Jhoana's POV
Huminto ako sa aking ginagawa nang marinig kong tumunog ang cellphone ko. Tinignan ko lang kung sino ang tumatawag at hindi na nag-abalang sagutin ito.
"Kanina pa tunog ng tunog 'yan ah."
Bungad ni ate Ella, pagkapasok niya ng office ko.
"hmm" Simpleng sagot ko at saka ibinalik ang atensyon sa laptop sa harap ko. Sinulyapan ko ang oras sa bandang baba ng screen at nakitang ala una na pala ng tanghali.
"Ang busy niyo naman ma'am." Lumapit siya sa tabi ko at kinuha ang cellphone ko na nakapatong sa lamesa. "Oh, si Beadel pala. Hindi mo sasagutin?"
Umiling lamang ako at hindi na nag-abalang lumingon pa. Bigla naman niyang binaba ang cellphone ko at saka inilapit ang mukha niya sa akin. Kuno't noo ko siyang tinignan.
"Nag-away kayo??" tanong niya at imbis na sumagot ay tinulak ko lamang palayo ang mukha niya, at bumalik na sa ginagawa. "Oh my God! Ilang linggo palang nag-aaway na kayo. Mukhang hindi kayo magtatagal niyan ah."
Tinignan ko naman siya ng masama dahil sa sinabi niya. Tumawa siya ng malakas na sigurado akong rinig na rinig ng mga tao sa labas kahit pa sarado ang pinto.
"Busy ako. Anong kailangan mo?" Ibinalik kong muli ang atensyon sa aking ginagawa. Nangangawit na ang likod ko pero kailangan kong matapos ang lahat ng reports ngayon dahil linggo bukas at sarado ang shop. Ayaw kong nag-uuwi ng trabaho sa bahay.
"Nag-away nga kayo?" Pangungulit niya pa rin at napailing na lamang ako. Napaka-chismosa talaga.
"Dapat hindi Ella pangalan mo eh. Mas bagay sa'yo yung Marites." Magsasalita pa sana siya pero agad ko siyang nilingon at nagpatuloy sa sinasabi ko "Hindi kami nag-away, okay? Sabi ko naman sa'yo, busy ako. Kapag sinagot ko iyang tawag niyan, wala na naman akong matatapos."
Tinitigan niya pa ako ng ilang segundo bago ngumisi at umupo na lamang sa harap ko. Totoo naman ang sinabi ko sa kanya, hindi naman talaga kami nag-away o ano man. Hindi ko nga namalayan na mag-iisang buwan na pala ang nakalipas simula nang maging kami ni Bea. Araw-araw kaming magkausap, halos araw-araw din kaming nagkikita dahil palagi siyang pumupunta sa bahay para sunduin ako. At dito rin sa shop, para naman ihatid ako pauwi.
Halos araw-araw lang kasi minsan hindi siya nagigising nang maaga, kaya bumabyahe na lamang akong gaya nang nakasanayan ko. At kapag pauwi naman ay hinahatid ako ni ate Ella kapag wala si Bea. Hindi ko na rin kasi siya inaabala pa dahil alam ko namang busy na rin sila sa itinatayo nilang business ni Kianna.
Tinuloy ko ang aking ginagawa nang may mareceive akong notification mula sa email ko. Binasa ko iyon at napangiti na lang ako.
Hay nako, Beatriz.
