KANINA pa napapansin ni Phoenix na parang sinusundan at binabantayan siya ni Damon kahit na anong gawin niya at kahit saan siya magpunta. Magmula noong sabay-sabay silang kumain hanggang sa simulan niyang gawin ang kanyang trabaho. Lagi rin niya itong nahuhuling nakatingin sa kanya at kaunti na lang ay iisipin niyang pinag-iisipan siya nito ng masama. Iyon lang ang naiisip niyang rason kung bakit laging nakasunod at nakabantay sa kanya ang binata. Baka hindi pa niya nakukuha ang tiwala ni Damon at iniisip nito na baka magnakaw siya.
Pero bakit niya ako hinahayaang maglabas-masok sa silid niya? Nag-o-overthink ka lang, Phoenix. Masyado ka lang nagpapaapekto sa guwapong nilalang na umaaligid sa 'yo. Huwag mo na lang siyang pansinin. Masungit siya, masama ang ugali niya. Iyon ang lagi mong isipin kaya kailangan mo siyang iwasan.
"Gano'n na ba ako kaguwapo para matulala ka sa 'kin?" nakangising wika ni Damon dahilan para matauhan si Phoenix. Hindi niya namalayan ang ginawa nitong paglapit sa kanya. Ipinilig niya ang kanyang ulo bago nagtaas ng tingin sa mukha ng binata na kasalukuyang nakatitig sa kanya.
"Huwag ka ngang lumapit. Feeling close ka na naman," masungit na wika niya rito dahilan para tumaas ang kilay ni Damon. Nabura ang ngisi ng binata at mariing naglapat ang mapupulang mga labi nito.
"Sinusungitan mo ba ako? At hindi pa rin ba tayo tapos sa 'feeling close' na 'yan? Paano kung gawin ko ito?" tila nanggigigil na wika ni Damon at hindi inaasahan ni Phoenix ang sunod na ginawa ng binata. Hinapit nito ang bewang niya dahilan para magdikit ang kanilang mga katawan. Bahagya rin itong yumuko kaya sobrag lapit ng mga mukha nila sa isa't isa.
Namimilog ang mga mata ni Phoenix habang nakatingin kay Damon at bahagyang nakabukas rin ang bibig niya dahil nagulat siya sa ginawa ng binata. "Close na ba tayo nito o hindi pa? Baka gusto mong magdikit pa ang ating mga mukha? Pero mas gusto ko kung ang mga labi natin ang maglalapat," dagdag ni Damon at halos maduling na si Phoenix dahil sa sobrang lapit ng mukha nito. Bumaba ang mga mata nito sa labi niya at pansin niya ang paglunok nito bago siya mabilis na pinakawalan na ikinahinga niya nang maluwag. Sobrang bilis din ng tibok ng puso niya. Ano ang ibig niyang sabihin sa huling sinabi niya? Gusto ba niya akong halikan?
Narinig pa ni Phoenix ang mahinang pagmumura ni Damon bago ito medyo dumistansya sa kanya. Ipinagpatuloy na lang niya ang ginagawa at nang matapos siya ay walang paalam na iniwan niya si Damon sa living room kung saan siya naglilinis kanina. Sunod niyang pinuntahan ay ang mga bakanteng silid sa ikalawang palapag para iyon naman ang linisan niya. Madali lang naman ang ginagawa niya dahil kaunting walis at punas lang ay tapos na siya.
"Ano na namang ginagawa mo rito? Sinusundan mo ba ako?" kunot-noong tanong ni Phoenix kay Damon nang makitang pumasok ito sa silid na kasalukuyang nililinisan niya. Umupo ito sa kama at hindi pinansin ang mga tanong niya.
Huminga si Phoenix nang malalim bago hinarap ang binata para diretsahin ito. "Kung iniisip mong pakikialaman ko ang mga gamit dito sa bahay kaya mo ako binabantayan ay nagkakamali ka riyan. Wala akong masamang binabalak kaya hindi mo na ako kailangang bantayan at sundan," seryosong wika niya at pansin ni Phoenix ang bahagyang pamimilog ng mga mata ni Damon. Tila hindi nito inaasahan ang sinabi niya. Pero agad din itong nakabawi at agad na nagsalubong ang mga kilay ng binata. Masama siya nitong tiningnan na ikinalunok niya. Hindi nito nagustuhan ang sinabi niya.
"Huwag mo nga akong pangunahan. At wala akong iniisip na masama sa 'yo tulad ng mga sinabi mo. Ganoon ba ako kasama sa paningin mo para pag-isipan mo ako ng ganyan, huh? Hahayaan ba kitang pumasok sa silid ko kung pinag-iisipan kita ng ganyan?" seryoso at tila naiinis na wika ni Damon sa kanya.
"Sorry..." nakayukong wika ni Phoenix at narinig niya ang pagbuntong-hininga ng binata.
"Linisan mo ang kuwarto ko pagkatapos mong maglinis dito," walang emosyong utos nito bago ito tumayo at iniwan siya sa silid.
Ilang minuto pa siyang natigilan habang nakatitig sa nakasaradong pinto na nilabasan ni Damon. Sobrang bigat ng pakiramdam sa dibdib niya dahil nagalit yata sa kanya ang binata.
BINABASA MO ANG
Damon's Possession
General Fiction"Itinuring na kitang akin buhat noong una kitang masilayan. At ngayong nasa mga bisig na kita, wala ka nang magiging kawala pa dahil akin ka lang. Lagi mong tatandaan na pagmamay-ari ng isang Damon Salvador ang isang Phoenix Specter. I will possess...