Kabanata 28

14 2 0
                                    


Pinilit ko lamamg kumilos at asikasuhin ang aking sarili dahil kailangan kong samahan si Joan sa kabilang isla. Kasalukuyan na kasing ginagawa roon ang haligi, bukod sa mga litratong ipapadala kay tito ay kailangan ko pa rin na pumunta roon upang aktuwal na masaksihan iyon.

Nagsuot lamamg ako ng makapal na long sleeve at gano'n din ang pambaba. Kahit na tirik na tirik ang araw ay hindi maiwasang makaramdam ako ng panlalamig. Itinali ko na ang buhok ko saka sinundan si Mang Lando sa bangka. Kumaway ito sa akin dahilan upang tumakbo na ako at maingat na hindi pasukan ng tubig ang aking bota.

Nang makasakay ay saka ko lang natitigan nang maayos ang matanda. Nakasumbrero ito ng abaniko at animo'y pupunta sa bukid. Malaki ang pangangatawan kaya hindi halata ang katandaan.

"Maayos ka lang ba? Naabutan ka pala ng malakas na ulan Ma'am noong nakaraang araw," pagsasalita niya na tinanguan ko.

"Ah, opo. Pero okay naman po ako," pagsisinungaling ko.

Mas lalo kong hinigpitan ang pagkakayakap sa akin dahil sa salungat na paghampas ng hangin.

"Mabuti na lang at naihatid ka ni Fred. At mabuti na lang siya ang natyempuhan mo. May iba kasing mga lalaki rito na loko-loko.  Ang isang yon ay mabait. Iyon nga lang ay parang galit sa mundo tuwing nag-iisa, ni wala man lang kasama sa buhay," salaysay nito kaya halos matumba ako sa aking kinauupuan.

Mas lalong pumantig ang aking tenga at naging interestedo sa sinasabi ni Mang Lando.

"Matagal na po ba siya rito?" tanong ko at bahagya siyang umiling.

"Isang taon na siyang naninirahan dito. Pero kasi rito nanirahan ang lola niya noon. Hindi ko nga alam kung saan nakalibing ang lola niya, tikom ang bibig ng batang iyan. Palibhasa'y lumaki sa lola yang si Fred. Kaya ayan, binubugbog niya ang sarili niya sa pag-ta-trabaho. Masiyahin ang batang yan, hindi ko lang alam ang nangyari kung bakit naging tahimik at madalas nakasimangot."

Halos matulala ako sa mga sinabi niya. Mas lalong nadudurog ang puso ko dahil sa sinabi nitong pagkamatay ng kaniyang lola. Kaya ba wala riyan? Hindi ko alam kung anong nangyari sa kaniya sa nakalipas na isang taon. Lumipat siya rito pagkaraan na paalisin ko siya. Pinagtabuyan at hindi pinakinggan.

Mas lalong sumidhi ang damdamin ko na humingi ng tawad sa kaniya. Alam kong hindi ito ang tamang oras pero unti-unti na akong pinapatay ng aking konsensya. Sa tuwing pinipikit ko ang aking mga mata, nakikita ko ang mata niyang nanlilisik.

Panandalian kong inalis ang aking isip sa bagay na iyon nang makababa na kami ng isla, sinuot ko agad ang aking face mask dahil sa sobrang alikabok. Napatakbo agad sa akin si Joan at sabay na kaming naglakad ni Mang Lando.

"Rito na ako. Mag-iingat ka Ma'am."

"Salamat po ulit."

Nang lumiko si Mang Lando, ay kami naman ni Joan ang dumiretso papunta sa gilid. Masyadong maalikabok at nakabibingi ang ingay dahil sa pagpukpok ng kung ano, nakakaduling ang mga tao dahil bukod sa marami sila ay pare-parehas din ang kanilang mga suot.

Nakakalula ang bawat makina na nagdadala ng mabibigat na bagay. Sobrang delikado lalo na't puwedeng mabagsakan ang mga tao sa ilalim nito. Si Joan naman ay abala sa pagkukuha ng litrato. Namataan ko sa gilid ang isang Investor na kinakausap ang Engineer nito. Hangga't maaari ay gusto kong umiwas sa lalaking iyon dahil minsan na niyang nabastos ang kapatid ko.

Si Jairo sana ang gagawa nito ngunit may biglaan silang pinuntahan ni tito, hindi ko naman sila makausap nang maayos dahil sa hina ng signal dito sa isla.

"Ma'am, kain po muna tayo. Mainit pa po yon," pang-aalok niya sa akin na nginitian ko.

Sakto at gutom ako. Sa mismong lobby area lang kami, nakakasawa rin minsan ang manatili sa opisina dahil gano'n din ang gawi ko no'ng nasa syudad ako. Kaya hangga't malayo ako roon ay sinisikap kong pumunta sa kung saan-saan. Nakakasawa ang makulong.

Sa kalagitnaan ng pag-kain namin ay kinuha ko na ang pagkakataon na iyon upang makapagtanong.

"Jo? Anong oras ang pahinga nila?" pagtutukoy ko sa mga trabahador.

"Mamaya po'ng alas-dose. Trenta minutos naman po ang pahinga nila, tapos uuwi po sila ng mga ala-sais, depende po sa Engineer. Kadalasan po kasi umaabot sila ng alas-dose ng madaling araw," bulong nito sa akin.

"Ganoon ba? Hmm, salamat."

30 minutes? Puwede ko kaya siyang makausap kahit ilang minuto? Baka kasi hindi ko na magawang makausap siya kung sakaling pumunta rito sila Jairo. Ito na lang ang pagkakataon ko.

Nagpahinga na muna ako habang si Joan ay kinailangang puntahan ang ilan sa mga kliyente ni Anthony. Naiwan akong nag-iisa habang binibilang ang oras. Mas lalo akong kinakabahan sa mga naiisip ko. Ngunit desidido na talaga ako.

Pumunta agad ako sa restroom upang makapag-ayos ng sarili. Hindi ko maiwasang mapanguso dahil mukha akong stress. Pinatungan ko na lang ito ng manipis na foundation para hindi mahalata. Pumanhik na ako palabas. Kaunting tiyaga ang kailangan ko dahil sa rami nila ay hindi ko siya mahahanap nang mabilis.

Nagsimula akong magtanong-tanong sa malapit sa akin hanggang sa makaikot ako.

"Kuya? Itatanong ko lang po sana kung saan po rito si Fred?" pang-iistorbo ko sa mga kumakain sa ilalim ng mga puno.

Kumunot ito at saka siniko ang mga katabi. "Fred ba kamo?"

"Maraming Fred po rito Ma'am, sino po ba roon?" tanong ng katabi niya.

"Ah, si Suarez po," sagot ko saka sila nagtanguan.

"Ah! Yong binatang Fred! Ayon oh, roon siya lagi nakaupo." Turo nito sa dulong bahagi na kahilera nila.

Bumalik ako ng tingin at saka tumango at yumuko. "Salamat po."

Nagsimula na akong maglakad patungo sa sinasabi nila. Ni hindi ko alam kung bakit gustong umurong ng mga paa ko lalo na't nakita ko itong naupo sa ilalim nang lilim. Abala sa pagtanggal ng putik sa paa nito. Nakapalibot ang bimpo sa leeg at nasa tabi niya ang kaniyang sumbrero na madalas niyang suot.

Nakurot ko na lang ang aking daliri dahil walang tao malapit sa kaniya. Habang palapit nang palapit ay mas lalong dumadagundong ang tibok ng aking puso.

"F-Fred?" garagal kong tawag dahilan para mapahinto siya sa kaniyang ginagawa.

Kitang-kita ko kung paanong tinititigan nito ang aking paa at nagbalik muli sa ginagawa.

"Puwede ba tayong mag-usap? Kahit sandali lang," mahinang anas ko at siniguradong maririnig niya iyon.

"May gagawin pa ako," malamig niyang saad kaya mas lalo akong umabante.

"K-Kahit sampung minuto lang," pagpupumilit ko ngunit gano'n na lang ang pagtayo nito kaya ako napaurong.

"Puwede bang umalis ka rito? Hindi mo ba nakikitang may ginagawa ako?" medyo mataas na sabi nito kaya naikagat ko ang aking labi.

Ramdam na ramdam ko ang galit sa kaniyang mga mata at gigil sa tono ng pananalita niya. Hindi ko maiwasang kilabutan dahil doon. Parang hindi siya si Fred. Para siyang ibang tao.

Nilagpasan niya lamang ako kagaya ng ginawa niya sa akin noon. Nanginginig ang aking kamay nang punasan ko ang aking luha. Kagat-kagat ko ang aking labi at pinipigilang humikbi. Bakit ba ako nagkakaganito? Maliit na bagay iniiyakan ko?

Dahil ba hindi ako sanay? Ni hindi ko naranasang ipagtabuyan ako ng ganito. Pero siya, yong taong malapit sa pamilya ko at pinagkatiwalaan ng lubos ni tito ang unang nakagawa sa akin ng ganitong bagay.

"K-Kasalanan ko..." usal ko at saka naglakad.

Hindi ko na alam kung anong nangyayari sa akin. Para akong nababaliw, naririnig ko ang boses ni Fred noong panahong magmamakaawa siyang pakinggan ako at ang pangtataboy niya sa akin ngayon. Bigla-biglang kumikirot ang aking ulo.

Malapit nang dumilim, ngunit hindi iyon ang dahilan para hindi ko ituloy ang pagtulak ng bangka. Walang tao sa pampang at animo'y natatakot sila sa pagkagat ng gabi.

This time, pagpipilitan ko ang sarili ko. Gusto kong humingi ng tawad sa lalaking na-agrabyado ko. Wala na akong paki-alam kung hindi niya ako pakinggan. Basta masabi ko lang ang totoo.




The Rain Calmness | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon