Noir. 09

223 16 1
                                    

        Ang gabi ng pagdiriwang ay naging gabi din ng pagdiriwang ni Skull Face sa pagkamatay ng kanyang kalaban at ng ilang mahahalagang tao na tiyak na magdudulot ng malaking pagbabago sa lipunan. Pero ito rin ang gabi na magtatapos sa kanyang pagiging drug lord.

        Madilim na ang kapaligiran dahil sa pagkasira ng electrical system. Ang tanging nagbibigay liwanag sa paligid ay ang kalat-kalat na apoy at ang mga liwanag na dulot ng mga putok ng baril. Nagmistulang pagsalubong sa bagong taon ang paligid dahil sa ingay ng putukan at pagsabog. Gumuho ang dating magarang mansion ng mga Bernal, nasusunog na ang mga halaman, mantel, at mga kawawang biktima. Naghalong itim at pula ang kapaligiran dahil sa pag-agos ng mga dugo, mga nagkalasog-lasog na laman at kagamitan. Umaalingasaw ang amoy ng mga pulbura, mga nasusunog na katawan, at baho ng mga pulitiko.

        Kasalukuyan pang nagdiriwang si Skull Face ng biglang sumulpot sa kanyang harapan ang taong anino na may pulang matang nanlilisik na nakatingin sa kanya.

        Agad na pinagbabaril ng mga tauhan ni Skull Face si Roman, naglaho lang ito sa harap nila. Naging advantage para kay Roman ang kadiliman ng paligid. Halos hindi mahuli ng kanilang mata ang bilis ni Roman na palipat-lipat ng kinaroroonan at unti-unti silang inuubos. Dumampot lang ng mga nagkalat na kubyertos si Roman, binalot niya ito ng kanyang kapangyarihang itim na anino, sa isang iglap ay nabago niya ang anyo nito at hinagis bilang mga patalim. Walang mintis ang mga ito sa pagtama sa katawan ng mga kalaban. Walang sinabi ang dami ng kanilang bala sa kakayanan ni Roman na gawing sandata ang anumang bagay na hawakan nito. Nakakalat lang sa paligid ang mga pwede niyang gamitin tulad ng kutsara, tinidor, tray,kutsilyo, platito, baso, pustiso...

        Kitang-kita ng malaking mata ni Skull Face ang pagdanak ng dugo sa kanyang panig.

        "Mga walang kwenta kayo! Paputukan nyo!!"

        Sa utos ni Skull Face ay nagliliparan na ang mga bala sa iba't-ibang direksyon. Sila-sila na rin mismo ang nagkakatamaan.

        Umurong ang sasakyan ni Skull Face at umabante naman ang iba. Muntik naman tumama sa ulo niya ang isang bala na lumipad mula sa direksyon ni Alwina.

        Hindi na makaasinta ng tama ang binansagang 'Hawk Eye' dahil sa ang mata nito ay puno ng luha at ang mga kamay niya ay nanginginig sa galit. Nagpaputok pa siya ng sunod-sunod, pero walang tumama sa gusto niyang patamaan. Hanggang sa maubusan na siya ng bala.

        Sinamantala ni Skull Face ang pagkakataon para kunin ang RPG-7 at walang pakundangan niya itong tinira kay Hawk Eye.

        Namataan naman ito ni Roman, muling mas naging mabagal ang paggalaw ng mga bagay sa kanyang paningin. Nagmadali siyang kumilos para habulin ang rocket na papunta sa direksyon ni Alwina. Sa isang lundag ay bumulusok siya na mas mabilis pa sa rocket. Nagawa niya itong abutan at masalo. Hawak niya ito habang paikot-ikot siya paangat. Parang maitim na ipo-ipo siya kung pagmamasdan habang nagpaikot-ikot sa ere. Dalawang segundo lang ito nagtagal, nailihis niya ang direksyon ng rocket papunta sa isa sa mga truck ng kalaban at doon ito sumabog. Patay ang mga sakay nito, kahit na ang mga nakalabas mula dito.

        Halos lumuwa ang kanilang mga mata sa nasaksihang hindi kapani-paniwala.

        Lumapag sa tuktok ng nagibang pader na pinagtataguan ni Alwina si Roman. 'Umalis ka na dito.' Nasampal ni Roman ang kanyang noo nang maalala na wala nga pala siyang boses.

        Sirena ng mga sasakyan ng pulis ang sunod nilang narinig. Pero malayo pa lang ang mga ito ay tinatadtad na sila ang mga bala na mula sa mga resbak na tauhan ni Skull Face na nakaabang lang pala sa 'di kalayuan. Tinira pa sila ng RPG-7 na nagpasabog sa isa sa kanilang sasakyan.

The Phantom HeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon