50

41 2 0
                                    


mula sa'king kinahihimlayan,
bumangon ako't munting papel diniligan.

nauupos man na kandila'y nagbabadya,
'di magpapasiil ang isang manunula.

muling sisindihan ang alab ng gasera,
ibuburda sa harapan mo ang hardin ng mga salita.

sabi nila paano nga ba maging makata?

hindi ko alam.

basta na lang akong tumagma,
at dito ko naramdaman ang isang paglaya.

ang pasensiya ko'y parang nauupos na kandila
at isang tulang malaya.

ipag-umanhin mo kung wala akong mabanggit na kasarinlan.

ngunit hayaan mo akong gumuhit.

iuukit ko ang mga salitang inililigpit.

hayaan mong kulayan ko ito ng metapora,
kung saan di ko alam kung saan papasimula.

dahil ihambing man kita sa isang idyoma,
mananatiling ikaw ang tayutay na aking paksa.

sa pluma ika'y itinalaga,
giliw ko ang tinta'y di mawawalam ng halaga.

tulad ng ibong umaawit sa himpapawid,
dinadamba ang mga alapaap ng pawid,
ikaw ang buwan na kahit kailan di ko matatawid.

ang asul na karagatang di ko masisisid
'pagkat ako'y munting bato lang sa gilid—
mabilis malagutan ng litid.

h'wag kang magmadali tumalon,
lalahok rin ako sa paliksahan ng iyong mga kaibigang alon.

ngunit asahan mo sa iyong paglunod ako'y magmamasid.

'tsaka na lang kita iaahon
kung handa ka nang humawak sa lubid ng pagbangon.

salita'y di mapaparam.

kung ang kadilima'y kumakalam,
uupo lang ako't hihilain ka sa'king sariling alam.

'pagkat di sumasagi ang salitang pamamaalam.

ain't first, ain't last Where stories live. Discover now