"HINDI ka pa ba uuwi? Hindi ka ba hinahanap sa inyo?" tanong ni Phoenix kay Marco habang abala siya sa pagluluto ng turon at banana cue na ibebenta niya mamaya pagkatapos niyang pumunta sa malaking bahay para kausapin ang mag-asawang Salvador.
Dumaan kahapon sa bahay ang kanyang Tita Joy at sinabing kung gusto raw niyang pumasok bilang katulong sa malaking bahay ay pumunta siya roon ngayon dahil gusto raw siyang makausap ng mag-asawang Salvador. Natuwa siya nang marinig ang magandang balitang iyon at hindi niya palalampasin ang pagkakataong 'yon dahil malaking tulong ang trabahong iniaalok ng mga ito para sa kanya lalo na sa mga bayarin niya sa school. Sa wakas, hindi na niya kakailanganin pang magbenta araw-araw ng mga kakanin at meryendang niluluto niya.
Maliit din lang naman ang kinikita niya sa pagbebenta dahil binibili pa niya ang mga gagamitin niya. Kahit ang saging na ginagawa niyang maruya, turon at banana cue ay binibili pa rin niya kaya dalawa hanggang tatlong piso lamang ang nagiging tubo niya sa isang piraso, suwerte na kung maging tatlong piso. Nagkakaroon lang siya nang medyo malaking kita kapag galing sa mga tanim na saging ng kanyang ama ang niluluto niyang turon at banana cue.
Kailangan lang niya talagang kumayod para kumita kahit maliit na halaga lang kaya siya nagtitiis sa araw-araw na pagbebenta ng mga niluluto niya. Pero kung tutuusin ay lugi pa siya sa pagod sa pagluluto at sa halos ilang oras na paglalakad para ibenta iyon. Pero dahil sadyang kasama na iyon sa ganoong klase ng hanapbuhay kaya hindi na lang niya pinapansin ang mga sakripisyo at pagod niya. Hindi bale ng pagod, basta kumita kahit maliit na halaga. At ngayon ngang may ibang trabaho na ang naghihintay sa kanya ay iiwan niya pansamantala ang kinalakihan niyang trabaho. Papasok muna siyang katulong sa malaking bahay.
"Itinataboy mo na ba ako, Nix? Nakakasakit ka naman ng damdamin. Halos araw-araw naman lagi akong narito, ah. Pero bakit ngayon pinapalayas mo na ako? Nagsasawa ka na ba sa pagmumukha ko? Guwapo naman ako, ah." pagda-drama ni Marco na ikinailing na lang ni Phoenix. Minsan talaga may sayad sa utak ang kaibigan niya.
"Ang drama mo. Nagtanong lang naman ako kung hindi ka pa ba uuwi dahil malapit na akong matapos dito sa niluluto ko. Kung ayaw mong umuwi puwes maiwan ka rito sa bahay. Bantayan mo itong bahay habang wala kami ni Itay."
"Nix, naman... Ginawa mo na akong aso niyan, eh. Sasama na lang ako sa'yo. Marami kang magiging benta dahil kasama mo ako. Sasamahan na rin kita sa bahay ng mga Salvador. Mag-a-apply din akong hardinero," wika ni Marco na mahinang ikinatawa ni Phoenix.
"Puro ka talaga kalokohan. At hindi ka pa ba parang aso sa ginagawa mo? Lagi kang nakabuntot sa akin. Kulang na lang ay dito ka na tumira sa bahay." Hinarap ni Phoenix si Marco at nahuli niya itong may kinakaing turon. "Bayaran mo 'yan," dagdag niya na tinawanan lang nito.
"Ang sarap talaga ng special turon mo," wika ni Marco habang ngumunguya. "Ipagbukod mo ulit ako ng sampung piraso. Iuuwi ko mamaya sa bahay para kay Mama at Papa," dagdag nito at kinindatan pa siya na inikutan na lang niya ng mata.
"Huwag mo na palang bayaran. 'Yan na lang ang kapalit ng perang ibinigay mo sa akin noong isang araw," wika ni Phoenix at ang tinutukoy niya ay ang perang ibinayad sa kanila noong naglinis sila sa malaking bahay ng mga Salvador. Totoong ibinigay sa kanya ni Marco ang pera at hindi ito tumigil hangga't hindi niya iyon tinatanggap.
"Ang mahal naman ng turon mo, Nix. Five hundred pesos 'yon, 'di ba?" biro pa nito na ikinailing na lang niya.
Pagkatapos niyang magluto ay saglit lang siyang nagpahinga bago siya naligo. Hindi na umalis si Marco sa bahay at kasama niya ito nang umalis siya para magtungo sa bahay ng mga Salvador. Hindi rin pala masamang lagi niyang kasama ang kaibigan dahil marami ang bumibili ng tinda niya lalo na ang mga babaeng nadadala sa pambobola nito. At isa pang maganda na kasama niya ito ay may nagdadala ng turon at banana cue niya kaya iwas siya sa pananakit at pangangalay ng braso ngayong araw. May magandang pakinabang din pala ang lagi nitong pagbuntot sa kanya. May tagadala na siya, mabilis pa ang kanyang benta.
BINABASA MO ANG
Damon's Possession
General Fiction"Itinuring na kitang akin buhat noong una kitang masilayan. At ngayong nasa mga bisig na kita, wala ka nang magiging kawala pa dahil akin ka lang. Lagi mong tatandaan na pagmamay-ari ng isang Damon Salvador ang isang Phoenix Specter. I will possess...