"MAY gusto ka pa bang idagdag na handa para sa kaarawan mo bukas, anak?" tanong ng ama ni Phoenix at ipinakita nito sa kanya ang mga pinamili nitong ihahanda para bukas.
Naglaan sadya siya ng pera para sa kaarawan niya na ibinigay niya sa kanyang ama para ibili ng kaunting handa. Medyo nakakaluwag na sila ng kanyang ama sa pera lalo na at wala na silang inaalalang bayarin sa school dahil nabayaran na iyon ng mag-asawang Salvador. Malaking tulong rin ang nagiging suweldo niya sa pagtatrabaho sa malaking bahay sa pang-araw-araw na gastusin kaya kahit na minsan lang magkaroon ng pasok ang kanyang ama sa trabaho ay may nagagastos pa itong pera. Ang kaunting naipon niyang pera na para sana pangbayad sa school ay ibinigay niya rin sa kanyang ama na alam niyang itinabi lang nito dahil ayaw sana nito 'yong tanggapin. Sarili niya raw 'yong ipon kaya pansarili niya raw dapat iyon.
Kaya sobrang laking pasasalamat niya sa mag-asawang Salvador sapagkat dahil sa mga ito ay gumaan ang pamumuhay nilang mag-ama. Nagkaroon siya nang maayos na trabaho dahil sa mga ito at tatanawin niyang malaking utang na loob sa mag-asawang Salvador ang ginawa ng mga itong pagsagot sa bayarin niya sa school. Kahit yata habang-buhay siyang manilbihan sa mga Salvador ay gagawin niya bilang kabayaran sa utang na loob sa mga ito.
"Ayos na po ang mga 'to, Itay," sagot niya sa ama.
Kasalukuyan silang nasa maliit nilang sala. Katabi niya si Damon na wala yatang planong humiwalay sa kanya mula nang dumating sila sa bahay. Wala itong pakialam kahit na nasa harap nila ang kanyang ama na napapailing na lang kapag nakikita nitong nakasunod sa kanya si Damon kahit saan siya magpunta at kahit na anong gawin niya. Para itong aso na laging nakasunod sa amo at kahit na anong gawin niyang pagtataboy rito ay nakabuntot pa rin ito sa kanya.
"Inimbitahan mo ba ang mag-asawang Salvador na pumunta sila rito sa bahay bukas? Si Manang Perla at si Tita Joy mo na rin. Huwag mong kalilimutang imbitahan si Marco dahil tiyak na magtatampo ang batang 'yon," wika ng kanyang ama at pansin niya ang pagsimangot ni Damon nang marinig nito ang pangalan ng kababata niya na itinuturing nitong karibal sa kanya.
"Kahit naman po hindi imbitahin ang kutong-lupang 'yon ay pupunta siya rito, Itay," nakasimangot na wika ni Damon na mahinang ikinatawa ng kanyang ama. Sinamaan niya ng tingin si Damon dahil sa panibagong bansag na naman nito kay Marco.
"Noong una, tinawag mo siyang asungot tapos ngayon naman ay kutong-lupa. Kaya lagi kayong nagbabangayan dahil ikaw ang nagsisimula. Ikaw ang mas matanda pero ikaw pa ang mas isip-bata sa inyong dalawa," wika niya kay Damon at inirapan ito.
"Huwag mo nga siyang kampihan. Kaya lumalakas ang loob ng asungot na 'yon na kalabanin ako dahil kinakampihan mo siya," tila batang nagmamaktol na wika nito habang nakasimangot.
"Hindi ko siya kinakampihan. Wala rin akong pinapanigan sa inyong dalawa. Minsan ay sumusobra ka na sa pang-aalipusta kay Marco na hindi naman dapat umabot sa gano'n. Lumaban ka nang patas, hindi 'yong kung ano-anong pangit na salita ang ibinabato mo sa kanya na hindi naman niya ginagawa sa 'yo," seryosong wika niya. Walang naging imik si Damon at bahagya lang kumunot ang noo nito. Nag-iwas ito ng tingin sa kanya na ikinahinga niya nang malalim. Hindi yata nito nagustuhan ang sinabi niya dahil lumalabas na pinapanigan niya si Marco.
Ibinalik niya ang atensyon sa kanyang ama na pinanonood pala silang dalawa ni Damon habang may aliw na ngiti sa labi. Siya ang nakaramdam ng hiya dahil sa ikinikilos ni Damon sa harap ng kanyang ama. Parang hindi ito ang Damon na una niyang nakilala na masungit, laging seryoso ang mukha at tahimik.
"Naimbitahan ko na po sila, Itay. Alam naman po ni Marco na kaarawan ko bukas dahil noong isang linggo pa po niya itinatanong sa akin kung ano ang gusto kong regalo. Mas excited pa nga po yata siya kaysa sa akin sa kaarawan ko," wika niya sa ama na ikinatango nito.
BINABASA MO ANG
Damon's Possession
General Fiction"Itinuring na kitang akin buhat noong una kitang masilayan. At ngayong nasa mga bisig na kita, wala ka nang magiging kawala pa dahil akin ka lang. Lagi mong tatandaan na pagmamay-ari ng isang Damon Salvador ang isang Phoenix Specter. I will possess...