44: Battleground

67 9 11
                                    


Patuloy na lumalaban ang mga mandirigma ng Prios na halos isandaang taon na ring hindi nakararanas ng digmaan sa norte.

Lumilibot pa rin ang ibang uri ng mga taga-Prios upang ubusin ang mga halimaw na walang tigil sa paglabas sa bawat tarangkahang nagbukas.

Nakatanaw ang grupo nina Elihel sa malayong tulay na nagdurugtong sa norte at sa South. Ilang beses nang tinangkang tumawid doon ng mga halimaw na ibon ngunit walang nagtagumpay sa mga ito. May ipinadala silang kasama upang tumawid ngunit mahigit isang buwan na ay hindi pa rin ito nakababalik.

Nilingon niya ang kasamang si Gaahl na kumakain ng hilaw na laman mula sa nakuha nitong aso sa isang maliit na kulungan. Hindi alintana ng lalaki ang dugo mula sa kawawang hayop dahil purong itim na lang ang makikita sa kamay niya paitaas sa siko at marumi na rin ang suot na damit kahit purong puti iyon bago pa sila maikulong sa kabilang dimensiyon. Sapat na ang taas nitong siyam na talampakan upang magmukhang maliit ang lahat ng mga nasa tabi nito.

Hinahawi ng mainit na hangin ang mahaba at kayumangging buhok ni Elihel nang pumaling kay Gaahl. "May kung ano sa tubig ng dagat. Hindi kaya't isinumpa ito bago tayo makulong sa piitang nilikha ni Adeline?"

"Maaari. Nais mo na bang tumawid sa kabilang isla?" tanong ng lalaking halimaw.

"May nararamdaman akong mga tao sa buong norte ngunit hindi ko maamoy ang kanilang mga katawan," ani Elihel at nilingon ang paligid. "Nararamdaman ko ang presensya ng mga imortal ng Seredor at Vash'djir."

Gumilid ang tingin niya sa kaliwa nang may marinig na kakaiba. Malalim ang tunog at sapat upang bumigat ang pandinig niya sa kaliwang tainga. "Naririnig mo ba iyon, Gaahl?"

"Ang pagsugod ng mga imortal?" tugon ng lalaking salamangkero.

"Hindi." Pumikit pa si Elihel at pinakinggang maigi ang bandang kaliwa nila.

Sa kakahuyan ng Helderiet Woods. May malalim na ihip ang hangin na nagdadala ng di-maipaliwanag na bulong.

"May sinasabi ang hangin. Nanggagaling ito sa kagubatan ng mga Dalca."

Natawa nang mahina si Gaahl at isinubo nang buo ang natitirang buto ng kalahating aso. "Ang mga puno ay kakampi ng anak ng bathalang natitira sa lupaing ito. Marahil ay nakikinig siya sa usapan natin."

Napailing si Elihel. Kilala niya ang presensiya ng mga Sylfaen. Hindi kahit kailan manggagaling ang presensiya nito sa mga puno. Manggagaling iyon sa langit at sa lupa.

May sinasabi ang gubat sa di-kalayuan kung nasaan sila, sapat na iyon upang makaramdam siya ng kilabot at masamang balita.

"Ang sabi ng mga taksil ng Prios ay wala nang nabubuhay na Dalca sa panahong ito, tama ba?" tanong ni Elihel nang lingunin si Gaahl.

"Iyon ang dahilan kung kaya't nauubos na sila ngayon. Isang napakagandang balita para sa ating lahat. Wala nang makapipigil sa atin." Ngumisi si Gaahl at naglahad ng mga braso. Nabuo sa likod niya ang itim na pakpak na lumikha ng malakas na paghawi ng hangin sa makalat at maalikabok na daan. "Bumalik na tayo sa gusali kung nasaan sina Olivius. Paniguradong naghihintay na silang lahat ng balita ukol sa pagtawid sa timog."

Malakas na tumalon si Elihel at sinabayan iyon ng paglipad ni Olivius. Eksaktong sinalo siya ng lalaki sa hangin at naupo siya sa malapad na kaliwang balikat nito.



⚔ ⚔ ⚔



Iniisip nilang masama na ang loob nila na hindi pa rin nila kayang iligtas ang norte laban sa mga halimaw ng testamento, ngunit mas lumala pa ang sama ng kanilang mga loob nang mabalitaang umanib sa mga kalabang halimaw ang ilang bahagi ng kanilang pamilya at ginawang bihag upang gamitin laban sa kanila.

Prios 6: Prios ExtinctionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon