Chapter 18

4.7K 110 27
                                    

MAAGANG bumangon si Phoenix kahit na wala siyang pasok sa school dahil plano niyang puntahan ang kanyang ama. Balak niyang sorpresahin ang kanyang Itay dahil kaarawan nito ngayon. Nagkataong wala siyang pasok sa school at day off din niya kaya buong araw niyang makakasama ang kanyang ama sa espesyal na araw nito. Sadyang hindi siya umuwi kahapon kahit na dapat ay sa kanilang bahay na siya tutuloy pagkagaling niya sa school dahil nga day off niya kinabukasan. Hindi rin niya binabanggit sa kanyang ama ang tungkol sa kaarawan nito para isipin nitong nakalimutan na niya ang tungkol doon.

Paglabas niya sa kanyang silid ay agad siyang nagtungo sa silid ni Damon para gisingin ang binata kahit day off niya. Napahinga na lang siya nang malalim nang makita ang magulo nitong kama. Hanggang ngayon ay siya pa rin ang nag-aayos ng kama nito tuwing umaga at siya rin ang nagsisilbing alarm clock ni Damon. Para itong bata na kailangan pang gisingin sa umaga at ayusin ang kama nito. Pero minsan naman ay maaga itong gumigising dahil maaga rin itong pumapasok sa trabaho. Tulad ngayon na hindi na niya ito naabutan sa ibabaw ng kama nito.

Sinimulan niya agad ayusin ang magulong kama ni Damon para makalabas siya agad sa silid ng binata. Baka maabutan pa siya nito at umiral na naman ang kakulitan at kalandiang taglay ni Damon na maging dahilan pa kung bakit siya tatanghaliin sa pag-uwi, baka mapurnada pa ang sorpresa niya sa kanyang ama.
Sigurado siyang nasa bathroom ito at naliligo dahil naririnig niya buhat doon ang pagpatak ng tubig galing sa shower. Naririnig din niya ang mahinang boses ng binata na parang kumakanta ito na mahina niyang ikinatawa. Ilang beses na niya itong marinig na kumakanta habang naliligo at hindi niya akalain na marunong palang kumanta si Damon. 'Yon nga lang ay sa loob ng banyo, he's a bathroom singer.

Tapos na niyang ayusin ang kama ni Damon at lalabas na sana siya sa kuwarto nito nang sakto namang bumukas ang pinto ng bathroom. Kusang pumihit ang katawan niya paharap sa direksyon ng binata at napanganga siya nang makita itong tanging puting tuwalya lang ang nakapulupot sa ibabang bahagi ng katawan. Pakiramdam niya ay biglang natuyo ang kanyang lalamunan nang makita ang hubad na katawan ni Damon at parang gusto niyang dilaan ang patak ng tubig na umaagos sa katawan nito para mawala ang panunuyo ng lalamunan niya at para mapawi ang biglang pagka-uhaw na kanyang nararamdaman.

Pinupunasan nito ang buhok kaya hindi agad nito napansin ang presensya niya. Nag-angat ng ulo si Damon at agad na nagsalubong ang kanilang mga mata. Bakas ang gulat sa mukha nito nang makita siya na tila hindi nito inaasahan na naroon siya sa loob ng silid nito pero hindi rin nagtagal ay sumilay ang pilyong ngiti sa labi ng binata.

"Pinagnanasaan mo ba ako, munting babae?" nakangising tanong nito na ikinapula ng mukha niya. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin sa binata na mahina nitong ikinatawa.

"L-Lalabas na ako," nauutal na wika niya bago ito tinalikuran. Pero agad din siyang napahinto nang mabilis na lumapit sa kanya si Damon at hinawakan siya sa braso. Napasinghap pa siya nang tila may kuryenteng dumaloy galing sa kamay ni Damon na nakahawak sa kanya. Parang napapasong binawi niya ang braso sa binata at mabilis na dumistansya rito na mahina lang nitong tinawanan. Tila tuwang-tuwa pa ito sa reaksyon niya.

"Masaya ako na apektado ka na rin kahit sa simpleng hawak ko lang, munting babae," malawak ang ngiting wika ni Damon at hindi siya nakaiwas nang mabilis siya nitong nakawan ng halik sa labi. "Hintayin mo na ako, magbibihis lang ako. Day off mo ngayon kaya sasama ako sa 'yo. Hindi muna ako papasok sa trabaho," wika nito bago naglakad patungo sa walk-in closet at siya naman ay tila nanghihina ang mga tuhod na umupo sa kama. Hindi naman ganito kalakas noon ang epekto ni Damon sa kanya pero habang tumatagal kahit yata titigan lang siya ni Damon ay nakakaramdam siya ng kakaiba sa kanyang katawan.

Muling humarap sa kanya si Damon matapos nitong buksan ang pinto ng walk-in closet. Kunot-noong tiningnan niya ito at hindi niya gusto ang pilyong ngiti ng binata habang nakatingin ito sa kanya.

Damon's PossessionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon