MABILIS na lumipas ang mga araw at parehong naging abala si Damon at Phoenix. Nagsimula nang pamahalaan ng binata ang negosyo ng pamilya nito sa San Antonio habang abala naman si Phoenix sa school dahil nagsimula na rin ang pasukan at huling taon na niya iyon sa high school.
Naging normal lang ang mga araw sa kanilang dalawa at minsan na lang siya kulitin ni Damon dahil sobrang abala nito sa trabaho. Tuwing umaga na lang din sila madalas magkita at matagal na magkasama sa tuwing sabay-sabay silang kumakain ng almusal. Madalas din ay gabi na itong umuuwi kaya halos hindi nagtatagpo ang landas nila ni Damon. At hindi niya itatanggi na nami-miss na niya ang kakulitan nito at ang laging pagdikit at pagsunod nito sa kanya na madalas nitong ginagawa noon. Tila biglang nagbago ang pakikitungo sa kanya ng binata at pakiramdam niya ay unti-unti na itong lumalayo sa kanya.
Hindi niya alam kung mabuting ganoon muna silang dalawa ni Damon para makapag-focus siya sa pag-aaral at ito naman ay sa negosyo ng mga magulang nito. Pero tila laging may mabigat na nakadagan sa dibdib niya kapag napapansin niyang tila iniiwasan siya ng binata. Napansin niyang parang sinasadya nitong gabi nang umuwi para hindi magkrus ang landas nilang dalawa.
Nakahalata siya nang minsang tanungin ito ng mga magulang nito kung bakit lagi itong late umuwi samantalang ayon sa ama nito ay wala naman silang hinahabol na oras sa trabaho kaya hindi nito kailangang mag-over time. Idinahilan lang nito sa mga magulang na busy itong pag-aralan pa ang negosyo at kailangan nitong tutukan iyon kaya ginagabi itong umuwi pero hindi siya nito magawang tingnan nang sabhin nito iyon. Iniiwasan siya ni Damon sa hindi niya malamang dahilan, sigurado siya roon.
Mula nang gabing halikan siya nito noong kaarawan niya ay pansin na niya ang pag-iiba ng pakikitungo nito sa kanya. Totoong hindi na ulit siya nito hinalikan at parang hindi nangyari ang gabing iyon para kay Damon na itinuturing niyang espesyal para sa kanya. Hindi naman sa gusto niya ulit halikan siya nito pero nagtatampo siya dahil tila wala lang kay Damon ang naganap sa kanila nang gabing iyon. Parang hindi siya nito pinagsawaang halikan na halos ubusin na nito ang labi niya sa paraan ng paghalik nito. Sana pala ay hindi na lang niya ito pinagbigyan nang gabing iyon dahil baka hindi nito nagustuhan ang namagitang halik sa kanila kaya siya nito biglang iniwasan. Baka ayaw na nito sa kanya dahil hindi siya marunong humalik.
Tatlong buwan na ang mabilis na lumipas at tatlong buwan na ring walang Damon na masungit, makulit, pilyo, malandi, nakadikit at laging sumusunod sa kanya. Parang bigla siyang nakalimutan ng binata at parang bigla siyang naging invisible sa mga mata nito. Minsan ay kung ano-anong negatibong pumapasok sa isip niya tulad ng hindi siya totoong gusto ni Damon, na lahat ng ipinaramdam at ipinakita sa kanya nito ay pawang mga pagpapanggap at kasinungalingan lamang. Parang naging parte lang siya ng laro ng isang Damon Salvador, na matapos kulitin at landiin, iiwanan at iiwasan matapos paasahin.
Pero 'yon naman ang gusto niya, 'di ba? Ang tigilan siya ni Damon sa kakulitan nito, pagiging masungit nito, ang kalandiang taglay nito at higit sa lahat ay ang ginagawa nitong pagsunod at pagbabantay sa mga kilos niya. Iyon ang gusto niyang mangyari noon pero bakit ngayon para siyang kasintahan ni Damon kung magtampo at maghinanakit dito? Bakit kung kailang tinigilan na siya ng binata ay siya naman itong hindi mapakali at laging hinahanap-hanap ang presensya nito?
"May problema ka ba, Nix?" tanong ni Marco sa kanya nang marinig ang buntong-hininga niya. Kasalukuyan silang nasa cafeteria at magkasamang kumakain. Lagi silang magkasamang dalawa lalo na pag nasa school at naghihiwalay lang sila kapag kailangan na nilang pumasok sa magkaibang klase.
"Wala, may iniisip lang ako..." mahinang sagot niya kay Marco bago ipinagpatuloy na kainin ang pagkaing binili nito para sa kanya.
Mabilis na tumakbo ang oras at magkasamang lumabas sila ni Marco para bumili ng street foods na nakapuwesto sa tapat ng school. Oras na ng uwian at uuwi na sana siya pero niyaya lang siya ni Marco na bumili ng makakain at dahil libre nito ay sumama siya. Nakaakbay pa ito sa kanya habang naglalakad sila palabas sa school at panay ang pagtawa niya dahil sa mga banat ng kaibigan.
BINABASA MO ANG
Damon's Possession
General Fiction"Itinuring na kitang akin buhat noong una kitang masilayan. At ngayong nasa mga bisig na kita, wala ka nang magiging kawala pa dahil akin ka lang. Lagi mong tatandaan na pagmamay-ari ng isang Damon Salvador ang isang Phoenix Specter. I will possess...