Chapter 23

5K 132 34
                                    

"MATAGAL pa ba? Hindi ka pa ba tapos diyan?" bakas ang pagkainip na tanong ni Damon na ikinahinga ni Phoenix nang malalim. Hindi niya alam kung ilang beses na 'yong naitanong sa kanya ng binata habang naghuhugas siya ng mga plato. Kanina pa siya bantay-sarado ni Damon mula nang lumabas pa siya sa kanyang silid.

Hinarap niya si Damon at pinigilan niya ang tumawa nang makita ang nakabusangot na mukha ng binata, bakas din ang pagkainip sa mukha nito. "Ano bang kailangan mo? Kung inaantok ka na at gusto mong matulog, bakit hindi ka pumunta sa silid mo? Magkaiba naman tayo ng kuwarto," nakataas ang kilay na wika niya kay Damon na lalong ikinasimangot nito.

"Sa kuwarto mo ako matutulog," wika nito na ikinanganga niya.

"Hindi puwede," mabilis na pagtutol niya sa gustong mangyari ni Damon nang makabawi sa sinabi nito.

Bahagyang nagsalubong ang mga kilay nito na tila hindi nagustuhan ang pagtanggi niya. Hindi na lang niya ito pinansin at muli niyang ibinalik ang atensyon sa ginagawa. Saglit itong natahimik pero hindi nagtagal ay naramdaman niya ito sa likod niya. Natigilan siya sa ginagawa nang yakapin siya ni Damon buhat sa likod. Ipinatong pa nito ang baba sa balikat niya.

"Pumayag ka na. Matutulog lang naman tayo, promise. Bukas pa naman kita aangkinin kaya makakaasa kang wala akong kapilyuhang gagawin sa 'yo," wika ni Damon na ikinalunok niya. Desidido na talaga itong angkinin siya at parang wala nang makakapigil sa gustong mangyari nito.

Ilang beses pa siyang kinumbinsi ni Damon pero ilang beses niya rin itong tinanggihan. Pero nang matapos siya sa ginagawa ay natagpuan na lang niya ang sariling nakahiga sa ibabaw ng kama nito habang katabi niya si Damon na malawak ang ngiti. Walang silbi ang mga pagtanggi niya sa binata dahil sa huli ay ang gusto pa rin nito ang nasunod. Hindi siya pumayag na sa kuwarto niya ito matulog kaya siya na lang daw ang matulog sa kuwarto nito. At wala na siyang nagawa kundi ang pagbigyan si Damon dahil hindi na siya nito pinakawalan.

"Bitawan mo nga ako. Maliligo pa ako," nakasimangot na wika niya kay Damon na mahigpit na nakayakap sa kanya.

"Huwag ka nang maligo... mabango ka pa naman, baby," wika nito at nakagat niya ang sariling labi nang amuyin ni Damon ang leeg niya. Hinalikan pa nito iyon kaya marahan niyang sinabunutan ang buhok nito bago inilayo ang mukha ng binata sa kanyang leeg. Mahina lang na tinawanan ni Damon ang ginawa niya.

"Seryoso ako, Damon," wika ni Phoenix habang masama ang tingin sa binata pero pilyo lang siya nitong nginitian.

"Seryoso rin ako, munting babae. Mabango ka pa at parang ang sarap mong kainin. Nakakatakam ang amoy mo, baby..." pilyong wika ni Damon at namilog ang kanyang mga mata nang pumatong sa katawan niya si Damon.

"Nabitin ako sa dinner, munting babae. Parang gusto kitang kainin," nakangising dagdag nito. Saglit siyang natigilan sa sinabi ni Damon pero mabilis din siyang nakabawi at malakas na itinulak ito. Bumagsak ito sa tabi niya at napuno ng malakas nitong tawa ang buong kuwarto.

"Napakapilyo mo talaga!" namumula ang mukha at inis na wika niya kay Damon bago hinampas ang dibdib nito pero hinuli lang ni Damon ang mga kamay niya. Ikinulong siya nito sa mga bisig nito at mahigpit na niyakap habang patuloy ito sa pagtawa.

"Sabay na tayong maligo, baby..." bulong nito. "Sabi ko nga hindi puwede," tumatawang dagdag nito nang samaan niya ito ng tingin.

"Pakawalan mo na ako. Pupunta na ako sa room ko."

"No, no, no... hindi mo ako maiisahan, munting babae. Tapos kapag hinayaan kitang pumunta sa kuwarto mo, pagsasaraduhan mo na naman ako ng pinto," nakangising wika nito na ikinasimangot niya dahil nabasa nito ang iniisip niya. "Stay here. Ikukuha na lang kita ng isusuot mo sa kuwarto mo at dito ka na lang maligo," dagdag nito at umalis sa kama bago lumabas ng kuwarto.

Damon's PossessionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon