Noir. 18

157 11 1
                                    

     "Nasaan ako?"

     "Patay ka na."

     "Ano?!"

     "Patay ka na. Tsugi. Deds. Wa na buhay. Game over."

     "Hah?!"

     "Ay bingi."

     "Bakit?"

     "Malamang hindi mo na matandaan. Pero totoong patay ka na."

     "Sino ka ba?"

     "Ako ikaw."

     "Sino ba ako?"

     "O 'di ba dapat 'yun pala ang una mo dapat itanong?"

     "Ano?"

     "Bingi talaga."

     Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ng malalabong imahe sa kalagitnaan ng kadiliman. Imahe ng isang malaking itim na palasyo. Nakatayo ito sa tuktok ng bundok at sa ibaba nito ay nagliliyab ang kagubatan na dulot ng nagaganap na digmaan.

     Ang palutang-lutang na katawan ng lalake ay unti-unting nakadama ng bigat ng sarili. Nagkaruon ng lupa. At dito bumagsak ang kanyang katawan, una mukha.

     "Aray! Akala ko ba patay na 'ko?!" angal niya sa kausap na hindi niya alam kung saan hahanapin matapos niya bumangon.

     Pero hindi na sumagot ang tinig.

     "Hindi ko maintindihan." muling sabi niya sa kausap na hindi niya alam kung nasaan.

     Unti-unting nagkaroon ng mga tunog mula sa kanyang tanawin.

     Tunog ng mga punong-kahoy na nilalamon ng malaking apoy. Sigaw ng mga taong nagbubuwis ng buhay, mga hinagpis, sigaw ng galit at mga pagdurusa.

Mga ungol ng mga kakaibang nilalang na may iba't-ibang anyo at kapangitan. Tunog ng mga bakal na nagbabanggaan. Tunog ng mga nadudurog na bato, buto, laman at bungo. Pagaspas ng mga pakpak.

Hampas ng mga katawan sa lahat ng dako. Mga napupunit na laman dulot ng matatalim na mga kuko. Kalabog ng mga bumabagsak na katawan sa lupa. Talsik ng dugo, dugo na dumidilig sa lupa at mga halamang nagliliyab.

Ugong ng mga naglalagablab na bolang lumilipad, kasunod ang malakas na pagsabog at pagyanig. Tunog ng lupang nabibitak, gumuguho at pinaglilibingan ng libo-libong sundalo na nakikipaglaban sa mga kampon ng kadiliman noong panahon ng kaguluhan, pagkawasak at kadiliman.

Ang tunog ng digmaan ng sangkatauhan laban sa ibang hindi matanggap na nilalang.

"Papaanong... Kailan... Saan... Sinong...?" muling tanong niya sa kausap na hindi niya malaman kung nasaan na.

"Patay ka na." Sa pagkakataong ito ay nadama ng lalake ang kanyang sariling bibig na nagsalita.

Laking pagtataka naman niya'y sa mismong bibig niya rin lumalabas ang sagot.

Itinuon niya ang kanyang isip sa pagdama ng mga bagay-bagay. Kung totoo ang kanyang nakikita at naririnig. Hindi nagtagal ay naramdaman niya rin ang sariling bigat na nakatapak na sa lupang nababahiran ng kalat ng kasalukuyang nagaganap na digmaan.

Narinig niya na may mga nagsisigawan sa kanyang likuran. Yumayanig ang lupa sa mabilis nilang pagdating sakay ng mga kabayong nakasuot din ng mga baluting pandigma.

Naramdaman niya na nakikita siya ng mga ito at alam niya na kalaban ang tingin ng mga ito sa kanya.

Mabilis na siyang tumakbo patungo sa palasyo. Kung bakit ay hindi niya alam.

The Phantom HeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon