"SUSUNDUIN ulit kita mamaya. Tawagan o i-text mo na lang ako kapag tapos na ang klase mo," wika ni Damon kay Phoenix habang nasa loob sila ng sasakyan.
Kararating lang nila sa parking lot ng school na pinapasukan niya at inihatid siya ni Damon. Pinagbuksan siya nito ng pinto ng sasakyan bago siya inalalayang bumaba. May ilang tulad niyang estudyante ang napapatingin sa gawi nila na hindi na lang niya binigyang-pansin sapagkat mula noong mga unang araw niya sa school ay agaw-atensyon na silang dalawa dahil sa mga ginagawa ni Damon kaya medyo nasanay na siya.
Si Damon kasi ang klase ng lalaki na walang pakialam sa nasa paligid nila kapag silang dalawa'y magkasama. Ginagawa nito ang gusto nitong gawin tulad ng yakapin at halikan siya kahit na alam nitong may nakatingin sa kanila. Tila sinasadya pa nitong gawin iyon lalo na kapag may lalaking nakatingin sa kanya na parang ipinaparating nitong pagmamay-ari siya nito. Ganoon din naman sa mga babae para iparating sa mga itong pagmamay-ari niya ito. Napaka-possessive ni Damon pagdating sa kanya na kulang na lang ay hindi ito umalis sa tabi niya.
Ilang linggo na nang magsimula ang pasukan at kasalukuyan siyang nasa unang taon sa kolehiyo. Hatid-sundo siya ni Damon buhat noong magsimula ang pasukan at alam sa school na pinapasukan niya na may asawa na siya, na mag-asawa sila ni Damon. Kalat na rin sa San Antonio ang balitang asawa siya ng nag-iisang anak ng mag-asawang Salvador kung kaya't kaliwa't-kanan ang mga salitang naririnig niya tungkol sa kanya, mayroong masama at mayroon din namang maganda.
Mayroong natuwa at naging masaya para sa kanilang dalawa ni Damon pero mayroon ding tumaas ang mga kilay at nainggit sa kanya lalo na ang mga taong noon pa man ay napakababa na ng tingin sa kanya. Mayroon din silang naririnig na hindi maganda tungkol sa kanilang mag-ama na hindi na lang nila pinapansin at pinapatulan. Hinayaan na lang nilang mag-ama ang mga ito sa panghuhusga hanggang sa mapagod ang mga ito. Hindi rin naman sila naaapektuhan dahil alam nila ang katotohanan. Sabi nga nila, maapektuhan ka kung totoo pero kung hindi ay balewalain mo.
Hindi na si Phoenix nagulat nang hapitin ni Damon ang kanyang bewang bago siya hinalikan sa labi. Mabilis lang ang halik na iginawad nito sa kanya at malawak ang ngiti nito matapos siyang halikan. Lalo tuloy silang nakakuha ng atensyon ng ibang mga estudyante sa parking lot dahil sa ginawa nito. Nakarinig na rin siya ng mga bulungan kaya sinamaan niya ng tingin si Damon pero mahina lang siya nitong tinawanan.
"Huwag mo na lang silang pansinin, munting babae," nakangiting wika ni Damon bago marahang hinaplos ang pisngi niya. Hinalikan siya nito sa noo at isang beses pa sa labi.
"Sige na, umalis ka na. Masyado ka nang agaw-atensyon dito," nakasimangot na wika ni Phoenix at bahagya pang itinulak si Damon palayo sa katawan niya.
"Selos ka na niyan?" natatawang wika nito at bahagyang pinisil ang magkabilang pisngi niya. "Huwag kang mag-alala dahil atensyon mo lang naman ang gusto ko," dagdag ni Damon at kinindatan pa siya. Inikutan niya lang ito ng mata na ikinatawa nito.
"Sige na, aalis na ako. Tawagan mo ako mamaya," muling wika ni Damon at muli siyang ninakawan nang mabilis na halik sa labi bago ito umikot sa sasakyan at pumasok doon. Nag-flying kiss pa ito sa kanya bago ito tuluyang pumasok sa sasakyan na mahina niyang ikinatawa. Umalis lang siya sa parking lot nang tuluyang makaalis ang sasakyan ni Damon.
Mabilis na lumipas ang oras at pagkatapos ng klase niya ay nagtungo siya agad sa parking lot para doon hintayin si Damon. Kukunin na niya sana ang cellphone sa kanyang bag para tawagan si Damon pero natigilan siya nang makita si Marco na papalapit sa puwesto niya. Iyon ang unang beses na nagtangka itong lapitan siya buhat noong nag-usap sila tungkol sa kanilang dalawa ni Damon. Umayos siya ng pagkakatayo nang tuluyang makalapit si Marco sa kanya.
BINABASA MO ANG
Damon's Possession
General Fiction"Itinuring na kitang akin buhat noong una kitang masilayan. At ngayong nasa mga bisig na kita, wala ka nang magiging kawala pa dahil akin ka lang. Lagi mong tatandaan na pagmamay-ari ng isang Damon Salvador ang isang Phoenix Specter. I will possess...