Chapter 13

5.1K 141 26
                                    

"GANITO na lang ba tayo araw-araw? Halos dalawang buwan na akong naninilbihan dito sa malaking bahay pero hanggang ngayon sobrang gulo at kalat mo pa rin sa kuwarto mo. Natutulog ka lang ba talaga sa gabi o baka naman may kung ano ka pang ginagawa kaya sobrang gulo ng kuwarto mo sa umaga," reklamo ni Phoenix habang sinisimulang ayusin ang magulong kuwarto ni Damon. Maaga siyang nagpunta sa silid ng binata para maglinis doon at naabutan niya itong nakahiga pa sa ibabaw ng magulo nitong kama.

"Huwag kang maingay, munting babae. Inaantok pa ako," wika ni Damon habang nakapikit ang mga mata. Hindi niya alam kung nagising lang ito dahil sa kaingayan niya o sadyang gising na ito nang pumasok siya sa silid nito.

"Umaga na kaya bumangon ka na riyan. Maaga akong uuwi at sa makalawa na ako babalik dito," wika niya dahilan para bumalikwas ito at umupo sa kama. Saglit pa siyang natigilan nang masilayan ang hubad na itaas na bahagi ng katawan ni Damon pero mabilis din siyang nag-iwas ng tingin bago pa mapansin ng binata na nakatingin siya sa katawan nito.

Hindi lang iyon ang unang beses na makita niya ang hubad na itaas na bahagi ng katawan ni Damon dahil madalas ay boxer shorts lang ang suot nito kapag natutulog. Halos araw-araw ay nagiging makasalanan ang kanyang mga mata dahil tuwing umaga ay pinupuntahan niya sa silid si Damon para gisingin ang binata at para na rin linisin at ayusin ang silid nito kaya halos-halos araw-araw niya ring nasisilayan ang kahubdan nito.

"What? Bakit ngayon ka uuwi? Bukas pa ang birthday at day off mo, 'di ba?" kunot ang noong tanong ni Damon dahilan para kumunot din ang noo niya.

"Paano mo nalamang birthday ko bukas?" nagtatakang tanong niya na ikinabilog ng mga mata ng binata. Mabilis itong nag-iwas ng tingin sa kanya at nakangiwing napakamot sa ulo.

"Ahm... narinig ko lang kay Nana Perla. Tama. Narinig ko kasi silang nag-uusap ni Ate Joy noong isang araw tungkol sa birthday mo kaya nalaman ko," nakangiwing paliwanag nito at nakumbinsi naman siya sa paliwanag ni Damon. Tila nakahinga ito nang maluwag nang tumango siya. Alam kasi ni Manang Perla at ng kanyang Tita Joy kung kailan ang kanyang kaarawan kaya nagsasabi siguro ng totoo ito.

"Ang mga magulang mo ang nagsabi kagabi na ngayon na lang ako mag-day off at sa makalawa na rin lang daw ako bumalik dahil birthday ko naman daw bukas," sagot niya sa unang tanong ni Damon.

"Sasama na lang ako sa 'yo sa pag-uwi mo," wika ni Damon na ikinataas ng kilay niya.

"At ano namang gagawin mo sa bahay namin?"

"Hihingin ang kamay mo kay Itay," mabilis na sagot ni Damon. Malawak pa siya nitong nginitian. Ano raw?

"Huh?" Baka kasi nabibingi lang siya sa sinabi nito.

"Ang sabi ko hihingin ko na ang kamay mo kay Itay. Para kasing hindi ko na kayang maghintay pa ng isa pang taon," nakangising wika nito na ikinanganga niya.

"Anong hihingin ang kamay? At bakit mo tinatawag na 'Itay' ang Itay ko? Sige na, matulog ka na ulit. Kulang ka yata sa tulog kaya kung ano-anong mga pinagsasasabi mo," wika niya na tinawanan lang ni Damon.

"Come here and give me my good morning kiss, baby..." pilyong wika nito kaya inis niya itong binato ng unan na sinalo lang nito.

"Malanding Damon-yo ka talaga!" Ibinato niya lahat dito ang unang nadampot niya sa sahig at nang hindi pa nakuntento sa ginagawang pagbato sa binata ay pinaghampas pa niya ito ng unan na tinatawanan lang ni Damon.

"Stop, munting babae. I'm not wearing anything under the blanket. Baka may sumilip. I'm fully naked, baby..." wika nito na ikinahinto niya sa paghampas ng unan kay Damon. Mabilis siyang lumayo sa binata bago ito masamang tiningnan.

Damon's PossessionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon