41: Loath

82 6 8
                                    


Nakikita ng buong Prios kung gaano na karami ang mga tarangkahang nagbubukas sa iba't ibang panig ng norte. Sa una ay mga ibong halimaw lamang ang lumalabas sa bawat bitak ngunit nagsunod-sunod ang mga araw na may mga nilalang na roong lumalabas na may kakayahang makapangwasak nang higit pa sa naglalakihang halimaw na madali nilang mapaslang.

Hindi na nakikita ni Sigmund si Edric. Madalas ay tumutulong ang binata kay Gaspar sa paghahanap ng iba pang solusyon upang mapaslang ang mga nilalang na marurunong gumamit ng mahika.

"Ang mga markang ito ay hindi basta napag-aaralan," paliwanag ni Silas. Mapagmasid ang mga mata niya at bukas ang lahat ng pandama.

Wasak na ang isang bahagi ng gusali ng komisyon at kitang-kita na ang madilim na langit mula sa malaking butas sa kisame.

Kalat-kalat ang namumuong kidlat sa madidilim na ulap.

Walang araw na hindi sila binabalot ng takot. Marami nang bahagi ng pamilya ang napaslang ng grupo nina Olivius.

Ang mga isinumpang salamangkero ng Ikawalo ay lumabas na sa kulungan ng mga ito. Ang mga mahikang gamit ng mga ito ay ipinagbabawal at matagal nang hindi kinikilala ng Prios. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit hirap silang kalabanin ang mga ito. Nabubuo na ang batalyon ng mga kalaban. Nasakop na nito ang lupain ng mga kauri ni Eul. Okupado na ang maliit na dambana ng mga Arrafah.

"Kung magagamit mo ito ay magiging pabor iyon sa atin," sabi ni Silas at ipinakita kay Sigmund ang mga markang kahit siya ay hindi kayang basahin. Nakasulat iyon sa napakalaking aklat na may makakapal na pahinang gawa sa nilihang katawan ng dilaw na puno.

Ngunit iyon ang pangunahing problema nila. Hindi iyon kayang basahin ni Sigmund.

"Gaspar, hindi ko 'to kayang basahin," nag-aalalang sabi ni Sigmund nang harapin ang punong saserdote.

Ang lalim ng paghinga ni Gaspar dahil maging siya ay wala ring idea kung ano ba ang ibig sabihin ng mga markang kaharap nila.

"Kaya ba 'tong basahin—" Napailing si Sigmund dahil mali siya ng naiisip. Hindi iyon kayang basahin ni Poi dahil isa rin ito sa mga naghahanap ng kayang makabasa sa aklat ng mga salamangkero. "Wala bang paraan?"

"Anak, wala na tayong ibang pagpipilian," sagot ni Gaspar.

Sa kalagitnaan ng paghahanap ng sagot sa komisyon ay dumagundong sa buong paligid at napatingin silang tatlo sa nawawarak na pader ng ikatlong palapag ng komisyon. Ilang saglit pa ay nabasag ang dingding. Mabilis na naging kayumangging oso si Silas at niyakap ang malaking aklat bago iyon itinakas.

Naglahad ng mga braso si Sigmund at muling napalitan ang kanyang anyo. Lumadlad sa hangin ang mahaba niyang kapa at itim na buhok. Mabilis na gumuhit ang hangin ang itim na usok mula sa kamay niya at nabuo roon ang dalawang itim na espada.

Dahan-dahang binabalot ng dilaw at berdeng liwanag ang buong paligid kasabay ng pag-usal ng dasal ni Gaspar.

Papasok pa lang sa loob ng komisyon ang dalawang naglalakihang halimaw na mahahaba ang ilong at pula ang mga mata. Sa apat na paa nitong gumapang sa dingding ay mabilis na natunaw ang dalawa at unti-unti itong nilamon hanggang sa katawan. Umusok ang katawan ng mga halimaw at ang natira na lang ay ang mga buto nito mula sa nabubulok na mga laman.

"Titingnan ko ang nangyayari sa labas, Gaspar!" malakas na paalam ni Sigmund at lumabas na ng gusali ng Komisyon ng Kasaysayan.



♦ ♦ ♦



Kung may pinaka-abala man sa buong Prios habang inuubos sila ng mga halimaw, iyon na malamang si Edric.

Wala siyang ibang nasa isip kundi ubusin ang lahat ng nakikita niyang dapat paslangin para lang mailabas niyang muli si Zephy sa loob ng isinumpang espada.

Napakarami ng mga halimaw. Hindi maubos-ubos. Habang dumarami ang napapaslang niya, lalo niyang napatatanto kung gaano siya kagalit sa buong pamilyang inoobliga siyang protektahan.

Hindi lang sampu, hindi lang isandaan, hindi lang isanlibo—araw-araw siyang pumapaslang at walang patid ang pagdilig ng mga bulok na laman at malansang dugo sa lupa.

Isang matinding sumpa ang ipinataw sa kanila ng mga Dalca.

Galit na galit siya sa pamilya.

Isang kumpas lang ni Adeline ang nagpabalik sa normal noon sa nakaraang digmaan sa buong Prios.

Isang kumpas at isang utos—ganoon lang kadali.

Walang pagdanak ng dugo.

Walang paghihirap at pagmamakaawa sa mas maayos na bukas.

Ngunit pinili ng pamilya ang pagpapahalaga sa sarili. Itinakwil ang kaisa-isa nilang pag-asa upang iligtas ang buong norte.

Sa gitna ng malawak na kalsada kung saan may bagong nagbubukas na namang tarangkahan, sinasalubong niya ang mainit na hangin at ang mga nilalang na lalabas mula roon.

"Bring me death, cursed beasts!" malakas niyang sigaw sa harapan ng pulang usok na pinalilibutan ng dilaw na maliliit na kidlat.

Lumabas mula sa loob ang naglalakihang halimaw na nabubulok ang laman at labas ang nangingitim na mga buto. May tatlong malalaking ibon at isang dambuhalang oso na tatlong mga mata ang tumawid mula sa usok at mabilis na tumakbo palapit sa kanya.

Malakas siyang tumalon sa ere at inunday sa hangin ang espada. Bumaon iyon sa gitna ng ulo ng dambuhalang oso at sa isang kisap-mata lang ay naging alikabok ito sa hangin.

Lalong lumipad patungong langit ang malaking ibon at nakisayaw sa naglalakihang mga kidlat sa mga itim na ulap.

May sumubok na tumawid sa dagat na pumapagitan sa norte at timog. Hindi pa man nakalalayo ang ibon ay bigla itong hinatak ng tubig at nilamon ng dagat.

Nakakita si Edric ng pag-asa sa dagat na naghihiwalay sa kanila sa maayos na mundo ng mga tao, ngunit alam niyang kamatayan din ang katumbas niyon sa mga kauri niya.

Wala silang magandang pagpipilian sa mga sandaling iyon.

Hinaharap na nila ngayon ang napipintong pagwawakas ng pinangangalagaan nilang mga lupain.


♦ ♦ ♦

Prios 6: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon