Kabanata 18: Mga Sulat

64 7 0
                                    

MAHALIA

Parang nanlumo ako sa narinig. Tila binagsakan ang katawan ko ng isang mabigat na bagay.

Madilim ang buong bahay at kaming dalawa lang ang nandito. Ang tanging nagbibigay-liwanag sa sala ay ang ilaw na nagmumula roon sa kuwarto niya.

"Hindi," ang tanging kumawala sa bibig ko. "Paano na 'ko Amil? Paano na tayo?" Mahina akong umiyak sa harapan niya. Parang pinupunit ang puso ko.

Gusto ko siyang hawakan. Gustong-gusto ko siyang yakapin nang mahigpit. Pero hindi ko magawa dahil sa isang harang na inilagay niya sa pagitan naming dalawa. Ilang pulgada lang ang lapit namin sa isa't isa, pero pakiramdam ko'y ang layo-layo niya pa rin.

Nakatitig siya sa 'kin, pero hindi ko mabasa kung ano'ng emosyon ang nakapinta sa mga mata niya. Nalulungkot din ba siya tulad ko? Nasasaktan din ba siya gaya ng sakit na nararamdaman ko ngayon? O wala na siyang pakialam sa akin?

"Lia.. hindi tayo magiging tama sa harap ng Panginoon kung hindi tayo maghihiwalay."

Umiling-iling ako. Ayaw kong makinig. "Pu.. puwede naman nating itama nang magkasama, 'di ba? H'wag kang umalis. Bakit kailangan mo 'kong iwan?"

Bahagya kong naaninag ang pagpatak ng isang luha sa kaniyang pisngi dahil sa kaunting liwanag na tumatama sa mukha niya.

Umiiyak ba siya? Bakit?

"Bakit mo 'ko sinasaktan nang ganito Amil? Puwede bang bumalik na tayo sa dati? Puwede bang mag-ayos na tayo?"

Lumapit ako at hindi nagdalawang-isip na idampi ang labi ko sa mga labi niya. Ito ang unang beses na ginawa ko iyon.

"Lia, umalis ka na!" Mabilis siyang umurong palayo sa akin at halos itulak ako.

Napahinto ako at napayuko. Ang sakit. Gano'n na lamang siya kung umiwas.

Hindi ko gustong isipin na lilipas ang mga buwan nang hindi ko na siya masisilayan pa. Ayaw kong pakawalan ang mga bisig na dating umaakap sa akin, at ang mga balikat niyang dati'y ginagawa kong sandalan. "H'wag mo 'kong bitiwan Amil. H'wag mo 'kong bitiwan," pagmamakaawa ko sa kaniya.

Unti-unting lumabo ang paningin ko dahil sa mga luhang kanina pa walang habas sa pagdaloy. Punong-puno ako ng mga katanungan. "Bakit sumusuko ka na nang gano'n kabilis? Bakit mo pinararamdam na wala na 'kong halaga sa 'yo? Maayos naman tayo no'ng nakaraang araw. Sabay pa tayong nangangarap at.."

Napakapit ako sa isang upuan upang suportahan ang sarili. Nakaramdam ako ng matinding panghihilo.

Pumikit ako nang ilang beses. Huminga ako nang malalim at pinakalma ang sarili. Kanina pa hindi maganda ang pakiramdam ko. Kanina ko pa pinipilit maging maayos, mapuntahan lang siya. Siguro'y gumaganti na ang katawan ko dahil sa ilang araw kong hindi pagtulog at pagkain nang tama simula nang mahuli kami.

Humigpit ang pagkakahawak ko sa upuan. Nandidilim ang paningin ko. Kahit ano mang oras ay para bang matutumba ako sa sahig.

"Amil. Sobrang sakit ng ulo ko," halos pabulong kong sabi. Nanginginig rin maging ang mga paa at tuhod ko.

Lumapit siya upang tulungan akong tumayo nang diretso. Mahigpit akong humawak sa bisig niya.

Kung puwede lang, sana'y huminto ang oras kahit saglit lang. Kahit ilang minuto lang. Gusto kong manatili sa ganitong posisyon.

Iniibig KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon