Chapter 33

3.7K 112 24
                                    

KIPKIP ni Phoenix ang kumot sa dibdib para takpan ang kanyang kahubdan habang impit na umiiyak nang magising siya kinabukasan. Puno ng pagsisisi at pagkamuhi siyang nakatingin kay Marco na mahimbing pang natutulog sa kanyang tabi na wala ring saplot tulad niya. Nagsisisi siya dahil sobra siyang nagtiwala rito at galit dahil sa ginawa nito sa kanya. At hindi niya akalain na magagawa iyon sa kanya ni Marco na kanyang kababata at matalik na kaibigan na halos itinuring na niyang kapatid.

Sana pala ay naniwala at nakinig siya noon kay Damon. Sana pala ay hindi siya masyadong nagtiwala kay Marco na hindi siya nito gagawan ng masama. Alam niyang may nararamdaman pa rin ito sa kanya pero hindi niya lubos akalain na aabot sa puntong pagsasamantalahan siya nito para sirain silang dalawa ni Damon. Hindi rin rason na epekto lang ng alak kaya nagawa 'yon ni Marco sa kanya dahil alam niyang nasa katinuan pa ito kahapon. Nagawa pa nga siya nitong ipagtimpla ng juice na sinamantala nitong lagyan ng kung ano dahilan para mahilo siya at makatulog idagdag pa ang kakaibang init na kanyang naramdaman. At may kutob siyang pinlano nito ang lahat.

Humigpit ang hawak ni Phoenix sa kumot at mas isiniksik niya ang sarili sa headboard ng kama nang gumalaw si Marco. Dahan-dahan itong nagmulat ng mga mata at hindi man lang ito nagulat nang makita siya na tila inaasahan na nito iyon. Bumangon ito at umupo sa kama bago siya hinarap. Tahimik lang si Marco habang nakatingin sa mukha niyang basa ng luha habang siya naman ay puno ng galit na nakatingin dito.

"May nangyari ba sa atin? Wala naman, 'di ba? Sabihin mong wala, please..." umiiyak na tanong niya kay Marco kahit na hindi na naman niya kailangang kumpirmahin pa kung totoong may nangyari sa kanila dahil hindi naman sila parehong magiging hubad sa ibabaw ng kama kung magkatabi lang silang natulog kagabi at walang ibang ginawa. Idagdag pa ang ilang pangyayari kagabi na malinaw sa isipan niya. Kung paano nito halikan ang kanyang leeg, kung paano nito haplusin ang katawan niya at kung paano nito alisin ang lahat ng saplot niya sa katawan.

"I'm sorry..." tanging sagot ni Marco na ikinahagulhol ni Phoenix. Hindi puwede... hindi niya kaya. Madumi na siya, nandidiri na siya sa sarili niya.

Hindi niya kayang isipin na may ibang lalaking nakaangkin sa katawan niya bukod sa kanyang asawa. At hindi niya alam kung may mukha pa ba siyang maihaharap kay Damon dahil nagkasala siya. Kung noon ay pakiramdam niya na hindi siya karapat-dapat kay Damon dahil sa estado ng pamumuhay niya, mas lalong pakiramdam niya ngayon ay hindi siya karapat-dapat kay Damon dahil madumi na siya.

"Huwag mo akong hawakan," puno ng pagkamuhing wika niya nang tangka siyang hahawakan ni Marco.

"Nix..." mababa ang tono ng boses na wika nito at huminga nang malalim.

"Bakit? Bakit mo ito nagawa sa akin, Marco? Pinagkatiwalaan kita dahil kababata at matalik kitang kaibigan. Itinuring na rin kitang parang isang kapatid. Ikaw ang kahuli-hulihang taong inaasahan kong gagawa ng masama sa akin pero nagkamali pala ako. Akala ko kilala na kita dahil kababata at matalik kitang kaibigan pero mali pala ako. Tulad ka rin pala ng iba na nasa loob ang kulo. Ang sama mo... ang sama-sama mo," umiiyak na wika ni Phoenix at bakas ang sakit at galit sa boses niya na ikinatungo ni Marco.

"Im sorry, Nix. Mahal na mahal lang kita kaya ko nagawa 'yon sa 'yo."

"Hindi mo ako totoong mahal dahil nakaya mong gawan ako ng masama, Marco. Makasarili ka. Mas pinili mo ang gumawa ng masama at sirain ang iba para sa kagustuhan mong mapunta ako sa 'yo. Sa tingin mo ba kung magtagumpay ka mang sirain kaming dalawa ni Damon ay magiging sa 'yo ako? Hindi, Marco, hindi... Kung totoong mahal mo ako dapat hinayaan mo na lang akong maging masaya sa piling ng taong mahal ko," humahagulhol na wika ni Phoenix. Walang naging sagot sa kanya si Marco at tanging narinig lang niya ay ang pagbuntong-hininga nito. Hindi rin siya nito magawang tingnan sa mga mata. Hinayaan lang siya nitong umiyak hanggang sa medyo kumalma siya.

Damon's PossessionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon