CHAPTER 34
ZHEN PIN
"Zhen Pin Niangniang," bati sa akin ni Zhu Gonggong.
"Magandang umaga, Zhu Gonggong," bati ko pabalik. "May kailangan po ba kayo?"
"Nandito lamang po ako para ihatid ang nais ibigay sa inyo ng emperor."
Pagkasabi niya n'on ay pumasok ang isa pang eunuch. May dala-dala siyang isang damit na kulay pula na may disenyo na kulay ginto.
B
"Nais po itong ibigay sa inyo ng emperor," wika niya. "Nais niya rin po na isuot n'yo 'to sa pagdiriwang bukas."
Inabot naman ito ni Yue at binigay sa'kin. Kinuha ko ito at tinignan. Isa itong kulay pulang damit na may burda ng gintong dragon sa gitna.
"Ayos lang ba talaga na suotin ko 'to bukas?" Tanong ko.
Bukod kasi sa kulay pula ito ay may dragon pang nakaburda rito. Baka mapahamak lang ako pagka sinuot ko 'to.
"'Wag kayong mag-alala, Niangniang. Ang emperor ang may gustong isuot n'yo 'yan. Walang maaaring sabihin sa inyo ang iba."
"Sige," simple kong sagot. "Maraming salamat sa kabutihan ng mahal na emperor."
"Mauuna na po kami, Niangniang," paalam niya.
Lumapit sa'kin si Ying Nuzi para tignan ang damit na hawak ko. Halatang-halata sa mukha niya na namamangha siya sa nakikita niya.
Napangiti siya. "Napakataas ng kalidad ng tela at napakapino ng pagkakaburda. Gintong sinulid din ang ginamit nila para sa disenyo. Mukha talagang pinag-isipan ang paggawa sa damit na 'to, Niangniang."
"Binigay niya 'to para makabawi sa'kin," usal ko. "Pareho kaming abala nitong mga nakaraang araw. Abala ako sa paghahanda sa pagdiriwang na magaganap bukas. Ang emperor naman ay magdamag na inaasikaso ang mga suliranin ng imperyo. Halos wala na kaming oras para sa isa't isa."
"Gusto n'yo po bang isukat?" Tanong ni Ying Nuzi.
"Sige," nakangiti kong sagot.
Tinulungan nila akong magpalit sa damit na binigay sa'kin at inayusan na rin na babagay dito. Nakatayo ako habang pinagmamasdan ang sarili ko sa salamin. Aaminin kong saktong-sakto sa'kin ang damit. Masasabi kong ginawa talaga 'to para sa'kin.
"Mukhang alam na alam talaga ng emperor ang sukat n'yo, Niangniang," wika ni Ying Nuzi.
Hindi ko maiwasang mamula sa sinabi niya. Isang paraan lang naman kasi ang maaari para malaman ng emperor ang sukat ko.
"Lalong gumaganda ang damit dahil bumabagay ito sa ganda n'yo, Niangniang," nakangiting wika ni Ying Nuzi.
"Binobola n'yo na naman ako."
"Hindi po," pagdepensa niya. "'Di ba, Yue?"
Tahimik namang tumango si Yue. Napangiti na lang ako sa reaksyon niya. Talagang napakaseryoso niya kumpara kay Xue.
'Nasaan na kaya si Xue? Masaya na kaya siya?'
"May problema po ba?" Tanong ni Ying Nuzi.
Umiling ako. "Wala lang 'to."
Sa huling pagkakataon ay tinignan ko ang sarili ko sa salamin. "Pwede na 'to. Maaari na kong magpalit sa normal kong kasuotan."
"Opo," tugon ni Ying Nuzi.
---
Maaga akong nagising para maligo at mag-ayos. Maririnig sa kwarto ang mga nagmamadaling yabag ng mga tagapaglingkod mula sa labas. Napakalaking pagdiriwang kasi talaga ang magaganap sa ngayon, dahil pinagsabay ang kaarawan namin ng emperor. Lahat ay aligaga sa paghahanda.
"Nandito ang mahal na emperor!"
Napatayo ako sa kinauupuan ko at lumuhod. Pumasok naman ang emperor. Bihis na bihis din siya. Ngumiti siya at kinuha ang kamay ko para tulungang tumayo.
"Napakaganda mo talaga," wika niya.
Natawa ako. "Hindi ko alam ang sinasabi mo."
Nilagay niya ang kamay niya sa pisngi ko, at gamit ang hinlalaki niya ay hinagod niya ito.
"Napakaganda rin ng kalooban mo."
"Masyado mo yata akong binobola," wika ko. "Bumabawi ka ba dahil halos ilang araw mo na 'kong hindi nakikita?"
"Hindi kita binobola," tugon niya. "Mabigat ang salita ng isang emperor. Dapat laging totoo."
"Talaga ba?"
"Oo naman," sagot niya at hinatak ako palapit sa kaniya. "At kung babawi man ako ay sa ibang paraan."
"Anong paraan naman?" Tanong ko.
Nilapit niya ang mukha niya para halikan ako, pero bago niya pa man magawa ang gusto niya ay hinarang ko ang palad ko.
Kumalas ako sa kaniya at tumawa. "Kung anu-ano talagang pumapasok sa isip mo."
Muli akong naupo sa harap ng salamin at kinuha ang pulbos na ilalagay sa mukha ko.
Napatingin ako sa repleksyon ng emperor sa salamin. "Nag-aayos ka ba bago ako dumating?"
"Gan'on na nga," sagot ko. "Lahat ay abala ngayon, kaya dapat lang na maghanda rin ako para sa pagdiriwang."
"Maganda ka kahit na wala ang mga 'yan."
Napailing na lang ako habang nilalagyan ng pulbos ang mukha ko. Nakita kong kumuha siya ng upuan at tumabi sa'kin. Kumuha siya ng brush at isang kulay pulang pampaganda. Hindi ko alam kung para saan 'yon dahil hindi ko pa naman nagagamit. Iba naman kasi ang ginagamit sa labi.
"Pumikit ka," wika niya.
"Anong gagawin mo sa mukha ko?"
"Basta magtiwala ka na lang."
Ginawa ko ang gusto niya at pumikit. Naramdaman kong parang may kung ano siyang ginuguhit sa noo ko.
"Pwede ka nang dumilat."
Dumilat ako at humarap sa salamin. Napa-wow ako. Nag-drawing pala siya ng bulaklak sa noo ko. Ang galing dahil pantay na pantay ang pagkakagawa niya.
"Ang ganda," wika ko.
"Mas maganda ka pa rin."
"Tama na," natatawa kong tugon. "Kanina ka pa."
"Kahit ulit-ulitin ko, hindi ako magsasawa."
Napangiti ako nang may naisip.
"Anong nginingiti-ngiti mo?" Tanong ng emperor.
"Gusto mo bang ayusan din kita, Huang Shang?"
"Ha?"
"Dali na!"
"Ayoko nga!"
"Sige na! Pupulbusan lang kita!
Napatikhim siya. "Ako ang emperor. Kapag sinabi kong hindi, hindi."
"Pero kapag tayo lang dalawa ay hindi ka isang emperor, tama? Sinabi mo 'yon."
"Kahit na," wika niya. "Bilisan mo na. Malapit nang magsimula ang kasiyahan."
Nakasimangot akong naglagay ng pulbos, pero tinawanan niya lang ako. Ayaw niya talagang pagbigyan ang hiling ko.
"Gusto mo ba talaga?" Bigla niyang tanong.
Lumiwanag ang mukha ko. "Oo naman!"
"Sige," sagot niya na nakapagpangiti sa'kin. "Pero..."
Napakunot ang noo ko. "Pero ano?"
"Buburahin ko rin pagkatapos mo."
"Bakit?" Tanong ko. "Hindi ko naman binura ang ginawa mo, kaya 'wag mo ring buburahin ang gagawin ko."
"Sige na nga," pagsuko niya.
"Pumikit ka rin," wika ko.
Sumunod naman agad siya sa sinabi ko at pumikit. Kumuha ako ng pulbos at pinahiran ang mukha niya habang kumakanta.
"Bakit parang sobrang kapal ng nilalagay mo?"
"Hindi kaya," tugon ko habang pinapantay ang pulbos sa mukha niya.
"Tapos na!" Masaya kong usal. "Dilat ka na."
Dumilat siya at tumingin sa salamin. Gan'on na lang ang pagtawa niya nang nakita ang mukha niya. Kulang na lang ay humagalpak siya. Namumula rin ang magkabila niyang tenga.
"Bakit ka tumatawa? Hindi naman nakakatawa 'yong ginawa ko," nakanguso kong wika.
"H-Hindi 'yon..." natatawa niyang wika. "Natatawa ako kasi ngayon ko lang ginawa 'to."
Nagtataka akong tumingin sa kaniya.
"Ngayon ko lang nakita ang sarili kong nakaayos ng ganito. Kaya naninibago ako. Pero hindi ako tumatawa kasi nakakatawa ang ginawa mo. Tumatawa ako kasi natutuwa ako."
Napangiti ako. "Ibig mong sabihin ay napasaya kita?"
Tumango siya. Napakagat ako sa labi ko. Para akong kinikilig na ewan. Pero masaya lang talaga ako kasi napasaya ko siya.
"Salamat, Zhen," wika niya. "Napasaya mo ang kaarawan ko."
"Ikaw din, Huang Shang," tugon ko.
"Pero hindi ko ba talaga pwedeng burahin 'to?" Tanong niya. "Maraming bisita mamaya. Makikita nilang ganito ang itsura ko."
"Pulbos lang naman ang nilagay ko, Huang Shang. Hindi na nila mapapansin 'yan."
Tinuloy ko na ang pag-aayos ko at nagsuklay. Tumayo naman siya at tinulungan akong ilagay ang phoenix coronet sa ulo ko. Huli ko namang sinuotan ng nail guard ang magkabila kong palasingsingan at hinliliit.
"Huang Shang," dinig namin mula sa labas ng silid. "Magsisimula na po ang kasiyahan."
Hinawakan na niya ang kamay ko. "Tara na."
---
Sinimulan nila ang kasiyahan sa tunog ng mga tambol at pagsayaw ng mga babae. Isa-isa rin na pumapasok ang mga tagapaglingkod para dalhin ang mga pagkain at inuming hinanda para sa kasiyahan.
Talagaang napakaraming tao ngayon. Nasa harap pa naman ako at katabi ng emperor. Pakiramdam ko ay nakatingin silang lahat sa'kin. Hindi ko maiwasang kabahan.
"Bakit ganiyan ang mukha mo?" Bulong niya.
"Ang daming tao," bulong ko pabalik.
Natawa siya. "Kinakabahan ka?"
"Bawal ba?"
"Bawal," sagot niya. "Nasa tabi mo naman ako. Ba't ka pa kinakabahan?"
Natawa na lang din ako at napailang sa sinabi niya.
"Kita mo 'yon?" Mahina niyang wika at tinuro ang isang lalaki. "Pinsan ko siya. Isa siyang duke. At ang babaeng nasa tabi niya ay ang una niyang asawa."
"'Yong isa naman sa kaliwa," turo niya. "Kapatid ko siya. Pinagkakatiwalaan ko siya sa pera ng imperyo."
"Oo nga, 'no?" Tugon ko. "Kamukha mo siya."
"Kamukha ko?" Tanong niya.
"Oo," sagot ko.
"Hindi maaari."
"At bakit hindi?"
"Mas gwapo ako sa kaniya."
Tinakpan ko ang bibig ko at pinigilan ang sarili kong tumawa.
"Totoo ang sinasabi ko."
"Wala naman akong sinabi na hindi totoo," natatawa kong sagot.
"Hindi ka na ba kinakabahan?" Tanong niya.
"Ha?" Usal ko. "Hindi na."
"Mabuti."
'Kung gan'on ay sinabi niya 'yon para hindi na 'ko kabahan?'
Napangiti ako habang nakatitig sa kaniya.
"Baka matunaw ako," wika niya.
"Salamat," usal ko.
Natigilan siya, ngunit napangiti na lang din.
---
THIRD PERSON
"Tignan mo sila," wika ni Wei Gui Ren. "Ang saya nilang tignan na magkasama."
"Sang-ayon ako," tugon naman ni Jiao Gui Ren.
"Pero ano kaya 'yong nakalagay sa noo ni Jiejie?" Tanong ni Wei Gui Ren. "Mukhang may nagpinta sa noo niya."
"Sa tingin ko ay ang emperor ang gumawa n'on," wika naman ni Yong Gui Ren at uminom ng alak.
"Pansin ko na may kakaiba rin sa emperor," wika ni Jiao Gui Ren at bumaling kay Yong Gui Ren. "Anong sa tingin mo?"
"Mukhang mas maputi ang mukha niya kaysa sa mga normal na araw," sagot nito. "Parang may naglagay ng pulbos sa mukha niya."
"Sino namang gagawa n'on sa emperor?" Tanong ni Wei Gui Ren.
"Sino pa ba?" Usal ni Yong Gui Ren.
"Si Jiejie?"
"Malamang."
"Nakakmangha. Hinayaan siya ng emperor na gawin 'yon," wika ni Jiao Gui Ren.
"Gan'on niya kung paboran si Zhen Pin," tugon ni Yong Gui Ren.
Ngunit habang abala nilang pinag-uusapan ang emperor at si Zhen Pin, tahimik na nakikinig sa kanila si Qiu Fei.
Buong buhay niya sa palasyo ay tahimik siyang namumuhay at iniiwasan na madamay sa gulo. Kaya napakatahimik niya at napakatipid kung kumilos.
Sa lahat ng mga babae sa harem, ang kapatid lang niyang si Qiu Gui Ren o ang dating si Ai Huang Gui Fei lang ang pinagkakatiwalaan niya. Kaya ang nangyari rito ay may malaking epekto sa kaniya.
Araw-araw siyang binabagabag ng isip niya. Oras na ba para kumilos siya? Oras na ba para may gawin siya? 'Yan ang mga tanong na madalas niyang itanong sa sarili niya.
Lagi siyang tinutulungan nito noon. Ngayon naman ay ito na ang nanghihingi ng tulong sa kaniya. Ayaw man niyang madamay sa mga nangyayari, kapatiran at utang na loob na ang nagtutulak sa kaniya para kumilos.
Madalas siyang mapagkamalian ng tagapaglingkod bilang duwag o 'di kaya ay mahina dahil sa pinapakita niyang katahimikan. Ngunit nagkakamali sila. Hindi siya duwag o mahina, matalino siya.
Alam niyang walang mangyayaring maganda kapag may ginawa siyang hindi naaayon. Hihilain lang siya nito pababa. Kaya nga hindi siya nagsasawang pakiusapan ang kapatid noon na tumigil kahit na hindi siya pinapakiggan nito.
Ginamit niya ang katalinuhan niya noon para sa katahimikan. Anong mangyayari kapag lumihis na siya sa daan na dati niyang nilalakaran?
Sa lahat ng tao sa kasiyahan, siya lang ang tahimik. Pero sa kabila ng katahimikan na 'yon ay ang matalim niyang obserbasyon sa mga nangyayari. Marami na siyang naiisip na teoryang kailangan na lang ng ebidensiya para mapatunanayang totoo. At lahat ng bagay na nasa isip niya ay maaaring maging dahilan ng kamatayan ng isang tao.
Napahimas siya sa nakaumbok niyang tiyan. Alam niyang kaunting oras na lang at manganganak na siya. Hindi niya pa alam kung anong kasarian ng magiging anak niya. Ngunit ang hula niya ay babae.
"Niangniang, ayos lang po ba kayo?" Tanong sa kaniya ng tagapaglingkod niya si Wen Jiang.
"Ayos lang ako," kalmado niyang tugon. "Marami lang akong naiisip."
"'Wag po kayong masyadong mag-isip. Baka makasama po 'yan sa bata."
"Kung para sa kaniya lang din ang iniisip ko, walang masama r'on."
"Tungkol po sa gusto ni Qiu Gui Ren..." wika ni Wen Jiang. "Susundin n'yo po ba ang plano niya?"
"Inaasahan niyang tutulong ako kaya gagawin ko," sagot ko. "Pero wala na 'kong ibang gagawin para sa kaniya pagkatapos nito. Bayad na 'ko."
"Ano pong ibig n'yong sabihin?"
"Wen Jiang," nakangiti niyang wika. "Tagapaglingkod na kita mula noon. Alam kong alam mo na kung ano ang nasa isip ko."
Ngumiti si Wen Jiang. "Syempre naman po!"
Kung inaakala nilang tahimik siya gaya ng iniisip nila, mali na naman sila. Nakakalimutan yata nila na isa siyang Qiu at siya ang panganay.
---
ZHEN PIN
"Huang Shang, naihanda na po nila ang mga ibon," wika ni Zhu Gonggong.
Tumango ang emperor. Tumigil na ang musika at huminto na rin ang mga nagsasayaw.
Muli niyang hinawakan ang kamay ko at marahan akong hinila palabas. Sumunod na rin ang iba sa'min. Sumalubong sa'kin ang mga ibon na nakakulong.
"Pakakawalan natin sila," wika niya.
"Talaga?"
Tumango siya at lumapit sa kulungan. Lumapit din ako at tinignan ang mga ibon sa loob. Ang gaganda nila. Iba-iba sila ng kulay.
Binigay ni Zhu Gonggong ang susi sa emperor. Binuksan niya ang kandado at binuksan ang pinto. Pagkabukas niya ay agad na lumipat ang ilan sa mga ibon. Hindi ko napigilang sumigaw sa gulat, kaya hindi rin napigilang matawa ng emperor.
Hinawakan ko ang isang ibon at nilabas siya sa kulungan. Pagkalabas niya ay hindi na siyang nagdalawang-isip na lumipad palayo. Gan'on din ang ginawa ko sa ibang ibon. Kaya hindi ko mapigilang mamangha habang pinapanuod ko silang lumipad palayo.
Hinawakan niya uli ang kamay ko at hinila na ko pabalik sa loob. Naupo na uli kami sa kaniya-kaniyang pwesto.
Tumayo si Zhi Pin. "Huang Shang, may hinanda kaming regalo para sa inyong dalawa ni Zhen Pin."
Tumango ang emperor bilang pahintulot. Isa-isang pumasok ang mga tagapaglingkod na kaniya-kaniyang dala na mga kahon.
"Masyado pong marami kung iisa-isahin namin, kaya pumili po kami ng dalawa na sa tingin namin ay pinakamaganda sa lahat."
Unang umabante ang tagapaglingkod na nasa kaliwa at binuksan ang kahon. May laman itong dalawang piraso ng singsing na gawa sa jade. May ginto rin na nakaukit dito.
"Para po 'yan sa inyong dalawa, Huang Shanh, Zhen Pin," wika niya. "Nais po naming suotin n'yo 'yan bilang tanda ng inyong pagmamahalan. Hinihiling po namin na maging maayos ang relasyon n'yo sa mahabang panahon."
Kinuha ni Zhu Gonggong ang mga singsing at binigay sa emperor. Nakangiti niya naman itong kinuha. Binigay niya ang isa sa'kin habang ang isa naman ay hawak niya. Una kong sinuot sa daliri niya ang hawak kong singsing, at gan'on din ang ginawa niya sa'kin.
'Wow. Parang kinakasal na kami, ha.'
Sunod namang lumapit sa harap ang tagapaglingkod na nasa kanan at binuksan ang dala niyang kahon. Damit ang laman nito. Kulay itim at may disenyo ng dragon. Mukhang para ito sa emperor.
"Ginawa po 'yan ng mga tagaburda ng palasyo, Huang Shang," paliwanag ni Zhi Pin.
Kinuha ng emperor ang damit at sinuri. Naghahalo ang pilak at gintong sinulid sa burda. Parang nagkakar'on ng 3D effect.
"Maganda ang pagkakaburda," wika ng emperor. "Bigyan n'yo sila ng gantimpala at iangat ng ranggo ang tagapaglingkod na nanguna sa pagburda nito."
"Opo, Huang Shang," wika ni Zhu Gonggong.
"Ang mga natirang regalo ay ilagay n'yo sa kabilang silid," utos ng emperor.
Sumunod naman ang mga tagapaglingkod at lumabas dala ang mga kahon.
Nagtagal pa ang kasiyahan hanggang sa dumilim. Napuno ng tawanan, sayawan, at musika ang buong silid. Ngunit muling natahimik ang lahat nang tumayo ang emperor.
'Talagang nirerespeto nila siya. Simpleng pagtayo lang niya ay tumahimik sila.'
"Gusto kong lumabas tayo. May nais akong ipakita sa inyo bilang simbolo ng pagtatapos ng kasiyahan."
Muli niyang hinawakan ang kamay ko at hinila ako palabas. Huminto kami sa harap, pero wala namang ibang nandito.
"Ano bang ipapakita mo?" Bulong ko.
"Maghintay ka lang."
Heez!
Napatingin ako sa langit nang marinig ang isang pamilyar na tunog.
Boom!
"Wow! Fireworks!" Namamangha kong usal habang nakangiti at nakatingin sa langit.
Lumiwanag ang kaninang madilim na kalangitan dahil sa sunud-sunod na pagsabog ng mga paputok. Ngunit makalipas ang ilang minuto ay huminto na rin ito at muli nang nagdilim ang langit.
Nang matapos ang palabas ay napatingin ako sa emperor. Nakangiti siya at kanina pa pala nakatingin sa'kin.
"Nakita mo 'yon?" Tanong ko. "Ang ganda, 'di ba?"
"Hindi," sagot niya. "May mas maganda akong napanuod."
Napangiti na lang ako at napansin na kanina pa pala magkahawak ang mga kamay namin.
---
"Maligayang pagbabalik, Niangniang!" Bati sa akin ng mga tagapaglingkod na naiwan dito sa Forbidden City.
Napatingin ako kay Yue na nakatingala habang pinagmamasdan ang palasyo ko.
"Yue," pagtawag ko sa kaniya.
"Bakit po?"
"Ipapakilala kita sa kanila."
"Sige po," mahina niyang sagot.
Ngumiti ako at hinila siya palapit sa kanila.
"Gusto kong makilala n'yo si Yue. Siya ang bago kong lady-in-waiting," pagpapakilala ko sa kaniya.
"Yue?" Rinig kong bulong nila.
"Parang medyo hawig rin sila," rinig ko pa.
"Batiin n'yo siya," usal ko.
"Kumusta?" Nakangiting bati nila sa kaniya.
Naunang lumapit sa kaniya ang mga babaeng tagapaglingkod. Sa dami nilang tanong sa kaniya ay naanod na siya palayo sa'kin. Natawa na lang ako at nauna na sa loob.
Mabuti na 'yong magkar'on siya ng mga bagong kaibigan dito. Hindi rin kasi biro ang mga dinaanan niya. Hindi na nakakapagtaka kung bakit bihira lang siyang magpakita ng emosyon.
"Niangniang, kinuha ko na," mahinang wika sa'kin ni Ying Nuzi.
Inangat ko ang tela na nakatakip dito. Kailangan ko nang ibalik ang seal sa empress. Kailangan nang ibalik ang kapangyarihan niya sa harem.
---
"Pagbati, Zhen Pin Niangniang!"
Sinenyasan ko sila na muling maupo na agad naman nilang sinunod.
"Pagbati, Huang Hou Niangniang," bati ko sa kaniya at tumungo.
"Tumayo ka, Meimei," nakangiti niyang tugon.
"Salamat, Huang Hou Niangniang," tugon ko at naupo na.
Tumingin ako kay Ying Nuzi na siya namang tumango sa'kin. Nagtungo siya sa gitna at lumuhod sa empress.
"Ibinabalik ko na ang para sa'yo," wika ko.
Kinuha naman ito ni Lu Shan at agad na inabot sa empress. Ipinatong ng empress ang tray sa hita niya at inalis ang tela na nakabalot dito. Napangisi siya nang makita ang seal.
"Pakitabi," utos niya kay Lu Shan na agad naman siyang sinunod.
"Kahit ako na uli ang mamamahala sa harem, inaasahan ko pa rin ang tulong mo, Meimei," usal niya sa'kin.
"Asahan n'yo, Huang Hou."
Napadako ang tingin ng empress sa bakanteng upuan.
"Wala pala si Qiu Fei."
"Malapit na siyang manganak, Niangniang," sagot ko.
"Mabuti kung gan'on," tugon niya. "Madadagdagan na ng prinsipe o prinsesa ang palasyo."
"Mas maganda sana kung prinsipe," dagdag niya pa.
Crack!
Napatingin kami sa pinanggalingan ng ingay. Nabasag pala ang tasa ni Jiao Gui Ren. Agad siyang napatayo at napaluhod.
"Hindi ko po sinasadya, Huang Hou."
"Tasa lang naman 'yan," sagot ng empress. "'Wag kang mag-alala."
Ito na naman siya. Nawawala siya sa sarili sa tuwing mababanggit ang magiging anak ni Qiu Fei. Sinabi niyang utos ito ng emperor. Pero anong utos? Bakit parang takot na takot siya?
"Salamat po," wika niya at bumalik na sa pwesto niya.
Pinapakalma siya ng mga tagapaglingkod niya. Napatingin ako sa empress. Kakaiba yata ang ngiti niya sa naging reaksyon ni Jiao Gui Ren. May alam kaya siya?
"Dahil nabati n'yo na 'ko, maaari na kayong umalis."
"Paalam po, Huang Hou Niangniang!" Paalam nila at agad na umalis.
Nang makasigurong wala na talaga sila ay humarap ako sa empress. "May nais akong itanong."
"Sabihin mo lang."
"May alam ka ba sa mga kinikilos ni Jiao Gui Ren?"
"Wala," simple niyang sagot. "Basta ang alam ko lang ay tauhan siya ng emperor. Kumikilos siya ayon sa gusto nito.""Pero bakit sa paraan ng pagngiti mo ay parang may alam ka?"
"May ideya lang ako, pero wala akong alam."
Mukhang wala siyang balak sabihin sa'kin.
Tumungo na 'ko. "Mauuna na ko, Huang Hou."
Tumalikod na ko nang bigla niya kong tinawag.
"Zhen Pin," wika niya. "Mag-iingat ka sa mga taong nakapaligid sa'yo."
"Gaya nino?"
"Gaya ni Zhi Pin."
Napaharap ako sa kaniya.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Wala akong ibig sabihin. Binabalaan lang kita."
Alam kong may ibig siyang sabihin. Ayaw niya lang talaga akong diretsahin. Pero hindi na mahalaga 'yon. Ako na ang bahalang umalam.
Anong mayr'on kay Zhi Pin?
---
"Ang sabi nila, mas magaan daw ang sulat mo, mas kakaiba ka," wika ng emperor.
"Kung gan'on ay ordinaryo lang pala ako," sagot ko habang pinagpapatuloy ang pagsusulat ng tula.
"Sa tingin ko ay mali ang kasabihang 'yon."
Natawa ako. "Sinasabi mo ba 'yan para lang masabing kakaiba ako?"
"Hindi lang 'yan," tugon niya. "Lahat ng tao ay kakaiba. Walang higit na kakaiba kaysa sa isa."
"Huang Shang!" Hinihingal na wika ni Zhu Gonggong. "Manganganak na si Qiu Fei!"
Pareho kaming natigilan at nagkatinginan.
"Sumama ka, Zhen Pin," wika niya.
Tumango at nagmadaling sumunod sa kanila sa palasyo ni Qiu Fei. Rinig mula sa labas ang pag-iri at mga sigaw niya.
"Kumusta ang panganganak niya?" Tanong ng emperor.
"Sa ngayon po ay normal ang panganganak niya. Walang kahit na anong kumplikasyon," sagot ng isa sa mga doktor.
Natahimik kami nang biglang mawala ang ingay na nagmumula sa loob.
'Anong nangyayari? Bakit biglang tumahimik?'
Uwaaah! Uwaaah!
Nabunutan ako ng tinik sa dibdib nang marinig ang iyak ng isang sanggol. Kung gan'on ay naging maayos ang panganganak niya.
Pumasok na kami sa loob at sinalubong kami ng kumadrona na dala ang sanggol.
"Isa pong prinsesa, Huang Shang," wika nito.
Inalis ng emperor ang lampin na nakaharang sa mukha ng bata at tinignan ito. Napangiti siya.
"Ang ganda niya, 'no?" Wika ko.
Tahimik siyang tumango.
'Ang tahimik niya yata...'
Pumasok na sa loob ng silid ang kumadrona at nilagay sa tabi ni Qiu Fei ang bata.
"Huang Shang..." wika ni Qiu Fei. Babangon pa sana siya para bumati pero pinigilan na siya ng emperor.
"Isang prinsesa, Huang Shang..." wika niya. "Anong itatawag sa kaniya?"
"Mingzhu," sagot ng emperor. "Ya Mingzhu."
"Ya Mingzhu..." pag-uulit niya habang nakangiti. "Magandang pangalan..."
Elegant bright pearl. 'Yun ang ibig sabihin ng pangalan niya. Maganda nga.
"Huang Shang..."
"Ano 'yon?"
"May hihilingin sana ako," wika niya. "Bilang ina ni Mingzhu..."
Biglang naging blangko ang ekspresyon ng emperor.
"Sabihin mo."
"Patawarin mo na si Xiuying Meimei... Palabasin mo na siya sa Cold Palace..."
Maging ako ay nagbago na ang ekspresyon nang marinig ang hinihingi niya.
'Gusto niyang palabasin si Qiu Gui Ren? Tingin niya ay gan'on lang 'yon?'
"Kapag pinalabas mo siya, ako na ang bahala sa kaniya... Sa palasyo ko siya tutuloy..."
"Zhu," pagtawag ng emperor dito.
"Nandito po ako."
"Ipakalat mo ang utos ko," wika niya. "Si Qiu Gui Ren ay pinapatawad na sa kasalanan niya at inuutusan kong manatili sa palasyo ni Qiu Fei."
"Masusunod, Huang Shang."
Kunot ang noo kong tumingin sa kaniya. Bakit ang dali sa kaniya na iutos 'yon? Oo. Naiintindihan ko na nanganak si Qiu Fei kaya pinagbibigyan niya, pero kasi... 'Wag na. Wala ring kwenta kahit na magreklamo ako. Nangyari na.
"Mauuna na 'ko," paalam ko sa kaniya.
"Zhen."
"Binabati ko kayo, Huang Shang, Qiu Fei," muli kong tugon.
Umiwas ako at binaba ang tingin ko. Hindi na ko nagtangka pang tignan siya. Umalis na 'ko agad.
Bakit nasasaktan ako?
---
QIU GUI REN
"Maraming salamat sa kabutihan ng mahal na emperor," wika ko matapos marinig ang utos ng emperor.
"Binabati kita, Qiu Gui Ren," wika ni Zhu Gonggong bago umalis.
Napangisi na lang ako sa naging desisyon ng emperor. Alam kong mangyayari talaga 'to. Hindi ako hahayaan ng kapatid ko.
"Nagtagumpay kayo," wika ni Duan Mei.
"Umpisa pa lang 'to."
"Ano pong sunod n'yong plano?"
"Ano pa ba?" Wika ko. "Ang mabawi ang anak ko."
Kailangan ko ang anak ko para mapanatili ang posisyon ko sa palasyo. At kailangan ko siyang mabawi.
---
THIRD PERSON
"Isang prinsesa ang isinilang ni Qiu Fei," wika ni Jiao Gui Ren. "Sa tingin ko po ay hindi ko na kailangan pang sundin ang plano n'yo."
"Tama ka," tugon ng emperor. "Hindi na nga kailangan."
"Mabuti naman po kung gan'on." usal niya. "Mauuna na po ako."
"Hindi pa 'ko tapos."
"Ano po 'yon?"
"Ngayong nakalabas na si Qiu Gui Ren, ingatan mo ang prinsipe."
"Asahan n'yo po 'yan."
"At ang sarili mo," dagdag ng emperor. "Paniguradong ikaw ang mapagbabalingan niya dahil nasa 'yo ang anak niya."
"Handa ako sa kahit na ano," sagot niya.
"Siguraduhin mo lang," tugon ng emperor. "Dahil hindi mo alam kung anong mawawala sa'yo kung sakaling magpabaya ka."
Hindi na niya inisip pa ang sinabi ng emperor at nagpaalam na.
Ano naman ang maaaring mawala sa kaniya?
BINABASA MO ANG
I Become A Concubine
Historical FictionRevenge. Rivalries. Schemes. What will it takes for you to survive and be the one sitting on the throne? ____ -READ AT YOUR OWN RISK- *This is the RAW VERSION of the story. It's never been altered and it contains a lot of errors. *This is only a pr...