Kabanata 34

20 1 0
                                    

Lumipas ang umagang iyon mula nang tukso-tuksohin ako nila Jairo. Hindi naman na ako bata para magpa-apekto sa mga sinasabi nila. Oo nga't may itsura si Fred, pero mataas ang respeto ko sa kaniya. Para ko na siyang kuya.

Ayokong bigyan ng kahulugan ang ginawa niya kanina, pero may kung ano sa akin na siya lang ang gumawa ng gano'n, kaya hindi ko rin maiwasan ang sarili ko na gano'n ang isipin.

"Magpapahinga na kami. Tawagan mo na lang kami kung may kailangan ka, o kaya si Fred. Nandiyan lang naman si Papa Fred sa labas," nanunuksong sabi nito saka kinuha ang mga gamit.

Inirapan ko lang ito hanggang sa mawala na siya sa aking paningin. Nasa katabing kubo lang din naman siya kaya walang problema kung humingi ako ng tulong. Pero mukhang kaya ko na rin naman. Mas gugustuhin ko pang pilitin ang sarili ko kaysa sa gawin nilang bata.

Habang kumakain ng prutas ay nanatili ang tingin ko sa malakas na hampas ng alon, sobrang sariwa talaga ng utak ko lalo na kapag malapiy ako sa tubig. Ni hindi ko alam kung paanong napapangiti na lang ako lalo na kapag may ulan. Ngunit hindi ko rin maalis sa isipan ko na minsan akong may napapaniginipan at naroon si Fred, galit na galit habang sinasabayan ang malakas na kulog sa isang madilim na lugar, hindi ko lang malinaw na makita sa panaginip ko kung saan iyon.

"Really? Thank you so much!"

Napalingon ako sa babaeng malakas na sinabi iyon, nakapuwesto ito malapit aa kinaroroonan ng bahay na to tinuluyan ko. Napangiti pa ako dahil sa sobrang ganda ng babae, ang ganda pa ng boses niya, hinalikan pa nito sa pisngi ang lalaking kaharap niya at saka tumakbo palayo. Ngunit kusa ring nawala ang ngiti ko dahil sa pagtama ng mga mata namin ng lalaking kausap ng babae.

Si Fred. Bakit ba siya nandito? Akala ko ba sa kabilang isla siya nakatira?

"Anong oras na, hindi ka pa rin matutulog?" may kalakasang tanong nito ngunit tumitig lang ako sa kaniya.

Nangunot ito at mukhang napahiya siya sa ginawa kong hindi pamamansin. Napayuko ito at kinamot ang ulo. Hindi ko alam kung bakit kusang gumalaw ang paa ko at naisipang lumakad. Hinablot ko ang manipis na pamatong sa aking katawan dahil naka-pantulog ako, isang diretsahan na damit lang at spaghetti straps pa.

Dahan-dahan lang kung bumaba ng hagdanan at malayang nakababa. Naglakad ako palabas ng bakod at mas lalong niyakap ang sarili. Sa pagkakataong iyon ay nakita ko siyang naglalakad papunta sa akin, agad akong tumalikod at nagpatuloy lang sa paglalakad. Ramdam ko ang pagsunod niya sa akin hanggang sa makarating ako malapit sa pampang, mayroong katawan doon ng puno kaya ako naupo.

Sa pagkakataong iyon ay naupo rin ito, ngunit may pagitan sa aming dalawa. Malakas kaming sinasampal ng hangin at napansin pa ang hawak nitong putol na sanga na may sinusulat na kung ano.

ZCF  FR

Hindi ko na tuluyang nabasa ang susunod na letra dahil sa alon na bumura doon. Napakunot na lang ako at napatingin sa kaniya. Natatawang umiling ito at saka tumitig sa akin.

"Gabing-gabi na, ayaw mo pa ring matulog?" mahinang tanong nito.

Parang nakatira sa ibang bansa ang kausap ko. Mukha siyang cowboy o ang mga tao sa western. Para siyang may-ari ng hasyenda at sakay-sakay ng isang kabayo.

Nailing ako dahil sa mga iniisip ko at saka tumingin sa paanan na nababasa ng hampas ng alon.

"Hindi ako makatulog. Pinilit ko naman," sagot ko.

"Baka may umiisip sa 'yo," bulong nito.

Parehas na nagtama ang paningin naming dalawa. Kumalabog ang puso ko dahil sa sinabi niyang iyon. Ngayon ko lang siya natitigan nang maayos, at ngayon lang din ako nakaramdam ng ganito. Akala ko kay Sevein lang, pero hindi. Ang lahat kay Sevein ay parang panaginip na lang. At ito, ito ang totoo.

"Ikaw?" wala sa sariling tanong ko.

Isang mahinang pagtawa ang narinig ko at sa pagkakataong ito ay nakatingin na siya sa ibang lugar. Naikurot ko na lang ang aking daliri at umurong ng bahagya sa kaniya.

Bakit ba ako natatanga ng ganito?

"Ang tito mo. Siyempre, nag-aalala 'yon sa iyo, sa mga nangyari. Bakit mo naman iniisip na iniisip kita? Buti sana kung nobya kita," umiiling na saad niya na mas lalo kong nginusuan.

Gusto ko na lang na tumakbo palayo sa kaniya dahil isa rin siya sa mga malalakas mang-aasar noon. Isa siya sa may mga kakayahang asarin ang kapatid kong si Nikasha. Hindi ko tuloy maiwasang tanungin ang sarili ko. Paano kung hindi nangyari iyon sa amin? Hindi sana ganito ang trato namin sa isa't-isa. O baka ako lang ang nahihiya.

"E, ikaw. Bakit hindi ka pa umuuwi sa kubo mo?" tanong ko na hindi pa rin nakalingon.

"Hindi rin ako makatulog. Malakas ang hampas ng alon, baka hindi na ako makarating ng buhay roon."

"Saan ka matutulog niyan?"

"Ewan. Sa ilalim na lang siguro ng puno, o baka sa bangka, madalas naman akong matulog sa bangka."

"Paano kung mabasa ka? O kaya may gumalang mabangis na hayop?"

Sa tanong kong iyon, napalingon na ito sa akin. Seryosong nangunot ang noo at halos lamunin niya na ang aking kaluluwa.

"Okay lang ako, Zeren. Huwag mo akong alalahanin. Sa ginagawa mong yan, baka kung ano ang maisip ko," bulong nito saka tumayo.

Kahit na hindi maintindihan ang nais niyang ipahiwatig ay hinayaan ko na lang siya. Nanatili lang akong nakaupo at itinuwid ang mga paa, kaya nababasa na ito ng tubig. Kahit papaano ay napanatag ako, natatakot akong masanay sa lugar na ito dahil baka mahirapan akong umalis. Lalo na't si Jairo na ang mangangalaga sa napabayaan kong trabaho. Kailangan ko na lang magpagaling para makauwi na ako sa mansyon.

"Here. Ginawa ko yan, hmm, pasensya na kung hindi maganda. Ayan pa lang ang unang ginawa ko." Naupo ito sa akong tabi na may kalayuan pa rin.

Inabot niya ang isang kwintas. Isang dream catcher. Napangiti ako nang mahawakan ko iyon ngunit mabilis niyang inagaw sa kamay ko.

"Nagustuhan mo? Hmm, kung gano'n, ibebenta ko na lang," nakangiting saad niya na ikinatuwid ko ng upo.

Napataas na lang ang aking kilay dahil sa inakto niya. Mas lalo itong lumapit sa akin at saka walang paalam na sinuot iyon. Titig na titig ito sa kwintas na iyon habang ako naman ay kitang-kita ang sariling repleksyon sa mga mata nito.

"Akala ko ba may bayad?"

"Meron nga. Kapag nakatulog ka ng mahimbing, bayad ka na. Sige na. Akyat ka na roon."

"O-Okay. Thanks. I'll take care of it."

"Salamat."

Tumalikod na ako sa kaniya at dahan-dahang naglakad ulit. Hindi ko na siya nilingon pa hanggang sa makapasok ako sa bahay. Matapos kong isara ang mga bintana ay nagdesisyon na akong matulog. At sa muling pagkakataon, siya ang nakita ko sa aking paniginip.



The Rain Calmness | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon