Kabanata 04: Bisikleta

230 19 13
                                    

MAHALIA

Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko, humikab, at nag-inat. Naglagay ako ng kutson sa sala at dito natulog.

Nakabukas pa rin ang lampara sa tabi ko, maging ang luma at dati naming kaseta. Ngumiti ako at nakahigang pinakinggan ang kanta, kasabay ng mahinang pagbuhos ng ulan.

♪ Ikaw ang Diyos na labis na umiibig sa akin
Ikaw ang Panginoon na kaya akong patawarin
Tulungan Mo akong makakitang muli

Alam ko ang awiting ito. Ito ang unang kantang isinulat ko gamit ang gitara na itinutugtog din namin sa Nayon ng Salomé noon.

Hinahanap na ba kaya nila 'ko? May parte sa akin na gusto nang bumalik doon, pero pinangungunahan pa rin ako ng takot.

Bukod do'n, masarap din namang mapag-isa kung minsan. Malaya ako mula sa panghuhusga ng mga tao. Puwedeng-puwede kong gawin ang mga gusto ko nang hindi na kailangan pang intindihin kung ano man ang sasabihin ng iba.

Maaari akong umiyak kahit hindi ko alam ang rason, at hindi ko kailangang magpaliwanag. Puwede akong magmuni-muni nang hindi inaalintana kung sino man ang nakatingin. Puwede akong tumawa o lumuha. Malaya akong makapag-iisip. Malaya ako mula sa ingay ng mundo.

Hindi ako makatatanggap ng mga tanong, kung ano'ng rason, o kung ano man ang nangyari. Lalo na sa mga panahong hindi ko alam kung paano 'yon sasagutin, o minsa'y wala lang talaga akong lakas upang sabihin, dahil hindi nila maiintindihan.

♪ Ikaw O Diyos ang nagbigay liwanag sa buhay ko
Ikaw O Panginoon ang nagsisilbing Ilaw nito
Tulungan Mo akong makakitang muli

Umupo ako at niyakap ang mga tuhod ko. May mga pagkakataon mang kailangan kong mapag-isa, pero hindi ibig sabihin n'on ay dapat akong magtagal o manatili sa ganitong sitwasyon.

Muli kong hiniga ang ulo ko sa aking palad at hinarap ang kisame. Bumuntong-hininga ako. Sana, unti-unti ko ring mapagtanto na hindi ko kailangang magdepende sa sarili kong mga paa, dahil hindi ko kailanman kakayanin. Hindi ko dapat hinahayaang kontrolin ako ng sarili kong mga emosyon. Kailangan ko silang labanan. Dahil kung palagi akong magpapadala sa nararamdaman ng puso ko, palagi rin akong matatalo.

"Hesus, salamat," bulong ko kasabay ng pagtulo ng isang luha.

Mahina ako. Madali akong masugatan, kahit kasisimula pa lang ng laban.

Pero habang umiiyak ako sa mga paa Mo Hesus, sinabi Mong ang lakas Mo ang tangi kong kailangan at Ikaw ang lalaban para sa akin. Kailangan ko lang magtiwala. Kailangan ko lang sundin ang kagustuhan Mo.

♪ Hindi na ako malulumbay
'Pagkat hawak ko ang 'Yong kamay
Ikaw ang Diyos na hindi ako kayang sukuan
Kaya't pangako ko'y hindi rin Kita bibitiwan

Pinagmasdan ko ang paligid. Napakurap ako ng ilang beses. Ngayon ko lang napagtantong nababalot pa rin ng dilim ang buong paligid.

Bakit hindi pa rin sumisikat ang araw? Tumayo ako at binuksan ang pinto. Sinayaw-sayaw ng hangin ang buhok ko at ang manipis kong damit.

Tiningnan ko ang oras, ala-una pa lang pala ng madaling araw. Hindi ko namalayang nakatulog pala ako kagabi pagkatapos kong maligo at maglinis ng bahay.

Kahapon ng umaga, nasa nayon pa lamang ako. At pagsapit ng alas-onse ay nakasakay na 'ko ng bus at tinatahak ang mahabang biyahe nang mag-isa. Nabulyawan pa ako ng isang drayber sa gitna ng malakas na ulan.

Ngayon, sa unang araw ko rito, ano kaya'ng una kong gagawin?

Dahil hindi na rin ako makababalik pa sa pagtulog ay minabuti ko na lang ituloy ang paglilinis ng bahay hanggang mag-alas-kuwatro ng umaga. Doon pa lang tumila ang ulan.

Iniibig KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon