Chapter 4

6.1K 179 81
                                    

"PASENSYA na, anak. Pasensya na kung kailangan mong pagsabayin ang trabaho at pag-aaral mo. Pasensya na kung hindi kita nabigyan ng magandang buhay katulad ng ibang kamag-aral mo. Pasensya na kung namulat ka sa kahirapan at maagang nagbanat ng buto. Pasensya na dahil mahirap lang tayo," malungkot na wika ng ama ni Phoenix habang magkatabi silang nakaupo sa upuang gawa sa kawayan sa kanilang maliit na sala.

Pagkatapos nilang kumain ng hapunan ay kinausap niya ang ama tungkol sa trabahong iniaalok ng mag-asawang Salvador. Masaya siya dahil pumayag ang kanyang ama pero nakaramdam din siya ng lungkot dahil sa unang pagkakataon ay maghihiwalay sila nito. Maiiwan itong mag-isa sa bahay. Walang magluluto para sa kanyang ama, walang maghahanda ng pagkaing baon nito sa trabaho at walang gigising dito sa umaga kapag may pasok ito sa trabaho. Iyon ang araw-araw niyang ginagawa na sobrang mami-miss niyang gawin sa kanyang ama.

Naluluhang nginitian ni Phoenix ang ama bago niya ito mahigpit na niyakap. "Wala ka pong dapat na ihingi ng pasensya, Itay. Naiintindihan ko po lahat lalo na ang estado ng pamumuhay na mayroon po tayo. Ang mahalaga po ay magkasama tayo at kahit papaano ay nakakaraos po tayo araw-araw," wika niya habang mahigpit na yakap ang ama.

"Salamat sa pag-unawa, anak. Napakasuwerte ko talaga sa nag-iisang prinsesa ko," wika ng kanyang ama na ikinangiti ni Phoenix.

"Mas suwerte po ako dahil kayo ang naging ama ko. Mahal na mahal po kita, Itay," malawak ang ngiting wika ni Phoenix bago kumalas sa yakapan nilang mag-ama.

"Mahal na mahal din kita, anak." nakangiting sagot ng kanyang ama bago siya hinalikan sa noo. "Magpahinga ka na. Maaga ka pang pupunta sa bahay ng mga Salvador bukas. Mag-iingat ka roon, anak."

"Opo, Itay. Mabait naman po ang mag-asawang Salvador at kasama ko naman po roon si Manang Perla kaya huwag po kayong mag-alala sa akin habang naroon ako. Huwag po kayong mag-alala. May day-off naman po ako isang araw sa isang linggo. Itataon ko na lang po na wala kayong trabaho para buong araw po tayong magkasama," wika ni Phoenix na ikinangiti ng ama.

"Sige na... magpahinga ka na, anak. Magpapahinga na rin ako dahil may pasok pa ako sa trabaho bukas."

"Sige po, Itay. Goodnight po," paalam niya sa ama bago ito hinalikan sa pisngi.

Kinabukasan, maaga pa lang ay nakahanda na si Phoenix para sa pagpunta sa malaking bahay. Nakahanda na rin ang backpack niyang may lamang gamit niya. Uuwi naman siya isang beses sa isang linggo kaya may oras pa siyang kunin ang iba pa niyang mga gamit. Wala pa rin namang pasok sa school at hindi pa niya kailangan ang kanyang uniform kaya iniwan niya muna 'yon sa bahay. Kukunin na lang niya iyon kapag malapit na ang pasukan.

Nakaalis na ang ama niya patungong trabaho at hinihintay lang niyang dumaan ang kanyang Tita Joy dahil may usapan silang dito na lang siya sasabay sa pagpunta niya sa malaking bahay. Hindi naman nagtagal ay dumating ang Tita Joy niya at sinigurado niya munang naka-lock ang pinto ng bahay bago sila umalis.

"Tita Joy, puwede po ba huminging pabor? Puwede po bang pakitingnan si Itay kapag dumadaan po kayo sa bahay," wika ni Phoenix habang naglalakad sila patungo sa malaking bahay.

"Hindi mo na kailangang sabihin 'yan, hija. Halos araw-araw naman talaga akong pumupunta sa inyo noon pa. Dadalasan ko na lang ngayon dahil walang kasama ang Itay mo sa bahay. Dadalhan ko rin lagi siya ng lutong ulam sa hapon," wika ni Joy na malawak na ikinangiti ni Phoenix.

"Salamat po, Tita Joy. Kumusta po pala kayo ni Itay? Sinagot na po ba kayo?" biro ni Phoenix na ikinatawa ng kanyang Tita Joy.

"Ikaw talagang bata ka. Matalik na magkaibigan lang kami ng Itay mo," natatawang wika nito pero hindi niya iyon magawang paniwalaan ngayon.

Damon's PossessionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon