Chapter 32

4.1K 98 25
                                    

"NANDITO ka lang pala. Kanina pa kita hinahanap para ako na ang maghatid sa 'yo pauwi," wika ni Marco kay Phoenix nang makita siya nitong nag-aabang ng sasakyan sa labas ng gate ng school. Ilang araw na ang mabilis na lumipas buhat noong umalis si Damon kasama ang Dad nito para dumalo sa isang business conference kaya walang naghahatid-sundo ngayon sa kanya.

"Salamat pero maghihintay na lang ako ng tricycle, Marco. Baka makaabala pa ako sa 'yo," pagtanggi niya sa alok ng kaibigan. Bumaba pa ito ng sasakyan at tinabihan siya sa gilid ng kalsada kung saan siya naghihintay na may dumaang tricycle.

"Huwag nang makulit, Nix. Come on, ihahatid na kita," patuloy na pangungulit nito na ikinahinga niya nang malalim. Wala na siyang nagawa kundi ang sumakay sa sasakyan nito para magpahatid pauwi sa malaking bahay dahil alam niyang hindi siya nito titigilan. Isa pang dahilan ay halos kalahating oras na siyang nag-aabang ng sasakyan ay wala pang dumadaan. Kung may dumaan man ay may mga sakay na.

"Pupunta ka ba sa bahay mamaya? Magtatampo na talaga ako kapag hindi ka pumunta," wika ni Marco bago nito binuhay ang makina ng sasakyan. Kumunot naman ang noo ni Phoenix sa sinabi ng kaibigan.

"Huh? Bakit? Anong mayroon?" nagtatakang tanong niya na ikinahinga nang malalim ni Marco. Pansin niya ring bigla itong nalungkot.

"Nakalimutan mo na talaga. Dumating lang sa buhay mo ang isang Damon Salvador nakalimutan mo na ako..." puno ng hinanakit na wika ni Marco.

Pinilit niyang alalahanin kung ano ang mayroon sa araw na iyon at namilog ang kanyang mga mata nang maalalang kaarawan pala nito. Iyon ang unang beses na nakalimutan niya ang kaarawan ni Marco.

"Hala! Sorry, Marco. Nawala sa isip ko," paghingi niya ng paumanhin sa kaibigan at malungkot lang na tumango ito.

"Ayos lang," maiksing wika ni Marco na lalong ikina-guilty niya. Minsan na nga lang magtagpo ang landas nilang dalawa tapos nawala pa isip niya ang kaarawan nito.

"Pupunta ako mamaya," wika ni Phoenix para makabawi sa kaibigan. Bahala na. Magpapaalam naman siya sa kasama niya sa bahay at tatawagan na lang niya mamaya si Damon para magpaalam.

"Aasahan ko 'yan, Nix. Kahit ngayong kaarawan lang sana ay mapagbigyan mo ako. Wala kasi akong ibang kasama sa bahay dahil dumalo rin sina Mom at Dad sa business conference," wika ni Marco at tahimik lang siyang tumango.

"Salamat sa paghatid," pasasalamat ni Phoenix kay Marco nang makarating sila sa tapat ng gate ng malaking bahay. Bumaba pa ito sa sasakyan at pinagbuksan siya ng pinto.

"Susunduin kita mamaya."

"Hindi na kailangan, Marco. Ako na lang ang pupunta sa bahay n'yo," pagtanggi niya at tumango naman ito.

"Hihintayin kita. Magagalit talaga ako kapag hindi ka pumunta."

"Pupunta ako, promise..." nakangiting wika niya na ikinangiti rin nito. Hinintay niya munang makaalis ang sasakyan ni Marco bago niya binuksan ang gate at pumasok doon.

"Narito na po ako, Nana Perla," pagkuha niya sa atensyon ni Manang Perla pagpasok niya sa malaking bahay. Nadatnan niya ito sa living room, nagpapahinga at nanonood ng tv. Hapon na rin kasi kaya tapos na ang mga gawaing-bahay.

May kasama pa silang isang katulong sa bahay na umuuwi rin pagkatapos ng mga gawain at bumabalik lang kinabukasan. Kumuha ng isa pang katulong ang mag-asawang Salvador dahil hindi na bumalik sa trabaho ang kanyang Tita Joy na abala sa pag-aalaga sa kapatid niya. Idagdag pa na may edad na si Manang Perla at minsan na rin lang siya makatulong sa mga gawaing-bahay dahil nag-aaral siya.

Damon's PossessionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon