"Sa isang bayan ng mga duwag, nananahan ang isang bayani."
Sa isang liblib na baryo sa bayan ng Albay. Kung saan isang pamilya ang tinutugis ng mga taga-baryo dahil sa isang hinala na hindi naman nila kayang patunayan.
"Ayun ang mga aswang!" Isang sigaw ng taga baryo na may hawak na sulo sa kanang kamay at nakaturo naman sa isang direksyon kung saan hapong-hapo na sa katatakbo ang mga taong kanilang tinutugis.
Ang isang liwanag na nagmumula sa apoy ng sulo ay unti-unting dumarami sa paningin ng batang paslit. Magkagayun pa man ay hindi man lang sumagi sa kanyang isipan ang kahit anong damdamin, ni-takot ay wala s'ya. Blangko ang kanyang isip sa mga nangyayari, at ang tanging alam niya lang ay kailangan nilang tumakbo. Kung saan? Hindi niya alam, basta makalayo lang sila, iyun ang mahalaga.
Unti-unti ulit naglalaho sa kanyang paningin ang mga liwanag ng sulo. Paparating na ang mas malaki at mas masinag na sulo. Kitang-kita niya ang bolang nagliliwanag sa pagitan ng mga bundok. Paparating na ang umaga.
"Uhg!" Sumuka ng dugo ang babae habang pinipilit na hugutin ang nakatarak na kawayang sibat sa kanyang dibdib. Pero nararamdaman na niya ang kanyang katapusan kaya't sumuko na siya. Niyakap niya ang walang muang na bata. Hinalikan sa noo. At nakita niya sa ang mga mata ng bata ang tumatagas na luha habang nangungusap. Nagtatanong.
Nasa malalim pa na bangungot ang isip ng bata. Dalawang araw pa lang ang nakalilipas nang hulihin ng mga taga-baryo ang kanyang butihing lolo na nagturo sa kanya ng kagandahan ng mundo at kabutihan ng mga tao. Iginapos, pinaghahampas, pinagbabato bago sunugin ng buhay sa gitna ng mga taong nagpapakahukom, nang-uusig, nanunumbat na parang walang kasalanan.
Labing-dalawang oras pa lang ang nakalilipas nang hulihin naman ang kanyang ama na nagturo sa kanya kung paano lumaban para sa mga bagay na mahalaga para sa kanya, ang bawat tao ay responsable sa bawat aksyon na gagawin nito, at kailangan mong panindigan ang bawat bunga ng iyong mga ikinilos. Itinali ang mga kamay at paa, kinaladkad sa sentro ng baryo, hinubaran, tinanggalan ng dangal, at sa harap ng mga taong nanghihingi ng gusto nilang katarungan, pinugutan ng ulo.
BINABASA MO ANG
The Phantom Hero
FantasyNOIR: A Knight from the Darkside. "Kung ang liwanag ay nagbibigay ng karimlan. Kadiliman ang maghahatid ng kaligtasan. Ang kamay na nagmumula sa kadiliman, ika'y pangangalagaan." Genre: Fantasy-Action Matured content: Language, Sex, Substance, Vio...