Noir. 13

206 14 0
                                    


          Ang kanyang butihing lolo na nagturo sa kanya ng kagandahan ng mundo at kabutihan ng mga tao.  Iginapos, pinaghahampas, pinagbabato bago sunugin ng buhay sa gitna ng mga taong nagpapakahukom, nang-uusig, nanunumbat na parang walang kasalanan. 

       Ang kanyang ama na nagturo sa kanya kung paano lumaban para sa mga bagay na mahalaga para sa kanya, ang bawat tao ay responsable sa bawat aksyon na gagawin nito, at kailangan mong panindigan ang bawat bunga ng iyong mga ikinilos.  Itinali ang mga kamay at paa, kinaladkad sa sentro ng baryo, hinubaran, tinanggalan ng dangal, at sa harap ng mga taong nanghihingi ng gusto nilang katarungan, pinugutan ng ulo.

     Ang kanya namang ina na nagturo sa kanya na mahalin ang buhay, wag manunuligsa, at kailanma'y huwag sumira ng buhay ng ibang tao, ay namatay sa harap niya habang sumisikat ang araw.

      Malupit ang buhay para sa kanya. Kung ano ang mga itinuro sa kanya ng mga minamahal niya ay taliwas sa nakikita niya ngayon....

     

    

          Kamakailan ay natagpuan ang bangkay ng 18-anyos na dalagang nagngangalang 'Rose Bernal', sa isang motel.  May isang tama ng baril sa ulo na tagos sa kanyang sentido.  Ang nasabing biktima ay ang anak ng Retired General Crisostomo Bernal ng Philippine Army, na kamakailan lang ay sinugod ang bahay ng mga sindikato na tinaguriang 'massive massacre'.

          Ayon sa otopsiya, ang biktima ay kumpirmadong ginahasa bago pinatay.  Ayon sa naunang imbestigasyon, ang babae ay huling nakita na kasama ang isang lalake na nakilala sa pangalang 'Arnold Duran'.  Ayon sa mga saksi, ang dalaga ay lasing na nagpaalam sa kanyang mga kaibigan na galing sa isang night club.  Pumasok ang dalawa sa motel kung saan naganap ang krimen.

         

          Nahuli ang suspect at dininig ang kaso na nauwi sa hatol na 'not guilty'.  Sa Hearing lumitaw ang isa pang anggulo ng krimen.  Nagkaruon ng marami pang imbestigasyon, at lumabas dito na ang magkasintahan ay kapwa lulong sa ipinagbabawal na gamot nang sila ay magtalik.  Sa sobrang depression na dala ng nakaraang insidente at sa epekto ng pinagbabawal na gamot ay nagbaril sa sarili ang biktima gamit ang baril na pang proteksyon lamang ng nasabing suspect.

       Isinara ang kaso.  Negatibo ang resulta ng Narcotics examination kay Arnold kaya't hindi na siya sumailalim sa isang rehabilitation program.

       At ang lahat ng ito ay mga pinaikot na katotohanan gamit ang makapangyarihang pera at koneksyon ni Arnold Duran na anak ng yumaong Francisco Duran, isang makapangyarihang pinuno ng sindikato.

        

           Si Rose Bernal ang kaisa-isahang babae na nagpapaganda ng kanyang mundo.  Ang babaeng bumubuo ng bawat araw niya.  Ang babaeng nagpapangiti sa kanya ng lihim.  Ang babaeng lihim niyang iniibig na magpasa-hanggang ngayon ay hindi pa niya naipahahayag at kahit kailan ay hindi na niya magagawa.  Saklap.

         

            Sadyang malupit ang buhay para kay Roman.  Lagi na lang sa kanya kinukuha ng mundo ang mga taong pinapahalagahan niya.  Tila inaasar siya ng kanyang kapalaran.  Binabati naman niya ito sa masalimuot nitong tagumpay.  Hindi siya naging masama o naging mabuti, pero sobra ang kaparusahan na tinatanggap niya. 

           Ito man ay likas na kapalaran, hindi niya maalis sa sarili na ang lahat ng kabiguan na dinaranas niya ay gawa ng mga tao.

        

The Phantom HeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon