Chapter 19

5K 134 32
                                    

"CONGRATULATIONS, baby!" malawak ang ngiting wika ni Damon bago mahigpit na niyakap si Phoenix. Mabilis niya rin itong ninakawan ng halik sa labi kaya sinamaan siya nito ng tingin. Tumingin ito sa paligid nila at tila nakahinga ito nang maluwag nang makitang walang nakapansin sa ginawa niyang paghalik dito. Muli siya nitong tiningnan nang masama pero kinindatan niya lang ang dalaga at malawak na nginitian.

Kasalukuyan siyang nasa school na pinapasukan ni Phoenix para dumalo ng graduation ng dalaga. Iniwan niya ang kanyang trabaho para puntahan si Phoenix kahit na marami siyang ginagawa, babalikan na lang niya ang ginagawa mamaya. Hindi niya puwedeng palampasin ang mga mahahalagang araw para sa babaeng mahal niya. Gusto niya ay lagi siyang kasama ni Phoenix sa mga masasaya at mahahalagang araw para rito, siyempre pati na rin sa mga araw na kailangan nito ng karamay. Sa hirap at ginhawa ay sasamahan niya ito.

"Anong ginagawa mo rito? Akala ko busy ka?" nakataas ang isang kilay na tanong nito.

Nagpaalam siya kanina kay Phoenix na baka hindi siya makapunta sa graduation nito dahil marami siyang gagawing trabaho. Pero hindi rin siya nakatiis dahil hindi mawala sa isip niya ang dalaga kaya tumakas siya sa kanyang Dad na katulad niya ay abala rin kaya hindi napansin ang pag-alis niya.

"Tumakas lang ako kay Dad kaya saglit lang ako rito, baby," nakangiwing pag-amin niya na ikinanganga ni Phoenix.

"Baliw ka ba? Mapapagalitan ka ng Daddy mo," sermon nito sa kanya na mas lalong ikinangiwi niya.

"Matagal na akong baliw sa 'yo, munting babae. Hayaan mo si Dad. Ako na ang bahalang harapin siya mamaya," wika niya na ikinailing ni Phoenix.

"Congratulations, Nix! Graduate na tayo!" masayang wika ni Marco na bigla na lang sumulpot sa tabi nila at nagsalubong ang mga kilay ni Damon nang yakapin nito si Phoenix.

"Salamat, Marco. Congrats din sa 'yo," malawak ang ngiting wika ni Phoenix sa kababata at napasimangot siya nang gantihan nito ang yakap ni Marco. Nginisian pa siya ni Marco na tila inaasar siya dahilan para umigting ang kanyang panga. Itinaas niya ang kanyang nakakuyom na kamao at ipinakita iyon kay Marco para takutin ito pero dinilaan lang siya nito na parang batang nang-aasar. Hindi naman nakikita ni Phoenix ang ginagawa niya dahil nakatalikod ito sa kanya habang yakap ang asungot na kutong-lupang karibal niya.

"Ahem!" malakas na pagtikhim ni Damon kaya mabilis na kumalas si Phoenix sa yakapan ng mga ito. Sinamaan niya ito ng tingin at marahang hinila palapit sa kanya bago inakbayan. "Nagseselos ako, munting babae," bulong niya sapat lang para marinig ni Phoenix bago masamang tiningnan si Marco.

"Fuck off, kutong-lupa! Girlfriend ko na si Phoenix kaya wala ka nang pag-asa sa kanya," seryosong wika niya kay Marco pero nginisian lang siya nito. Hindi niya pinansin ang gulat na ekspresyon ni Phoenix sa sinabi niya.

"Hindi pa rin ako mawawalang pag-asa, Salvador. Asawa nga naaagaw, girlfriend pa kaya..." nakangising wika nito at sobra ang pagtitimpi niyang huwag bangasan ang mukha ni Marco. Ayaw niyang mag-eskandalo at sirain ang mahalagang araw para sa babaeng mahal niya.

"Subukan mong agawin siya sa akin, may kalalagyan ka..." seryosong banta niya bago tinalikuran si Marco. Walang nagawa si Phoenix kundi ang sumama sa kanya dahil nakaakbay pa rin siya rito. Lumapit siya sa ama nitong katatapos lang makipag-usap at magpasalamat sa mga naging guro ni Phoenix.

"Oh, Damon, narito ka pala. Akala ko hindi ka makakarating,"  wika nito nang makita siya.

"Saglit lang po ako rito, Itay. Aalis rin po ako agad," wika niya sa ama ng dalaga na ikinatango nito.

"Salamat sa pagpunta, hijo. Baka gusto mong sumama sa amin ni Phoenix. Kakain kami sa labas ngayon, " anyaya sa kanya ng ama ni Phoenix pero mabilis niya itong tinanggihan dahil kanina pa nagba-vibrate ang cellphone niya sa bulsa. Sigurado siyang ang kanyang Dad 'yon dahil may mahalaga silang kliyente na imi-meet ngayon.

Damon's PossessionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon