"KUNG inaakala mong matatakot ako sa mga banta mo... nagkakamali ka, Salvador. Kahit ano pang sabihin mo at kahit ano pang gawin mo hindi ko basta isusuko ang nararamdaman ko kay Nix. Kaya kong gawin ang lahat para maging akin siya kahit na ang kalabanin ka pa," seryosong wika ni Marco kay Damon.
Kanina pang palipat-lipat ang tingin ni Phoenix sa dalawang lalaki na wala yatang balak tumigil sa pagpapalitan ng mga salita. Nakahalumbaba siya habang pinanonood ang dalawa at hindi niya magawang iwanan sina Damon at Marco sa kusina dahil baka magpambuno ang mga ito. Lalo na at kanina pang masama ang tingin ng mga ito sa isa't isa na parang anumang oras ay mag-aaway ang mga ito. Kung nakamamatay lang ang masamang tingin ay baka pinaglalamayan na silang tatlo dahil kahit siya ay tinitingnan ng dalawa nang masama sa tuwing sinusubukan niyang awatin ang mga ito.
"Sinusubukan mo talaga akong asungot ka. Pero sige, gawin mo ang gusto mo at gagawin ko rin ang gusto ko. Pero oras na maging pagmamay-ari nang isa sa atin si Phoenix, tatanggap ng pagkatalo ang isa. Deal?" seryoso ring wika ni Damon.
"Deal," pagpayag ni Marco.
Nakita niya ang kakaibang ngisi ni Damon at ang kislap ng tagumpay sa mga mata nito nang pumayag si Marco sa kasunduang ginawa nito. Parang may nabuong plano sa isipan ni Damon at parang nagtagumpay agad ito sa pagpayag ng kaibigan niya. Napailing na lang siya sa naging takbo ng usapan ng dalawa.
Nagkamay sina Damon at Marco at nakahinga siya nang maluwag dahil sa wakas ay natapos na rin sa pagbabangayan ang mga ito. Pero kumunot ang kanyang noo nang hindi pa rin naghihiwalay ang kamay ng dalawa. Pansin niya rin na hindi na lang iyon basta pakikipagkamay dahil pahigpit nang pahigpit iyon. Naglalabasan ang ugat sa braso ng dalawa at parehong umiigting ang panga ng mga ito. Masama na ulit ang tingin ng mga ito sa isa't isa na ikinahinga niya nang malalim.
"Hindi ba kayo titigil?" lakas-loob na wika ni Phoenix at napalunok siyang nang bumaling ang atensyon ng dalawa sa kanya. "Wala rin namang patutunguhan ang pagbabangayan at pag-aagawan ninyo dahil wala akong papatulan sa inyong dalawa," dagdag niya na ikinanganga ng mga ito at bakas ang gulat sa mukha ng dalawa. Sa wakas ay naghiwalay ang kamay ng mga ito at parehong nakakuyom iyon nang ipatong ng dalawa sa mesa. At kinabahan siya nang magsalubong ang mga kilay ng dalawa na parang hindi ng mga ito nagustuhan ang sinabi niya.
"A-Ang ibig kong sabihin ay wala pa akong planong pumasok sa relasyon. Dahil bukod sa bata pa ako, tutuparin ko pa rin ang pangako ko kay Itay na magtatapos ako sa pag-aaral," kinakabahan at mabilis na paliwanag niya bago pa siya sugurin ng dalawa.
"Handa akong maghintay, Nix."
"Handa akong maghintay, baby," sabay na wika ng dalawa at muling nagtinginan nang masama pero agad ding ibinalik sa kanya ang atensyon.
"Ewan ko sa inyong dalawa. Tigilan n'yo ako riyan sa kabaliwan n'yo. Guguluhin n'yo lang ang tahimik kong mundo. Maghanap na lang kayo ng ibang babae."
"Pero ikaw ang gusto ko," sabay na naman na wika ng dalawa.
"Huwag mo nga akong gayahin," muling sabay na sambit ng mga ito habang masama ang tingin sa isa't isa. Napailing na lang si Phoenix sa walang katapusang bangayan ng dalawa.
"Diyan na nga kayong dalawa. Bahala na kayo kung mag-away man kayo riyan. Basta huwag lang kayong magpapatayan," wika ni Phoenix bago tumayo. Tinalikuran niya ang dalawa bago siya naglakad para lumabas sa kusina.
"Baby!"
"Nix!" sabay na pagtawag ng dalawa sa kanya na hindi na lang niya pinansin. Nagtungo siya sa living room at umupo siya sa mahabang sofa roon. Ilang segundo lang na naging tahimik ang paligid niya dahil hindi rin nagtagal ay sumunod ang dalawa sa kanya. Umupo ang mga ito sa magkabilang gilid niya na halos gawin na siyang palaman dahil sobrang dikit ng mga ito sa kanya.
BINABASA MO ANG
Damon's Possession
General Fiction"Itinuring na kitang akin buhat noong una kitang masilayan. At ngayong nasa mga bisig na kita, wala ka nang magiging kawala pa dahil akin ka lang. Lagi mong tatandaan na pagmamay-ari ng isang Damon Salvador ang isang Phoenix Specter. I will possess...