NAPAPAILING at napapangiti si Phoenix habang pinanonood si Damon na nilalaro ang kapatid niyang nasa mga bisig nito. Namamayani ang halakhak nito at hagikhik ng kapatid niya sa kanilang munting bakuran kung saan sila kasalukuyang nagpapahangin. Wala siyang pasok sa school kaya napagdesisyunan niyang bisitahin ang kanyang ama at sumama sa kanya si Damon na hindi pumasok sa trabaho para lang samahan siya. At kanina pang nasa mga bisig nito ang kapatid niya na parang ayaw na nitong bitawan, tuwang-tuwa ito sa bata.
"Wala pa ba sa plano ninyo ni Damon ang magkaroon ng anak? Napapansin ko kasi na sa tuwing narito kayo ng asawa mo ay wala na siyang ibang ginawa kundi ang buhatin at laruin ang kapatid mo. Napakahilig niya sa bata," wika ng kanyang ama na nakaupo sa tabi niya at tulad niya ay nakatuon ang atensyon sa dalawa.
Bumaling si Phoenix sa ama bago sinagot ang tanong nito. "Kung si Damon po ang masusunod ay baka po may anak na kami ngayon. Nag-aaral pa po kasi ako at naiintindihan naman iyon ni Damon kahit na gustong-gusto na niyang magkaroon kami ng anak noon pa. Hindi naman po niya ako pinipilit tungkol sa bagay na iyon," sagot niya sa ama at marahan itong tumango.
"Pero kung ikaw ang tatanungin... gusto mo na rin bang magkaroon ng anak? Alam kong suportado ka ni Damon sa mga desisyon at gusto mo pero minsan ba naisip mo rin na ang gusto naman niya ang pagbigyan at suportahan mo?" muling tanong ng kanyang ama na ikinatahimik ni Phoenix. Gusto na rin ba niya?
"Kung ang pumipigil sa 'yo ay ang pag-aaral mo, magagawan iyon ng paraan ni Damon. Mahigit isang taon na kayong kasal at kahit hindi laging sabihin sa 'yo ni Damon ay masyadong halata sa mga ikinikilos niya na gustong-gusto na niyang magkaroon kayo ng anak. Tingnan mo ang asawa mo... ang sarap niyang panoorin habang buhat ang kapatid mo, hindi ba? Pero alam mo kung ano ang mas masarap sa pakiramdam habang pinanonood siya? Iyon ay kung sarili n'yo ng anak ang nasa mga bisig niya," dagdag ng kanyang ama.
"Pag-iisipan ko po, Itay," tanging naisagot niya sa kanyang ama na ikinatango nito.
"Pag-isipan mong maigi, anak. Alam kong masaya kayo sa piling ng isa't isa pero alam ko rin na mas magiging masaya kayo kapag nagkaroon ng bunga ang pagmamahalan ninyong dalawa."
Hindi nagtagal ay nagpaalam ang kanyang ama na tutulungan ang kanyang Tita Joy sa pagluluto ng kanilang magiging tanghalian kaya naiwan siyang mag-isang pinanonood si Damon na walang sawang nilalaro at kinukulit ang kapatid niya. Bumalik sa isipan niya ang mga sinabi ng kanyang ama at napag-isip-isip niyang tama lahat ng sinabi nito. Masaya at masarap panoorin si Damon habang nasa mga bisig nito ang kapatid niya pero nang isipin niyang ang anak nila ang buhat ni Damon sa mga bisig nito ay ibayong saya ang naramdaman niya. Nakaramdam din siya ng pagkasabik na masilayan at mabuhat ang magiging unang anak nilang dalawa ni Damon.
Habang nakatitig kay Damon ay muling bumalik sa isipan niya ang mahigit isang taon nilang pagsasama bilang mag-asawa. Sobrang perpekto ng pagsasamang mayroon sila at kahit minsan ay hindi pa sila nag-away ni Damon o kahit na ang magkaroon ng tampuhan. Napakamaunawain nito at madalas ay ito ang nag-a-adjust sa kanilang dalawa. Walang araw na hindi nito ipinaparamdam sa kanya kung gaano siya nito kamahal, hindi rin ito nawawalan ng oras sa kanya kahit na madalas ay abala ito sa trabaho at kahit kailan ay hindi pa siya binigo ni Damon.
Sa mahigit isang taong lumipas ay walang araw na nakalimot si Damon na sabihin at iparamdam sa kanya kung gaano siya nito kamahal. Walang araw na lumipas na hindi siya nito sinasabihan ng 'I love you' kahit na hindi niya magawang sagutin iyon dahil patuloy pa rin niyang inililihim ang tunay niyang nararamdaman kay Damon. Alam niyang napaka-unfair niya kay Damon pero kahit naman hindi niya magawang sabihin na mahal niya ito ay hindi naman siya nagkulang sa pagpaparamdam dito kung ano ang tunay niyang nararamdaman. Sabi nga nila... actions speak louder than words, at iyon ang ginagawa niya. At alam niyang nararamdaman naman iyon ni Damon.
BINABASA MO ANG
Damon's Possession
General Fiction"Itinuring na kitang akin buhat noong una kitang masilayan. At ngayong nasa mga bisig na kita, wala ka nang magiging kawala pa dahil akin ka lang. Lagi mong tatandaan na pagmamay-ari ng isang Damon Salvador ang isang Phoenix Specter. I will possess...