"HIJA, ikaw ba ay gustong sumama sa akin sa malaking bahay ng mga Salvador bukas? Sa isang araw daw ay dadating ang mag-asawang Salvador kasama ang nag-iisa nilang anak na nag-aaral sa ibang bansa kaya kailangang linisin ang buong bahay pati ang bakuran. Karagdagan din ang perang ibabayad sa'yo para sa bayarin mo sa school. Kasama rin natin ang Tita Joy mo."
Napahinto sa pagwawalis sa bakuran si Phoenix nang marinig ang sinabi ni Manang Perla na kapitbahay nila. Si Manang Perla at ang anak nitong si Joy ang nagsisilbing katulong ng mga Salvador kapag nananatili ang mga ito sa malaking bahay. Minsan lang naman ang mga ito mamalagi sa San Antonio dahil sa lungsod ang mga ito namamalagi lalo na at naroon ang mga negosyo ng mga ito. Mas lalong dumalang ang pagpunta ng mag-asawang Salvador sa lugar nila buhat noong pumunta ang nag-iisang anak ng mga itong lalaki sa ibang bansa para mag-aral.
"Sasama po ako, Manang Perla. Salamat po at ako ang una ninyong sinabihan," pagpayag at pasasalamat niya sa matanda.
"Walang anuman, hija. Alam ko namang higit na mas kailangan mo ng pera kaya ikaw ang una kong sinabihan," nakangiting wika nito na malawak niyang ikinangiti.
Sobrang kasundo ni Phoenix ang matanda lalo na ang anak nitong si Joy na kababata at matalik na kaibigan ng kanyang ama. Wala pang asawa si Joy at hindi lingid sa kaalaman ni Phoenix na may lihim na pagtingin ng kanyang Tita Joy sa kanyang ama. Hindi lang iyon pinapansin ng kanyang ama dahil tila isinarado na nito ang puso sa kahit na sinong babae buhat noong mawala ang kanyang ina. Alam niyang ramdam ng kanyang ama ang lihim na pagtingin ng kababata at matalik nitong kaibigan pero nagbubulag-bulagan lang ito kahit na minsan ay si Phoenix na rin ang gumagawa ng paraan para lalong mapalapit ang kanyang ama at ang kanyang Tita Joy sa isa't isa. Pero sadyang matibay ang paninindigan ng kanyang ama na hindi na muli ito magpapapasok ng babae sa puso nito. Lagi nitong sinasabi sa kanya na kuntento na ito na silang dalawa lang. Kuntento na ang kanyang ama na siya lang ang kasama.
"Pakisabi na lang po kay Tita Joy na daanan po ako rito sa bahay kapag pupunta siya sa bahay ng mga Salvador bukas. Sa kanya na lang po ako sasabay sa pagpunta roon."
"Makakarating sa kanya, hija."
Kinabukasan ay maagang gumayak si Phoenix dahil maaga silang pupunta sa bahay ng mga Salvador para maglinis ayon sa kanyang Tita Joy na nagpunta sa bahay nila kahapon para magdala ng lutong ulam. Palagi nito iyong ginagawa mula pagkabata na niya at sobrang lapit ng loob niya rito na tumayo na ring kanyang ina lalo na noong mga panahong nag-aaral siya sa elementarya at kailangan ng mga magulang na dadalo sa mga programa sa school. Ito lagi ang kasama ng kanyang ama kapag kailangan niya ng tatayong ina.
Paglabas niya sa kuwarto ay natulos siya sa kinatatayuan nang masilayan ang hindi niya inaasahang tagpo sa pagitan ng kanyang ama at Tita Joy. Magkatabi ang mga itong nakaupo sa kanilang maliit na sala at magkahugpong ang mga labi ng mga ito. They are passionately kissing at hindi man lang ng mga ito naramdaman ang kanyang presenya dahil sa lalim ng paghahalikan ng mga ito. Matapos makabawi sa pagkabigla ay may sumilay na ngiti sa labi ni Phoenix. Finally, magkakaroon na siya ng pangalawang ina.
"Ahem!" malakas na tikhim ni Phoenix para kuhanin ang atensyon ng ama at ng Tita Joy niya na abala sa paghahalikan. Mabilis ang mga itong naghiwalay at parehong gulat na lumingon sa gawi niya.
"G-Gising ka na pala, anak," nauutal na wika ng kanyang ama at mabilis na nag-iwas ng tingin sa kanya. Pansin niya rin ang bahagyang pamumula ng mukha nito na mabilis mahalata dahil sa kaputiang taglay ng ama.
"Good morning, Itay. Sa'yo rin, Tita Joy," may mapang-asar na ngiting bati niya sa dalawa dahil sa kanyang nasaksihan.
"Sinusundo ka na ng Tita Joy mo kaya pumunta ka na sa kusina at kumain. May nakahanda na roong almusal," wika ng kanyang ama.
BINABASA MO ANG
Damon's Possession
General Fiction"Itinuring na kitang akin buhat noong una kitang masilayan. At ngayong nasa mga bisig na kita, wala ka nang magiging kawala pa dahil akin ka lang. Lagi mong tatandaan na pagmamay-ari ng isang Damon Salvador ang isang Phoenix Specter. I will possess...