NAGISING si Damon buhat sa mahimbing na pagkakatulog nang makarinig ng pag-iyak ng bata. Naramdaman niya ang paggalaw ni Phoenix sa tabi niya na naalimpungatan din dahil sa pag-iyak ng anak nila. Akto sana itong babangon sa kama para puntahan ang kambal pero pinigilan niya ito para siya naman ang mag-asikaso sa kambal.
Halos gabi-gabi ay ganoon ang tagpo sa kanilang mag-asawa, kailangang gumising kahit dis-oras ng gabi kapag nagigising ang kambal. At sa nakalipas na tatlong buwan buhat noong isilang ang mga anak nila ay kahit papaano naman ay nasasanay na silang mag-asawa lalo sa paggising dis-oras ng gabi kapag nagugutom ang mga ito o kaya naman ay gustong magpapalit ng diaper.
Thorn at Maria ang pangalan ng kambal na hinango niya sa pagkaing turon at maruya na kinahiligan niya noong kainin na niluluto ng kanyang pinakamamahal na asawa. Huwag sanang dumating ang araw na magtanong ang kambal kung saan nila kinuha at kung paano nila naisip ang pangalan ng mga ito na walang kinalaman sa pangalan nila ni Phoenix. Dahil hindi niya alam kung paano at saan niya sisimulang ipaliwanag ang tungkol sa mahiwagang turon at maruya na silang dalawa lang ni Phoenix ang nakakaunawa.
Ideya niya iyon kaya kung sakaling magtatanong ang kambal nila tungkol sa pangalan ng mga ito ay madali siyang maituturo ni Phoenix para magpaliwanag. Hindi niya rin alam kung anong koneksyon ng turon at maruya sa pangalang Thorn at Maria, basta ang alam lang niya ay magkatunog iyon. Napailing na lang siya at napangiti dahil pati ang pangalan ng kambal ay nadamay pa sa kalokohan at kapilyuhan niya.
Hindi sila kumuha ng katulong para mag-alaga at magbantay sa mga anak nila dahil parehong gusto nila ni Phoenix na silang dalawa ang mag-alaga sa kambal hanggang sa paglaki ng mga ito. Magagawan naman nila ng paraan kung sakaling dumating ang araw na pareho silang maging abala ni Phoenix, sa muling pag-aaral nito at siya naman ay sa trabaho. Hindi rin naman nila hahayaan na mawalan sila ng oras sa kambal at lagi ay maglalaan sila ng oras sa mga ito, sa pamilya niya.
Katulong din naman nila ang kanyang mga magulang sa pag-aalaga sa mga anak nila na tuwang-tuwa noong dumating ang kambal sa buhay nila dahil sa wakas ay nagkaroon din daw ang mga ito ng apo na matagal na ng mga itong inaasam-asam. Idagdag pa na kamukhang-kamukha niya ang kambal kaya parang bumalik lang daw ang mga ito noong panahong bagong silang pa siya.
Muli siyang bumalik sa kama at humiga sa tabi ni Phoenix nang muling makatulog ang isa sa kambal. Yumakap kaagad si Phoenix sa kanya at isiniksik nito ang mukha sa kanyang dibdib na mahina niyang ikinatawa. Mas hinapit niya ang katawan nito at mahigpit itong niyakap. Hinalikan din niya ang ibabaw ng ulo ni Phoenix bago niya ipinikit ang mga mata at hindi nagtagal ay nakaramdam siya ng antok hanggang sa muli siyang tangayin niyon at muling nakatulog.
Kinabukasan, nang magising si Damon ay wala na si Phoenix sa tabi niya. Wala na rin ang kambal sa crib na nasa loob ng kuwarto nilang mag-asawa. Medyo tinanghali na siya ng gising dahil medyo napuyat siya kagabi sa ilang beses na pagbangon dahil sa bawat pag-ungot ng kambal ay kaagad siyang nagigising.
Bumangon siya sa kama at nagtungo agad sa banyo para gawin ang kadalasang ginagawa niya sa umaga. Mabilis ang bawat kilos niya at kaagad na lumabas sa kuwarto nang matapos sa ginagawa. Inaasahan ni Damon na maaabutan niya ang kanyang mag-iina sa living room pero nagtaka siya nang hindi makita roon si Phoenix. Sa halip ay naabutan niya roon ang kanyang mga magulang na nasa bisig ang kambal habang nilalaro ang mga ito.
"Good morning, Mom, Dad..." bati ni Damon sa mga magulang. Isa-isa niyang hinalikan sa noo ang kambal na ikinahagikhik ng mga ito. "Good morning din sa mga anghel ko..." bati rin niya sa kambal na ikinahagikhik ng mga ito. Malawak siyang napangiti nang may kung anong salitang binigkas ang mga ito na hindi niya maintindihan, parang binabati rin siya ng mga ito nang isang magandang umaga.
BINABASA MO ANG
Damon's Possession
General Fiction"Itinuring na kitang akin buhat noong una kitang masilayan. At ngayong nasa mga bisig na kita, wala ka nang magiging kawala pa dahil akin ka lang. Lagi mong tatandaan na pagmamay-ari ng isang Damon Salvador ang isang Phoenix Specter. I will possess...