbati, Zhen Pin Niangniang."
Hindi namin namalayan na nakapasok na pala sa bulwagan si Jiao Gui Ren. Tumungo sa kaniya si Wei Meimei at sabay naman silang tumayo nang sumenyas ako.
"Patawad kung narinig ko ang usapan nyo."
Nakatinginan naman kaming dalawa ni Wei Meimei.
"Huwag kayong mag-alala, Niangniang." Paniniguro ni Jiao Gui Ren. "Wala akong pagsasabihan."
"Mabuti naman." Sagot ko. "Bakit ka nga pala pumunta dito?"
"Nabalitaan ko rin kasi ang nangyari."
Muli na naman akong napatango.
"Maaari po ba akong magsalita? Kung ipapangako ninyong hindi ako mapaparusahan?" Tanong ni Jiao Gui Ren.
"Magsalita ka."
"May alam ako na maaaring makatulong sa inyo."
"May ebidensya ka?" Tanong ni Wei Meimei.
"Hindi ebidensya." Sagot ni Jiao Gui Ren. "Testigo."
---
"Ibaba na ninyo ang sedan chair."
Sinunod naman nila ang utos ni Ying Nuzi at maingat na binaba ang sedan chair. Inalalayan naman niya kong tumayo at maglakad sa harap ng palasyo ng empress.
"Pagbati, Niangniang." Sabi sa akin ng mga guard.
Pasimple naman silang binigyan ng sycee ni Ying Nuzi. Kaya naman bukal sa loob nila na pagbuksan ako ng gate. Pumasok kami sa loob at dumiretso sa bulwagan ng palasyo. Bumungad sa akin ang empress na nagbabasa ng libro.
"Pagbati, Huang Hou."
Sinara niya ang librong binabasa niya at sumenyas sa akin na umupo sa tabi niya. Ginawa ko naman ang gusto niya.
"Nabalitaan ko ang nangyari..." Wika ng empress na tinanguan ko. "Alam mo na ba kung sino ang gumawa?"
"Oo."
"Dahil iisa lang naman tayo ng kalaban ngayon, walang problema sa akin kung magkakampihan tayo."
"Anong maitutulong mo?" Tanong ko.
"Ebidensya at ilang testigo." Simpleng sagot niya.
"Sige." Tugon ko.
"Hahayaan kong ikaw ang gumanti sa kaniya. Total mas nawalan ka naman." Wika niya. "Maibabalik pa ang posisyon ko pero hindi ang buhay ng mga tao sa buhay mo."
"Hahayaan kong parusahan siya ng emperor. Hindi ko kailangang dumihan ang kamay ko."
Alam kong kahit sinabi kong igaganti ko sila, hindi sila matutuwang isipin na gagawa ako ng masama. Parang hindi na rin ako naiba sa taong gumawa n'on sa kanila. Kaya naman aasa na lang ako sa paghatol ng emperor.
Matunog siyang napangisi. "Hanggang kailan mo kaya panghahawakan ang prinsipyong 'yan?"
"Hanggang sa dulo."
"Hindi mo masasabi. Ano bang malay mo sa mga mangyayari?"
"Kahit na anong mangyari, hindi ko iisipin na ilagay ang mga batas sa kamay ko.""Ang dami na ng nawala sa'yo pero hindi mo pa rin naiintindihan kung paano umikot ang harem."
"Tandaan mo 'to, Zhen." Mula niyang tugon. "Walang mangyayari sa'yo kung ganiyan ka lang ng ganiyan. Mapapahamak ka pa rin."
"Dadating din ang araw na kailangan mong kumilos at mag-isip na gaya namin. Kaya lang naman siguro payapa ang loob mo ay dahil nasa 'yo ang pabor ng emperor. Maghintay ka lang na makahanap siya ng iba at maiintindihan mo kung bakit ganito ang nararamdaman namin."
Para lang sa isang lalaki?
"Hihintayin ko rin ang oras na 'yan..." Sagot ko. "...kung darating."
"Nasasabi mo ba 'yan dahil kumpyansa kang hindi makakahanap ng iba ang emperor at mananatiling iyo lang ang pabor niya?" Taas-kilay niyang tanong.
"Pwede siyang makakita ng iba, pero hindi ko siya hahayaang makuha ng iba." Sagot ko. "Alam kong hindi lang ako ang babae sa harem. Lahat tayo ay responsibilidad niya. Hindi maiiwasan. Kaya ang kailangan ko lang gawin ay pabalikin siya sa'kin."
Napaawang ang bibig niya. "H-Hindi ko inaasahan na sasabihin mo 'yan. Halos lahat kami dito ay gustong ma-solo siya. Pero ikaw, hindi."
Kakaiba nga dahil galing ako sa modernong mundo. Kristiyano rin ang pamilya namin. Isa lang ang kinikilalang asawa. Kaya hindi ko rin maintindihan kung bakit gan'on kadali sa akin na tanggapin ang bagay na 'yan. Hindi ko rin maintindihan kung bakit gan'on na lang kabilis na nagustuhan ko ang emperor.
"Ngayong nakapag-usap na tayo bago kayo magtungo sa Summer Palace..." Wika ng empress. "Inaasahan kong wala ng Li Gui Ren na babalik dito sa Forbidden City."
"Gusto mo talagang mamatay siya?"
"Syempre naman." Diretso niyang sagot. "Kung makakabalik pa siya rito ay ako na mismo ang papatay sa kaniya. Hindi tulad mo, ayos lang sa'kin na madumihan ang mga kamay ko."
"Kami na ang bahala sa kaniya."
BINABASA MO ANG
I Become A Concubine
Historical FictionRevenge. Rivalries. Schemes. What will it takes for you to survive and be the one sitting on the throne? ____ -READ AT YOUR OWN RISK- *This is the RAW VERSION of the story. It's never been altered and it contains a lot of errors. *This is only a pr...